The words you are searching are inside this book. To get more targeted content, please make full-text search by clicking here.

Unang likhang aklat ni Bb. Trisha Kate B. Feliciano

Discover the best professional documents and content resources in AnyFlip Document Base.
Search
Published by trishakatefeliciano, 2022-07-26 00:25:15

Hampas ng mga Alon sa Dalampasigan

Unang likhang aklat ni Bb. Trisha Kate B. Feliciano

Unang Libro ni

TRISHA KATE B. FELICIANO

Ang mga istorya sa likod ng paglalakbay

HAMPAS NG MGA ALON SA
DALAMPASIGAN

SAYA . PAG-IBIG . LUNGKOT . PIGHATI

i

Hampas ng mga Alon sa Dalampasigan
Philippine Copyright © 2022 by Trisha Kate B. Feliciano

Inilimbag ng:

#378 C. Arellano St. Sta. Mesa, Manila
1016 Manila, Philippines

Hindi pinahihintulutan na sipiin o kalakalin ang anumang
bahagi ng aklat na ito sa anumang paraan nang walang
pormal na pahintulot mula sa may-akda o tagapaglathala

nito. Ang sinumang lalabag dito ay pananagutin nang
naaayon sa batas.

Manufactured in the Philippines
Agosto 2022

ii

PANIMULA
Mga punong nagbibigay ng sariwang hangin,
karagatang kay lawak at kay lalim, hampas ng mga alon sa
dalampasigan na tunay na kay lakas – ito nga ba ang buhay
ng bawat isa na mababakas.

Laman ng aklat na ito ang ilan sa mga hampas ng alon
sa ating buhay na kakikitaan ng saya, pag-big, lungkot at
pighati dulot ng iba’t ibang karanasan sa buhay na naging
susi sa pagpapalago ng sariling pamumuhay. Ito ay binigyan
kulay sa tulong ng iba’t ibang akdang pampanitikan na gawa
ng may akda. Hain ang mga istorya na may pinagbatayan at
hango sa tunay na buhay na makapagbibigay ng kaalaman
sa mga mambabasa.

Ang mga istorya sa likod ng paglalakbay na makikita sa
aklat na ito ay may dalang iba’t ibang aral, inspirasyon at/o
motibasyon mula sa bawat destinasyon at hampas ng mga
alon. Sa pamamagitan ng masining na pagkukwento gamit
ang iba’t ibang akdang pampanitikan, mas mapalalawak ng
mambabasa ang kaniyang kaalaman at imahinasyon.

iii

PASASALAMAT
Walang sawa akong nagpapasalamat sa mga taong
tumulong sa akin upang maisakatuparan ang paggawa ng
aking kauna-unahang libro.

Sa ating mahal na Panginoon sa iba’t ibang karanasan
na kaniyang ibinigay na siyang nagbigay ng pundasyon sa
aking mga likhang akda.

Sa kaguruan ng Departamento ng Edukasyon – Medyor
sa Filipino na nagbigay ng oportinidad upang maipamalas ko
ang aking kasiningan sa paggawa ng iba’t ibang akdang
pampanitikan. Lalong-lalo na sa mahal naming guro na si
Gng. Babylyn J. Conti na siyang nagbigay ng walang sawang
suporta at gabay upang makagawa ng isang natatanging
libro.

Sa aking pamilya at mga kaibigan na nagbigay ng
motibasyon upang mapagtagumpayan itong aking mga
likhang akda.

At sa iyo na nagbabasa at may hawak ng librong ito,

Maraming salamat!

iv

TALAAN NG NILALAMAN

Panimula Pahina
Pasasalamat iii
Talaan ng Nilalaman iv
v
Unang Alon: Tunay
 Pag-big 1
 Tsubibo 2
 Koneksyon 3
 Singsing 16
 Tiwala sa Pag-ibig 17
 Pangamba 23
24
Ikalawang Alon: Pagkakaiba
 Pag-asa’y Masisilayan 25
 Ningning ng mga Bituin 26
 Tiwala-Sikap 27
36
Ikatlong Alon: Regalo
 Sikap Para Sa Pangarap 37
 Unang Sahod 38
 Bagyo 39
44
Ikaapat na Alon: Hirap
 Hagupit ng Mundo 45
46

v

 Marinong Lunod 47
 Yate 56
 Mayaman o Mahirap 56

Ikalimang Alon: Sabik 57
 Makaaahon din 58
 Robot 59
 Ilaw 66

Ikaanim na Alon: Baliw 67
 Imahinasyon 68
 Ma… Pa… 69
 Bahagharing Naglalaho 89
 Reyalidad 89

Ikapitong Alon: Dismayado o Bigo 90
 SuperMaria 91

Ikawalong Alon: Dagli na Saglit 97
 Ang Pangarap kong Maging Basurero 98
 Doktora 99
 Bakunawa 100
 Hide and Seek 101
 Balik-bayan Box 102

Ikasiyam na Alon: Sanaysay na may Saysay 104
PANDEMYA

vi

 Babangon Na Muli 105
 Kalusugang Mental sa Bagong Kadawyan
109
WIKA
 Diskursong Personal, Ating Alamin 110
 Ano nga ba ang wika? 113
 Dayalekto Tulong sa Wikang Pambansa 115
 Wikang Filipino sa Sikoterapiya 118
 Wika at Kultura sa Heograpikong Lokasyon
122
 Ipreserba Mo Ang Wika Mo 124
KULTURA
126
 Lakbay-Aral 129
 Biyaya sa Paniniwala 132
 PASKOmunidad
EKONOMIYA 134
 Vlog Para Sa Madla, Nakatutulong Nga Ba? 137

 Diyaryo vs. News Websites 141
 Hamong Dulot ng Teenage Pregnancy,
145
Alamin at Tutukan 148
 Ekonomiya ng Pilipinas, Pilipino, handa na

ba kayo?
 Kahalagahan ng Edukasyon

vii

Unang
Alon:
Tunay

1

PAG-IBIG

Si Kupido nga ba talaga
Ang dapat sisihin sa…

Mga pag-ibig na inakalang
Hindi na magwawakas pa

Kay sarap isipin na sa bawat sandal
May taong laging nasa iyong tabi
Hindi ka iiwan at ika’y ipagmamalaki
Ito nga ba ang tunay na pag-ibig?

