#MAGANDANG DILAG
Isang malinaw na patunay ngayong kasalukuyang panahon ang pag-usbong ng
makabagong mga awitin sa ating mundo. Madalas sa mga musikang ito ay talaga nga
namang nakaiindayog at ibang-iba ang tugtugin kaysa sa mga awitin noon. Halimbawa
na lamang ng kantang ito na pinamagatang ‘Magandang Dilag’, ginagamit na rin kasi ito
ng kalalakihan upang umakyat ng ligaw sa kababaihan. Kakaiba na talaga ang estilo
ngayon ng panliligaw sapagkat kung noon ay hinaharana pa ng lalaki sa tapat ng bahay
ang babae upang hindi lamang makuha ang puso ng iniibig nila kung hindi pati na rin
ang loob ng magulang nito. Hindi rin lantad ang nilalaman ng kanilang awitin sapagkat
laging ang laman nito ay patungkol sa kung gaano nga ba talaga kalalim
ang pagmamahal ng isang lalaki sa babaeng hinaharana. Higit sa lahat, mas matrabaho
ang paraan noon ng panliligaw, sapagkat nariyan ang bulaklak at mga instrumentong
gagamitin sa pag-awit. Ngayon, wala nang bakas ng panghaharanang makikita saan man
bagkus, idinaraan na lamang ito sa pag-aalay ng musika sa babaeng natitipuhan ng lalaki
o hindi kaya ay pinaririnig na lamang sa kanila ang mga musika tungkol sa pag-ibig.
Madalas nga ay hindi na nila idinadaan talaga sa mga awitin sapagkat nariyan naman
ang bulaklak, tsokolate, o anumang produkto na talagang magugustuhan at sukat sa
panlasa ng kababaihan.
Sa kabilang banda, maaaring ipinababatid sa mga nakaaalam ng musikang ito ang
kabiguan sa pag-ibig. Ika nga sa liriko ng kantang ito, “Tinatanaw-tanaw kita. Para bang
isang tala. Sa gitna ng kalawakan,” malimit na sumusulyap lamang at nagnanakaw-tingin
ang lalaki sa iniibig niyang babae. Tulad ng isang tala, malabong maabot niya ang
babaeng pinapangarap kung kaya naman, idinaraan na lamang ito sa pagtanaw mula sa
malayo. Sa linyang ito, inaamin ko na ako ay nakauugnay rin. Marami kasi sa atin ang
mayroong ginustong tao ngunit madalas ay mas malabo pa sa mga mata natin ang
katotohanang hindi natin sila kailanman makakapiling. Kaya naman, madalas ay
idinaraan ko na lamang sa pakikinig ng mga musika upang mabawasan ang mabigat na
nararamdaman ko sa tuwina.
Isa pang punto sa awiting ito, mahihinuha sa lirikong “Kahit na pilitin pang
umiwas -iwas sa ‘yo. Paikot-ikot ka dito sa isipan ko.” Talagang bigo sa pag-ibig ang
lalaki sapagkat kahit na anong pag-iwas pa ang gawin niya ay hindi pa rin niya ito
nagagawang malimutan. Mahirap nga naman talaga ang malagay ka sa ganitong
sitwasyon lalo pa at kung alam mo sa sarili mo na hindi ka mabibigyan ng pagtingin ng
agos 43
#MAGANDANG DILAG
iyong iniibig. Tiyak kong marami sa atin ang nakaranas na ng ganitong pakiramdam at
hindi magawang makaahon sa loob ng mahabang panahon. Ang pagtanggap at
pagmamahal pa rin sa sarili ay dapat na pinapairal upang tayo ay maghilom.
Tunay na ang nilalaman ng awiting ‘Magandang Dilag’ ay isang manipestasyon
ng makabagong kultura sa ating bansa. Kung mapapansin, nagkaroon na ngayon ng
kani-kaniyang mga pamantayan ang bawat mamamayan sa lipunan. Madalas, kung ano
ang popular, nauuso, o sumisikat ay tinatanggap nila nang tinatanggap upang
makasabay lamang. Hindi iniisip kung ano ang posibleng maging epekto nito sa lipunan
basta makasabay na lamang sa pagbabago ng mundo. Hindi naman masama ang
matutong sumabay sa patuloy na pagbabagong inihahain ng mundo ngunit, dapat pa
ring pakatandaan ang aral ng nakaraan. Dapat nating tandaan na lagi at laging mayroong
malaking ambag ang nakaraan sa pagpapalaganap ngayon ng mga nauuso. Subalit, hindi
ko rin naman sinasabi na tayo ay sumunod sa kung ano man ang popular sapagkat hindi
naman lahat ay may mabuting dulot sa ating buhay. Mas mainam pa rin na tayo ay
maging mapanuri at mulat sa pagtanggap ng pagbabago sa kasalukuyang panahon.
Kung matatandaan, naging patok din sa mga Pilipino ang pakikinig sa mga
awiting may sekswal na nilalaman gaya ng Neneng B. ni Nik Makino, Ngayong Gabi ni
Al James, at marami pang iba. Bagaman at hindi katulad ng Magandang Dilag ni JM
Bales, pumatok pa rin ang awiting ito para sa marami, sapagkat ang laman nito ay puro
papuri sa panlabas na anyo o kagandahan ng isang binibini. Higit ano pa man, isang
parangal para sa akin ang malaman na marami pa ring bilang ng mga Pilipino ang patuloy
na tumatangkilik sa mga lokal nating awitin.
Maaaring taliwas ang aking saloobin sa opinyon ng nakararami ukol sa sikat na
awiting ito. Dahil kasi sa nakaiindayog at buhay nitong tono ay mabilis na nagugustuhan
ito ng mamamayan. Nakalilikha pa nga ang iba ng sarili nilang dance steps ng ilang mga
lokal na musika at pinapaskil ito sa iba’t ibang social media platform upang mapansin at
gayahin din ng ilang netizens.
Nakatutuwang isipin na sa paglipas ng panahon, patuloy pa rin na nagbabago
ang estado at estilo ng ating kultura. Kung noon, idinaraan ang bawat bagay sa paraang
tradisyunal, ngayon ay puro nakatuon na tayo sa modernisasyon. Pati ang bawat himig
at ritmo ng mga tugtugin ay talagang nag-iiba. Higit lalo, nagiging lantad at literal na rin
agos 44
#MAGANDANG DILAG
ang mga liriko ng ibang musika sapagkat mas madali itong nauunawaan ng mga
tagapakinig kung mabababaw na salita ang nilalaman nito.
Bilang isang guro sa hinaharap, ang pagpapaunawa ng nilalaman ng mga sikat na
awitin sa ating lipunan ay isasama ko sa magiging talakayan sa klase. Sapagkat patuloy
na nagbabago ang sibilisasyon at marami na ang sumusunod sa kung ano ang nauuso,
maaaring makisabay na rin tayo ngunit dapat na alamin ang limitasyon. Walang masama
sa pagtangkilik ng awiting may sekswal na nilalaman dahil hindi naman natin mapipigilan
ang mga mang-aawit na huwag itong ilabas sa midya. Bagkus, imulat natin ang kabataan
na huwag tularan o gawin ang kanilang mga nakikita, naririnig, o nababasa sa social
media sites dahil masyado pang maaga upang tumuklas ng mga bagay na hindi naman
akma para sa kanilang gulang.
Ngayong marami na ang umuusbong na panitikan sa kasalukuyan, madalas na
tayo ay nakararamdam ng kasiyahan at kagalakan sapagkat patunay ito na tayo ay
mayaman sa panitikan. Marami sa mga nauusong ito ang ating tinatangkilik gaya na
lamang sa industriya ng musika. Totoo na maraming dulot ang pakikinig natin ng musika
mula sa iba’t ibang mang-aawit sapagkat nakatutulong ito sa pagpapagaan ng ating
pakiramdam. Ngunit, paalala lamang, dapat pa rin nating pakatatandaan na hindi lahat
ay dapat tanggapin, lalo na kung wala naman itong magandang dulot sa anumang
aspekto ng ating buhay.
agos 45
MGA SANGGUNIAN
Answer contributors. “JM Bales age and wikipedia: facts to know about.” Answer, 7 Mar.
2021, https://ans-wer.com/jm-bales-age/
AZLyrics contributors. “Magandang dilag” JM Bales lyrics, 2020,
https://www.azlyrics.com/lyrics/jmbales/magandangdilag.html
Bales, JM. “Magandang dilag.” Single, ABS-CBN Film Productions, Inc./Star Songs, 5 Jan.
2020, https://www.youtube.com/watch?v=eyLDIBJpKRA
Encyclopedia contributors. “Kahulugan ng maganda (ano ito, konsepto at kahulugan).”
Encyclopedia-titanica, May 2021, https://tl.encyclopedia-titanica.com/significado-de-
guapa
GMA contributors. “On 'Magandang Dilag,' the fun song played during the Miss U Philippines
finals swimwear romp.” GMA News Online, 28 Oct. 2020,
https://www.gmanetwork.com/news/lifestyle/hobbiesandactivities/761756/on-
magandang-dilag-the-fun-song-played-during-the-miss-u-philippines-finals-
swimwear-romp/story/
Tagaloglang contributors. “Dilag.” Tagalog-English Dictionary, 7 Feb. 2021,
https://www.tagaloglang.com/dilag/
Tiangsin, A. “How ‘Neneng B’ Reflects Women in the Music Industry.” TomasinoWeb, 21
Nov. 2019, https://tomasinoweb.org/blogs/how-neneng-b-reflects-women-in-the-
music-industry/
Wordhippo contributors. “What does dilag means in Filipino?” Wordhippo, 2021,
https://www.wordhippo.com/what-is/the-meaning-of/filipino-word-
c43c7e42f01ae35bc8d808cce20bd1d99fe08e21.html
agos 46
Netflix: Aplikasyong Pangmasa o
para sa may kaya?
Ni: Nikka Sadsad
Taong 1997 nang magkaroon ng ideya sa pagpaplano at pagbuo ng Netflix si Reed
Hastings at Marc Randolph ngunit opisyal itong inilunsad noong 1998. Sa simula ng
pagpapalaganap at pagpapalawak ng pag-usbong ng Netflix, tila hindi gaanong
binibigyang pansin ang kinikita sapagkat hindi mahigpit ang pagpapataw ng mga 'late
fees' at hindi uso ang mga due dates noon. Hindi angat ang konsepto ng komersyalismo
sapagkat prayoridad na makilala ang aplikasyon sa mababang halaga at walang higpit
sa pagbabayad. Gayunpaman, tunay na sa paglipas ng panahon ay nagbago at patuloy
ang pagtaas ng interes ng mga tao sa pagtangkilik ng mga aplikasyon na
makapagbibigay kaligayahan sa kanilang mga sarili at tutugon sa kanilang mga interes.
Ang taong 2005 ang naging hudyat ng paglago ng mga mamamayan na nagkakaroon
ng akses at nagiging miyembro ng Netflix ngunit sa kasalukuyang taon, isang malakihan
at matinding pagyabong ng miyembro ang naganap sapagkat tinatayang nasa 200
milyong mga tao na sa buong mundo ang tumatangkilik sa Netflix. Kasabay ng pagdami
ng taong tumatangkilik ay ang pagtaas at paghihigpit sa sistema ng bayaran nito.
Nililimitahan ang mga may akses sa pagpapahiram ng kanilang mga account at
mayroong malinaw na pagkakaiba sa pagbibigay ng serbisyo ang Netflix sa kung
magkano ang kayang bayaran ng isang taong nais tumangkilik nito.
Kaugnay nito, nahahati ito sa apat: Mobile, Standard, Basic at Premium. Hindi ba’t
malinaw na pahiwatig ito na mayroong dibisyon ang isang lipunan? Na sa kahit na anong
aspeto ay naroon ang konsepto ng tatsulok. Kung nasasadlak ka sa kahirapan ay hindi
mo na ipagaatubili na magkaroon ng akses kahit sa pinakamababang serbisyong
hinahain nito dahil mas uunahin mo ang pagkamit sa iyong mga pangunahing
agos 47
#NETFLIX
pangangailangan. Mananaig ang kasabihang “Pangangailangan bago Kagustuhan” at
hindi mo rin siguro mararanasan ang nauusong kataga na “Netflix and Chill” kung
uunahin mo itong tugunan. May Netflix nga, kumakalam naman ang sikmura. Sa
kabilang banda ito ay isang kataga lamang para sa mayayamang uri na walang ibang
iniisip kung paano nila paiikutin ang kanilang mga pera. Kung ating titignan, ang mga
konseptong ito ay para sa mga nasa “gitnang uri” at ito ay ang katagang “Netflix at
Panandaliang Chill” dahil sadyang ang panonood sa Netflix ay panandaliang takas sa
mga responsibilidad na dapat nating tugunan upang punan ang tunay na
pangangailangan ng buhay.
Marami rin sa mga manonood ang madalas na ikumpara ang buhay nila sa mga
napanood. Ayon kay Kelson, nagkakaroon daw ng “Netflix Effect” ang mga tao na kung
saan naiiba na ang oras ng kanilang mga dapat na ginagawa sapagkat naibubuhos na sa
panonood ng Netflix. Ang pahinga sana bilang panonood ay nagiging adiksyon na ng
mga tao sapagkat hindi nila hinahayaan ang kanilang mga sarili na mabitin sa kanilang
panonood na nagiging sanhi rin ng kanilang pagtaba, pagkatamad at pagka-udlot ng
mga bagay na mas mahalaga kaysa sa kanilang panonood. Salamin lamang ito na
talagang nahuhumaling ang mga tao sa mga ganitong aplikasyon sapagkat
nakapagbibigay ito ng libangan na tumutugon sa iba’t ibang interes ng mga tao.
Bagamat ang streaming media ay hindi hudyat sa pagtatapos ng telebisyon, kapansin-
pansin pa rin na naging paraan ito upang magkaroon ng pagbabago kung paano ito
tignan sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Isa rin sa naging pagbabago ay ang pagkakaroon
ng pagtingin na mas madali itong ma-akses na nagdudulot ng isang mas cohesive na
global na madla.
Likas na siguro sa mga tao ang nais makasabay sa uso upang hindi mapag-iwanan
ng panahon. Kaya pinipilit nilang magkaroon ng akses sa mga ganitong uso, ito rin kasi
ang nagsisilbing kasangkapan nila upang mapabilang sa lipunan na kanilang
ginagalawan. Hindi na siguro iba sa karamihan na mayroong ganitong plataporma na
naging lunsaran ng iba’t ibang genre ng mga pelikula, dokumentaryo, konsyerto, reality
show, anime at marami pang iba. Mas pipiliin na siguro ng mga mamamayan na manood
sa kani-kaniyang tahanan lalo na’t may akses sa internet at Netflix sapagkat sa kahit na
anong oras ay kaya mo itong panoorin ng paulit-ulit kaysa sinehan na isang beses mo
lang mapapanood. Bagamat may mga pagkakataon na hindi sabay sa araw ng
agos 48
#NETFLIX
pagpapalabas sa Sinehan ang pagkakaroon ng akses sa Netflix, ay hindi maikakaila na
malaki ang posibilidad na maging ang ganitong feature ay masakop at mabili na ng
Netflix sa hinaharap. Mula DVD, Sinehan at Youtube, tunay na namayagpag at nanguna
ang gamit ng Netflix lalo na ngayong panahon ng pandemya na napahinto ang galaw ng
mga sinehan lalo na ang produksyon ng mga pelikula kaya kung naghahanap ka ng
libangan sa panonood, talaga nga namang Netflix ang hahanap-hanapin at kakapitan
mo.
