The words you are searching are inside this book. To get more targeted content, please make full-text search by clicking here.

Unang likhang aklat ni Bb. Trisha Kate B. Feliciano

Discover the best professional documents and content resources in AnyFlip Document Base.
Search
Published by trishakatefeliciano, 2022-07-26 00:25:15

Hampas ng mga Alon sa Dalampasigan

Unang likhang aklat ni Bb. Trisha Kate B. Feliciano

BAGYO

Gaano man kalakas
Ang bagyong humahampas

Mag-iwan man ng bakas
Tiyak! Iyan ay likas

Hindi ka minamalas
Iyan ay malulutas
Tiyak na magwawakas
Pag-asa’y tanaw bukas

43

Ikaapat na
Alon: Hirap

44

HAGUPIT NG MUNDO

Edukasyon nga ba talaga
Ang kulang sa buhay mo
O sadyang magulo lang talaga
Ang mundong kinapabibilangan mo?

Ganoon na nga ba
Kapag mahirap ka
Lalamangan ka nila
Pagsasamantalahan pa

Tulong ay babaha
Kung sila’y may kailangan

Ngunit kapag wala?
Ayun, sila’y nakatunganga.

Ganyan ba talaga kapag nakapag-aral?
Tila nawawala na ang tamang asal

Nagkakaroon na rin ng kamay na bakal
Ngunit ako’y umaasa pang kabutihan ay iiral.

45

MARINONG LUNOD

“Wooooh! Gradweyt na tayooo!” iyan na lamang ang
aking nasambit nang tuluyang tinapos na rin ang seremonya
ng aming pagtatapos sa kolehiyo.

“Ipinagmamalaki talaga kita, anak.” Galak na galak
ang aking puso nang sa wakas, narinig ko rin ang mga
katagang iyan! Wala nang mas sasaya pa sa katotohanang
napasaya ko ang aking mga magulang at masusuklian ko na
rin ang lahat ng sakripisyo nila sa akin.

“Sa wakas! Hindi man tayo marunong magbasa at
magsulat pero natulungan natin ang ating anak na magtapos
sa kolehiyo” sambit ng aking tatay sa nanay kong naluluha sa
tuwa.

“Ngayong opisyal na Seaman ka na ay malalayo ka na
sa amin, anak” malungkot na sabi ni nanay kasabay ng
pagyapos niya sa aking katawan.

“Mag-iingat po ako, nay. Para po sa inyong lahat ito.”
sabi ko naman upang mapawi ang kaniyang kalungkutan.

Lahat ng pagod, hirap, lungkot at sakit na dahilan ng
aking pagtitiyaga at pagsusumikap sa pag-aaral, lahat ng
sakripisyo at hirap na dinanas ng aking mga magulang upang
may maipangkain at may maipamasok sa paaralan ay

46

masusuklian na ngayon. Isang malaking karangalan ito sa
aming mga magsasaka, nakapagtapos ako sa tulong ng
aking magsasakang mga magulang at ang pagsasaka ang
naging pundasyon namin upang magkaroon ng
kaginhawaan ang buhay namin sa hinaharap. Sa tingin man
nila’y hindi sapat ang perang kanilang nakukuha sa pagod na
kanilang natatanggap sa araw-araw na pagsasaka ay hindi
nila naisipang isuko ang kanilang pangarap para sa amin, iyon
ay ang alalayan at suportahan kami sa pag-abot ng aming
mga pangarap.

Maraming nagsasabing dukha kaming mga pinalaki ng
mga magsasaka ngunit hindi nila alam na kahit na ganoon,
napakayaman naman namin sa pagmamahal dahil kahit na
may kahirap ang kanila ginagawa, kinaya at kinakaya nila
para sa amin.

Naalala ko pa nga, halos nasusubaybayan na namin ni
tatay ang paggising at pagtulog ng mga manok dahil
kinakailangan naming kumayod araw-araw. Hindi nila
pinaramdam sa amin ang kasalatan sa pagmamahal ng
magulang dahil sa totoo lang ay nag-uumapaw ang aking
puso sa pagmamahal na kanilang pinararamdam. Lahat ng
gastos namin ay talagang pinaghihirapan naming makuha
kaya ganito na lamang ang sayang nararamdaman ko
ngayon.

47

Ngunit, hindi rin pala madaling humanap ng trabaho,
akala ko dati kapag nakapagtapos ka na ay ang mga
trabaho na ang maghahanap sa iyo. Nakailang pasa na ako
ng resume sa iba’t ibang ahensya o tanggapan ngunit wala
pa ring tumatawag sa aking telepono para sa interbyu.

Sa kabila nito, nagpatuloy lang ang nag-aalab kong
pagmamahal para sa aking propesyong tinatahak, nanatili
akong positibo sa buhay kaya hindi na rin nagtagal ay
nasuklian na nga ang lahat ng aking pagod upang
makahanap ng trabaho, may tumanggap na rin sa isang
baguhang seaman na tulad ko.

“Pasalubong na lang, kuya Carlo. Ingat ka palagi”
sambit ng isa kong kapatid.

“Ito na ang mga gamit mo, anak. Nakahanda na r’yan
ang iyong maaayos na damit. Nasa bandang kanan ang
iyong mga brief at sa bandang kaliwa naman ang iyong mga
shorts at pantalon. At ito naman, binaunan kita ng mga
magagamit mong shampoo, sabon, toothbrush, toothpaste---


“Nay naman e!” pagpuputol ko sa mga habilin niyang
akala mo hindi na ako babalik pa sa bahay pero sa totoo lang,
kinakabahan din ako’t hindi mapakali.