Ngunit hapdi, kirot, galit at pighati
Dahilan nga ba upang iwaksi

Ang pagmamahalan na minsan nang namutawi
Sa dalawang matatamis na labi

Sa kabila nito, ako’y nakasisigurado
Ano mang kaharaping unos
Walang makahahadlang
Sa tunay na nagmamahalan

2

TSUBIBO

“Napakalayo na talaga ng agwat ng henerasyon
ngayon sa henerasyon namin dati” bulong na lamang ni lola
Leoncia sa tuwing siya’y nakakikita ng mga magkasintahang
akala mo’y tuko. Todo dikit, yapos at halik sa isa’t isa na akala
mo’y wala nang bukas pang pagsasamahan.

“Hindi ba nila alam na ang halik ay isa sa mga
sagradong gawi?! Mga kabataan nga naman” dagdag pa
ng matanda “Lola Luning naman.

“Nasa makabagong panahon na po tayo. Tanggap na
po ng mga tao ang mga ganyan. Huwag na po kayo bitter”
pang-aasar ni Loris sa kaniyang lola. Napailing na lamang ang
matanda dahil doon. Hindi niya mawari na kay bilis na lamang
ng mga pagbabago sa paligid.

Dati ay nagpapadala pa ng sulat, ngayon ay selpon na
lamang ang kailangan. Dati ay malalakas ang binti ng mga
kabataan dahil sa malalayong lakarin, ngayon ay patamaran
na ang labanan kaya marami na lamang na mga kabataang
sakitin sa kasalukuyang panahon. Dati rin ay ang
pakikipagrelasyon ay isa sa mga sagradong bagay, ngayon
ay ginagawa na lamang ito biro o laro.

3

Naalala tuloy ng matanda ang kaniyang iniirog, ang
una’t huli niyang minahal, ang lalaking mamahalin niya
hanggang sa kaniyang mga huling sandali.

“Luning, dalian mo naman nang marami tayong
magawa sa peryahan” masayang sambit ni Tesa, ang matalik
na kaibigan ni Luning.

Bilang isang labimpitong taong gulang na dalaga, ang
peryahan ang isa sa mga masasayang lugar na nararapat
lamang puntahan ng mga kabataan sa kaniyang panahon.
Ngunit, lingid naman sa kaalaman ng mga kabataang ito na
ang peryahan ay bukas lamang sa oras ng paglubog ng araw
hanggang sa bago sumikat ang araw kaya ganito na lamang
kahirap para sa mga kabataang pumunta sa lugar na ito.

“Tesa naman! Huwag kang magtatalon diyan sa aking
higaan, baka ika’y marinig ni tatay!” saway na lamang sa
kaniya ni Luning kasabay ng pag-aya niya sa kaniyang
lumabas na ng bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa maliit
na bintana.

Hiyaw ng kaba, takot, pangamba at saya. Malayo pa
lamang ay rinig na ito ng magkaibigan kaya hindi na rin nila
mapigilang mapatakbo sa tuwa.

4

“Araaay!” bulalas ni Luning kasabay ng kaniyang
pagbagsak sa sahig…

….pagbagsak niya na sinundan ng pagkadulas ng
isang lalaki?

“BASTOSSS!” tili ni Luning nang kaniyang namalayan na
ang lalaki ay nasa kaniyang ibabaw.

“Agustin? Agustinnn! Ikaw pala iyan!” wika ni Tesa

“TESAAA!” inis na sambit naman ni Luning sa kaniyang
kaibigan. Agad naman siyang inalalayang tumayo nito.

“Pagpasensiyahan mo na, Luning. Ka-eskuwela natin
iyan, isa sa mga sikat sa ating paaralan kaya...” dirediretsong
bulong niya at huminga nang malamin

“.…palampasin mo na… Para sa akin.” dagdag niya
kasabay ng pagpapakita ng kaniyang matamis na ngiti.

“Hindi ito maaari--”

“Ayyy! Agustin, si Luning nga pala. Kaibigan ko iyang
nabangga mo.” pagpuputol ni Tesa sa wika ni Luning.

“Pagpasensiyahan mo na ang aking pagmamadali
kanina, binibining Luning. Ang iyong napakagandang balat

5

ay hindi nararapat na dumampi man lang sa maduming
lupang ito” pagbobola ng binata kasabay ng pagbunot niya
ng rosas mula sa kaniyang bulsa. Napairap na lamang si
Luning dahil dito.

Sa paglipas ng mga oras na nasa peryahan ang
magkaibigan, kitang-kita ang kasiyahan sa kanilang mga
mata at labi. Isa rin sila sa mga napahiyaw sa kaba,
pangamba’t takot dulot ng mga sasakyang pangkarnabal.
Masayang tumatawa, nakangiti at humahalakhak sa iba’t
ibang uri ng mga laro nakakalat sa paligid ng peryahan.

“Tsubibo namaaan!” masayang hiyaw ng dalawa. Pinili
nila ang tsubibong tila nakatayong gulong, hindi kabilisan ang
ikot, may kataasan ngunit may kakiputan sa loob. Sakto
lamang para sa kanilang dalawa.

“Ginoo, kayo na lamang ang magkasama sa iisang
tsubibo” turo ng nagpapaandar sa tsubibo kay Tesa at sa
mag-isang lalaking nasa harap nila.

“Hala, kuya. Iyong nasa likod na lamang namin. Ayaw
kong lalaki ang aking kasama sa tsubibo” wika ni Tesa na
sinang-ayunan naman ni Luning ngunit hindi nila napilit ang
ginoo.

6

“At ikaw naman, Binibini. Iyong nasa likod mo naman
ang iyong magiging kasama sa loob.” Nanlaki ang mata ni
Luning sa paglingon niya sa kaniyang likod.

“IKAW?!” sigaw niya sa lalaking kaniyang nasa likuran.
Ang mahangin at mukhang manyak na si Agustin.

Lubos na hindi sinang-ayunan ito ni Luning ngunit tulad
ng kalagayan ni Tesa, hindi na rin siya pinansin pa ng nag-
papaandar ng tsubibo.

“Hindi naman ako nangangagat, Luning” biro ni Agustin
sa dalaga.

“Ako ang nangangagat! Subukan mo lang talaga
magkamali sa loob ng tsubibong ito. Ihuhulog talaga kita” gigil
na sambit ni Luning na tinawanan naman ito ni Agustin.