Maaring ihalintulad ang mga series sa Netflix sa Teleserye na napapanood natin
tuwing hapon at gabi sa iba’t ibang istasyon sa telebisyon. Hindi man nito lubos na
kapareho ang mga tema, usapin at paksa ng istorya, kapansin-pansin ang parehong
pamamalakad dito. Pasok ang konsepto ng pambibitin upang mapa-isip at abangan ng
mga tagusubaybay kung ano ang maaring mangyari sa kadugtong nitong mga episode
at season. Tampok din sa Netflix ang pagkakaroon ng imitasyon sa mga pelikula katulad
na lamang ng sikat na palabas na “A Love so Beautiful” ng Tsina kung saan mayroon na
rin ang bansang Korea. Sa kabilang banda tampok na tampok din sa Netflix ang
pagkakaroon ng reproduksyon. Mula sa mga tanyag na libro ay magkakaroon ito ng
isang bagong likhang palabas katulad na lamang ng To All The Boys I’ve Loved Before,
P.S I Love You at Always and Forever na magkakarugtong ang istorya. Isa pa rito ay ang
Bridgerton na naging sikat sa Netflix simula pa noong Disyembre 2020 hanggang
ngayon na kamakailan lamang ay nagkaroon ng anunsyo na siguradong magkakaroon
pa ng dalawang season nito.
Sa mga nabanggit na halimbawa ay walang tanyag na palabas mula sa Pilipinas.
Dahil ba hindi gaanong tinatangkilik ang mga gawang Pinoy? O dahil may ibang
plataporma ang Pilipinas sa pagpapalabas ng pelikula? Sa kadahilanang may mga
pelikulang pinoy ang hindi gaanong tinangkilik ng madla, Kung kaya binibenta na
lamang ito sa murang halaga maipasok lamang sa mga maaring panuorin sa mundo ng
Netflix. Halimbawa na lang ang pelikulang “Through Night and Day” nina Alessandra
De Rossi at Paolo Contis noong 2018, hindi ito naging maingay sapagkat hindi
tinangkilik ng masa ngunit noong nakaraang taon, buwan ng Hulyo ay isa ang pelikulang
ito sa naging paborito ng mga tagasubaybay sa Netflix. Sa katunayan, naging una ito sa
listahan ng mga pelikulang nag-trending. Ilan pa rito ay ang “Pamilya Ordinaryo” na
noong taong 2016 pa ipinalabas ngunit taong 2020 lang din naging hitik sa madla kahit
agos 49
#NETFLIX
sandamakmak pang mga parangal ang nakamit ng pelikulang ito noon. Pinangunahan
ito ng produksyon ng Cinemalaya at pinagbidahan nina Hasmin Kilip at Ronwaldo
Martin. Sa ganitong tema ng mga pelikula, makikita ang mga huwad na katotohanan at
mga isyung panlipunan na dapat tugunan. Tila isang lunsaran na rin ang nga ganitong
plataporma at aplikasyon upang mamulat ang mga tao sa reyalidad.
Isa ang netflix sa nagpapatunay na buhay at mayabong ang ating kultura. Ang
pagtangkilik ng mga tao sa ganitong klaseng midya ay may kaugnayan kung paano
madaling naisasalin ang kultura sa mga tao sa iba’t ibang lugar. Tunay ngang hindi natin
masusukat ang kabuuang epekto ng mga serbisyo tulad ng Netflix sa tradisyunal na
midya, ngunit walang duda na ito ay naging bahagi na ng kultura sa buong mundo, at
binago nito ang paraan kung paano tayo lumilikha at tumatanggap ng mga nilalamang
pang midya.
Ang paglago ng Netflix ay tila walang katapusan. Kasabay ng paglaganap nito ay
ang patuloy din na pagyabong ng kultura; hindi lamang ang kultura mula sa isang bahagi
ng mundo ang kumalat sa iba’t ibang bahagi, ngunit pati na rin ang kultura mismo na
nabuo sa internet, na nagmamarka ng pagsasaling-kultura mula sa mga personal na
pakikipag-ugnayan sa pagitan ng mga tao saan mang sulok ng mundo. Ang hamon ay
hindi ang patuloy na paglaganap ng Netflix; ang hamon ay patungkol sa kung paano
natin tinatanggap at nilalapat ito sa ating kultura.
Sa ganitong pagpapalagay, marami ng napanood ang mga Pilipino na mga pelikulang
lagi na lamang tungkol sa pag-ibig, agawan ng asawa, pang-aapi sa bida at pagbabawi
nito sa huling bahagi ng kuwento. Kaya naman nagkakaroon ng pagbabago sa pagtingin
sa lipunan at mayroon na rin hinahanap na ibang timpla ang mga manonood kaya nila
tinatangkilik ang mga uri ng palabas katulad ng K-Drama. May istorya at kadalasang
hindi nahuhulaan ang mga susunod pa na pangyayari. May ibang atake, pagtugon at
hindi paulit-ulit na mga eksena upang mapatagal ang istorya. Kaya ngayong humaharap
tayo sa globalisasyon, na nasa mukha ng Netflix na siyang pangunahing lunsaran ng
mga palabas mula sa iba’t ibang bansa, maging matalino sana tayo sa pagtuklas at
panunuri. Maraming palabas ang hindi basta-basta binuo. Mga palabas na mapagmulat
at sumasalamin sa kultura at gawi ng isang bansa.
agos 50
MGA SANGGUNIAN
Caña, Paul John. “‘Through Night And Day’ Review: Second Lease of Life for This Big
Screen Rom-Com with an Even Bigger Heart.” NME. N.p., 17 Aug. 2020. Web. 16
May 2021.
Kelson, Kam. “Netflix and Its Impact on Society.” Medium.Com, 4 Dec. 2017,
medium.com/@10805833/netflix-and-its-impact-on-society-8357bcb96a22.
Ortiz, Steffano. "Binging During Quarantine: Pamilya Ordinaryo." Film Development
Council of the Philippines. 30 July 2020. Web. 20 May 2021.
“Stories Move Us.They Make Us Feel More Emotion, See New Perspectives, and Bring
Us Closer to Each Other.” About Netflix. Web. 20 May 2021.
<https://about.netflix.com/en>.
agos 51
Plantito’s Plantitas: Pagpapalalim ng Agwat sa
pagitan ng mga Hirarkiya sa Lipunan
Ni: Leverose Santos
Sa pagpasok ng taong 2020, naharap ang buong mundo sa pandemyang dulot
ng Covid-19 na itinuturing bilang isang pinakamalalang krisis-pangkalusugan magmula
noong ikalawang digmaang pandaigdig. Isa ang bansang Pilipinas sa lubos na
naapektuhan nito at agad ring nagpatupad ng mga hakbang at paghihigpit ang gobyerno
upang maiwasan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit. Kabilang dito
ang enhanced community quarantine (ECQ), social distancing, at lockdown. Sa
madaling sabi, nililimitahan nito ang paglabas sa pampublikong lugar at pisikal na
pakikisalamuha sa ibang tao upang maiwasan ang hawaan. Naging bahagi na rin ng
pang-araw-araw ang pagsusuot ng face mask at face shield, at pagdadala ng alcohol sa
tuwing lumalabas ng bahay. Malaki ang epekto na idinulot nito sa kinagisnang
pamumuhay ng mga tao. Naapektuhan nito hindi lamang ang sektor ng kalusugan, kundi
maging ng ekonomiya at higit sa lahat ng edukasyon. Dahil dito, sa birtwal na espasyo
na lamang nagkakaroon ng pagkakataon ang bawat isa na magkaroon ng komunikasyon
sa isa’t isa.
Ang halos anim na buwang pamamalagi sa loob ng tahanan, hanggang sa
kasalukuyan, ay nagdulot sa mga mamamayang Pilipino ng matinding pagkabagot at
pagkayamot at ito ang nag-udyok sa kanila upang humanap ng mga libangang maaari
nilang gawin sa loob ng kani-kanilang mga tahanan. Upang maibsan ito, naging babad
ang mga Pilipino sa paggamit ng social media katulad ng Facebook, Youtube, TikTok, at
marami pang iba bilang pampalipas oras. Ngunit sa kabila ng lahat ng mga ito, isa sa
talagang namayagpag at naging patok na libangan ng mga Pilipino sa gitna ng pandemya
agos 52
#PLANTITOS PLANTITAS
ay ang pinaganda at pinasosyal na bersiyon ng paghahalaman, ang pagiging plantito at
plantita.
Maituturing na neolohismo ang salitang “plantita” at “plantito”. Ang
terminolohiyang ito ay bunga ng kombinasyon ng salitang Ingles na “plant” na
nangangahulugang halaman at “tita” o “tito” na salitang Filipino. Ito ang bansag sa mga
babae, at maging lalake, na hilig ang mangolekta ng iba’t ibang halaman at naglalaan ng
panahon, puhunan, at dedikasyon sa pag-aalaga nito. Una nating narinig ang salitang
ito noong taong 2018, sa isang artikulong inilabas ng ABS-CBN. Dito ay itinampok nila
ang isang personalidad na si Aubrey Miles at tinawag na “certified plantita” dahil sa
kanyang pambihirang koleksiyon ng iba’t ibang halaman sa loob ng kanilang tahanan.
Gayunpaman, posibleng mayroon pang mga naunang gumamit ng salitang ito ngunit
maaari nating iugnay ang pag-usbong ng termino sa paggamit ng mga news outlets,
mga magazine na nagtatampok ng pamumuhay, at mga blog. Ngunit sa kabila ng
napakaraming salita, bakit nga ba “tita” o “tito” ang napiling idugtong sa salitang “plant”?
Sa pamilyang Pilipino, “tita” ang tawag sa babaeng kapatid, at “tito” naman para
sa lalake, ng alinmang magulang. Bukod sa “ate”, ito rin ay kadalasang ginagamit upang
tawagin ang babae at lalaking kaibigan, katrabaho, o kakilala ng magulang. Sa ating
lipunan, may sosyal na konotasyon ang pagiging tita. Ayon kay Valdeavilla ang ilan sa
mga sintomas o katangian ng pagiging tita ay 1) mahilig magbrunch sa café o restoran
kasama ang kanilang mga amiga, 2) sosyal ang pananamit, 3) excited mag-grocery, at 4)
laging may mamahaling bag na naglalaman ng kanilang essentials katulad ng tissue,
sanitizer, katinko, white flower, efficascent oil, at iba pa. Mula sa tradisyunal nitong
kahulugan, lumawak ito sa isang modernong konsepto dulot ng pagbabago ng panahon.
Nagbigay-daan rin ang paglaganap ng paggamit ng social media lalo na ng mga kabataan
upang mabigyan ng bagong bihis ang konsepto ng pagiging tita. Matatandaan na bago
pa man magkaroon ng plantita at plantito, nauso na ang paggamit sa Instagram at
Twitter ng #TitasOfManila na tumutukoy naman sa mga gawaing tita. Kadalasan ito ay
mga nakatatandang babae na hindi pangkaraniwan kung manamit at mag-ayos. Ang
pagbabagong bihis ng konsepto ng tita sa kultura at lipunang Pilipino ay bunga ng
dumaraming bilang ng mga taong gumagamit ng salitang tita sa makabagong konteksto.
agos 53
#PLANTITOS PLANTITAS
Bukod sa mga nabanggit na salik ng paggamit ng tita sa halip na mama o ate,
maaaring iugnay rin ang paggamit nito sa dalawang kategorya ng pagiging tita, ang mga
“judgemental” at iyong “sought-after” (Deala). Ang unang kategorya ay tumutukoy sa
mga tita na kadalasang nasa edad 50, at sila ang tipo na nagbibigay ng komento o puna
kapag nagkakaroon ng mga pagtitipon sa pamilya. Sila ang mga uri ng tita na kumbaga
ay iniiwasan ng tingin ng mga pamangkin upang hindi masabihan ng kung ano-ano.
Samantala, ang mga tinatawag namang sought-after ay ‘yong mga tita na gustuhin ng
mga pamangkin dahil kilala sila bilang mga may pera at cool kasama. Madaling
makapalagayan ng loob ng mga pamangkin nilang Gen Z at milenyal dahil madalas ay
milenyal din ang kilos nila. Sa kategoryang ito nabibilang ang mga plantita. Gaya ng mga
binanggit na katangian ng tita, makikita sa kategoryang ito ang sosyal na konotasyon
ng pagiging plantita at plantito, dahil bukod sa may kabataan, ay may kaya rin sila. Ito
ang gitna ng pagiging bata at matanda. Kung gayon, mula rito ay mahihinuha natin na
ang plantita at plantito ang gitna ng pagiging eksperto at baguhan sa paghahalaman.
Ngunit bago pa man naging patok ang plantita at plantito, marami nang mahilig
maghalaman noon. Gayunpaman, hindi ito ang dahilan ng pag-usbong ng salitang
plantita at plantito kundi ang tumataas na bilang ng mga milenyal na nagkakaroon ng
interes sa pag-aalaga ng mga halaman dulot ng pandemya na binago ang paraan ng
pamumuhay ng tao. Lalo pa itong naging laganap dahil sa quarantine na naging dahilan
upang humanap ng panandaliang libangan ang mga Pilipinong noon ay abala at walang
oras, ngunit kalaunan ay naging pangmatagalan dahil sa walang kasiguraduhan kung
kailan muli babalik sa normal. Ang matagal na panahon na pananatili sa mga tahanan ng
nakararami ay nagsilang ng bagong henerasyon ng maghahalaman na tinatawag ngayon
bilang mga plantita at plantito.
Ang pagbaling ng atensyon sa mga halaman ang naging mekanismo ng mga
Pilipino sa pagharap sa pandemya. Isa rin itong paraan upang madala ang labas sa loob
(Canuto et al.). Ayon sa isang psychiatrist na si Dr. Joan Rifareal, ang pag-aalaga ng
halaman ay nakapagpapabuti ng pakiramdam ng tao dahil nakapagbibigay ito ng
kahulugan at kabuluhan sa buhay ng isang tao. Ayon naman sa pag-aaral na isinagawa
ng Stanford University, lumalabas na mas mataas ang kilos sa bahagi ng utak na kaugnay
ng memorya at pagbilang ng isang taong naglakad sa kapaligirang pinalilibutan ng mga
halaman at puno kumpara sa taong ang dinaanan ay puro gusali at istruktura. Ang mga
agos 54
#PLANTITOS PLANTITAS
likas na pattern naman na nakikita sa mga talulot, bulaklak, at mga dahon ay nakaka-
relax daw sa mata at baga. Bagama’t hindi kasing lalim ng nabubuong koneksyon sa mga
alagang hayop katulad ng aso at pusa, ang pagpapalapit sa kalikasan ay may
kagandahang dulot sa kalusugan ng mga plantita at plantito.
Kasabay ng pag-usbong ng paghahalaman sa gitna ng pandemya ay siya ring
paglago ng industriya ng halaman. Pinalakas nito ang mga maliliit na negosyo na
nagbebenta ng halaman at dahil sa tumataas na demand nito sa merkado, nagbukas ito
ng oportunidad sa maraming mga Pilipino na nawalan ng trabaho ngayong pandemya
na pinasok ang paghahalaman, hindi bilang isang libangan ngunit upang mapagkakitaan
nang sa gayon ay matugunan ang pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang mga benepisyong dala ng pagiging plantito at plantita sa kalusugan, sa
pamumuhay ngayong pandemya, at maging sa ekonomikong aspekto ay may kaakibat
ding implikasyon sa ekolohikal at kultural na aspekto ng lipunang Pilipino. Dahil sa
tumataas na bilang ng mga nag-aalaga ng halaman bilang kanilang libangan, tumataas
rin ang demand nito sa merkado. Dahil dito, nakita ng marami ang magandang kita sa
pagnenegosyo nito kaya naman ang ilan sa kanila ay sinamantala ang pagkakataon at
nagtaas ng presyo. Ayon kay Rogelio Demallete, isang espesyalista sa DENR-BMB, 30%
hanggang 40% ang itinaas na presyo ng mga halaman na patok sa mga plantito at
plantita. Gayon din, tumaas ang halaga ng mga eksotikang halaman katulad ng
philodendron at variegated fiddle leaf fig na umabot sa Php 70,000-80,000. Mas malaki
ang dahon ay mas patok sa mga plantito’t plantita dahil sa hindi na nila ito
kinakailangang alagaan o patubuin pa. Sa kabilang banda, para kumita ang mga tao sa
mabilis na paraan ay naging laganap ang plant poaching o ang iligal na pagkuha ng
halaman mula sa tahanan nito lalo na ng mga endangered o nanganganib nang mawala.