48

Unang beses ko ito! Sana tumagal ako, kayanin ko at
maging ligtas ako.

Mahigit isang taon na ako ngayon dito sa barkong
pinagsisilbihan ko. Maraming kano, sarap sa mata! Masasabi
kong kahit papaano ay nakakaahon na kami mula sa
kagipitan dahil sa tulong na naibibigay ko para sa aming
pamilya. Nakakapag-aral na ang lahat ng aking mga kapatid,
nakabibili na rin sila ng kanilang mga bagong damit at
nakatitikim na ng mga pagkain sa mga fast-food chain.
Nakabili na rin ang aking mga magulang ng mga makina o
kagamitan sa pagsasaka dahil mas napalawak na nila
ngayon ang kanilang kaalaman patungkol sa pagsasaka sa
tulong ng mga programang kanilang dinadaluhan.

Ang sarap sa pakiramdam na sa unang taon ko pa
lamang sa pagtatrabaho ay kita na ang resulta ng aking
pagsusumikap dito sa barko. Maganda naman ang trabaho
lalo na’t pangarap ko talaga ito ngunit hindi magandang
pakisamahan ang mga mapangmata kong kapwa seaman.
Payo nga ng kapwa ko Pinoy na katrabaho ko “Mahigit
sampung taon na ako rito. Kailangan lang nating matutong
makisama para sa trabaho. Baguhan ka pa lang, marami ka
pang mararanasan. Kaya mo yan!”.

49

Ang hirap kung hindi mo kasundo ang mga kasamahan
mo ngunit mas dumadagdag pa ang bigat sa aking dibdib
noon tumawag si nanay kagabi.

“Anak…” sambit niya na tila ba nagpipigil ng iyak

“A-anak, ang tatay mo kasi…nakita sa p-palayan…d-
duguan.” dagdag niya kasabay pagpapakawala niya ng
mga luha mula sa kaniyang mga mata.

Ang kabog mula sa aking dibdib ay mas malakas pa sa
mga along humahampas sa barkong sinasakyan ko. Halos
matumba pa ako sa kinatatayuan ko nang nagsalita pa si
nanay.

“Huli na noong n-nadala siya sa ospital. Anak ko, anong
gagawin ko?”

Napauwi ako sa Pilipinas nang wala sa oras, hindi ako
papayag na ganito na lamang ang mangyayari sa aking
tatay. Sapat na ang mga nangyari sa aking buong pamilya
upang gumawa ako ng paraan para sa karapatan ng aking
mahal na tatay.

“Carlo! Kumusta ka na? may pasalubong ka ba riyan?”

50

“Naku, Boss! Inom na oyat!” salubong ng mga kapit-
bahay naming walang pakiramdam.

Nakakainis ngunit mas nag-umapaw ang galit ko noong
nakausap ko ang isa sa mga kasamahan ni tatay sa
pagsasaka.

“Matagal nang may gustong bumili ng lupa niyo, Carlo.
Buti na lang at maalam nang magbasa ang mga kapatid mo
kaya natulungan nila ang mga magulang mong basahin ang
liham na ipinadala sa inyo noong nakaraang buwan. Sa
palagay namin ay sila ang may sala dahil lubos na tinaggihan
ito ng iyong mga magulang” napakawalang hiya ng mga
taong iyon! Gusto ko silang hanapin, pahirapan at patayin
tulad ng pagpapahirap at pagpatay nila sa napakasipag at
mapagmahal kong tatay.

Sa kabila ng aming pinagdaraanan tinuon na lamang
muna namin ang aming pansin sa aming tatay ngunit tila ba
nang-aasar pa ang tadhana at pilit kaming ginigipit.

“Oo! Hindi kami marunong magbasa at magsulat ng
aking asawa ngunit hindi ibig-sabihin nito ay maaari niyo na
kaming isahan para sa sarili niyong nais!” sigaw ng aking
nanay na dinig ko hanggang sa loob ng bahay kaya naman
agad akong lumabas. Hindi pa ako nakalalabas ng aming

51

bahay ay tanaw ko na ang mga kalalakihang naka-uniporme
pangkonstraksyon.

“Napag-utusan lang po kami.” sambit ng isang lalaki at
kanilang sinimulan ang paglalagay ng bakod sa aming
palayan.

“Mga walang hiya kayo! Respeto naman sa tatay
naming pinaglalamayan pa rin namin ngayon! Mga walang
awa!” bulalas ko na lamang na alam kong hindi rin
nakatulong. Hindi na kami nakagawa pa ng paraan upang
tumigil ang mga kalalakihan sa paglalagay ng bakod sa
palibot ng aming lupa sa mga oras na iyon, tumawag na
lamang ako ng isang mapagkakatiwalaang abogado upang
tulungan kami hinggil dito.

Sa una at ikalawang pagdinig ay nagkaroon pa kami
ng kakayahang idulog ang aming hinaing sa mga
nakatataas, nagkaroon pa kami ng pagkakataon isiwalat ang
katotohanan ngunit isang taon na ang nakalilipas ay hindi na
muli pa kami tinawagan ng aming abogado at hindi na rin
kami binigyan pa ng impormasyon ng korte. Isang taon pa
lamang din ang nakalilipas ay parang ang apat na taong
pagtatiyaga ko sa pag-aaral at ang pagsusumikap ng aking
mga magulang ay nauwi na naman sa wala, sa loob ng isang
taon ay bumalik na naman kami sa dati.