Sa pagpasok ng dalawa sa makipot at mainit na loob
ng tsubibo ay hindi pinapansin ni Luning ang madaldal niyang
kasama na si Agustin. Ngunit, sa napakaraming kuwento ng
lalaki ay napagtatanto ni Luning na mukhang mali ang
kaniyang hatol sa lalaking iyon.

Nahihirapan ang dalaga sa pagpipigil niyang ibahagi
ang kaniyang opinyon noong nalaman niyang parehas nila

7

hilig ang musika ngunit sa huli ay nasambit na lamang ni
Agustin ang…

“Sa wakas ay napagsalita na rin kita” sabay tawa nilang
dalawa.

“Swerte mo’t ako ang nasa harapan mo, Swerte mo rin
at nakuha mo ang loob ko!” dagdag na lamang ni Luning.

“Ito na nga pala ulit ang rosas na binibigay ko kanina.
Sana’y tanggapin mo na ngayon, Binibini” sambit ng binata sa
babae habang suot ang pinakamatamis nitong ngiti.

Sa wakas ay tinanggap na rin ito ni Luning, nakangiti
niya itong tinanggap kasabay ng pag-amoy sa
mababangong talulot nito.

“Mabuti na lamang at mabango ito, kung hindi ay hindi
ko rin ito tatangga--” napahinto sa pagsasalita ang dalaga
dahil nahulog ang rosas sa sahig.

“Ako naaa” sabay nilang sabi kasabay ng pagdampot
nila sa nag-iisang rosas na nasa sahig. Nahawakan ni Luning
ang kamay ni Agustin at nagkatitigan ang dalawa.

Mabilis na tumibok ang puso ni Luning at lubos na
nakaramdam ng init sa paligid.

8

“Tyansingan mo pa ako diyan a!” biro na lamang ng
binata sa dalagang hindi na mapakali at hindi man lang
makatingin sa mga mata nito.

Ang araw na iyon ang isa sa pinakamasayang araw ng
dalaga dahil iyon ang unang beses niyang nakapunta sa
peryahan at nakakilala ng taong hindi niya inaasahang
magiging mahalaga sa kaniyang buhay. Simula rin noong
gabing iyon ay madalas nang nagkikita sina Luning at Agustin
sa parke ng paaralan.

Hilig nilang gawin ang magpiknik sa damuhan na katabi
ng mga mayayabong puno, nakahiga, kumakain, at nakikinig
ng mga musikang kanilang napupusuan sa tabi ng isa’t isa.

“Luning, kailan mo ba ako sasagutin?” natatawang
tanong ni Agustin

“Ikaw ba’y may tanong nang dapat kong sagutin?”
pang-aasar pa ng dalaga.

“Luning…” wika ng binata kasabay ng paghawak nito
sa mga kamay ng dalaga

“.…alam kong tayo’y labimpitong taong gulang pa
lamang ngunit ako’y nakasisiguradong ikaw na talaga ang

9

babaeng aking mamahalin hanggang sa aking mga huling
sandali. Nawa’y ganito na rin ang iyong nararamdaman sa
akin dahil mahal na mahal talaga kita, Luning. Hindi ko
nanaising ika’y mawala pa sa aking piling” malambing na sabi
ng binata sa dalagang ngiting-ngiti sa harapan niya.

“Masyado mo naman akong binobola. Sige na nga.”
nanlaki ang mga mata ng binate.

“Panghahawakan ko ang iyong mga sinabi. Mahal na
mahal na rin kita, Agustin.” dagdag pa ng dalaga.

Sa sobrang gulat ng binata ay hindi niya namalayang
yakap-yakap na niya ang dalagang mahal na mahal niya sa
ilalim ng mayayabong na puno habang binabalot ng
malamig na hangin ang kapaligiran at tumutugtog ang
paboritong kanta nila sa radyo.

Mula noong araw na iyon, ang buhay ng
magkasintahan ay lubos na binalot ng kasiyahan at nag-
uumapaw na pagmamahal. Hinarana ng binata ang dalaga
upang ipakita sa mga magulang nito ang kaniyang malinis na
intensyon para sa dalaga.

Ramdam na ramdam ni Luning at ng pamilya nito na
totoong mahal siya ni Agustin kaya lubos na
pinagkakatiwalaan niya ito sa lahat ng bagay.

10

Sa kabila nito, hindi niya maintindihan kung bakit ilang
araw nang hindi napasok ang binata sa paaralan. Walang
paramdam, walang sulat, walang pabatid ngunit isang sulat
ang dumating sa kanilang tahanan.

“Mahal kong Luning, pasensiya na kung hindi ko man
lang nasabi sa iyo ang aking kalagayan. Ako ngayon ay nasa
malapit na hospital sa ating lugar dahil sa aking sakit. Huwag
mo ako gaanong isipin, ako’y ayos lamang. Sana’y ayos ka
lang diyan at walang sakit. Hintayin mo lang ako, Luning.
Babalik ako, mahal na mahal kita” agad na nagpaunahang
kumawala ang mga luha sa mata ni Luning at agad siyang
pumunta sa nasabing hospital.

“Agustin Sebastian po”

“Room 128 po” agad itong pinuntahan ni Luning.
Pagkabukas niya ng pinto ay agad niya nakita ang kaniyang
iniirog na nakahilata sa higaan, nasa harapan nito ang isang
mukhang kagalang-galang na babae.

“Agustin” bulalas ni Luning, lumapit siya agad at
hinawakan ang kamay nito

11

“Hija! Huwag mo hawakan ang anak ko! Sino ka?
Pwede bang lumabas ka na! Nars!” sigaw ng babae na siyang
nanay pala ni Agustin.

“M-ma…siya’y aking kasintahan. Hayaan mo siya at
paupuin” pabulong naman na sabi ni Agustin.

“Agustin! Ano ba nangyari sa iyo! Lubos mo akong
pinag-alala. Ayos ka na ba?” naiiyak na wika ng dalaga.

”Ano?! Hindi ko ito pahihintulutan!” sigaw ng nanay ni
Agustin kasabay ng pagtawag niya ng guwardiya sa labas ng
kuwarto.

“Ginang, saglit lamang po!” pagmamakaawa ng
dalaga sa ina ng kaniyang iniirog.

“Agustin! Magpagaling ka a. Hihintayin kita. Mahal na
mahal kita” sigaw ng dalaga habang may mga luhang
umaagos sa magkabilang pisngi nito at siya’y kinakaladkad
na nga ng mga guwardiya.