Malaki ang epekto nito sa ating kapaligiran. Sa inilabas na babala ng DENR kaugnay ng
iligal na pagkuha ng mga halaman, bagama’t kinikilala nila ang pag-aalaga ng mga
halaman sa loob ng tahanan at ang kagustuhang kumita ng karamihan, marapat na
magpakita pa rin ng paggalang sa natural na tirahan ng mga ito, ang kagubatan. Kapag
nagpatuloy ang ganitong gawain, ay mapapadali ang tuluyang pagkawala at pagkaubos
ng mga halaman at bulaklak na itinuturing bilang endangered. Dagdag pa rito, hayaan
na lumago ang mga halamang ito sa kagubatan at huwag ikulong sa isang limitadong
espasyo lamang.
agos 55
#PLANTITOS PLANTITAS
Kung titingnan naman sa kultural na aspekto, ang pagiging plantito at plantita
bilang isang libangan ay hindi pangmasa. Isa itong luho na hindi makakayang maabot ng
mahihirap lalo na’t may kinakaharap tayong krisis na sadyang nakaapekto sa lahat ng
aspekto ng buhay ng tao. Isang patunay nito ang patuloy na pagtaas ng presyo ng mga
halaman sa merkado na nagiging dahilan upang maging eksklusibo ang mga ito sa mga
mayayaman at may-kaya lamang. Naniniwala si Dr. Elisa Pieri, isang sociologist sa
Manchester University, nagkaroon ng pagbabago sa pananaw ng tao sa ilalim ng
lockdown. Ang krisis na kinakaharap natin ay nagbigay ng oportunidad sa ilang mga tao
upang muling tayahin kung ano ang gusto nilang gawin sa kanilang buhay, ngunit hindi
lahat ng tao ay may ganitong kakayahan at oportunidad. Ayon pa sa kanya, ang
pandemyang kinakaharap natin ay mas pinalalim pa ang dibisyon sa pagitan ng mga tao
mula sa iba’t ibang katayuang sosyo-ekonomiko. Ginawa nitong mas malalim at halata
ang umiiral na mga pagkakaiba, at gayon din ang pag-usbong ng makabagong
pagkakaiba na naghihiwalay sa mga magkakaibang uri, sa ekonomikong aspekto, sa
lipunan. Kung titingnan sa ibang perspektibo, katulad ng “tita”, malinaw pa rin ang
konotasyong mga nakaaangat o may-kaya lamang ang may kakayahang magkaroon ng
plantito at plantita lifestyle. Kahit na mataas ang presyo, na minsan ay hindi na
makatarungan, ay binibili nila ito bilang pampawi ng stress, dekorasyon sa bahay, at
panlinis ng hangin. Dagdag pa ang sitwasyong kinasasadlakan natin sa kasalukuyan,
marami ang hikahos at imbis na ipambili ng halaman ay sa pagkain at gastusin na lang
ito ilalaan. Sa laki ng itinaas na presyo ng mga halaman, walang mahirap ang makabibili
o gugustuhing bilhin ang Monstera na nagkakahalaga ng Php15,000 upang gawing
dekorasyon lamang sa loob ng kanilang mga bahay gaya ng karaniwang gawain ng mga
plantito at plantita. Para sa mga nakakaluwag-luwag, ito ay isang libangan na papawi sa
kanilang pagkabagot at pampalipas oras ngayong pandemya, ngunit para sa mga
naghihirap at nawalan ng trabaho ngayong pandemya ang paghahalaman ay isang
pagkakataon upang kumita ng pera.
Habang nakabubuo ang mga plantito at plantita ng isang komunidad o samahang
nagsusulong ng mga gender-inclusive na salita tulad ng plant parent, pagkakaroon ng
interaksyon sa mga miyembro nito, at may layuning protektahan at iligtas ang mga
halaman, lalo na ang mga nanganganib nang mawala, bunga ng paglaganap ng plant
poaching sa bansa, lalo namang lumalaki at nagiging kapansin-pansin ang agwat sa
agos 56
#PLANTITOS PLANTITAS
pagitan ng mayaman at mahirap sa lipunang Pilipino. Wala namang masama sa pag-
aalaga ng halaman. Sa katunayan, isa itong magandang paraan ng pagpapalakas ng
kamalayan sa mga isyung may kaugnayan sa kalikasan. Ang pagkakaroon ng hiwalay na
katawagan mismo, ang plantita at plantito, ang nagiging problema na siyang nagsisilbing
bakod na naghihiwalay sa mga ito sa ordinaryong naghahalaman. Kung susuriin, ang
lipunang bumuhay ng pagiging plantito at plantita ang siyang sanhi ng problema na
siyang lalong nagpalalim sa pagkakaiba at nagpalaki sa agwat sa pagitan ng mga antas
ng uri sa lipunang Pilipino.
agos 57
MGA SANGGUNIAN
Antonio, Josiah. “‘Plantito, Plantita’: Filipinos Turn to Plants to Cope with Coronavirus
Pandemic.” ABS-CBN News, 21 Sept. 2020, news.abs-
cbn.com/life/09/21/20/plantito-plantita-filipinos-turn-to-plants-to-cope-
with-coronavirus-pandemic.
Bagalso, Terry. “NOON DI PINAPASIN, NGAYON MARAMI ANG NAGTATANIM.” The
Philippine Press, 29 Sept. 2020, thephilippinepress.com/tl/ngayon-marami-ang-
nagtatanim/.
Balagtas, Danielle Ann, et al. “(PDF) #TitasOfManila: Larangang Leksikal Ng Konsepto
Ng Tita.” ResearchGate, May 2016,
www.researchgate.net/publication/308902430_TitasOfManila_Larangang_Lek
sikal_ng_Konsepto_ng_Tita.
Canuto, Leia Margarita, et al. “Plantita.” Katipunan Ng Mga Pag-Aaral Sa Wika,
Panitikan, Sining at Kulturang Filipino, vol. 0, no. 6, Dec. 2020, pp. 178–90,
journals.ateneo.edu/ojs/index.php/katipunan/article/view/3408/3220.
Deala, Joanna Belle. Tita Collective: Not Your Ordinary Type of Titas. 20 June 2019.
http://www.canadianinquirer.net/2019/06/20/tita-collective-not-your-
ordinarytype-of-titas/.
De Guzman, Juan Franco, and Nicole Andrea Mendoza. “Plantito/Plantita: Ang Pagsibol
Ng Paghahalaman Sa Gitna Ng Pandemya.” Wika at Pandemya, 17 Dec. 2020,
wikaatpandemya.wordpress.com/2020/12/17/plantito-plantita-ang-pagsibol-
ng-paghahalaman-sa-gitna-ng-pandemya/.
Diaz-Sabado, Joanna. “The Growing Number of Plantitas and Plantitos.” Pia.gov.ph,
2021, pia.gov.ph/features/articles/1050815.
Ferguson, Donna. “Baking, Gardening, Crochet … How the Lucky Ones Lived under
Lockdown.” The Guardian, 21 June 2020,
www.theguardian.com/world/2020/jun/21/baking-gardening-crochet-how-
the-lucky-ones-lived-under-lockdown.
Green, Jhen. “Plantito and Plantita: A Trend amid Pandemic (Year Ender 2020).”
Philippine News, 26 Dec. 2020, philnews.ph/2020/12/26/plantito-and-
plantita-a-trend-amid-pandemic-year-ender-
2020/?fbclid=IwAR0jpvr9YGVRF4JJl7MwVAq0cKbGEQTh4dFo4VkQ_5LXCT
amC1_2ACMDobw.
agos 58
MGA SANGGUNIAN
Malasig, Jeline. “Plantitos and Plantitas Alert: How You Can Avoid Plant Poaching in
Indoor Gardening.” Interaksyon, 31 Dec. 2020,
interaksyon.philstar.com/hobbies-interests/2020/12/31/182925/plantitos-
and-plantitas-alert-how-you-can-avoid-plant-poaching-in-indoor-gardening/.
News, ABS-CBN. “‘Plantito, Plantita’: Bakit Nakakaganda Ng Mood at Nakakasaya Ang
Pag-Aalaga Ng Plants?” ABS-CBN News, 27 Sept. 2020, news.abs-
cbn.com/life/multimedia/video/09/27/20/plantito-plantita-bakit-
nakakaganda-ng-mood-at-nakakasaya-ang-pag-aalaga-ng-plants.
Plantito and Plantita: A Trend amid Pandemic (Year Ender 2020).” Philippine News,
2020, philnews.ph/2020/12/26/plantito-and-plantita-a-trend-amid-pandemic-
year-ender
2020/?fbclid=IwAR0jpvr9YGVRF4JJl7MwVAq0cKbGEQTh4dFo4VkQ_5LXCT
amC1_2ACMDobw.
Ratcliffe, Rebecca. “Coronavirus Pandemic Fuelling Plant Poaching in Philippines.” The
Guardian, 2020, www.theguardian.com/world/2020/sep/14/coronavirus-
pandemic-fuelling-plant-poaching-philippines.
Sunga, Archie Balingit, and Jowie Advincula. “The ‘Plantito/Plantita’ Home Gardening
during the Pandemic.” ResearchGate, Mar. 2021,
www.researchgate.net/publication/350374341_The_PlantitoPlantita_Home_G
ardening_during_the_Pandemic.
Valdeavilla, Ronica. “Understanding the Filipino ‘Tita.’” Culture Trip, 18 Feb. 2018,
theculturetrip.com/asia/philippines/articles/understanding-the-filipino-tita/.
agos 59
MGI (Miss Grand International):
Higit Pa Sa Korona Ang Adbokasiya
Ni: Lady Ysmaela Rala
“And the winner is…” Tayong mga Pilipino ay mahilig sa mga beauty pageant at
talagang taon-taon ay patok na talagang inaabangan. Mula sa pre-pageant hanggang sa
mismong koronasyon, pati sa pagkakaroon ng kani-kaniyang pambato. Nakatutuwang
isipin na buong bansa ay malaki ang suporta sa mga nagiging kandidata para ilaban sa
mga malalaking patimpalak sa loob at labas ng bansa.
Nariyan ang ating mga cellphone para sa pagboto sa mga kandidata, mga social
media sites na ginagamit para magbigay ng kani-kaniyang opinyon sa napupusuan nila,
at ginagamit din bilang pangsuporta sa mga pambato nila sa pamamagitan ng mga pag-
post ng mga retrato na may kasamang mensahe. Siyempre hindi mawawala ang mga
bashers na nakalulungkot isipin na sa mga kapwa Pilipino pa natin nagmumula.
Sa ating bansa, bawat taon ay nagsasagawa tayo ng pagsasala ng mga kandidata
sa pamamagitan ng isang patimpalak-pambansa – ang Binibing Pilipinas. Matagal at
mabusisi ang proseso sa pagpili. Ang mga kalahok ay nagmumula sa iba’t ibang lugar sa
Pilipinas. Bawat probinsya o siyudad ay may kani-kaniyang representative, dala ang
kanilang mga adbokasiya na ipinaglalaban na gusto nilang ibahagi at palawagin, hindi
lang para sa bansa kundi sa buong mundo.
Ang Binibining Pilipinas ay isang patimpalak kung saan ang bawat kababaihan ay
nabibigyan ng oportunidad hindi lang para maipakita ang kanilang pansariling galing at
kagandahang panloob at panlabas, kundi para ipakita ang kahalagahan ng kanilang
ipinaglalaban para sa kanilang minamahal na probinsiya, at para ipakita na ang Pilipinas
ay may kakayahan, may boses, at may paninindigan.
agos 60
#MGI (Miss Grand Int’l)
Sa patimpalak na ito, hindi lamang isa ang nananalo dahil maraming titulo ang
pinaglalabanan para maging representative sa iba’t ibang patimpalak sa labas ng ating
bansa tulad ng Miss International, Miss Earth, Miss Universe, Miss Grand International
at iba pa. Pinipili at sinasala ang mga kandidata ayon sa kanilang kahandaan, angking
talino sa pagsagot, at ang likas na kagandahan ng isang dalagang Pilipina.
Parte na ng ating buhay ang mga patimpalak na ito at tila ba may kulang sa isang
taon kapag wala ang mga ito. Ngunit, sa pag-usbong ng pandemya hindi lang sa ating
bansa, kundi sa buong mundo. Ano nga ba ang kahalagahan ng pagdaraos ng mga ito
sa gitna ng napakalaking hamon? Ano ang dapat isaalang-alang? Ano ang dapat bigyan
ng pansin, at ano ang kaugnayan nito sa kulturang popular na umuusbong sa ating
bansa?
Sa mga nakalipas na taon, isa sa mga nangungunang patimpalak para sa mga
kababaihan ay ang Miss Grand International. Ang MGI ay isa sa mga inaabangan nating
mga Pilipino, ito ay isang patimpalak sa ilalim ng isang organisasyon mula sa mga
gobyerno. “STOP THE WAR AND VIOLENCE” ito ang adbokasiya at hangarin ng MGI
na nagpapakita ng malawak na pagpapahalaga sa tao, lipunan, at bansang nasasakupan.
Sa buong mundo, kaugnay ng pagrespeto na kahit anong kulay, lahi, relihiyon o estado
sa buhay, ay mahalaga ka at magandang payapa kang namumuhay. Mula sa opisyal na
website ng MGI, sinasabi na ang pinaka layunin nito ay ang pagkakaroon ng kapayapaan
at pagkakaisa ng bawat isa para masugpo ang mga karahasan, hidwaan, giyera at ano
pang mga pagsubok na nakabubuo ng kaguluhan at hindi pagkakaunawaan. Ito ay para
sa mga susunod na henerasyon upang magkaroon sila ng payapang mundo, na hindi sila
makaranas ng ano mang gulo at mapanatili ang kapayapaan sa bawat isa.
Ngayong humaharap tayong lahat sa hamon ng pandemya dala ng COVID-19,
masasabi natin na mahalaga ang pagdaraos ng patimpalak na ito dahil hindi lang ito
simpleng patimpalak para sa mga kababaihan kundi isang entablado upang maibahagi,
mapakinggan at mapalawig ang adbokasiyang kanilang ipinaglalaban. Ito ay isang
kulturang popular ngayon, bukas sa mga isyung panlipunan na kinahaharap ng isang
bansa. Ang kahandaan at katapangan ang sagot upang matugunan ang pangangailangan
ng isang bansa sa pamamagitan ng pagkakaroon ng boses at pagtayo sa harap ng lahat,
hindi lang para ibalandra ang pisikal na kaanyuan bagkus ang panloob na kagandahan.
agos 61
#MGI (Miss Grand Int’l)
Sa pagpapatuloy ng patimpalak na ito sa gitna ng pandemya, mas nasubok ang
katatagan ng bawat kalahok. Nito lang nagdaan na ika-27 ng Marso, 63 na kalahok ang
tumanggap ng hamon at taas-noong ibinahagi ang kanilang mga adbokasiya at
isinaalang-alang ang kanilang kalusugan. Kahit pa sabihin natin na mayroong safety
protocols kung saan idinaraos ang patimpalak ay wala pa rin kasiguraduhan ang mga
ito. Likas na nga hindi lang sa ating mga Pilipino ang pagiging matapang sa pagharap sa
mga pagsubok. Tulad na lamang ng ating 1st Runner up na si Samantha Bernardo na
umamin sa isa sa mga interbyu sa kaniya na nagkaroon siya ng pagdadalawang isip kung
magpapatuloy pa ba siya sa patimpalak, pero dahil mas matimbang ang kagustuhan niya
at malaki ang pagpapahalaga niya sa Malaria-Free Philippines, na kaniyang adbokasiya
at para sa ating bansa lalo na sa Palawan na kaniyang hometown.