52

Paano ba naman, natanggal pa ako sa trabaho.
Kinakailangan ko lang din naman paglaanan ng oras ang
kaso ng aking tatay, gusto ko sya bigyan ng hustisya! Pero
wala na e, balik na naman sa dati na isang kahig isang tuka.

Sobrang bilis ng mga pangyayari, hndi ko alam kung
sadyang malas lang talaga ako o sadyang ito na ang
tinadhana sa aming pamilya.

Hindi na ba maaaring umahon sa kahirapan ang mga
magsasakang tulad namin?

Kapag ba talaga mahirap ay pagkakaitan na rin ng
hustisya?

Hindi ko na alam ang aking gagawin upang bumalik
nang muli ang kasaganahan sa aming pamilya. Kulang na
lamang ay tuluyan kaming malunod sa napakaraming along
dumadating sa aming buhay.

Ang dating masaya at maingay naming pamamahay,
ngayo’y tila isang abandonadong bahay, walang kuryente,
madilim at tahimik. Ang isang tulad ko na nagsumikap sa pag-
aaral at nagtapos sa kolehiyo bilang isang seaman, ngayo’y
kargador, panadero, manlalako ng balot at tagabantay na
lamang sa tindahan ng isda rito sa palengke.

53

Ang dating basang-basa at nakakapit na lamang sa
isang pirasong kahoy sa gitna ng dagat na minsan nang
nakaluwag-luwag at nakagawa ng tagpi-tagping bangkang
gawa sa kahoy, ngayo’y basang-basa at nakakapit na
lamang ulit sa isang pirasong kahoy upang hindi tuluyang
malunod.

Mga taong pinipilit harapin ang mga alon at buhos ng
ulan kahit na sila’y nakakapit na lamang sa isang pirasong
kahoy.

Mga taong pinaliligiran ng mga taong nakasakay at
nakatutulog nang mahimbing sa ligtas at matibay na yate at
mga barko na hindi basta-basta kayang tibagin ng isa,
dalawa, lima, sampu, o dalawampung hampas ng alon.

Oo, tayo’y nasa iisang dagat ngunit magkakaiba tayo
ng ginagamit upang harapin ang mga alon at buhos ng
malalakas na ulang dumarating sa ating buhay.

54

YATE

Buhay tila ‘sang barko
Kailangan ang sagwan mo

Nang ika’y makatakbo
Umabot hanggang dulo
Kay swerte nga ng iba

Mga nakayate pa
Buhay sadyang masaya

Kung nakaaangat ka

MAYAMAN O MAHIRAP

Kabutihan mo
Tulong sa ating mundo

Magbago tayo!

55

Ikalimang
Alon: Sabik

56

MAKAAAHON DIN

Kay lupit ng tadhana, hindi ba?
Nagmahal lang nang walang sawa
Walang sawang pag-aaruga ang ipinakita
Ngunit panghuhusga’y kita sa mga mata

Bakit kayo ganiyan?
Tila hindi tanggap ng bayan
Bayang tinuring na tahanan
Ngunit siya pa lang ‘di ako maunawaan

Tatanggapin na lamang ba?
Ang lahat ng panghuhusga
Binalot na ng dilim ang inyong mga mata
Sana’y maglaho’t kinabukasa’y gumanda na

Ngunit kahit na ganoon
Binalot man ng masalimuot na kahapon

Tiyak! Ako rin ay makakaahon
Hintayin lamang ang tamang panahon.

57

ROBOT

Ang pagiging ina ang isa sa mga napakahirap na
gampanin sa lahat. Maraming responsibilidad na nakaatang
sa kanilang mga balikat tulad na lamang ng mga gawain
bahay, pagiging butihing asawa at pag-aalaga sa sarili nitong
anak ang siyang pangunahin nitong ginagawa sa araw-araw.
Walang day-off, leave at retirement ngunit mayroong bonus
na kung saan makakamtan lamang sa oras na magbunga na
ang lahat ng sakripisyo nito para sa kanilang pamilya.

“Mahal, positive!” tili ni Belen. “Sa wakas, magiging tatay
na ako!” masayang banggit ni Rene. Sinong mag-aakala na
sa edad na kwarenta ay may pag-asa pa silang magkaanak?
Matagal na itong hinihintay ng mag-asawa. Lahat na yata ng
mga santong maaari nilang dasalan upang sila ay
magkaanak ay dinasalan na nila, lahat na rin ng payo ng mga
doktor ay kanilang ginawa upang sila ay magkaanak.

“Sa wakas, magiging Lola na ako!”

“Congrats!”

“Ninang ako ah.”

Walang humpay ang pagpaparamdam ng suporta ng
mga tao sa paligid ng mag-asawa. Sa kabila ng sensitibong

58

pagbubuntis ni Belen ay tunay na pinakaiingat-ingatan niya
nang todo ang regalo sa kanila ng maykapal.

“Mahal, gusto ko nito para sa ating anak.. Tyaka ito, ang
kyut kasi.” Masayang namimili ang mag-asawa para sa mga
maaaring gamitin nila sa oras na lumabas na ang bata.
Dalawang buwan na lang din kasi at lalabas na ito sa
kaniyang sinapupunan. “Itong robot na ito ang mas maganda
kaysa sa napili mo” biro ni Rene. Matagal nila itong
pinagipunan para sa kanilang anak kaya tunay na
masasabing napakaswerte nito sa kaniyang mga magulang.