Pilit na tumatayo ang binata ngunit hindi niya pa kaya.
Wala rin siyang nagawa sa naging desisyon ng kaniyang
nanay.

12

Lubos na hindi maintindihan ni Luning ang mga
kaganapan sa kanila ni Agustin. “Tesa, hindi ko na alam ang
aking gagawin. Paano ko makikita si Agustin? Nasaan ba siya?
Okay lang ba siya? Bakit hindi niya ulit ako padalhan ng liham?
Tesa, ilang buwan na ang nakalilipas. Kumusta na ang mahal
ko?” sambit na lamang ni Luning sa kaniyang kaibigang wala
rin magawa kung hindi ang pakinggan na lamang lahat ng
kaniyang hinanaing.

“Luning, hindi ko alam kung paano ako makatutulong
ngunit isa lang ang alam ko pagdating sa pag-ibig. Ang pag-
ibig may mapagpatawad, mapagtiwala, puno ng pag-
asa, at mapagtiis hanggang wakas.”

“Haynako! Tatanda ka talagang dalaga, Luning.
Hahaha” pabiro ng mga katrabaho ni Luning. Apat na taon
na rin ang nakalipas matapos ang mga masasakit na
pangyayari sa kaniyang buhay, iyon ay ang hindi na talaga
nagparamdam pa si Agustin sa dalaga.

Minsan, hindi na lang mapigilan ng dalagang masabi
na…

“Kumusta na kaya siya?”
“Sana’y nasa maayos siyang kalagayan.”

13

Hanggang ngayo’y si Agustin pa rin ang sinisigaw ng
puso’t isip ng dalaga ngunit malinaw na malinaw namang
nararapat na lamang niyang kalimutan ang lahat ng mayroon
sila ni Agustin.

“Luninggg! Puntahan mo naman ako rito sa trabaho ko,
sakto naman at tapos na rin ang oras ng trabaho mo. May
magandang nangyari sa araw ko ngayon, ililibre kita.” dire-
diretsong wika ni Tesa na tila ba’y tuwang-tuwa talaga siya.

Pinatay na lamang ni Luning ang kaniyang telepono at
dumiretso sa kabilang gasuli kung saan nagtatrabaho si Tesa.

“Napakakupad talaga nitong si Tesa!” bulalas ni Luning
pagkarating sa lugar na kitaan ng magkaibigan.

“Pasensiya na kung napatagal ang paghihintay mo”

Isang malaking boses mula sa likod ni Luning ang
nangibabaw sa tainga ng dalaga. Boses na matagal na
niyang gustong marinig, boses mula sa taong matagal na
niyang gustong makita at mahagkan.

“I-ikaw…” mahinang sambit ni Luning matapos niya
lingunin ang tao sa kaniyang likod.

14

Mabango, nakapormal na kasuotan at tila ba’y
pupunta sa isang pormal na pagpupulong.

“Marahil ang aking pagkawala ay masyadong
napatagal, wala man lang pabatid o kung ano man ngunit sa
kabila nito, ang aking pagmamahal sa iyo ay mas tumindi pa
nga’t sinuman ay hindi na makahahadlang pa. Nawa ako’y
iyong taggapin muli’t mahalin. Apat na taong pangungulila sa
iyo, apat na taong nalayo ngunit mas nag-alab pa nga ang
aking pag-ibig. Hindi ko na kaya pang dagdagan ang mga
araw, linggo, buwan at taon na wala ka.” hindi makapagsalita
ang dalaga.

“Luning, mahal na mahal kita. Sana’y muli mo akong
tanggapin” wika ng tao nasa kaniyang harapan.

Napatakip na lamang sa bibig ang dalaga kasabay ng
pagbuhos ng luha nito. Luha ng pangungulila, lungkot at saya
na sa wakas ay kahit na napakaimposible, naging posible.

“Agustin!” sambit na lang ng dalaga.

15

KONEKSYON

Malayo ka man
Kupido’y may paraan

Hindi iiwan

16

SINGSING

“Kumusta ka na, Loris?” dati ay ang mga tanong sa mga
pagsusulit ang kinaaayawan ko at isa sa mga pinakamahirap
na sagutin, ngayon ay dumagdag pa itong tanong na ito.

“Okay lang ako! Kaya ito.” dati, ang pagsisinungaling ay
isa sa mga kinaiinisan kong gawin ngunit ngayon, ang
pagsisinungaling na ang aking takbuhan upang hindi
putaktihin ng mga tanong na alam ko naming hindi ko pa
kayang sagutin.

“Loris, makakalimutan mo rin siya. Alam kong alam mo
iyon ngunit sa ngayon, piliin mong umusad ha.” wika ng aking
kaibigan na laging nasa aking tabi upang ako ay tulungan sa
problemang aking kinahaharap ngayon. Sana talaga’y
magkakulay na ulit ang aking mundo, bumalik ang sigla, saya
at ang mga ngiti sa aking labi.

Totoo nga ang wika ni Lola Luning sa akin “Ang
pagmamahal ay hindi pinipilit dahil kusa itong dumarating”
paniwalang-paniwala ako rito dahil sa araw rin na ito ay
nakilala ko si Rafael. Si Rafael ay matagal ko nang kasintahan.

Siya ay maaruga, mabait, mapagbigay,
mapagpasensiya at mapagmahal. Lagi nga niyang
sinasabing “Wala akong ibang mamahalin kung ’di ikaw lang,

17

Loris. Napakasuwerte kong ako ang nagustuhan mo. Mahal na
mahal kita”

Napakalambing ni Rafael. Naalala ko nga noong
kolehiyo pa lamang kami, lagi niya akong sinusundo sa
paaralan at hindi nakalilimutang itanong ang “kwek-kwek na
matamis o maanghang?” Alam niya kasing ito ay aking
paborito.

Minsan nama’y tanong ko sa kaniya “Mahal, bakit ba
kailangang hinahatid mo ako sa bahay kung ako’y umaalis?”

“Gusto ko kasing makauwi kang ligtas, gusto kong
makita mo ako at siyempre, gusto ko rin namang makita ka.
Tsaka alam ko rin namang gusto mong hinahatid kita sa inyo
kaya iyon ang ginagawa ko” wika niya sa akin.

“Alam mo, hindi lahat ng sagot ay dapat pambobola
ha. Hahahah” biro ko na lamang sa kaniya.