Isa rin sa kagandahan ng MGI, bukod sa pagiging bukas nito sa mga adbokasiya
ng iba’t ibang bansa, nagbibigay ito ng oportunidad para sa lahat. Ang pag-uugnay nito
sa mga isyung panlipunan na kinahaharap ng iba’t ibang bansa kung saan isa na rito, ang
Covid-19. Mula sa mga naging katanungan sa mga kalahok, mas lalong nakita ang
pagpapahalaga ng mga kandidata sa kanilang minamahal na bansa, sa kung ano ang sa
tingin nila’y dapat pagtuunan ng pansin. Hindi lang ganda ang labanan kundi ang
angking galing ng mga kalahok sa pagsagot.
Pero, ano nga ba ang espasyo ng MGI sa kulturang popular sa ating bansa? Higit
pa sa korona, ano pang mga ideya at kaisipan ang kailangan pagtuonan ng pansin?
Mayroon nga bang negatibong epekto ang mga patimpalak na ito sa ating pagkatao?
Uunahin ko na ang pamantayan para sa mga nagnanais lumahok. Kapag narinig
natin ang “beauty pageant” unang tumatakbo sa ating isipan ay magaganda ang mga
sumasali dito, pumapangalawa lang sa ating isipan ang husay at talino na siyang pinaka
kinakailangan. Aminin natin na isa sa mga pamantayan ang pisikal na kaanyuan na
kailangang maganda ang iyong mukha at ang hubog ng iyong katawan ngunit, paano
ang mga kababaihan na hindi pasok sa pamantayan ang pisikal na kaanyuan? Isipin
natin, kapag hindi ka gaanong kagandahan, maraming sasabihin ang tao sa’yo at isa ito
sa mga dapat nating aminin, na ito ay naging kulturang popular lalo na ang body
shaming. Marami tayong sinasabi, marami tayong komento na taliwas sa paniniwala
natin. Bakit nga ba kailangan maganda ka kapag sasali ka ng pageant? Dahil ba “beauty”
pageant ito kung tawagin? Maraming argumento rin ang makikita natin ukol dito. Isa sa
agos 62
#MGI (Miss Grand Int’l)
mga halimbawa ay ang pagbabatikos noon sa isang kalahok sa Bb. Pilipinas noong taong
2001 na si Jeannie Anderson dahil sa kaniyang sagot sa tanong ng dating Miss Universe
1969, Miss Gloria Diaz, kung ano ang pipiliin niya, ang maging maganda o ang maging
matalino. Binatikos siya sa kaniyang sagot na mas pipiliin niyang maging maganda dahil
ang talino naman daw ay natututuhan at napagsisikapan. Wala namang mali sa kaniyang
sagot ngunit marami ang tumawa. Mula rito, makikita natin ang agwat ng pamantayan
sa pagsali sa isang beauty pageant.
Ayon naman sa isang artikulo sa Rappler, sinasabi na ang beauty pageants ay
may hindi magandang epekto dahil sa pagkakaroon ng hindi makatotohanang
pamantayan. Mula rito, napaiigting ang kultura ng pagkakaroon ng isang pamantayang
hindi kinakikitaan ng pagkakapantay-pantay ng bawat isa. Lihis ito sa dapat itinutuon
ng mga beauty pageant. Kung saan dapat ito ay maging lunsaran din ng mga adbokasiya
o mga tunguhin para sa kamalayan upang magkaroon ng sosyal na aksyon.
Ikalawa naman ay ang pagiging pursigido ng mga Pinay sa pagsali sa mga beauty
pageant. Kadikit na ng ating kultura na kahit saang lugar sa Pilipinas ka magpunta, lalo
na kapag may pista, hindi mawawala ang mga pageant. Ayon nga sa isang artikulo mula
sa Rappler "Filipinos are unabashedly appreciative of female beauty. We are perhaps
the most liberal nation in Southeast Asia and we see feminine beauty as empowering
rather than a threat." Normal na sa atin ang mga pageant dahil maging sa mga
eskwelahan ay mayroon nito. Hindi tayo nawawalan ng pambato at talagang sinasabi
kahit ng ibang bansa na ang Pilipinas ay lugar ng mga “beauty with brains” at makikita
ito sa mga lumipas na taon.
Isa rin sa mga pinaka patok ngayon ay ang buong suporta ng mga LGBTQ+ sa
mga pageant, para sa kanila, ito ay kulturang maituturing dahil bawat taon ay talagang
nakaabang sila at nakatutuwa na may kani-kaniya pa silang pakulo. Nariyan ang
pagsusuot nila ng mga gowns, swimsuit, korona at sash na mistulang mga kalahok
habang nanonood. Bumubuhos ang suporta sa iba’t ibang social media sites at talagang
pinagkakagastusan nila ito.
Malaki ang parte ng mga prestihiyosong patimpalak na ito sa buhay nating mga
Pilipino, nakadikit na ito sa ating kultura. Tunay nga na higit pa sa korona ang pagsali sa
mga beauty pageant, at pinatunayan ito ng MGI dahil sa layunin at adbokasiya nito.
Higit sa ano pa man, mahalaga ang boses ng bawat isa. Isa ito sa patunay na walang
agos 63
#MGI (Miss Grand Int’l)
lalamang sa mga kababaihang taas-noong nangangarap para sa pagpapaunlad ng bansa,
pagpapalawak ng kamalayan sa mga kabataan at pagkakaroon ng hangaring
pangkapayapaan.
Bilang guro ng wika sa hinaharap, tiyak kong malaki ang gampanin natin sa
pagpapalawak ng kaalaman ukol sa mga isyung panlipunan tulad ng isyu sa likod ng mga
“beauty pageants.” Mula sa pagkakaroon ng pamantayan na nag-uugat ng hindi pantay
na pagtingin sa pisikal na kaanyuan ng isang tao at ang sarili nating wika na bakit hindi
natin magamit sa mga prehisteryosong patimpalak at nagbubunga ng
intelektwalisasyon. Tayong mga Pilipino ay hindi talaga pantay ang pagtingin sa mga
bagay dahil mayroon tayong kani-kaniyang opinyon, pala-palagay at pamantayan
ngunit, tama ba na pairalin ang kritisismo sa ating kapwa na nagbubunga ng hindi
magandang epekto sa bawat isa? Moralidad ang solusyon; isang malaking hamong ito
sa ating mga guro dahil sa patuloy na paghataw ng modernisasyon, patuloy rin ang
pagbabago ng mga kabataan ngayon. Bilang isang guro, mahalaga na maituro natin sa
ating mga mag-aaral kung paano maging bukas sa mga isyung panlipunan. Hindi
masamang makisangkot lalo na kung alam natin na tayo ay nasa tama. Ituro natin ang
tamang pagbalanse sa mga bagay na ating nakikita at ang disiplina sa pagkakaroon ng
respeto sa lahat. Magtulungan tayong iangat ang bawat isa at huwag maghatakan
pababa. Palawakin natin ang kanilang isip lagpas sa kanilang nakikita at hayaan silang
magkaroon ng adbokasiyang pagmumulan ng kanilang tapang at determinasyon.
Tandaan na higit pa sa korona ang pagkakaroon ng karunungan.
agos 64
MGA SANGGUNIAN
ABS-CBN News. “BALIKAN: Laban Ni Samantha Bernardo Sa Miss Grand International.” ABS-
CBN News, 28 Mar. 2021, news.abs-cbn.com/life/03/28/21/balikan-laban-ni-
samantha-bernardo-sa-miss-grand-international.
“Bb. Pilipinas: News.” Binibining Pilipinas, 22 Feb. 2021,
www.bbpilipinas.com/news/details/BPCI-hosts-virtual-send-off-for-BBP-Grand-
International-2020-Samantha-Bernardo.
“Miss Grand International.” Miss Grand International,
www.missgrandinternational.com/?page=home.
Rappler.com. “The Philippines’ Beauty Pageant Obsession: Who Benefits?” Rappler, 27 Jan.
2018, www.rappler.com/newsbreak/in-depth/filipinos-beauty-pageants-series-part-
1.
Tayag, Voltaire. “Miss Grand International 2020: Grand Expectations.” Rappler, 27 Mar. 2021,
www.rappler.com/entertainment/pageants/miss-grand-international-2020-
expectations.
agos 65
Paubaya: Yamang-awit ni Moira Dela Torre na
Nagpatingkad sa Sinag ng Kontemporaryong OPM, at
Nagpaningning sa Emosyon at Kultura ng Pilipino
Ni: Dharenz Kelly Taborda
Introduksyon
Ang panitikan ay buhay. Buhay ito sa anumang anyo: teknikal, malaya, may
sukat o tugma. Ayon nga kay Arrogante, ito ay talaan ng buhay, ng mga kaganapan sa
daigdig, o ng mga pinapangapangarap na daigdig. Ang lahat ay may kahulugan, at
napepreserba ang mga ito sa ating pagsulat, pagpapahayag, at patuloy na pagdiskubre
sa palagiang pagbasa. Subalit, hindi lamang doon nakakulong ang panitikan. Ika nga,
imahinasyon natin ang limitasyon. At sa pag-usbong ng ating kamalayan na
kinasangkapan ng ating pagiging malikhain, nakabubuo tayo ng obra. Mula sa mga
tunog, sa ritmo, sa mga letra, na pinagtutugma at pinagsasama-sama, isinisilang ang
kanta o musika.
Sa ating pagiging Pilipino, nakaukit na ang pagkakaroon ng mayamang musika.
Bago pa dumating ang mga dayuhan, mayroon nang nakagisnang katutubong musika
ang mga Pilipino. Ginagamit ito sa pagtatrabaho, sa pagsamba, o sa iba pang tradisyon
depende sa kinabibilangang etnikong pangkat. Nang dumating ang mga Kastila, ginamit
nila ang musika upang maitiim sa mga Pilipino ang Kristiyanismo. Sa madaling sabi,
mayroong musika sa mga misang ginaganap; at mula rito, nakalikha at natuto ang mga
Pilipino ng iba pang anyo ng musika kagaya ng Sarsuwela at kundiman (Guzman). Noong
panahon ng mga Amerikano, ipinakilala nila sa Pilipinas ang pop music at classical music
na popular sa mga Kanluraning bansa (Guzman). Marami pang pinagdaan ang musika
ng Pilipino bago makarating sa taglay ng makabagong henerasyon. Mula sa mga
progresong ito, unti-unting nabuo ng mga Pilipino ang Original Pinoy Music (OPM) na
agos 66
#PAUBAYA
mayroong iba’t ibang genre na nakaangkla sa iba’t ibang impluwensiya at pagbabagong
naranasan ng Pilipino.
Kilala ang mainstream na industriya ng Original Pilipino Music (OPM) sa mga
makabagbagdamdaming kanta. Talagang tagos sa puso ang mga ito, mula sa liriko
hanggang sa pagkakahabi ng ritmo. Sandamakmak na “hugot song” ang nagsulputan sa
mga tugtugan, radyo, at internet. Ayon sa isang eksperto, tinawag na “hugot” ang mga
dala-dalang mensahe ng mga kantang Pilipino dahil sa nagsusumigaw na mga emosyong
unti-unting nahuhugot at pinapakawalan ng mga kantang tumatalakay sa iba’t ibang
damdamin (Spotify). Kaugnay nito, hindi lamang pumapaksa sa pagkasawi o
kalungkutan ang mga nauusong kantang OPM. Madalas din itong tumatalakay sa pag-
ibig, pag-asa, at pagbabakasakali. Ang mga ganitong tirada ay hinugot mula sa mga
ipinamanang Kundiman at Harana ng mga nagdaang henerasyon. Kung dadalumatin,
mapagtatanto na mayroong ebolusyon sa mga likha ng panitikan at ng ating kultura;
mula sa mga ipinamanang impluwensiya ng mga ninuno at dayuhang mananakop.
Nakalilikha ang mga Pilipino ng mga obrang pampanitikan, kagaya ng musika, na angkop
sa kagustuhan ng mga makabagong tagapakinig. Isa ito sa patunay na dinamiko ang
kultura; ito ay naibabahagi, natututuhan, at naipapamana.
Hindi na maiaalis ang musika sa kultura ng Pilipinas higit lalo na dahil marami na
ang naibibigay nitong benepisyo sa ating lipunan. Kasangkapan ito sa pagpapaunlad ng
lipunan sa pamamagitan ng pagbuo ng koneksyon mula sa mga interaksyon,
pagkamalikhain, at pagiging produktibo ng bawat indibidwal (Das). Sa usapin ng
kognitobo at pisikal na katangian, nakapagpapasigla, nakapagpapagana, at
nakapagpapabilis ito ng pag-iisip at pagkilos (Corrigall and Schellenberg).
Ngayong nagkakaroon na ng pahapyaw sa halaga ng musika at maikling
pagbabalik-tanaw sa pinagmulan ng OPM, mas palalalimin naman ang kaalaman sa
epekto ng musika sa emosyonal na katangian ng tao; palalawakin ang pagtanaw sa isa
sa naging tanyag na “Paubaya” ni Moira Dela Torre; gagalugarin kung bakit ito naging
popular at ang posibleng katangian ng mga Pilipinong nahumaling dito; at mas
palalakasin ang kamalayan sa kapangyarihan at pangangailangan ng OPM.
Musika: Takas sa Lungkot; Kaibigan sa Paglalanatad ng Damdamin
agos 67
#PAUBAYA
Hindi naman na bago na nakapagpapagaan talaga ng pakiramdam ang pakikinig
sa mga kantang pumapaksa sa mga kasalukuyang kalagayan. Musika ang nagiging tulay
ng iba upang tumungo sa saglit na pahinga, kapayapaan, o pag-asa na minsang inagaw
ng iba’t ibang karanasan. Maaari rin naman itong paraan upang maipahayag ang tuwa
na matagal nang ikinukubli ngunit hinahanap din ng sarili. Ayon kina Corrigall at
Schellenberg, may kapasidad ang musika sa makapaghatid at makapagpabatid ng iba’t
ibang uri ng emosyon kagaya ng kalungkutan, kasiyahan, o mas komplikadong
damdamin kagaya ng pagkamangha, o pagbabalik-tanaw. Maliban sa mensahe ng liriko,
mahalaga rin sa pagsisiwalat ng damdamin ang iba’t ibang salik. Dagdag nina Corrigall
at Schellenberg, importante ring pasok sa nakagisnan ng isang indibidwal, o ng isang
grupo ang isang musika at mga bumuo nito kagaya ng paraan ng pagkakaawit, tempo,
o iba pang pahiwatig.
Kung ganito ang kaparaanan ng musika sa pakikipag-ugnayan sa emosyon,
masasabi ba na ang malulungkot na kanta ay mas makapagpapalala sa nararamdamang
pighati o ito ay dadako sa pagbuti ng kalooban?
Sa isang pag-aaral, sinasabi na nakatutulong ang mga malulungkot na kanta sa
mga tagapakinig, lalo na kung ito ay pumapatungkol sa mga pangyayaring naganap sa
buhay ng tagapakinig, upang ihayag ang tunay na sentimyento, at malaman ang
pakahulugan ng kanilang mga danas (Sachs, Damasio,at Habibi). Isa rin itong paraan
upang magkaroon ng koneksyon sa ibang tao, lalo na kung alam ng tagapakinig na ang
ibang tagapakinig nito ay nakaranas din ng siphayo sa buhay. Subalit, kinakailangan din
ng pag-iingat dahil ang mga ganitong uri ng kanta ay maaaring humantong sa depresyon
o mas malalang kalagayan ng emosyon. Hindi maiiwasan na maibalik ng mga
malulungkot na kanta ang mga alaala ng kalumbayan at maaaring humantong sa mas
matagal na pananatili ng siklo ng negatibong pananaw o memorya sa diwa ng
tagapakinig (Western Sydney University).