“May sale yata doon, Mahal! Daming tao e. Puntahan
natin.” wika ni Rene ngunit hindi nila inaasahan na isang
pagtatalo sa pagitan ng mga mamimili at tindera ang
mayroon sa lugar na iyon.

“Napakapangit ng ugali ng mga nagtatrabaho ritooo!
Sino ba manager niyo?!”

“Wala kaming paki kahit sesantehin pa kami. Hindi
mamimili ang laging tama!” sagutan ng mga taong nag-
aaway sa loob ng bilihan.

“Akala ko sale, lipat na lang tayo. Tara na, mahal---
AHHH *bugsss* d-dugo?.... MAHAL, ANG BATA!”

59

Hindi inaasahan ng mag-asawa na sa loob ng pitong
buwang pag-iingat sa biyayang kanilang matagal nang
hinihintay ay sa isang iglap lang, makapagbabago na ng
lahat.

“Rene! Reneee! RENEBOOOY!”

“Ikaw talagang bata ka! Kanina pa kita tinatawag.
Halika nga rito at pupunasan ko iyang pawis mo sa likod” wika
ni Belen. Bagamat pagalit niya itong sinabi, kitang-kita naman
sa kaniyang mga mata ang pag-aalala at pagmamahal ng
isang ina.

Ina na handang umagapay, umalalay at mag-alaga sa
mahal nito.

Hagikgik at malakas na tawa ni Belen ang
umaalingawngaw sa loob ng bahay. Tawa ng kasiyahan,
tawang walang inaalala at tawang walang problema.

“Anak! Hahahahah! Huwag mo naman ako kilitiin! Gusto
mo bang gantihan kita. Tumakbo ka na dahil… Ito na akooo!
Hahahhah” masayang wika ni Belen sabay takbo sa kusina.

“Kaya siguro dito ka dumiretso dahil gutom ka na ‘no.
Hahahah. Anong gusto mong kainin? Ipagluluto kita.”
Kasabay nito ang pagharap niya sa kusina upang maghanda

60

ng makakain. Hindi man ganoon kagaling si Belen sa
pagluluto, ginagawa nito ang kaniyang makakaya upang
makagawa ng masasarap na pagkain o meryenda dahil wika
nga niya lagi:

“Lahat ng ito ay para sa iyo, anak. Gagawin ko ang
lahat para mapasaya kita. Oo, iniwan tayo ni papa pero hindi
kita iiwan dahil mahal na mahal kita”

“A-anak, namumutla ka? P-pangit ba ang lasa ng luto
ni mama?” nag-aalalang sambit nito sabay dali-daling
kumuha ng panghaplas sa katawan.

“Ipahid k-ko lang ito sa tiyan mo, anak.” pansin ang
pangingilid ng luha ni Belen sa mga oras na ito. Pinipilit na
magpakatatag at magmukhang malakas kahit na hindi na
niya kaya.

“Pasensiya na talaga, anak. Huwag mo iwan si mama.”
wika nito habang may mga luhang pumapatak sa kaniyang
mga pisngi.

“Tulong! Mga kapitbahay, tulungan niyo ako. Parang
awa niyo na, namumutla na ang anak ko!” lumabas si Belen
upang himingi na ng tulong sa kaniyang mga kapitbahay.

“Ito na naman si Belen” nahagip ito ng pandinig ni Belen
kaya wala itong pagdadalawang isip na sumagot rito na:

61

“Anong ito na naman ako? Ha? Wala kang awa sa
bata! Tulungan niyo ako, parang awa niyo na.” kaniyang
pagmamakaawa

“Kahit para na lang sa anak ko, parang awa niyo na”
napahagulgol na nga si Belen at hindi na talaga nakayanang
dalhin ang bigat nito sa kaniyang kalooban.

“Belen, pasok na tayo. Tutulungan kita ha, gagamutin
natin si Reneboy. Tara na” sabi ng Ale.

Nagtatalon sa tuwa ni Belen nang sa wakas ay may
tutulong na sa kaniya. Walang sawa siyang nagpasalamat sa
babaeng umalalay sa kaniya upang gamutin si Reneboy.

“Anak, okay ka na ba?” tanong niya habang
pinupunasan ang katawan nito.

“Parang malamig pa rin ang katawan mo ha pero sabi
ni ate na tumulong sa atin ay punasan ko lang ang iyong
katawan at magiging okay ka na. Magpahinga ka muna ha.
Maglalaro ulit tayo kapag maayos na pakiramdam mo”
maluha-luha niyang sambit ngunit kitang-kita pa rin sa
kaniyang mga mata ang nag-uumapaw niyang pag-aalala
at pagmamahal.

62

“Huwag mo akong iwan tulad ng ginawa sa akin ng
papa mo ha. Mahal na mahal kita, anak” sabay yapos dito.

Ilang araw na ang nakalipas ay sa wakas … “Magaling
na si Reneboy” dali-daling naligo at nagbihis si Belen.

“Ipapasyal kita sa labas, anak. Matagal na rin kasi ang
huli nating labas. Tara na!” masayang sambit ni Belen.

“Magandang araw po, Aling Tere!” wika ni Belen.

“Magandang araw din sa iyo, Belen. Bakit ka nasa
labas?... Vincent! Ihatid mo nga muna itong si Belen sa bahay
nila” pag-aalala nito.