Mga taon ang lumipas ngunit mas nag-alab pa nga ang
pagmamahalan namin sa isa’t isa. Nakapagtapos na sa
kolehiyo at nakapagtrabaho na ngunit ang pag-aalaga sa
akin ni Rafael ay kay sarap pa rin sa pakiramdam. Ilang taon
na ang lumipas ngunit para pa rin kaming isang dalaga’t
binatang nagsusuyuan, naglalambingan at gumagawa ng
masasayang alaala sa kantina ng aming paaralan.

18

Napapasabi na lamang ako na “ganito pala talaga
siguro kapag ang mahal mo ay mas mahal ka” iba talaga ang
saya ng tunay na pagmamahal. Ngunit, ilang taon na rin ang
makalipas noong aking naranasan ang mga pag-aalala mula
sa aking minamahal.

“Mahal, bibisitahin ko muna ang aking mga magulang
mamayang tanghali. Mga ilang araw rin muna ako roon dahil
wala namang pasok.” paalam sa akin ni Rafael noong mga
oras na iyon.

“Tatawagan kita sa oras na ako ay nakarating na sa
aming lugar upang ikaw ay hindi mag-alala. Mahal na mahal
kita, lagi mo iyang tatandaan” dagdag niya pa.

Ngunit, bakit? Anong nangyari? “May nagawa ba
akong mali? Sana sinabihan niya muna ako!” wika ko na
lamang.

Noong umalis naman siya ay wala kaming alitan o
pinag-awayan. Bihira lang kaming mag-away ni Rafael at sa
oras na umalis siya papunta sa kanilang tahanan ay
napakasaya pa namin.

“Ano na ang gagawin mo, Loris? Nasaan na kaya
ngayon si Rafael?”

19

“Hindi ko rin naman alam kung ano ang gagawin ko.
Hindi ko alam kung saang lugar sa Tarlac ang kanilang bahay.
Wala rin naman siyang kamag-anak dito sa Maynila kaya nga
siya ay nangungupahan lamang para makapag-aral” kung
alam ko lang na iyon na ang huling pagkikita at pag-uusap
namin ay hindi ko na lang sana siya pinatuloy o pinaalis.

Hindi ko alam kung bakit hindi na siya bumalik pa.
Maraming nanghinayang sa aming pagmamahalan na bigla
na lamang naglaho na parang bula. Samot- saring mga…

“kaya mo iyan”

“nandito lang kami”

“kumusta ka na?”

“tawagan mo lang ako kung may kailangan ka ah”

…ang aking natanggap simula ng araw na iyon ngunit
miski isa sa kanila ay walang kayang tapalan ang lungkot na
aking nadarama. Hangad ko ang kaniyang kaligayahan kaya
kahit na mahirap, tatanggapin ko na lamang ang lahat.

20

Tatlong taon na rin ang nakalipas, tatlong taong pinilit
na ibalik ang dating Loris. Naniwala akong kaya ko! Kaya ito
ako ngayon, masaya na at kuntento sa aking simpleng buhay.

“Hello?... Sige!... Oo, hintayin ka namin… Ingat ka!...
Mahal na mahal kita!”

“Kamo dalian niyaaa!” iritableng sabi ng kaibigan ko.

Totoo nga ang sabi nila “Ang buhay ay palakasan
lamang. Oo, minsan tayo ay magiging mahina ngunit darating
din ang araw na tayo ay hindi magpapadaig sa kahit na
anong pagsubog ng buhay at tunay na makakamit ang
tagumpay na ating inaasam”

“Loris, mahal na mahal kita. Sobrang tagal ko rin itong
hinintay. Salamat sa paghihintay at pagbibigay ng
pagkakataon sa isang taong katulad ko. Sa tingin ko ay ito na
ang tamang pagkakataon para itanong sa iyo na… Will you
marry me?”

Sabi na nga ba’t babalik din ang dating ako, darating
ulit ang saya at sigla ng nangungulila kong puso.

“Minsan ko nang pinaniwalaang hindi totoo ang
pagmamahal, na ang lahat ay lilisan din. Walang

21

permanente, walang kasiguraduhan. Salamat at hindi mo ako
sinukuan. Oo, pakakasalan kita, Patrick. Mahal na mahal kita”
`

22

TIWALA SA PAG-IBIG

Totoo nga ba?
Pag-ibig ay darating
Walang makakaligtas
Na tila walang malas
Sa pagmamahal na wagas

Totoo nga ba?
Pag-ibig ay kay saya
Kay sarap at kahali-halina

Na tila isang usa
Matapang kahit walang espada

Ngunit totoo nga ba?
Pag-ibig ay lilisan

May wakas ang pagmamahalan
Ito ay nang-iiwan

Sadyang lahat ay may hangganan

Tunay na ang taong may tiwala
Sa kaniyang tadhana

Pagkakalooban ng biyaya
Problema'y haharapin nang magkasama

Iyan ang tunay na ligaya
Na sa pag-ibig ay makikita.

23

PANGAMBA

Pag-ibig, saya.
Lungkot sa sinisinta

'Wag mag-alala

24

Ikalawang
Alon:

Pagkakaiba

25

PAG-ASA’Y MASISILAYAN

Tama ba iyan?
Ang pagbababa mo sa sarili mong lipunan

Kapwa ay ninanakawan ng dangal
Para sa pansariling kaligayahan

Sa kabilang banda, tignan mo naman
Ginagawa ang makakaya
Nang tao ay lumigaya

Ngunit sa ginagawa mo’y masaya ka ba talaga?

Kahit na ganoon ang nangyayari sa lipunan mo
Malakas man ang along humagupit

Huwag magpapalamon sa pangyayaring mapait
Dahil pag-asa ay masisilayan mo pa rin

Payo ko lamang sa iyo
Panatilihin ang pagiging positibo
Ipalaganap sa mundong iniikutan mo
Nang maging mapayapa ang kinabukasan mo

26

NINGNING NG MGA BITUIN

“Kung ating tatanawin ang kalangitan tuwing gabi,
masasabi talagang ito’y napakaganda dahil sa ilang mga tila
palamuting kumukutikutitap sa kalayuan. Ito rin ay
masasabing mapayapa at kalmado dahil na nga sa
katahimikan nitong hatid para sa ating lahat. Kay sarap
talagang pagmasdan ang mga bituin sa kalangitan dahil tila
ba ito’y nagsasayawan at sumasabay sa indayog ng mga
tugtugin lalo na kung ito’y hatinggabi na. Mas masarap
magmuni-muni, mag-isip, mas masarap sa pakiramdam at
mas masarap magpahinga sa damuhan katabi ng mga
punong mayayabong, isama mo pa ang marahang haplos ng
malamig na hangin sa iyong katawan kung ito ang
matatanaw sa gab---”