Samakatuwid, bumabatay ang epekto ng musika sa sariling desisyon ng
tagapakinig, sa kanyang kakayahan na makaalpas sa nararamdamang bagabag, at sa
kanyang desisyon sa kung paano siya magpapaapekto sa kanyang pinakikinggan. Hindi
naman masamang damhin ang kalungkutan, dahil dala-dala nito ang motibasyon na
maging replektibo sa mga nagdaan at tutungo sa pagdiskubre ng mga paraan upang
mabago at mapaunlad ang buhay. Kung natatagpuan man ng tao ang kapayapaan sa
agos 68
#PAUBAYA
mga lungkot na dala ng isang nauusong kanta, hayaang tuklasin niya kung ano ang mas
nakabubuti. Subalit, esensyal pa rin ang paggabay, ang paalala na sarili pa rin ang
makapagpapakalma sa mga hilahil at pagkabalisa. Panandaliang takas lamang ang
musika, ang hatid na aliw, ang mga pinipili makasama sa pagpapalaya ng nadarama. Ang
tunay na makapagpapanatili pa rin ng ginhawa sa kalooban ay ang pagpili sa buhay na
makapagpapanatili roon.
Moira Dela Torre: Reyna ng mga Bumubulong na Emosyon
Gaya ng sinumang manunulat, gumugol ng panahon, sumabak sa hamon at
pagdududa, at walang hanggang pagsusumikap din ang gumuguhit sa kapalaran ni
Moira Rachelle Bustamante Cruzado Dela Torre-Hernandez, o mas kilala bilang Moira
Dela Torre. Inspirasyon niya ang mga gunita ng paghihirap at tiyaga sa pagsulat at
pagbuhay sa kanyang mga awit.
Isa si Moira sa libo-libong kabataan na watak ang pamilya. Sa artikulo ni De los
Reyes, Naghiwalay ang kanyang mga magulang noong siya ay apat na taong gulang pa
lamang, nakatagpo naman ng bagong pag-ibig ang kanyang ina noong siya ay pitong
taong gulang, at muli lamang silang nagkita ng kanyang ama noong siya’y labing-anim
na gulang. Bunsod ng kanyang pag-aasam sa kalinga ng ama na hindi napunan,
nakaranas siya ng depresyon at iba pang komplikasyon sa kanyang emosyon noong siya
ay nagdadalaga (Singson). Sinisi niya rin ang kanyang sarili sa nangyaring hiwalayan sa
pagitan ng kanyang mga magulang (Singson). Ang pangyayaring ito sa kanyang buhay
ang bumuo ng digmaan sa kanyang kalooban kaya mas naging komplikado at
masasabing mas naging madugo ang laban niya para sa kanyang pangarap.
Ganito man ang kanyang naging simula, hindi pa rin natinag si Moira sa pag-abot
sa kanyang minimithi. Patuloy pa rin siyang tumitipa ng mga istoryang kakikitaan ng
pag-asa sa gitna man ng unos, ng dalamhati, ng pagkaguho. Sa katunayan, ang mga
kanta niyang “Malaya” at “Tagu-taguan”, na talagang pumatok at nagamit pa bilang
theme song sa mga pelikula, ay naisulat niya sa gitna ng yugto ng depresyon. Kumapit
din siya sa kaniyang hangarin na makapagsulat ng kanta na kayang-kaya niyang angkinin
at itanghal upang hindi tumigil sa pagpapaunlad ng kanyang karera sa industriya ng
musika.
agos 69
#PAUBAYA
Sa pagkapanalo niya sa Himig Handog 2017, isa sa pinakamalaking patimpalak
sa pagsulat ng kanta sa Pilipinas, nagsimula ang pamumukadkad ng kanyang pangalan
sa industriya. Tunay ngang nahumaling ang mga Pilipino sa kanyang interpretasyon at
pagkaka-awit sa kantang “Titibo-tibo” dahil pumalo ng 214,877 beses itong
pinakinggan sa Spotify sa loob lamang ng 24 oras (Conrnerstone Entertainment
Inc.) Ang kanyang pagiging tanyag ay unti-unti nang sumibol. Ang kanyang pagkawagi
ay maituturing din na “right timing” at patunay sa madalas sabihin na “kung para sa iyo,
ito ay para sa iyo”. Bago kasi ang kanyang major break, sangkaterbang pagkatalo at
kabiguan ang kaniyang nilampasan. Isa na rito ang pagkatanggal niya sa The Voice na
isa ring kompetisyon sa ABS-CBN (Singson). Matapos ang kanyang mga paghihirap,
naani na ni Moira ang tagumpay. Napapanood siya tuwing Linggo sa “ASAP natin ‘to”
(Conrnerstone Entertainment Inc.). Milyon-milyon na rin ang bilang ng views at streams
ng kanyang mga awit sa online sites kagaya ng YouTube at Spotify. Maliban pa sa mga
ito, itinuturing na siyang “Manila Song Bird” at “Queen of Emotions” sa Pilipinas at
pinarangalan ng mga organisasyon kagaya ng Wish 107.5 (Conrnerstone Entertainment
Inc). Hindi naman siya babansagang “Queen of Emotions” nang basta-basta lang, at ilan
sa mga ebidensya nito ay ang patuloy na pagtangkilik ng milyon-milyong Pilipino sa
kanyang mga album kasama na iba’t iba ring iniibig na banda kagaya ng December
Avenue at Ben&Ben.
Talagang isinabuhay ni Moira ang katagang “write to express not to impress”.
Ginamit niyang bala ang kanyang mga personal na karanasan upang maging temang
sapul sa puso, hilig, at gunita ng mga Pilipino. Naunawaan niya rin ang kapangyarihan
ng kulturang popular; dahil dito, ang kanyang pangalan at mga gawa ay nakaukit na rin
sa kasaysayan ng musikang Pilipino. Sa artikulo ni Guzman, winika ni Dela Torre,
"Pinoys, collectively as an audience, can catapult artists’ careers to international
prominence. I believe there's already progress, but I know in my heart we can do so
much more when we celebrate our own”. Dahil sa kanyang paniniwala at gawa, mas
napalutang niya ang kultura ng pagiging positibo, pagpapahalaga at pagpapatawad.
Representasyon ang kanyang mga kanta sa mga pinahahalagahan niya sa buhay: pag-
asa, pagpapatawad, pagpapalaya, panibagong simula.
Pagsipat sa Pagsikat at Sakit na Dulot ng Hugot ng Kantang “Paubaya”
agos 70
#PAUBAYA
Ika-23 ng Oktubre, 2020, nang inilabas ni Moira ang kanyang awiting “Paubaya”.
Agad-agad naman itong pinag-usapan sa iba’t ibang social media sites. Gumawa ng
ingay ang mga tanyag din na artistang kasama niya sa industriya, mga vlogger, maging
ang mga simpleng Pilipino na humahanga kay Moira. Hindi pa roon huminto ang
pagiging sikat ng kanta. Matapos ang ilang buwan, muli na naman itong naging usap-
usapan. Ika-14 ng Pebrero, 2021, araw ng mga puso, umiyak muli ang mga nawasak at
nasawi sa pag-ibig, malamang ay lumuha rin miski ang mga hindi pa naman nakararanas
ng dalamhating tinutumbok ng awitin. Mas dumoble ang epektong sakit at ingay ng
“Paubaya”, dahil sa music video na pinagbidahan ni Joshua Garcia at Julia Baretto.
Sinubaybayan ito ng 24 milyong beses sa loob lamang ng apat na araw (ABS-CBN
News). Dagdag pa rito samu’t saring reaction video patungkol dito ang lumitaw.
Bakit ba naging ganito ang pagsikat ng kantang paubaya gayong napakarami
naman nang kanta ang pumapatungkol sa kasawian at pagpapalaya? Ano-ano ang
dahilan ng pagimbulog ng “Paubaya”?
Simulan natin ang pagrepaso sa panahon ng paggawa ng “Paubaya”. Panahon ng
pandemya nang inilabas ang kanta, ipinaiiral pa ang community quarantine na naging
sanhi ng mas paglungkot ng mga tao. Kaugnay nito, marami ring pag-ibig ang winakasan
ng pagkakalayo ngayong pandemya. Walang takas sa bagsik maski ang mga nagtagal
nang relasyon. Ayon kay Lissy Puno, isang sikolohista, binigyan ng panahong ito ang
ilang tao upang mag-isip, mapagnilayan, at matimbang kung ano ang kanilang kailangan
at pinahahalagahan, at mula roon, mapagtatanto ng tao na hindi niya ito matatanggap
sa relasyon kaya pipiliin ang hiwalayan (Arnaldo).
Humahantong ang danas ng matinding lungkot sa paghahanap ng galak sa
kaparaanan na mayroon sa tahanan o kung saan man. Internet: ito na ang bagong
daigdig. Hinahayaan nito na gumawa ang isang tao ng sariling bersyon ng kanyang
mundo. Halimbawa na rito ang pakikilahok sa mga webinars, panonood ng mga maaring
sanggunian sa mga bagong kinagigiliwang libangan, pagtingin sa memes sa Facebook o
Tiktok, movie marathon sa Netflix, o kahit ang pakikibalita na lamang sa mga
nagaganap. Kung usaping pang-aliw. Hindi rin naman maiaalis na ang pakikinig sa
musika ang pinakamadali at mabisang paraan upang abalahin ang sarili mula sa mga
iniisip. Dito papasok ang isa sa salik na nagpasikat sa “Paubaya”: ang pagtangkilik sa
social media na hinaluan ng hilig sa musika. Ito ang unang nagpasiklab ng interes ng tao
agos 71
#PAUBAYA
kaya hindi agad naupos ang liwanag ng katanyagan nito. Bunsod ng madalas na
paggamit ng social media at kakayahan na birtwal na makipag-ugnayan kahit sa libo-
libong tao pa, naipakikilala agad at napapakalat ang isang musika lalo na kung ito ay
pumupukaw ng atensyon at nagdudulot ng kurot sa pandama (Ramesh).
Kung ang music video naman ang sisiyasatin, marami ring mababakas na rason
kung bakit umabot sa ibang bansa ang nakadudurog na pusong pag-arte at kabuuan ng
bidyo. Una, alam ng halos lahat ng Pilipino na nagkaroon ng malabong hiwalayan ang
mga gumanap na bida rito. Mayroong malaking fandom ang tambalang JoshLia, at ito
ang pinakahihintay nilang pagkakataon—ang magkaroon kahit ng huling sandali ang
kanilang mga iniidolo para makapagpasalamat at makapagpaalam sa isa’t isa. Sa isang
artikulo na inilabas ng Rappler noong araw matapos i-ere ang music video, ang kanilang
hiwalayan ang naging laman ng usap-usapan noong 2019, at ang linyahan nila sa pag-
uusap sa mala-pelikulang music video ay pinaghihinalaang hindi planado, kumbaga ang
ibinubuka ng bibig ay ang ikinakabig ng dibdib. Malaki ang ambag ng napiling pares at
ang kinasangkutan nilang kontrobersya sa naging tagumpay ng music video. Ayon kay
Belleza, kultura na sa Pilipinas ang masanay ang mga manonood na nagbibigay ang mga
love team ng pasulyap o patikim sa kung ano ang kahulugan ng pag-ibig na mayroong
magandang simula at masayang wakas. Subalit, kailangang harapin ang realidad, na
pinagtambal lamang sila para sa mga pelikula at programa, at hindi na sakop ng mga
nakikita sa telebisyon o anumang digital screen ang kanilang mga desisyon sa buhay o
sa pag-ibig. Ang music video ng Paubaya ay isang sampal na nanggigising sa ilusyon ng
mga panatiko. Malugod naman itong tinanggap ng mga tagahanga, kahit masakit at
nakapagdudulot ng panghihinayang. Ito ang naging dilig sa mabilis na pagsibol ng
pagiging popular ng kantang “Paubaya”. Kagaya ng alikabok sa hangin, madaling
naipadala sa alinmang lupalop ang usong kanta at ang epekto nito sa mga nakapanood
na.
Syempre, mababakas din na nakatulong ang malakas na pagkonsumo sa
YouTube ng mga Filipino. Kasalukuyang nauuso ang Pinoybaiting, o ang pakulo ng mga
banyaga upang makuha ang timpla ng mga nais ng mga Pilipino. Kabilang ang paggawa
ng mga reaction videos sa mga nauusong palabas sa Pilipinas sa mga madalas na gawing
pinoybait. Pamamaraan ito ng mga banyaga kung saan sinasamantala ang “Pinoy Pride”
at kyuryosidad upang mapunan ang uhaw sa likes at shares (The Bureau Asia) Tunay
agos 72
#PAUBAYA
nga na sa kalakaran ng pagpapasikat, kailangang makasabay ng mga naghahangad na
sumikat sa indayog ng popularisasyon upang hindi mapag-iwanan sa pag-angat.
Higit sa lahat, maliban sa mga salik na nabanggit, ang mismong awit pa rin ang
nasa likod ng todong pagsikat nito. Ano nga ba ang taglay ng Paubaya? Mula sa
“Paubaya Music Video [Behind The Scenes] : The Story Of Paubaya by Moira Dela
Torre”, YouTube Vlog ni Moira Dela Torre, narito ang ilan sa mga naging
pagpapaliwanag sa naging inspirasyon at aspirasyon ni Moira sa buong proseso:
Kapag pinutol na ang pisi ng pag-ibig na nagkabuhol-buhol, maaari pa ring
palitawin ang kasiyahan, maari pa ring manalo ang pagpapasalamat kaysa sa
panghihinayang. Hindi malalamon ng pagkadismaya ang masasayang alaala. Dahil
aminin man o hindi, mas mahapdi pa rin kaysa sa pamamaalam ang mga pinagsamahang
giliw, ang mga pangarap na nabuo, at ang mga pagkakataong nagpatatag sa isang
relasyon. Hindi lamang galos o gasgas ang iiwanan nito sa puso. Magmamarka ang lalim
ng sugat. Subalit hindi naman ito nangangahulugan bilang kamalian, tanda ito ng
totoong damdaming binuhay at bumuhay ng reyalidad.
Hindi maiiwasan ang pagwalay. Minsan, sa ating pag-iral, ang matitira na lang sa
ating pagpipilian ay ang humulagpos sa ating mga ipinaglalaban. Walang masama sa
pagbitaw, sa pagpapakawala, lalo na kung sakit ang tanging naidudulot ng mga
pinanghahawakan. Hindi masamang magpalaya kung natagpuan na ang sarili sa
bilanggo ng dalamhati at katanungan sa mga iniiwang kirot ng mga dati namang ligaya.
Kaakibat ng pagpapaubaya ang pagbibigay ng espasyo sa mga mas makabubuti at
makapagpapaunlad sa iyong danas at buhay. Hindi kasalanan ang lumihis sa iyong mga
nakasanayang pagtahak kung ang patutunguhan mo naman ay asam na kaganapan.