“Ay! Maraming salamat na lang po pero ipapasyal ko
kasi itong anak ko, si Reneboy. Dito lang naman po kami sa
ating lugar. Alam kong para niyo na rin akong anak, Aling Tere.
Nagpapasalamat po ako roon pero huwag po kayo
masyadong mag-alala sa akin.” Masayang sabi naman ni
Belen sabay lakad na rin habang bitbit-bitbit si Reneboy at
masayang nakikipagkuwentuhan dito.

“Hala! Hahahah”

“Pssst! Mga batang ito! Magsipasok nga kayo sa bahay
niyo!” sigaw ni Aling Tere sa mga nagtatawanang mga bata.

63

“Grabe ang napagdaanan ng babaeng iyan. Wala na
rin siyang asawa ngayon, nakulong. Wala e,
napagbintangan.” kuwento ni Aling Tere sa kaniyang mga
suki.

“Kaya po pala.”

“At bago pa niyon, nalaglag naman ang dinadalang
bata ni Belen sa kaniyang sinapupunan. Sayang nga e,
dalawang buwan na lang sana ay lalabas na kaso
nadisgrasya pa.” dagdag pa ng tindera.

“Napakalupit naman ng tadhana sa kaniya tapos ayan
pa. Kawawa naman.”

“Oo nga e. Napakabait talaga nilang mag-asawa kaya
hirap din kaming tanggapin. Kaso wala e, hindi na rin niya
nakayanan ang kalupitan ng mundo…” ramdam na ramdam
ang kalungkutan sa boses ni Aling Tere at kitang-kita rin ito sa
kaniyang naluluhang mga mata.

“Baliw! Baliwww!"

“Sana si mama rin ay magbuntis ng Robot para may
kapatid na akong Robot. HAHAHA”

64

ILAW

Sa ina’y lasap
Pag-ibig na pangarap

Bigyan ng yakap

65

Ikaanim na
Alon: Baliw

66

IMAHINASYON

Buhay na payapa
Lungkot ay huhupa
Kasalata’y magwawakas
Saya ay babakas

Kay sarap ng buhay
Kung puno ng kulay
Imahinasyon nga ba talaga?
Ang buhay na puno ng ligaya

Lahat nga ba ay lilisan?
Ako nga ba ay iiwan?

Paano na ako
Kung wala na kayo

Kaibigan… pamilya
Damhing lubos ang presensiya

Upang walang pagsisihan
At ‘di balutin ng kalungkutan.

67

“MA…PA…”

Hangad ko na sanang makabuo ng aking sariling
pamilya, subalit, napakabigat ng aking responsibilidad sa
aming tahanan. Ako si Lizelle, talumpung taong gulang,
nagtatrabaho sa may Ortigas, umiikot lamang ang aking
buhay sa loob ng aming tahanan at sa opisina. Hindi ako
makapagsaya pagkatapos ng shift dahil inaalala ko ang
aking ina na nag-iisa lamang sa aming tahanan. Ako at si
Mama na lang ang magkasama, medyo may katandaan na
rin siya, 59 taong gulang na. May sariling pamilya na ang aking
dalawang kapatid at sa ibang bansa na sila naninirahan kaya
ako na lang ang naiwan dito. Samantala, namatay na rin ang
aking ama mag-iisang taon na ang nakalipas dahil sa
komplikasyon sa baga.

Tuwing araw ng pasok, maaga akong gumigising para
maghanda ng aming almusal at nagluluto na rin ako ng para
sa tanghalian ni Inay. “Nak, nakalimutan mo na namang
paghandaan si tatay mo,” wika niya. Tama, hanggang
ngayon ay iniisip pa rin ni Mama na buhay pa si Tatay. Hindi
niya matanggap ang nangyari kay Tatay kasi sobrang bilis
lamang at tila ba inilihim ang kaniyang nararamdaman.
Noong namayapa na si Tatay ay para na rin akong nawalan
ng ina, lagi na lamang siyang nakatulala sa gilid, minsan pa
nga ay kinakausap niya ang silyang paboritong inuupuan ni
Tatay. Kahit anong asikaso ko kay Inay, napapabayaan na rin
niya ang kaniyang sarili at bakas ang pagbagsak ng

68

pangangatawan nito. Walang nakakaalam nito, kahit sa mga
kapatid ko ay isinikreto ko dahil baka isipin nila na nababaliw
na si Inay. Ayaw ko ring ipatingin sa psychiatrist si Inay kasi iniisip
ko na malalampasan din niya ito at matatanggap din niya
ang pagkawala ni Tatay.

Tuwing magsasalo-salo kami para mag-almusal, bakas
ang ngiti sa mukha ni Inay, tila ba ang saya ng pinag-uusapan
nila ni Tatay at nabubusog na sila sa kuwentuhan pa lamang.
Matapos naming kumain ay agad kong inililigpit ang aming
pinagkainan, kahit na maraming nasasayang na pagkain ay
itinatabi para may pagkain pa rin si Inay pagsapit ng
tanghalian. Nakikipaghabulan ako sa orasan para lamang
umabot sa aking trabaho. Bago ako umalis ay ibinibilin sa
kapitbahay namin na si Ate Neresa ang bahay at si Inay,
maging ang nakahandang pagkain para sa tanghali. Malapit
na kaibigan ni Inay si Ate Margie kaya alam kong malilibang si
Inay habang nasa trabaho ako. Tuwing sinasabi ko ito ay para
bang naguguluhan si Ate Neresa, pero hindi ko ito iniisip kasi
alam kong makukulit ang kaniyang mga anak kaya lagi siyang
parang naiirita. Malaki ang pasasalamat ko kay Ate Margie
dahil maayos akong nakakapagtrabaho.