“LOLAAA!” bulalas ng isa kong napakakulit na apo,
natigil tuloy ako sa pagbabasa nitong kwentong gawa ng
mga tao tungkol sa kalawakan at mga butuin. Sobrang
nagagalak ang aking puso noong pinabot sa akin ang
babasahin na ito dahil maraming kaisipan ang magpapaikot-
ikot sa akin tulad na lamang ng nakikita ba kami ng mga tao?
Sa hugis bola pa rin ba kami kung ikukumpara ng mga ito?
Hahahahaha. Ilan kaya kaming kaya nilang makita? Ilan kaya
kaming mga bituin na naghahati-hati sa iisang kalawakan?
Tuwing kailan kaya nila kami nakikita? Kilala ba nila ak---

27

“Lola Deneb naman e! Kuwentuhan mo na po ulit ako.
Paano po ba maging isang kulay asul na bituin na tulad mo?”
at muling napatigil na naman ako dahil dito sa makulit kong
apo na laging gustong magpakuwento tungkol sa kung ano-
anong bagay. Ewan ko ba sa batang ito at mas interesado
pang makinig sa mga kuwento ko kaysa makipaglaro sa mga
kapwa niya batang bituin.

“Stella, papasok na tayo sa paaralan, magpaalam ka
na muna sa Lola Deneb mo nang makapagpahinga muna
siya. Kanina mo pa yan kinukulit tungkol sa kulay ng kaniyang
ningning.” sambit ng kaniyang naiiritang ina.

“Huwag na malungkot, apo. Pag-uwi mo ay maaari mo
na ulit ako kulitin.” sabi ko naman upang mapagaan ang
kaniyang kalooban.

Habang tinatanaw ko ang mag-inang papalayo sa
aking kinaroroonan upang magtungo sa paaralan ay
napansin ko itong kulay pulang bituin sa ‘di kalayuan, naalala
ko tuloy ang isa sa mga naging kaibigan ko na si Antares na
pulang bituin din.

“Bukas na lang.”

“Ano ka ba, Deneb! May bukas pa. Hahaha.”

28

“Laro muna tayooo!”

“Sa susunod na lang yan” iyan ang madalas na
sinasagot sa akin ni Antares sa tuwing inaaya ko siyang gawin
ang aming mga kinakailangang gawin sa eskwelahan. Tila ba
wala siyang balak na paunlarin pa ang kanilang sarili. Madalas
niya rin sabihin na “Napapagod ako, Deneb. Ipagpabukas na
lang natin ito” ngunit wala naman siyang ginawang
magdudulot sa kaniya ng lubos na pagkapagod.

May isang beses ngang bulalas ko “Antares, bakit
parang ang tamad mo? Ayaw mong gawin ang mga
resposibilidad mo! Ano?! habambuhay ka na lang ganiyan?”
nasabi ko sa sobrang inis ko sa kaniya ngunit ang sabi niya lang
sa akin ay “Haynako, Deneb! Hindi ko naman gusto maging
kulay asul na bituin. Okay na ako rito sa halos walang kulay
kong ningning. Sa halip na magalit ka r’yan ay samahan mo
na lang akong maglarooo”.

Hindi ko talaga maintindihan ang kaibigan ko na iyon at
hindi ko rin maintindihan kung paano at kung bakit ko siya
naging kaibigan, isama mo pa r’yan ang handshake namin na
nagpapatunay ng amin pagkakabigan. Ako na masipag at
laging ginagawa ang lahat upang walang pagsisihan sa dulo
ay nakahanap ng kaibigang tamad at walang pake para sa
kaniyang sariling kapakanan.

29

Ngunit isang araw, nasaksihan kong may nanakit sa
kaniya na isang puting bituin. Nasaksihan ko ang bawat palo,
sampal, tadyak, pagbalibag, hampas at pati na rin masasakit
na salitang ibinabato sa kaniya ay aking nasilayan at narinig,
tila ba ang bawat latay sa katawan ni Antares at ang mga
masasakit na salitang ibinato sa kaniya na akin ding narinig
mula sa makasalanang puting bituin na iyon ay ang siyang
nagdurog sa aking puso.

Wala akong ibang nagawa kun’di ang umiyak nang
palihim sa isang tabi dahil bulong sa akin ni Antares habang
siya ay pinagmamalupitan “Kaya ko ito, Deneb. Huwag ka na
humingi ng tulong.” Sisigaw na sana ako nang bigla pasimple
siyang kumaway sa akin sabay bumulong “Okay lang ako,
Deneb. Ayyy! Siya nga pala, nanay ko” sabay turo niya sa
taong nagmamalupit sa kaniya.

Mula ng araw na iyon ay hindi ko na muli pang nasilayan
ang mukha ng aking kaibigan.

Oo, sa murang edad ni Antares ay nakaranas na siya
ng mga mapapait na karanasan at sa murang edad ko rin ay
nakasaksi na ako ng mga pagmamalupit na nagkaroon ng
malaking epekto sa aking buhay. Nais kong iyon na ang
maging una at huling mapait na aking mararanasan at
sisiguraduhin ko na lamang na mas magbibigay halaga na
ako sa mga taong aking lubos na minamahal ngunit hindi pala

30

ganoon ang buhay. Napagtanto kong hindi iikot ang buhay
sa kung ano ang aking nais na maging takbo nito noong
nakakilala pa ako ng isa ko pang kapwa bituin na naging
malapit sa aking puso, iyon ay si Pollux.

Tulad ni Antares, si Pollux ay naging matalik ko ring
kaibigan noong ako ay nasa sekondaryang paaralan pa
lamang, mas maningning ang kulay nito kaysa kay Antares.
Madalas asarin si Pollux ng aking mga kamag-aralan dahil sa
kulay kahel nitong ningning at tulad ni Antares, si Pollux ay may
hinanakit na dinadala sa araw-araw niyang pagpasok sa
paaralan. Pilit niya tinatakpan ang lungkot na kaniyang pasan
sa tulong ng maskara nito may matatamis na ngiti sa labi
ngunit kahit na anong gawin niya ay hindi pa rin nito kayang
tapalan ang kaniyang kalungkutan.