Hindi man ito madali o matatapos sa isang iglap, puno man ng paulit-ulit na
pagbalik sa kakulangan at kamalian, makararaos at makawawala rin ang taong
nakakawing sa kapighatian. Ang paglaya ay nasa pagpapatawad na buo, walang
pakundangan, at wala nang sisihan. Regalo ng pagpapaubaya ang bagong simula dahil
mula ito sa pag-ibig na hindi makasarili. Hindi kinakailangang magmadali upang
maibigay ito sa sarili o sa mga nakapanakit at nasaktan. Sumasailalim din sa taglagas at
tagsibol ang damdamin; kinakailangan malanta ang dahon ng pait ng nakaraan upang
muling mamukadkad ang inaabangang pag-asa at ginhawa ng hinaharap.
agos 73
#PAUBAYA
Hindi rin nakabubulag ang pag-asa at pag-asam sa paghinahon ng gulo, hindi nito
nilalayo ang sangkatauhan sa reyalidad. Hindi ito pantasya na tinatakpan ang
katototohanan, dahil ang totoo, ito ang kinakailangang katototohanan. Ang mga
handang sumuong at sumalungat sa panganib ng kawalang kasiguraduhang pagbangon
ay hindi nag-iisa. Palagi silang may makakasama sa kanilang pagsulong. Kagaya ng
kantang Paubaya, na naging kaibigan na, nakinig sa kwento ng mga nagparaya,
nagpatawad, at nagpaubaya, marami pang maaring maging sandigan kapag hapo na.
Sapagkat kalaunan, ang mga salaysay ng pagdurusa ay magiging paglaya at pag-asa rin
ng ibang patuloy na humaharap sa delubyo ng mga mala-sigwang siphayo.
Wala mang danas sa sakit na pinatutungkulan ng kanta ang lahat ng tagapakinig,
malamang ay naunawaan pa rin nila ang kahulugan at kahihinatnan ng pagpapaubaya.
Naisaad ni Moira, kasama ng lahat ng kasama sa pagkokonsepto at pagtupad sa obrang
ito, ang pag-ibig na hinugot niya mula sa sakit, ang pag-asa na hinulma mula sa
pagkakawasak, at ang bagong simula na maireregalo lamang ng pagpapatawad at
pagpapalaya. Ito ang hiwaga ng galing sa pagkanta, sa pagkwento ng karanasan sa
bawat bigkas, sa pagbibigay ng emosyon sa bawat hinga ng mang-aawit at manunulat
na ang inspirasyon ay mga totoong damdamin mula sa mga karanasan ng mga nakikinig.
Ito ang sining ng pagpapakatotoo at ng pagyapos sa mga damdamin nang walang halong
pagkukunwari.
Pakikipagkapwa, Pagpapatawad, at Pagpapaubaya
. Mayroong mas malalim na dahilan kaya lubos na tinanggap ng mga Pilipino ang
awiting “Paubaya”. Malaking salik ang kultura at kaugaliang pinahahalagahan ng isang
lipunan upang matanggap ang panitikan. Hindi naman tatangkilikin ng mga tagapakinig
ito kung hindi nila naiintindihan o nadarama ang mensahe ng kanta. Kagaya nga ng
sinabi ni Moira Dela Torre, tungkol ang kantang Paubaya sa pagpapahalaga sa
pinagsamahan, sa pagpapatawad, at sa pagpapaubaya. Ano nga ba ang pananaw at
paano ba ito pinahahalagahan ng mga Pilipino?
Ayon kay Reyes, likas sa Pilipino ang isipin na nararapat ang kanilang kapwang
mapagkalooban ng kagandang-loob. Hindi ito tungkol sa pagbibigay ng materyal na
bagay; lapas ito doon dahil tumutukoy ang kagandahang-loob sa pagbabahagi ng sarili;
ng pagpapaalam ng isang tao kung sino siya, kung ano ang kanya saloobin o niloloob
(Reyes). Ang bawat tao ay maituturing na kapwa; kapwa ng bawat isa. At ang ugnayan,
agos 74
#PAUBAYA
interaksyon, o pananaw na kinasasaklawan ng pagiging kapwa ang bumubuo sa loob ng
isang tao. Dito nagsisimula ang pagtibay ng isang relasyon sapagkat hahangarin ng
bawat ng isa ang kabutihan na hindi matatapos sa isang ugnayan.
Ano ang kaugnayan ng pakikipagkapwa sa pagpapatawad?
Kagaya ng ibang kaugalian, hinuhubog ng lipunan ang kapasidad ng isang taong
magpatawad. Ang proseso ng pagpapatawad ay naapektuhan ng tatlong panlabas na
salik: pananaw sa sinseridad ng paghingi ng dispensa ng nakapanakit; integrasyon ng
mga pinahahalagahan, pinaniniwalaan, at nakasanayan ng magpapatawad, at ang mga
itiniim na impluwensya ng lipunang kanyang kinabibilangan (Rungduin at Rungduin).
Ibig sabihin, ang intensyon at kapasyahan na magpatawad ay hindi lang hinuhubog ng
sarili kahit na dito dapat ito mismo nagmumula. Hindi lamang patungkol ito sa karakter
ng taong nagpatawad, nagpapatawad, o magpapatawad; mahalaga rin ang ugnayan niya
sa taong kanyang patatawarin, at sa lipunan na kanyang kinasanayan.Sa madaling salita,
kapag mas nararamdaman at mas sanay ang taong makipagkapwa-tao, mas mataas ang
kanyang motibasyon na magpatawad.
Pinalutang din ng kanta ang kaugalian na magpaubaya. Kapag may mga hindi
inaasang pangyayari, karamihan sa mga Pilipino ang makagawiang sabihing “Bahala na”.
Tinitingnan ito bilang negatibong kaugalian ng karamihan dahil nangangahulugan daw
ito ng kawalan ng kapasiyahan. Gayunpaman, isa lang naman ito sa mga interpretasyon
na nabuo mula sa pagkakaintindi ng mga Pilipino. Sa pananaliksik ni Gripaldo, ang
“Bahala na” ay di umano’y nagmula sa pahayag na “Bathala na”. Kung gayon, masasabi
na ito rin ay pagtitiwala, at pag-asa na mayroong magandang kahihinatnan ang
sitwasyon na walang kasiguraduhan. Ibig sabihin, pagkapit sa paniniwala na mayroong
gagabay patungo sa tadhanang mas maayos at mas mabuti. Siguro nga ay nakadepende
sa sitwasyon ang paggamit ng ekpresyon, ngunit ito rin ay tanda ng pagpapaubaya, saan
man o sa kung anumang pinaniniwalaang makapagsasalba sa bagabag o sa gulo. Ito ay
simbolo ng kultura ng pagpapaubaya na tatak na rin ng ating pagiging Pilipino.
Kapangyarihan at Pangangailangan ng Panitikan at Musikang Pilipino
Ang mga popularisasyon na kagaya ng pagsikat ng Paubaya ay tanda na patuloy
ang pag-unlad ng panitikan at kultura ng isang lipunan. Nag-iiwan din ang panitikan ng
agos 75
#PAUBAYA
ilang paalala sa mga umuusbong na kultura na hudyat ng pagbabago, maliit o malaki
man ang epekto, sa galaw ng lipunan.
Hindi patay ang OPM. Marami pa rin ang tumatangkilik sa mga sining, katha, o
musika ng ating bayan. Marami pa rin ang nauusong kanta na may bagong timpla at
dating sa mga Pilipino. Maling sabihin na walang mararating o maibubuga ang OPM
kung itatapat sa mga dayuhang awitin. Dahil sa totoo lang, wala namang permanenteng
pamantayan na susukat sa husay sa sining. Pinatotohanan ito ng mga makabagong
estilo, o genre na napupusuan ng tao kahit na bago ito sa paningin, sa pandinig, o sa
pandama.
Nakalulungkot lang na may posibilidad na malimutan ang mga kultura upang
makibagay lamang sa uso. Isa rin kasi ang Pilipinas sa sumasabay sa takbo ng
globalisasyon. Dagdag pa rito, kolonyalisado rin ang sistema dahil sa mga impluwensiya
ng mga dayuhang nanakop noon, at sa mga ideolohiya na nakasandig sa kaisipang
kolonyal. Nagkakaroon tuloy ng nosyon na kinakailangan magaya ang identidad ng mga
nangungunang dayuhang lahi upang masabi na mayroong ikauunlad ang industriya ng
mga mang-aawit. Mas tinatangkilik din ng karamihan ang mga gawa ng mga dayuhan
kagaya ng usong-usong KPop, Ariana Grande, Cardi B, Ed Sheeran, Justin Bieber, Taylor
Swift, at marami pang iba. Dahil sa mas malaki ang fandom ng mga ito, nahihirapan ang
mga lokal na mang-aawit natin na kumuha ng “spotlight” sa industriya lalo na kung hindi
ito hawak ng mainstream media. Maraming independent at unsigned artists ang kulang
na kulang sa suporta pati kagamitan kaya nahihirapang umangat sa industriya. Kapag
nagkaroon naman ng kontrata sa mainstream, madalas ay nagbabago na ang kanilang
estilo dahil sa pangdidikta ng mga dapat gawin upang mas marami ang mapukaw na
tagahanga. Usapin ito ng kompetisyon sa sariling identidad at sa mga dominanteng
pagkakakilanlan. Sinasabi nga na mapanganib ang golobalisasyon dahil pinahihina nito
ang mahihinang kinagisnang kultura at niyayakap ang pagbabagong hatid ng
globalisasyon. Wawasakin din nito ang tatag ng kaakuhan, kabatiran, at kagustuhang
magsaliksik tungkol sa sariling pagkakakilanlan ng bayan. Kapag nangyari ito, magiging
bahagi o maaangkin na lamang ng global na kultura at penomena ang ating sariling
husay at tatak.
Sa pagpapanatili ng kaakuhan at kamalayan sa sariling kultura, malaki ang
maiaambag ng sining at panitikan. Halimbawa, kung ang OPM ay tatalakay sa mga
agos 76
#PAUBAYA
isyung panlipunan gamit ang mga nauuso at napupusuang estilo, mas magiging madalas
ang pagpapalawak ng mga kamalayan tungkol sa lipunan. Isang patunay nito ay ang
pagbuo ng mga istorya tungkol sa kagandang-loob ni Moira Dela Torre at sa
pagpapahayag niya nito sa pamamagitan ng mga kanta niya. Napupukaw niya ang
interes ng tao, pinalalalim ang pag-unawa sa mga danas, at pinagyayaman ang kaugalian
ng ating lahi. Kung mas pagtutuunan ang pagpapaunlad, pagdiskubre, at pagsuporta sa
mga local artist na mayroong malinaw, mabuti, at makatuwirang mensahe,
paniguradong Malaki ang epekto nito sa pagkakaroon ng solidong kaalaman tungkol sa
mga pinahahalagahan ng ating lahi. Natural na sa Pilipino ang pagiging malikhain,
kinailangan na lamang ng pagdirekta sa tamang pag-unawa at pagtitimbang sa mga
dapat ipahayag.
Mahalaga rin ang pagsasalaysay sa masa ng saysay ng pagsuporta sa OPM o sa
iba pang lokal na sining. Ang OPM ang boses ng kabataan, ng masa. Ipinararamdam nito
sa mga tagapakinig, kung tama ang napiling paksa at estilo, kung paano ang
maunawaan, at magkaroon ng kasama kahit sa pamamagitan lamang ng pakikinig ng
kanta. Kasama na ang musika sa mayaman at makulay na kultura ng bansa. Sinasalamin
din nito ang katangian ng lipunang bumuo nito. Kinakailangan lang talaga na
pagtulungan ang pagpapasigla sa kawilihan na maging malay sa yaman ng musika, sa
yaman ng sining, at sa yaman ng kultura.
Panghuli, mayroon ding responsibilidad ang mga institusyon, kagaya ng paaralan
o tahanan, sa paghubog ng kaisipan na nakasandig sa kultura at sining ng ating Pilipino.
Mas mainam kung sa pagkabata pa lamang ay maituturo na ang pagkilala, pagtanggap,
at pagpapahalaga sa kulturang nakagisnan at mga ipinanganganak na sining nito. Sa
ganitong paraan, mapagtitibay ang kamalayan sa kung ano nga bang mayroon ang
Pilipinas, kung sino nga ba ang Pilipino. Mas mapagyayaman ang kanyang pananaw sa
ganda at husay ng kanyang mapakikinggang awiting makatutulong sa pagpapaunlad ng
kanyang karakter tungo sa pagiging malay, mabuti, makatao, at marunong tumindig.
Ang pagpapahalaga sa kultura ay pagpapahalaga rin sa lipunan. Dahil binubuo
ng lipunan ang kultura at binubuo ang lipunan ng kultura. Ang pagpapasibol sa mga
yamang-sining, kagaya ng OPM, ay magbubunga ng kinabukasang bukas sa kamalayan
tungkol sa kanyang kapwa. Hihilom ang sugat ng mga nakaranas ng pagbasak. Titindig
ang mga minsang naduwag. Mabubunyag ang mga matagal na ikinubli.
agos 77
#PAUBAYA
Makapangyarihan ang OPM, ang iba pang anyo ng sining, ang iba pang sumisibolo at
isinisimbolo ng panitikan. Kaya nitong baguhin ang isang tao, ang isang grupo, ang isang
lipi. Subalit, kagaya ng anumang makapangyarihan, nangangailangan pa rin ito ng
suporta, ng kasangga. Tanggap ang anumang pamamaraang tumutuon at tumutugon sa
mithiing maprotektahan ang marka bilang isang nasyon sa kabila man ng
pinipintang pagbabago ng globalisasyon. Tanggap ang anumang pamamaraan basta
pinanatili nito ang busilak ng kalooban na makapagpapadalisay sa ugnayan ng
lipunan. Tanggap ang anumang pagbabahagi kung pagkakaisa, at pagiging totoo ang
ipagkakaloob nito.
agos 78
MGA SANGGUNIAN
ABS-CBN News. “'Paubaya' tops trending videos on YouTube PH”. ABS-CBN News. 19
Pebrero 2021. <https://news.abs-cbn.com/entertainment/02/19/21/paubaya-tops-
trending-videos-on-youtube-ph>
Arnaldo, Steph. “For better or for worse? How the pandemic is changing
relationships”. Rappler. 2021 Marso 2021.< https://www.rappler.com/life-and-
style/relationships/how-covid-19-pandemic-changing-relationships>
Belleza, Irin Eden. “Filipino ‘love teams’: What’s the big deal?” Gulf News. 29 Abril 2017. <
https://gulfnews.com/entertainment/pinoy-celebs/filipino-love-teams-whats-the-
big-deal-1.2018950>
Conrnerstone Entertainment Inc. “Moira”. Conrnerstone Entertainment Inc. n.d. <
https://www.cornerstoneentertainment.com.ph/profile/moira2>
Corrigall, Kathleen and E. Glenn Schellenberg. "Music: The Language of Emotion." Handbook
of Psychology of Emotion (2013).
Das, Shambhavi. “Role of Music in Human Life”. N.d.
de Guzman, Paul. “Why Philippine Music Is So Deeply Embedded in The Culture: Notes on
Filipino History” Tatler Philippines. 20 Marso 2020.
<https://ph.asiatatler.com/life/historical-notes-on-why-filipinos-love-music>
dela Torre, Moira. “Paubaya Music Video [Behind The Scenes] : The Story Of Paubaya
by Moira Dela Torre”. Pebrero 2021. <
https://www.youtube.com/watch?v=AwhOrwom1NA>
de los Reyes, Sara. “The Painful Experiences That Moira dela Torre Uses To Fuel Her Beautiful
Songwriting.” Metro.Style. 16 Marso 2021. <
https://metro.style/people/celebrities/toni-gonzaga-moira-dela-torre-womens-
month/29512>
Gripaldo, Rolando. "Bahala Na: A Philosophical Analysis." (2005).
Hallam, Susan. "The power of music: its impact on the intellectual, social and personal
development of children and young people." International Journal of Music Education
(2010): 1-32.
Ramesh, Bhuvaneswari. "Influence of Music as a Coping Strategy during COVID-19." SBV
Journal of Basic, Clinical and Applied Health Science, (2020): 128-130.