Parating ilang minuto bago ang aking oras ng trabaho
ako nakakarating, kaya nagtitimpla muna ako ng kape, at
nagbabasa sa Facebook habang hindi pa sumasapit ang
alas-8 ng umaga. Bago sumapit naman ang aking breaktime

69

para mananghalian, ay isang tasa ulit ng kape ang aking
iniinom, gayon din ang oras ng meryenda. Hilig ko kasi na
uminom ng kape, at nakakailang tasa ako nito sa buong araw.
Sa katunayan, bago matapos ang aking trabaho ay
nagtitimpla ulit ako ng kape. Biro nga ng mga katrabaho ko,
“baka mabaliw ka na niyan sa sobrang dami mong naiinom
na kape a.” Sa pagsapit naman ng hapon, ang Kape Queen
ng aming opisina ay tila ba nagiging Bubble Queen, dahil
biglang nawawala sa kakamadaling umuwi.

“Uy, Girl! Sama ka naman sa amin, halos isang taon na
noong huli kang sumama sa gala ng tropa o!” udyok sa akin
ni Hannah na isa sa aking malapit na kaibigan.

“Oo nga, miski nga ang pagpaparamdam sa Church ay
hindi mo na rin
magawa,” dagdag
naman ni Yen.

“Pasensya na

talaga mga teh a,

alam niyo naman,

mula noong

namatay si Papa,

parang ako na lang

mag-isa,” paliwanag

ko.

70

“Keri lang teh! Basta bawi ka sa amin kapag free ka na
a!” ika nila.

“Oo naman, kahit sagot ko pa ang pang-walwal,”
pabirong sabi ko.

“Sige na, una na ako a!” dagdag ko pa.

Mula noong mamatay si Tatay ay hindi na ako
nakakasama sa mga gala nila dahil iniisip ko na mas kailangan
ako ni Inay. Mabuti na lamang at naiintindihan nila ang aking
sitwasyon. Hindi ko nababanggit ang tungkol kay Inay dahil
baka husgahan nila ako at isipin na nasa pamilya namin ang
baliw.

Dali-dali na nga akong naglakad pauwi, habang
naglalakad, kinapa ko ang isang pakete ng sigarilyo sa aking
bulsa at sinindihan. Hithit-buga habang nakikita ang mga
dumaraan na sasakyan, natutuhan at nahumaling ako sa
paninigarilyo mula noong namatay si Tatay. Nakakatawa
ngang isipin kasi namatay si Tatay dahil sa komplikasyon sa
baga dulot ng paninigarilyo, pero iniwan naman niya halos sa
akin ang bisyong ito. Hindi ko maiwasan dahil tila ba
pinapakalma ako ng bawat yosi na hinihithit ko.

71

Sa pag-uwi sa aming bahay, agad akong dumiretso kay
Ate Neresa upang ipaalam na nakauwi na ako. Pagbukas ko
ng pinto ay nakita ko na naman si Inay na nakaupo sa harap
ng paboritong silya ni Tatay. Agad kong sinabi na “nandito na
po ako”, at iniabot ang kaniyang kamay para magmano. “O,
sa’yong ama?” saad ni Inay habang naka-ngiti, sinunod ko na
lamang para sa kapakanan ni Inay.

“O, Inay! Hindi mo na naman kinain ‘tong tanghalian na
inihanda ko para sa’yo. Napanis na naman tuloy, lagi na
lang!” padabog kong sinabi kay Inay.

“Sorry, pero hindi naman na kami nagugutom ni tatay
mo e,” sagot ni Inay habang nakangisi sa akin.

“Musta naman si Ate Neresa? Dinalaw ka ba rito?”
tanong ko kay Inay.

“Natutuwa nga akong naging kaibigan ko siya e,”
magiliw na sagot ni Inay.

“Masaya ka ata ngayon, Inay?” pang-uusisa ko.

“Ay, hindi naman, ito kasing tatay mo, kanina pa ako
kinukulit,” masayang sabi ni Inay. Ngumiti na lamang ako at
tumalikod para magbihis. Sa aking pagtalikod ay malapit
nang bumagsak ang aking mga luha kaya agad akong

72

nagsindi ng sigarilyo. Naaawa ako para kay Inay, matagal ko
nang hangad na malampasan niya ito at matanggap na
wala na si Tatay.

Sa pagsapit ng hapunan, ganoon ulit ang sistema,
maghahain ako nang sapat para sa tatlong tao, alinsunod sa
hiling ni Inay na hainan din si Tatay.

“Inay naman, ilang beses ko po ba uulitin na ang dami
n’yo pong natitirang pagkain, ni halos hindi n’yo man lang
ginagalaw e,” maikling sermon ko kay Inay.

“Ang dami nating itinatapon na pagkain,” dagdag ko
pa. Ngumisi lamang siya sa akin pabalik na tila nang-uutong
bata. Pagkatapos kumain ay ako pa rin ang nag-aasikasong
ligpitin ito.

Bago matulog ay nagtitimpla muna ako ng kape at
nagsisindi na rin ng sigarilyo habang nagbabasa sa Google ng
posibleng sakit ni Inay. Sa bawat gabi na ginagawa ito,
habang naninigarilyo at humihigop ng kape, tingin ko’y
mayroong Schizoprenia at nagdaraan siya sa posttraumatic
stress disorder (PTSD). Ngunit ayaw ko pa ring ipatingin siya sa
isang psychiatrist dahil sa takot na kutsain ng iba kapag
nalaman na nagpupunta kami sa ganoong klaseng doktor.