Naglakas-loob akong tanungin ang kaniyang sitwasyon
dahil ayaw ko nang ipagpasawalang bahala pa ang mga
ganitong pangyayari.

“Polliii, kung may bumabagabag sa iyo ay nandito lang
ang nag-iisa mong magandang kaibigan a! Huwag kang
mahiya.” Pabiro kong sabi sa kaniya kasabay ng pagtapik ko
sa kaniyang balikat.

Pauwi na kami noong araw na iyon ngunit lumihis ang
kaniyang direksyon, sinundan ko na lamang siya at hindi na

31

nagtanong pa. Hindi ko mawari kung saang parte ng
kalawakan kami papunta ngunit bigla na lang siya huminto sa
paglalakad at napansin ko ang paggalaw ng kaniyang mga
balikat kasabay ng mga hikbing pilit tinatago rito sa tahimik at
mapayapang kalawakan.

“Deneb, paano ba maging katulad mo? Katulad mo na
malakas, positibo at gusto ng nakararami? Katulad mong
kulay asul na bituin na kinaiinggitan ng lahat. Pinipilit ko naman
e. Pinipilit kong ibawi na lamang din ang lahat sa kabutihan,
kahit sa pagiging mabuting bituin na lang pero bakit ayaw nila
sa akin? Dahil ba sa hindi kaningningang kulay kahel na
nakapalibot sa bilugan kong katawan?!” kung gaano ito
kahinang sinabi ni Pollux ay ganoon naman kalakas ang
emosyong kumawala mula sa kaniyang dibdib.

Noong araw na iyon ay hindi ko alam kung ano ang
aking gagawin. Papayuhan ko ba siya? Kung oo ay ano
naman ang ipapayo ko sa kaniya? Yayakapin ko ba siya? Ano
ang aking sasabihin? Gusto ko man sabihin na “Huwag ka
papatalo, Pollux.” “Maging malakas ka lang.” “Kaya mo yan.”
ngunit hindi ko alam kung paano, basta alam ko lang ngayon
ay kailangan niya ng taong makikinig sa kaniya.

Malaki talaga ang naging epekto ni Vega sa kaibigan
kong si Pollux. Vega? Siya lang naman ang mapang-aping
kamag-aral namin na naging sanhi ng pagkabalisa at

32

pagkaramdam ng matinding kalungkutan ni Pollux. Kung
gaano kaputi ang kanyang ningning, ganoon naman kaitim
ang kaniyang budhi.

Dito sa kalawakan, ang angkan niya ang kilalang laki sa
inggit, panghuhusga at pansasamantala kaya lahat ng
bituing kinaiinggitan nila ay pilit nilang binababa. Pangalawa
ang angkan nila sa pinakamatingkad na bituin dito sa
kalawakan ngunit sa tingin ko ay ang ningning na iyon ay hindi
nararapat sa kanila dahil sa masamang ugali na mayroon sila.

Hindi ko alam kung bakit may mga ganoong klaseng
bituin sa kalawakan. Hindi ko alam kung bakit kinalakihan na
nila ang inggit at sama ng loob sa kapwa nila bituin. Ngunit sa
kabilang banda, kahit na napakaraming mga karanasang
sumubok sa aking pagkatao, kinaya ko itong lahat at
malaking tulong dito ang aking matalik na kaibigan na si Albie.

Kung ang pag-uusapan ay ang pagiging positibo at
malakas, wala nang tatalo sa kaibigan kong si Albie na kasing
dilaw ng isa sa mga sikat na bituin sa aming kalawakan,
pangatlo ang angkan nila sa pinakamatingkad na bituin dito
sa aming kalawakan.

Madalas nito sabihin na “Kaya mo iyan!” “Huwag kang
mag-alala, nararamdaman kong nalalapit na ang ningning
na pinakahihintay natin na mangyari sa iyo” Lagi ako nitong

33

handang tulungan, pakinggan at samahan sa kung ano
mang trip ko sa aking buhay. Tinulungan niya akong maging
matapang, mapagmahal, malakas at matatag na naging
malaking tulong sa pagharap ko ng mga pagsubok sa buhay.

Sa napakaraming taon kong namalagi rito sa
kalawakan, napagtanto kong tunay ngang napakaraming
maaaring maging hadlang sa pagpapaunlad ng sariling
kakayahan at karanasan. Maaaring ang mga ito ay ang sarili
mong resulta ng kawalan ng tiwala sa sarili, lugar na
kinabibilangan mo at/o ang mga taong nakapaligid sa iyo.

Ngunit, alam kong hindi ako uunlad kung hahayaan ko
na lamang na ibaba ang aking pagkatao ng mga taong hindi
naman ako lubusang kilala at alam kong hindi rin ako uunlad
kung magpapaapekto na lamang ako sa mga hadlang na
maaari kong harapin. Malaki ang naging tulong ng mga
mapapait na karanasang aking napagdaanan sa kung ano
man ang antas ng pamumuhay na mayroon ako ngayon.

Totoo ngang lahat ng iyong pagsusumikap at hirap na
mapagdaraanan ay may magandang kapalit. Sa wakas ay
napatunayan ko na sa kaibigan kong si Albie na kinaya ko!
Kinaya kong maging isa sa mga pinakamatingkad na bituin sa
aming kalawakan.

34

TIWALA-SIKAP

Magtiwala na
Sa iyong makakaya

Magsumikap ka.

35

Ikatlong
Alon:
Regalo

36

SIKAP PARA SA PANGARAP

Sa dami ng along humampas
Siguraduhing panatilihin ang angas

Dahil buhay sadyang mahirap
Kaya kailangang magsumikap

Dati ay puro paglalaro pa
Tamang salampak lang sa kalsada

Teks, jolen, pogs, at iba pa
Walang ibang inaalala

Ngunit sa paglipas ng panahon
Naiisip na kung paano makaaahon

Sa buhay na hindi mahinahon
Kailan nga ba makababangon?

Anong hirap man ang pingdaraanan
Iyan ay makakayanan

Magandang buhay ay malalasap
Sa tulong ng mabungang pangarap

37

UNANG SAHOD

"Uy! Pameryenda ka naman, unang sahod mo naman
e." kantsaw sa akin ni Miguel na aking katrabaho.

"Pasensya na, sa susunod na lang siguro, may
nakaplano na kasi akong bilhin kapag natanggap ko ang una
kong sahod. Hayaan mo, sa susunod, promise! Sagot ko ang
meryenda mo." giit ko.