Reyes, Jeremiah. Loob and Kapwa: Thomas Aquinas and a Filipino Virtue Ethics. 2015.
agos 79
MGA SANGGUNIAN
Rungduin, Darwin C.; Rungduin Teresita T.. “The emergence of Filipino values among
forgiveness Studies”. International Journal of Research Studies in Psychology
(2013):17-34
Sachs, Matthew & Damasio, Antonio & Habibi, Assal. “The Pleasures of Sad Music: A
Systematic Review”. Frontiers in human neuroscience (2015)
Singson, Ysa. “Moira Dela Torre: 'I was very mean to myself, I always blamed myself for not
being enough'”. Cosmo.ph. 16 March 2021.
Spotify. “The OPM Ballads of the Philippines Will Make You Get Up and Sing.” Spotify
Newsroom. 27 Marso 2019. < https://newsroom.spotify.com/2019-03-27/the-opm-
ballads-of-the-philippines-will-make-you-get-up-and-sing/>
The Bureau “Asia. How to get a thousand likes in minutes. The art of Pinoybaiting.” The Bureau
Asia. 24 Marso 2020. < https://thebureauasia.com/2020/06/24/how-to-get-a-
thousand-likes-in-minutes-the-art-of-pinoybaiting/>
Western Sydney University. “Sad Music and Depression: Does It Help?”. 14 Oktubre
2021.
<https://www.westernsydney.edu.au/newscentre/news_centre/story_archive/2016/
sad_music_and_depression_does_it_help>
agos 80
Podcast: Hatid ay Tinig at Tindig upang
Kaalaman ay Mapalawig
Ni: Beatriz Tomelden
Podcast ― isang digital audio file na maaaaring gamitin sa pagpapamulat pa ng
kaisipan ng mga tao sa usapin ng iba’t ibang diskurso na maaaring may kinalaman sa
Kulturang Popular, Wika, at Panitikan. Sa papel na ito ay tatalakayin ang ilan sa mga
pinakamadalas na laman ng bawat podcast na mayroon sa ating bansa. Dito,
susubukang mas palawigin ang mga nakapaloob sa usapin ng mga podcast ukol sa
insomnia at iba pang sleeping disorders, pag-ibig, mental health at self-love, adulting,
society and culture, at edukasyon.
Insomnia
Mula nang magsimula ang pandemya, marami sa mga Pilipino ang nakaranas ng
hirap sa pagtulog, tipong hindi sila dinadalaw ng antok at nananatiling gising ang
kanilang diwa kahit malalim na ang gabi. Ayon kay Dr. Dela Eva, isang sleep disorder
specialist, maaaring ang nararanasan ng mga ito ay Insomnia na dulot ng Covid19. Dahil
sa pagbabago sa nakasanayang iskedyul at gawi, nakapagdudulot ito ng stress sa mga
tao, na siyang nadadala nila kahit sa oras ng kanilang pagtulog.
Sa pangkalahatan, napakita rin sa isang pananaliksik nina Zitting (2020) ang
pagtaas ng bilang ng google searches para sa salitang insomnia na siyang
nagpapahiwatig na marami rin ang nakararanas nito sa buong mundo, lalo na sa buwan
ng Abril at Mayo o nang magsimula ang implementasyon ng home quarantine. ito na
nga ang isa sa mga pinakamalinaw na dahilan kung bakit isa sa mga naging paboritong
podcast ng mga Filipino noong taong 2020 ay ang podcast ni Inka Magnaye na
pinamagatang Sleeping Pill with Inka. Ayon sa News Room Spotify (2020), ang podcast
agos 81
#PODCAST
na ito ay isang ASMR-friendly na audio show na naglalayong matulungan ang mga
tagapakinig nito upang mapawi ang kanilang pagkabalisa o anxiety at upang makatulog
sila nang mahimbing sa pamamagitan ng nakapapawing pagod na boses ni Inka sa
pagbabasa nito ng mga libro o tula sa kaniyang podcast, na tila ba ay nanghehele.
Pag-ibig
Ngayon, kung ikaw ay isang commuter, naranasan mo na bang lumagpas sa iyong
dapat na babaan dahil sa pagkahumaling mo sa mga kwentong naririnig mo mula sa
radyo ng sinasakyan mong dyip o UV express? Tipong sa susunod na kanto ka na lang
bababa para lang masubaybayan ang kwentong pag-ibig ng ibang tao? Kung oo, sagot
ka ng podcast sa panahon ng pandemyang ito.
Ayon sa Apple at Podtail (2021), ang pinakanangungunang podcast ngayong
buwan ng Mayo ay ang Barangay Love Stories, kung saan mapakikinggan ang iba’t ibang
kwentong pag-ibig na itinatampok sa radio program na ito ni Papa Dudut. Dulot ng
dramatisasyon o kwentong hatid mula sa programang ito, nagkakaroon ng iba’t ibang
pakiramdam ang mga tagapakinig. Narito ang pakiramdam ng saya, kilig, lungkot, at
maging ang pighati. Sa kasalukuyan, mayroon na itong 221 episodes at ang
pinakabagong nilabas ay ang pinamagatang old flame.
Isa pa sa pinakakilalang podcasts na tumatalakay sa mga totoong kaganapan
pagdating sa usapin ng pag-ibig ay ang Behind Relationship Goals nina Mikael Daez at
Megan Young o mas kilala bilang Fofo and Bonez. Sa panahon ngayon, hindi maikakaila
na sumikat nang husto ang millennial slang na ‘sana all.’ Madalas itong sinasabi ng
indibidwal sa tuwing makakikita ng mga bagay na nais niya ring makamtan, at isa na nga
rito ay ang tinatawag na relationship goals. Halimbawa ay ang mga larawan na
nagpapakita ng kani-kanilang travels, mga masasarap na putaheng kanilang
nadidiskubre, at ang mga matatamis na caption ng bawat larawan ng mga ito para sa
isa’t isa. Madalas itong sinasambit o nilalagay bilang comment ng mga millennial at
generation z sa mga paskil ng kanilang mga kaibigan at lalo na ng kanilang mga iniidolo.
Madali para sa karamihan na sambitin ang katagang ‘sana all’ kahit ang tanging nakikita
lang naman nila ay ang panlabas na anyo o surface area ng iniidolo nilang
magkasintahan. Kung kaya naman, ang tambalang Fofo at Bonez ay nagpasya na dalhin
ang kanilang mga tagahanga sa likod ng kurtina ng kanilang relasyon.
agos 82
#PODCAST
Isinalaysay ng dalawa ang mga bagay na kanilang pinagtalunan na nararanasan
din ng iba na kapwa nila may kasintahan sa kasalukuyan. Ilan sa kanilang mga paksang
tinalakay ay tungkol sa kanilang mga boundaries bilang indibidwal at bilang
magkasintahan. Binanggit din nila kung ano-ano ang mga bagay o gawi na nagdudulot
ng pagkaselos sa isa’t isa maging ang mga bagay na ayaw at gusto nila na ginagawa ng
bawat isa. Isa rin dito ay ang mga usapin na may kaugnayan sa pagba-budget. Sa
kanilang podcast, mapapansin na palagi nilang binibigyang diin na ang bawat tao at ang
bawat magkasintahan ay iba-iba; na kung ang isang pamamaraan ay gumagana para sa
isa, hindi nangangahulugan na angkop na ito para sa lahat. Sinasabi nila ito upang
maiwasan ang labis na pagkukumpara na siyang nagdudulot lang ng hindi
pagkakaintindihan.
Ang podcast na ito nina Fofo at Bonez na pinamagatang Behind Relationship
Goals ay isa sa mga nakapagbubukas ng kaisipan ng mga tao na ang isang matagumpay
at magandang pagsasama ay nabubuo lamang sa pamamagitan ng pagkakaroon ng
malinaw at bukas na komunikasyon, pagiging tapat sa isa’t isa, pagkakaroon ng respeto,
at pagsasapraktika ng mga natututuhan batay sa karanasan sa araw-araw na buhay o
sa tagal ng pagsasama. Walang masama sa pagsambit ng mga salitang ‘sana all’, ngunit
kinakailangan din ang palagiang pagiging bukas ng isipan ng bawat isa, na ang kanilang
nakikitang masasayang paskil na larawan sa social media ng kanilang mga hinahangaan
ay hindi lamang nagtatapos doon. Mahalaga na makita rin natin na sa bawat
masasayang larawan ay mayroong kwento at ito ay tungkol sa dalawang karaniwang
tao na mayroon ding nararanasan na pagkukulang, pagkakamali at iba pang katangian
na banayad sa kahit sino mang tao. Ang pagkakaroon ng ganitong uri ng podcast ay
malaking bagay upang hindi maging superficial o malayo sa reyalidad ang paniniwala ng
tao patungkol sa mga usaping may kinalaman sa pag-ibig. Makakatulong din ito upang
mabuksan ang kanilang isipan at hindi magdulot ng mga hindi makatotohanang
expectations pagdating sa isang relasyon.
Mental Health at Self-love
Ngayong panahon ng pandemya, hindi lang kaso ng COVID-19 cases ang
umakyat kundi pati na rin ang bilang ng buwanang hotline calls patungkol sa depresyon.
Ayon sa National Center for Mental Health (NCMH), mula sa 80 tawag noon, umakyat
agos 83
#PODCAST
ito sa 400 tawag ngayong may pandemya. Sa buong mundo, ang pinaka-vulnerable na
populasyon ay yung mga may edad na 15-29 taong gulang.
Hanggang sa panahon ngayon ay hindi pa rin tuluyang nawawala ang stigma
patungkol sa pagpunta sa mga klinika para kumonsulta patungkol sa kalagayan ng kani-
kanilang mental health, kung kaya naman, marami pa rin sa mga Pilipino ang hindi
komportable na pag-usapan ang mga ganitong bagay. Ang iba ay lubusan na lamang na
umaasa sa kanilang mga pinakamalapit na kaibigan o pamilya upang magbahagi ng
kanilang nararamdaman o ng katayuan ng kanilang kalusugang pangkaisipan. Kaugnay
nito, inilunsad ng DOH ang iba’t ibang programa patungkol sa pagpapaunlak ng mga
indibidwal na nangangailangan ng tulong sa pamamagitan ng pagkakaroong ng
makakausap at mapagbabahagian ng tunay na nararamdaman. Isa sa mga ito ay ang
crisis hotline ng NCMH na tinawag na “Kamusta Ka? Tara Usap Tayo.
Hindi lamang dito natatapos ang kalbaryo ng pandemyang ito. Ayon kay Ralf
Rivas (2021), ang porsyento ng insidente ng pagpapakamatay ay tumaas ng 25.7 noong
2020 kumpara noong nakaraang taon. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA),
ang naitalang mga kaso ng intensyonal na self-harm ay umabot ng 3,529 noong 2020,
na mas mataas kumpara noong taong 2019 na may 2,808 na kaso ng pagkamatay dahil
sa self-harm. Hindi biro ang bigat na dala ng pandemya sa mga tao. Bukod kasi sa
malaking pagbabagong naganap sa bansang Pilipinas, mayroon pang hiwalay na
personal na isyung pinagdadaanan ang bawat isa. Datapuwat sa kabila ng mga
nabanggit, sa huli, tanging ang iyong sarili lamang din talaga ang maaaring kapitan. Ikaw
lang din ang pinakamakatutulong upang maging maayos at maka-ahon muli sa lahat ng
pagkalugmok na iyong naranasan at mararanasan.
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga dahilan kung bakit kabilang sa mga
pinakapatok na podcast ang The Mindset Mentor, The Self Love Fix, On Purpose with
Jay Shetty, at Self Improvement Daily. Mahirap makulong sa bahay nang ilang buwan,
lalo na kung ikaw ay nasa isang toxic na sambahayan. Kung sa loob ng inyong bahay ay
puro negatibo lamang ang iyong maririnig, maaaring mas ikasama nito ang lagay ng
iyong kalusugang pangkaisipan. Kaya naman, sa tulong ng mga ganitong klaseng
podcast ay mas mapalalawak pa ang iyong perspektibo, mapagpapabuti ang mga
nakasanayang gawi, at mapaglalabanan ang mga negatibong pag-iisip at emosyong
iyong nararamdaman. Samantala, ang iba naman na naglalayon ding makapakinig ng
agos 84
#PODCAST
mga inspirasyonal na kwento na nakatuon sa pagpapabuti ng ispiritwal na kalagayan ay
nagchu-tune up sa mga podcast na kagaya ng kay Bo Sanchez, isang sikat na awtor,
negosyante, tagapangaral, at Katolikong pastor. Ang kaniyang podcast na tinawag
niyang Bo Sanchez Radio ay kasalukuyang pang-18 sa The 100 Most Popular Podcasts
Right Now, ayon sa Apple at Podtail (2021)
Gayunpaman, hindi nangangahulugan na ang mga podcast na ito ang kasagutan
sa pagsugpo ng mga mental health problems ng mga tao ngunit maaaring isa ito sa
maging paraan upang makatulong sa mga taong humaharap sa ganitong kalagayan.
Malaki ang nagiging ambag ng mga napakikinggan ng tao sa kaniyang emosyon maging
sa kaniyang pagkatao. Kung kaya naman, ang mga podcast na nakatuon sa pagbibigay
ng malawak na perspektibo tungkol sa iba’t ibang mga bagay ay maaaring maging daan
upang kahit papaano ay hindi makulong ang isipan ng bawat indibidwal sa kaniyang
sariling pagtingin lamang.
Adulting
Mayroon din namang mga podcast na tumatalakay sa iba’t ibang bagay na may
kinalaman naman sa adulting, gaya na lamang ng Adulting With Joyce Pring. Ang latest
episode sa podcast na ito ay tungkol sa pagharap sa insecurities ng isang indibidwal.
Dito, kasama niya si Coach Lyqa Maravilla, isang online educator at motivational
speaker, na siya ring dumaragdag sa kredibilidad ng talakayan sa podcast na ito. Ang
ilan pa sa podcasts ni Joyce Pring ay tumatalakay tungkol sa pera, kagawiang pinansyal,
at long-term financial goals. Sa mga episodes na ito, kasama niya si Coach Yani Moya,
isang kilalang financial coach. Ang ganitong estratehiya na pagsasama ng mga may
awtoridad at propesyonal na kaalaman ukol sa mga paksang tinatalakay ay ang
makapanghihikayat ng maraming tagapakinig dahil sa kredibilidad ng mga talakayan sa
podcast na ito ni Joyce Pring. Isa rito ay ang naganap na pagtalakay tungkol sa
kalusugang pangkaisipan, pangkalahatang kalusugan, at kung paano makatulog nang
maayos, sinama niya rin sa kaniyang podcast ang mga propesyonal na sina Mika
Gonzales, Coach Paulo Agir, at Mollie McGlocklin.
Tunay nga rin talaga na bukod sa paghahanap ng pang-aliw sa sarili ay nagnanais
din ang karamihan sa mga Pilipino na punuin ng mga makabuluhan at holistikong
impormasyon ang kani-kanilang isipan, gaya na lamang sa mga usaping pinansyal,
hanapbuhay, pangkalusugan, at iba pa.
agos 85
#PODCAST
Society and Culture
Pang-anim sa Top 100 Most Popular Podcasts Right Now (2021) ay ang
skypodcast nina Kryz at Slater, na puno ng mga kwela, tapat, at unfiltered na mga
usapan tungkol sa buhay, relasyon, at pamilya. Ang pinakapatok na episode sa podcast
na ito ay ang tungkol kay BJ Pascual, isa sa pinakakilala at talentadong litratista.