73

Ganito lamang ang naging siklo ng aking buhay mula
noong nawala si Tatay. Maagang gigising para maghanda ng
makakain, papasok ng trabaho, magmamadaling umuwi
para kay Inay, at mag-aayos ng bahay. Nakakulong lamang
ako sa aking bahay kahit na Sabado at Linggo dahil kailangan
kong magligpit at bantayan si Inay. Hindi ko na rin tanda kung
kailan ako huling lumabas kasama sina Hannah, Yen, at ang
nag-iisang lalaki sa aming grupo na si Eli para magwalwal.
Huling tanda ko na lumabas ako ay noong nagdate kami ng
aking long-time boyfriend na si Zedrick, ngunit hindi naging
maganda ang kinalabasan non dahil iyon na rin ang huling
pagkatataon na nagkita kami.

Lumipas ang ilan pang mga buwan, nakuntento na ako
sa siklo ng aking buhay na umiikot lang kay Inay. Subalit, isang
gabi habang hinihintay na dalawin ng antok at hinihigop ang
mainit na kape habang may sigarilyo pang hinihithit, may isa
akong nabasa sa Facebook na ikinadurog muli ng aking puso.

“Zedrick Carpio is now engaged with … ”

Ang daming tumakbo sa aking isipan, ako dapat iyon,
kami dapat ni Zedrick ang ikakasal, nangako siya na kami ang
magsasama hanggang sa dulo. Bago pa bumagsak ang luha
sa aking mga mata, hindi ko namalayang may hawak na
akong nakasinding sigarilyo at patuloy itong hinihithit.

74

Halos apat na taon din naging kami ni Zedrick. Ayos
naman ang lahat sa amin, sa katunayan nga ay naiplano na
namin ang aming magiging sariling pamilya. Nagkaroon na rin
kami ng plano kung saan kami titira, kailan ikakasal, ilang anak
ang nais namin, at iba pa na tila ba na mag-asawa na.

Subalit, anim na buwan makalipas ng pagkamatay ni
Tatay, lumabas kami ni Zedrick para ‘di umano ay kumain sa
isang espesyal na restaurant, iba ang pakiramdam ko noon.
Noong kumakain na kami sa engrandeng restaurant ay
biglang may nakakakilig na kanta, lumuhod si Zedrick sa aking
harapan para ayain akong magpakasal. Agad ko rin namang
ibinigay ang matamis kong “YES!” sa kaniya.

Ngunit, maya-maya ay napagtanto ko na kung
magsasama kami ay maiiwan ang aking ina sa bahay nang
mag-isa, kaya agad kong itinanong sa kaniya, “Love, kapag
ikinasal tayo, puwede ba na isama natin si Inay sa bahay
natin? Maiiwan kasi siyang mag-isa?” wika ko sa kaniya.

“Huh? Sigurado ka ba sa sinasabi mo?” nagtatakang
sambit niya.

“Oo naman love, kasi wala na si tatay, tapos ‘yong mga
kapatid ko ay nasa ibang bansa na,” paliwanag ko.

“Love, nababaliw ka lang,” pabirong sabi niya.

75

“O kaya, doon na lang tayo magsimula ng pamilya sa
bahay namin?” balisa kong sambit kaniya.

“Lizelle, love, ayaw ko roon, gusto kong makawala ka na
sa nakaraan tsaka wala na…” Hindi na niya natapos ang
kaniyang sinabi ‘pagkat nag-init na ang aking ulo at sinigawan
siya, “Kung ayaw mo kay Inay o kahit sa bahay namin, ayaw
ko na sa’yo!”

Dali-dali akong umalis dala ang sama ng loob ko kay
Zedrick dahil sa nalamang hindi niya tanggap ang pamilya ko.
Hinabol niya ako ngunit agad akong nakasakay. Pagkasakay
ko ay agad kong kinuha ang aking selpon para sa huling
pagkakataon ay ichat siya na huwag na niya akong
guguluhin at i-block na siya sa mga social media accounts ko.
Hindi ko magawang umiyak sa loob ng taxi dahil ayaw kong
kaawaan ako ng drayber. Balisa akong nakauwi sa bahay,
bago pumasok ay nagsindi muna ng isang sigarilyo upang
maibsan ang lungkot.

Mula noon ay hindi na nagparamdam si Zedrick, para
sa akin ay mabuti na rin iyon ‘pagkat ayaw kong ikasal sa
lalaking hindi tanggap ang aking pamilya. Ngunit
nakaramdam pa rin ng lungkot noong nabasa na ikakasal na
siya subalit may kaunting saya dahil may iba nang
nagpapasaya sa kaniya.

76

Nakalipas muli ang ilang araw, ganoon muli, paulit-ulit
ang siklo ng aking pang-araw-araw. Subalit isang araw,
eksaktong 12AM, may natanggap akong mensahe sa selpon
mula sa matalik naming kaibigan na si Eli.

“Uy Liz, Happy Birthday! Celebrate natin ang birthday
mo mamaya a, aayain ko sina Hannah at Yen na dayuhin ka.”
Nakaramdam ako ng galak dahil nakalimutan ko na
kaarawan ko na pala.