Si Miguel ang naging isa sa mga una kong kaibigan dito
sa paaralan na aming tinuturuan. Kuwento nga niya ay halos
siyam na taon na siyang nagtuturo rito sa eskwelahang ito.
Napako na nga raw ang sarili niya sa pampribadong paaralan
na ito, 'pagkat hindi makalipat sa pampubliko dahil hanggang
sa ngayon ay hindi pa rin siya pumapasa sa Board Licensure
Examination for Professional Teachers o BLEPT kahit na pitong
beses na niyang sinubukan.

Hangad din niya sana na magkaroon ng malaking
suweldo, dahil sa pinagtuturuan namin, P14,500 lang ang
kaniyang sahod kada buwan, halos P2,500 lamang ang
iniangat niya sa akin na bago pa lang. Ngunit tila ba ayaw
siyang paalisin ng punongguro ng eskwelahan namin dahil
kuwento niya, wala rin siyang natitirang sweldo dahil may mga
kinakaltas pa sa kaniya na mga nakalipas na utang o cash
advance niya nitong mga nakaraang buwan. Binalak na rin
niya na hindi pumirma ng panibagong kontrata pero inisip niya

38

ang pamilya niya kung sakaling hindi siya makahanap ng
malilipatan na pagtuturuan.

Kung kaya, sa tuwing wala kaming klase, binibigyan niya
na lang ako ng payo bilang bagong guro pa lamang. Tanda
ko pa nga ang sinabi niya sa akin noon na "huwag mong
ikulong ang sarili mo sa eskwelahang ito. Maraming
naghahanap diyan ng mga mahuhusay na guro na tulad mo.
Huwag mo akong tularan."

Natapos na nga ang araw, halos ngalay na rin ang
aking bibig sa kakangiti dahil mula umaga'y nasa isipan ko
nang matatanggap ko na ang unang sahod ko bilang guro.
Pinatawag na ako sa aming opisina upang iabot muna ang
aking sahod dahil hindi pa naaayos ang aking ATM card.
Nakangiti kong binuksan ang pinto ng opisina at bumungad
sa akin ang maaliwas ngunit maraming tambak na papeles sa
lamesa ng aming opisina. Naaamoy ko rin ang mga bagong
perang papel na naaamoy ko lamang tuwing pasko noong
bata pa lamang ako.

Marahan akong umupo sa upuan sa harap ng lamesa.
Hawak ni Mrs. Reyes ang calculator, papel at ang sobre na
may laman na pera. Ilang minuto rin siyang nagpipindot sa
calculator upang masigurado na tama ang sahod ko.
Hanggang sa inabot niya

39

"Sir Dela Cruz, ito na po ang unang sahod n'yo bilang
guro, gamitin po nang wasto," mabait na wika ni Mrs. Reyes sa
akin.

Agad ko namang binuksan ang sobre, nakita ko ang
isang papel na puno ng numero at ang aking unang suweldo.
Malaki ang ngiti sa aking mga mata pagkakita ng salapi. Dali-
dali ko itong kinuha at binilang.

"Ma'am, P4,836 po? Tama po ba?"

"Opo Sir, ayan po ang unang sahod ninyo para sa
kinsenas na ito. Binawas ko na rin po ang mga taxes at
contributions ninyo kaya po 'yong P6,000 na sahod n'yo
ngayon ay nabawasan pa po. Pasensya na po kung hindi ko
kaagad nasabi a."

"Wala pong problema roon. Maraming salamat po,
Ma'am." malamig kong sabi habang may pagkadismaya sa
aking unang suweldo at dahan-dahang lumabas sa opisina.

Habang naglalakad ay iniisip ko na ang aking gustong
bilhin sa unang sahod ko na ito. Nagmamadali akong
nagtungo sa mall. Pumukaw sa aking mga mata ang mga
nadaanan kong mga bagong selpon na swak sana sa aking
budget. Tila ba sinubok ako ng tukso nang halos hilain ako ng
amoy ng mga masasarap na pagkain habang binabaybay ko

40

ang daan patungo sa pagbibilhan ko, mabuti na lamang may
biskwit pa ako.

"Ayon! Nakaabot ako at hindi pa gaano kahaba ang
pila." masaya kong banggit. Ilang araw ko na ring binalik-
balikan ang bagay na ito kaya alam ko na kung saan ako
didiretso. Mabilis na kinuha ang pangarap kong bilhin at
dumiretso ako sa counter.

"Mukhang masaya po kayo ngayon Sir a," masayang
bati ng cashier sa akin.

"Ay, weird ba? Pasensiya na a, pangarap ko kasing
bumili niyan e." sagot ko naman.

Mahinhin na tumawa ang cashier at pagkabalot ay
nagwika ng “Salamat po, Sir!"

Ingat na ingat kong hinawakan ang nag-iisang bagay
na binili ko sa una kong sahod. Inabot na rin ako ng rush hour
kung kaya't mas pinili ko na makipagsiksikan ng katawan kaysa
maipit ang ibinili ko. Nang makasakay ako sa dyip, bakas pa
rin ang mga ngiti sa aking mga labi. Tila ba isang bata na
mayroong kendi sa bunganga.

Matapos makababa sa dyip, ilang minuto rin akong
naglakad habang hawak ang kahon ng aking ibinili. Patuloy

41

pa rin ang pagngiti dahil sa gayak na natupad na ang aking
pinapangarap na bilhin.

Nakarating na nga ako sa madilim naming tahanan,
natamaw ko kaagad ang aking tatlong kapatid at si Ina na
nagpapaypay sa harap ng pintuan.

Bagamat sobrang dilim, natanaw ko ang kanilang mga
ngiti nang makita na mayroon akong dala.

"Ina, mga kapatid, ito na! Nabili ko na ang pangarap
kong kawali. Ipakilo na natin ang kawali na minana pa ni Ama
sa kaniyang nanay, wala na 'yong hawakan at tagpi-tagpi na
ang ilalim niyan dahil sa mga biyak at butas." taas noo kong
banggit habang binubuksan ang kahon ng kawaling aking
binili.

"Bukas ay agahan ninyo rin na magising nang bayaran
ninyo ang kuryente, halos higit isang linggo na tayong
naputulan," giit ko sa isa kong kapatid.

"Hayaan mo Ina, pwede nang umangat ang ating
buhay.”

42


Click to View FlipBook Version