Ibinahagi niya kung paano siya nagsimula, ang mga balakid na kaniyang naranasan sa
kaniyang piniling larangan at kung paano siya nakitungo sa kaniyang mga haters. Isa
talaga sa pinaka-nakahuhumaling na kwento ay ang mga pagbabahagi tungkol sa kung
paano nagsimula ang mga taong kilala na ngayon sa kanilang pinili na karera. Malaki kasi
ang binibigay nitong inpirasyon para sa mga taong nagsisimula pa lamang sa kanilang
piniling tahakin na kurso o trabaho, lalo na sa mga dumaraan sa matinding pagsubok at
pinanghihinaan ng loob. Sa mundong ating ginagalawan ngayon kung saan ang lahat ay
mabilis ang takbo o fast-paced, madalas ay umaapaw ang pressure na nadarama ng
bawat indibidwal kaya naman kung malalaman nila na hindi rin pala madali ang
pinagdaraanan ng iba, nakapagbibigay ito ng sense of comfort bukod pa sa inspirasyon
dulot nito.
Madalas na mag tune in sa mga ganitong podcast ang mga tao dahil hindi tago
ang reyalidad ng buhay sa mga ito. Sabi nga sa deskripsiyon ng skypodcast, ‘unplugged
and uncensored’ ang mga usapan nila. Kung mas malapit sa tunay na buhay, mas
sinusubaybayan ng taumbayan. Napakahirap naman na kasing takasan ang reyalidad at
maniwala sa mga pantasya na madali lang kumayod at maghanap-buhay. Sa ganitong
podcast, nagkakaroon ng parehong lagay ang artista at ang ordinaryong mamamayan,
na kahit papaano ay nakapagbuwag ng pader o espasyo sa pagitan ng artista at tipikal
na mamamayan lamang.
Dagdag pa, mayroon na ring podcast ang Team Payaman na unang sumikat sa
YouTube. Ang Team Payaman, na siyang sinasabing hindi toxic gaya ng ibang mga
Pilipinong YouTubers, ay patuloy na nagbabahagi ng kanilang kwento sa pamamagitan
ng podcast. Dito, ibinahagi nila ‘ang simula ng umpisa’, ang kanilang buhay bago ang
YouTube, at ang mga ganap sa kanilang payamansion na nagsisilbi nilang tirahan. Kung
mapakikinggan ang kanilang podcast, tiyak na maniniwala ang mga tao na walang
imposible sa Diyos at sa taong naghahangad at nagsusumikap na umangat sa buhay.
Bukod dito, ipinapakita rin nila ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pagpapahalaga sa
agos 86
#PODCAST
bawat isa. Dapat ay walang maiiwan at mapag-iiwanan; na ang lahat ay pa-angat at na
ang lahat ay payaman!
Edukasyon
Naging lunsaran din ang podcast para sa pagbabahagi ng mga kaalamang pang-
akademiko. Marami ng iba’t ibang propesyonal ang sumama na sa Podcast Community.
Isa itong witty na desisyon dahil alam ng mga mas nakatatanda na ang mga kabataan at
ang henerasyon ngayon ay caught up na sa iba’t ibang aplikasyon gaya ng Podcast, kung
kaya naman, kinuha na rin nila ang ganitong pagkakataon upang makapagbahagi ng mga
makabuluhang impormasyon para sa mga milyon-milyong tagapakinig. Tunay na sa
bagong kadawyan ay malaki ang maitutulong ng mga ganitong aplikasyon upang
magamit ng iba’t ibang mga propesyonal gaya ng mga guro para sa kanilang pagtuturo
sa birtuwal na espasyo.
Podcast ― mga episodes na maaari niyong mapakinggan kahit nasaan man kayo
o kahit ano pa man ang inyong ginagawa. Podcasts na siyang kaagapay ng bawat
indibidwal na maaaring makasagot sa kaniyang mga katanungan o bilang isang bagay
na nagbibigay sa kaniya ng kagalakan. Podcasts, na ang tinatalakay ay tungkol sa buhay
kung saan marami ang relate at marami ang nahuhumaling, dahil sa pakiramdam na
hindi pala sila nag-iisa, na hindi lang pala sila ang may ganoong problema, na marami pa
pala silang maaaring matutuhan para sa kanilang sarili, at ang pakiramdam na may
nakapagbabahagi sa kanila at may nakakasama sila, kahit pa mag-isa lamang sa kotse,
sa banyo, sa bahay, o kahit saan pa man.
agos 87
MGA SANGGUNIAN
Hernaez, J. (2020, November 20). Ilang Pinoy nakararanas ng insomnia ngayong may
pandemya. Retrieved from https://news.abs-cbn.com/news/11/22/20/ilang-
pinoy-
nakararanas-ng-insomnia-ngayong-may-pandemya
News Room Spotify. (2020, September). Nine Filipino Fan Favorite Podcasts Join
Spotify. Retrieved from https://newsroom.spotify.com/2020-09-22/nine-
filipino-
fan-favorite-podcasts-join-spotify/
Podtail. (2021, May 21).The 100 Most Popular Podcasts Right Now. Retrieved
https://podtail.com/en/top-podcasts/ph/
World Health Organization. (2020, September 10). DOH and WHO promote holistic
mental health wellness in light of World Suicide Prevention Day. Retrieved
from https:// www.who.int/philippines/news/detail/10-09-2020-doh-and-
who-
promote-holistic-mental-health-wellness-in-light-of-world-suicide-prevention-
day
Zitting, K., Holst, H., Yuan, R., Wang, W., Quan, S., Duffy, J. (2020, September).
Google Trends reveals increases in internet searches for insomnia during
the 2019 coronavirus disease (COVID-19) global pandemic. Retrieved from
https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/32975191/
agos 88
DANVIBES: Humor: Alin ang nakakatawa
at alin ang problema?
Ni: Kristine Villaluna
Ang kakaibang humor ng mga Pilipino at ang pagiging aktibo ng marami sa mga
social media sites gaya ng Tiktok ang naging daan upang umusbong ang kasikatan ng
nag-viral na singing teacher ng Cebu at tinaguriang “Miss Volumatic” na si Danieca
Arreglado Goc-ong o mas kilala sa username na DanVibes, isang dating guro ng Filipino,
MAPEH, at Araling Panlipunan sa elementarya. Ang kaniyang mga nakatatawang bidyo
kung saan siya nagbibigay ng libreng “voice lessons” at mga biglang banat tungkol sa
“integration of science” gaya ng sikat niyang linya na “the alignment of the esophagus”
ay talaga namang naging patok at ikinatuwa ng maraming Pinoy. Ang bawat pagpiyok,
paggasgas ng boses, at mga banat niyang talaga namang hahagalpak ang manonood sa
katatawa, ang ilan sa mga dahilan kung bakit padami nang padami ang kaniyang mga
tagasuporta.
Sa gitna ng dinaranas na krisis dulot ng pandemya, isang malaking bagay ang
pagkakaroon ng mapaglalabasan ng ating problema at mapagbabalingan ng ating
atensyon mula sa kaguluhan sa paligid habang nasa loob tayo ng ating kani-kaniyang
tahanan, ngunit madalas ay hindi natin napapansin na lubos na tayong nalulunod sa
kasiyahang hatid ng internet at tila nagiging lunsaran ang social media at ang iba’t ibang
uri ng komedya at katatawanan upang ibaling ang atensyon ng masa mula sa mga tunay
na problema.
Nagiging dahilan ang magandang katangian na pagiging masiyahin nating mga
Pinoy upang maikubli sa mga “jokes” ang maraming suliranin sa ating lipunan. Hindi
natin gaanong nakikita ang mga bagay na kinakailangang bigyan ng sapat na atensyon
agos 89
#DANVIBES
dahil inilalayo tayo ng nosyong “goodvibes lang palagi” sa pagkakaroon ng mas malalim
na pagtingin sa mga bagay na nakikita natin sa ating sariling komunidad man o sa birtwal
na espasyo.
Sa likod ng mga biro
Isa lamang si Danieca o Danvibes sa itinatayang 400,000 mga gurong nawalan
ng trabaho sa gitna ng pandemya, na isang malaking dagok para sa kaniya na isang
breadwinner at tanging nakapagtapos ng kolehiyo sa kanilang sampung magkakapatid.
Iginapang ng kaniyang mga magulang ang pag-aaral nilang magkakapatid mula sa
pagtitinda ng mga kandila, ngunit dahil sa kahirapan, kinailangan na mamasukan ni
Danieca. Siya ay namasukan sa munisipyo bilang tagalinis ng mga tindahan at kung ano-
ano pang trabaho para maipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa kolehiyo at
makapagtapos sa kurso sa edukasyon.
Sa likod ng kaniyang nakatutuwa at nakaaaliw na mga video sa Tiktok at Youtube
ay isang karanasan na hindi na bago para sa maraming Pilipino ̶ isang patunay na ang
kahirapan ay isang tunay na problemang dinaranas ng tunay na tao at hindi lamang
isang makabagbag damdaming kwento ng nakaraan ng isang kilalang tao. Ang hirap,
pagod, gutom at kung ano-ano pang sakripisyo na naranasan at patuloy na nararanasan
ng marami sa atin, hindi lamang sa gitna ng pandemya kundi sa gitna ng palala nang
palalang problema ng kahirapan sa bansa. Ito’y isang repleksyon ng marami pang
suliraning nagkapatong-patong na sa paglipas ng panahon.
Pagpapatawa bilang atake sa Pagtuturo
Mahalaga para sa isang talakayan ang kabuoang mood o ambiance ng klase.
Ayon kay E.B White, mayroong malaking epekto ang positibong pagtingin at pagturing
ng mga mag-aaral sa klase upang maging mas epektibo ang kanilang pagkatuto. Sa
ganitong paraan, mas mae-engganyo ang mga mag-aaral sa pakikinig ng aralin.
Nagkakaroon ng mas malapit na koneksyon ang guro at mag-aaral dahil sa mga birong
nagsisilbing tulay upang tawirin ang madalas na nakakailang na puwang sa kanilang
pagitan. Ayon naman sa pagpapakahulugan ni Jean Paul, isang German psychologist na
ang humor ay nakakapag-stimulate ng higher level self-reflective skills ng isang tao.
agos 90
#DANVIBES
Sa ganitong pagtingin, masasabi na mayroong magandang resulta ang paggamit
ng mga nakatatawang jokes upang pagaanin ang bawat talakayan sa klase gaya na
lamang ng paraan ng “pagtuturo” ni Danieca sa kaniyang mga bidyo. Nakababagot nga
naman kasi kung palagi na lang seryoso ang usapan, kaya kung may mga maisisingit na
biro ang guro, aba’y siyempre, mabubuhay ang inaantok na diwa ng klase.
Iilan lamang ang paggamit ng iba’t ibang ekspresyon ng mukha, tono, at biglaang
patutsada sa mga hindi inaasahang ingay sa paligid ang ginagawang paraan ni Titser
Danieca. Ito ang kaniyang paraan na ginagawa upang maipakita na ang pagtuturo ng
musika ay maaari ding maging isang masayang talakayan sa klase hindi gaya ng
naranasan ng marami sa atin kung saan puro pagbabasa ng nota, pakikinig ng mga
instrumental music na naghehele sa halos kalahati ng klase at pagkakabisado ng
maraming composer na mahirap ibaybay ang pangalan na karaniwang ginagawa sa
klase. Isang patunay na mayroong iba pang paraan ng pagtuturo ang maaaring gawin
ng isang guro kung nais niyang makuha ang atensyon ng kaniyang mga estudyante
upang edali at ito ay ang pagsasama ng mga kwelang pakulo at pauso sa pagtuturo.
Mga biro na patok sa masa bilang lente upang matukoy ang problema
Tinukoy ni Sultanoff (1995), ang pagtawa bilang isa sa pinaka epektibong salik
upang malampasan ng isang tao ang iba’t ibang problema at stress. Kaya hindi kataka-
taka kung bakit nahuhumaling ang maraming Pinoy sa panonood ng mga nakatatawang
palabas sa tahanan, sa mga comedy bar at mga komedyante sa popular na midya na
hinahangaan at iniidolo ng marami tulad nina Dolphy, Vice Ganda, Pokwang at iba
pang mga sikat na personalidad na nagdadala ng saya at katatawanan sa maraming
Pilipino.
Isa sa mga katangian ng mga birong patok sa masang Pilipino ay mga birong
naglalaman ng senswal at sekswal na mga patutsada o mga “toilet jokes”. Talamak sa
mga social media sites ang mga biro na anti-lgbt community at lumilitaw ang pagiging
patriarchal at misogynistic ng lipunang Pilipino. Mahilig din ang mga pinoy na isama sa
paksa ng biruan ang mga linyang may double meaning o mga salitang may iba pang nais
iparating maliban sa literal nitong kahulugan tulad na lamang ng “Ay! Nabasag ang itlog
ni Juan.” Bentang-benta rin ngayon ang mga banat na mala-Vice Ganda na ang atake
ay karaniwang patungkol sa pisikal na katangian ng tao. Isang manipestasyon ng
agos 91
#DANVIBES
pagkakaroon ng isang mataas na pamantayan ng kagandahan na kadalasan ay batay sa
konsepto ng mga kanluraning bansa.
Ngunit hindi natin maaaring kaligtaan ang mga birong tiyak na halos lahat ay
nararanasan lalo na sa mga paaralan. Ang pagkakamali sa pagsasalita o pagbigkas ng
mga salita sa Ingles tulad na lamang ng mga bidyo ni Dan Vibes sa Tiktok. Ang simpleng
pagpiyok at paggasgas ng boses habang kumakanta lalo na ang kwelang paggamit niya
ng mga terminolohiya sa Ingles at sadyang pagkakamali sa gramatika ay isa lamang sa
maraming dahilan kung bakit maraming natatawa at patuloy na nanonood ng kaniyang
mga bidyo.
Kung iisipin, bakit nga ba tayo natatawa sa mga ganitong bagay? Bakit ang mga
bagay na dapat ay “normal” lamang na nangyayari tulad ng pagkakamali lalo na sa
paggamit ng wikang hindi natin kinagisnan ay nagiging paksa pa ng mga biro at memes
na kung tutuusin ay isang seryosong usapin sa mas pagbibigay natin ng mataas na
pagturing sa wikang banyaga kaysa sa wikang Filipino.
Ang kasagutan ay naglalagi sa kung paano tayo nag-iisip at kung ano ang mga
paniniwala, kaugalian, at kaisipan na nakatatak na sa atin nang hindi namamalayan na
maaaring impluwensyang nakuha natin sa ating kinagisnang pamilya o komunidad,
ngunit maaari rin namang dahil sa ganitong paraan tayo hinulma ng ating lipunan na ang
nananaig at sinasambang wika ay ang wikang Ingles.
Kung ang pagiging masiyahin ay likas sa isang tao, ang pagiging magaling sa
wikang Ingles naman ay tila natural nang nakatatak sa isipan nating mga Pilipino. Tila
isang asukal na natunaw na sa kape at mahirap nang ihiwalay. Asukal na para sa iba ay
nagbibigay tamis (dahil sa nosyong kung magaling ka raw sa pagsasalita ng wikang
Ingles, mas maraming oportunidad ang lalapit sa iyo at magiging mas matagumpay ka),
ngunit ang katotohanan ay isa itong substance na unti-unting sisira sa iyong kalusugan
(wikang Filipino; pagkakakilanlan ng mga Pilipino) lalo na kung masyadong marami na
ang ginagamit natin kaysa sa dapat (lagi’t laging ang batayan ng kahusayan at tagumpay
ay kadikit ng wikang ito.)
Sa lipunang Pilipino, madaling makikita ang mga pinakamalalaking problema
mula sa pinakamaliliit na bagay at kahit sa pinaka nakatatawang biro. Mula sa simpleng
paghagikhik dahil sa hindi maayos na pagkakabigkas ng “sheet of paper” at naging “shit”
ang isang pilas lamang sana ng papel hanggang sa mga maling gramatika sa mga Filipino
agos 92