“Salamat Eli a, the best ka talaga. Sige sagot ko na ang
alak at pulutan mamaya. Huwag na sana kayong magsama
ng iba, may sasabihin akong sikreto.” sagot ko sa kaniya.
Napag-isipan ko na sabihin ko na sa kanila ang kondisyon ni
Inay, tutal makikita naman nila mamaya.

Kinaumagahan ay masaya akong lumabas ng aking
kuwarto. “Inay, birthday ko po pala ngayon, pupunta po sina
Hannah dito mamaya.” Masayang bungad ko kay Inay.
Ngumiti siya at binati ako,

“Happy Birthday anak, nawa’y makalaya ka na sa
amin.”

“Inay naman e, alam mo namang hindi ko kayo iiwan
dito nang mag-isa.” sagot ko.

77

Mabuti na lang na Linggo ang aking kaarawan kaya
nakapaglinis ako ng aming tahanan, at nakapamili sa
palengke ng mga pagkain na magsisilbing pulutan namin.
Habang nagluluto ay kampante akong ayos lamang si Inay sa
gilid habang kaharap at kinakausap ang silya ni tatay. Bago
pa man dumating ang aking mga kaibigan, naligo na rin ako
para handa ako mamaya sa inuman namin.

“Girl! Nandito na kami!” malakas na sigaw ni Yen sa
harap ng aming pinto.

“Happy Birthday teh!” bati naman ni Hannah sa akin.

“Uy, happy birthday ulit.” nahihiyang sabi ni Eli sa akin
habang may iniaabot na cake at bulaklak sa akin.

“Yiiieee!!” pang-aasar nina Hannah at Yen sa amin.

“Salamat sa inyo a, buti pinaalala n’yo na birthday ko
ngayon. Lalo na kay Eli kasi siya ang unang bumati sa akin.”
pasasalamat kong sagot sa kanila.

“Halika, pasok kayo!” dagdag ko pa.

“Inay, sina Hannah, Yen at Eli ay nandito na po. Medyo
may kaunting ingay po at kasiyahan a.” paalam ko kay Inay.

78

“Mga teh, batiin n’yo naman si Inay,” dagdag ko pa
habang itinuturo si Inay.

“Ah, hi po, tita.” mistula bang nahihiya nilang bati kay
Inay.

“Kayo naman, para naman kayong bago rito, nahiya
pa kayo kay Inay.” kantsaw ko sabay tawa.

“Oh, tara na, shot na tayo!”

Habang nagsimula na ang aming kasiyahan, napansin
ko ang kanilang katahimikan. “Ayos ka lang ba teh?” sambit
ni Yen.

“Siyempre naman! Ang saya kaya kasi birthday ko
ngayon,” masaya kong sagot.

“Ah, alam ko na! Nagtataka kayo kay Inay no?”
dagdag ko.

“Oo, teh.” mabilis na wika ni Hannah.

“Mula noong namatay si Tatay, naging ganiyan na siya,
ayon sa nabasa ko, posttraumatic stress disorder daw.”
paliwanag ko sa kanila.

79

“Tapos hanggang ngayon ay nakikita pa niya si Tatay
kahit na wala na.” dagdag ko pa.

“Schizoprenia?” wika ni Hannah.

“Oo, pero ayaw kong dalhin sa hospital baka kasi kapag
nalaman ng iba ay kutsain pa si Inay.” saad ko.

“Okay ka lang, teh?” tanong ni Yen.

“Aba siyempre naman, medyo mahirap kasi kailangan
kong tutukan si Inay, kaya nga hindi na ako nakakasama sa
gala natin e.” pilit na ngiti kong banggit.

“Tanggap ka namin, Liz.” mahinahong sambit ni Eli.

Napansin ko ang kanilang pagka-ilang subalit nairaos
namin ang aking kaarawan nang masaya. Halos alas-10 na rin
ng gabi nang matapos ang aming kasiyahan kaya nag-aya
na rin sila na umuwi.

“Uwi na kami teh a. Salamat sa foods.” paalam ni
Hannah.

“Happy birthday ulit! Sana nag-enoy ka.” bati naman ni
Yen.

80

“Sobrang saya ko dahil sa inyo.” nagagalak kong sagot
sa kanila.

“Kung kailangan mo ng kausap ay call mo lang ako a.
Happy birthday ulit!” malambing na sambit ni Eli.

“Oo naman, mahihiya pa ba ako sa inyo, salamat ulit!”
sagot ko sa kanila.

“Teka, picture pala muna tayo, memories lang.” hiling
ko sa kanila.

“Sure!” sagot nila.

“Teka, Inay papicture nga po kami,” tawag ko kay Inay.

“Huwag na teh, ako na lang ang maghahawak,”
pagmamadaling tutol ni Yen.

“O sige, sama ko na lang si Inay.”

1, 2, 3, smileee!!

Napakasaya ko sa araw na ito, binisita nila ako at
nakasama ko ulit sila na magsaya. Dahil sa labis na galak, at
sa dami ng ginawa buong araw, nakalimutan kong magkape
o kahit humithit ng miski isang sigarilyo. Kaya sa kanilang pag-

81

alis, hindi ko napigilang magtimpla ng kape at magsindi ng
sigarilyo.

Kinabukasan, nakatanggap agad ako ng mensahe kay
Eli.

“Good morning, Liz. Sana wala kang hang-over may
work pa tayo. See you mamaya, may gusto sana kaming
sabihin. Hehhehe.” text niya. “Good morning din, Eli. Salamat
ulit sa kahapon. See yah later.” sagot ko sa kaniya.

Balik muli sa normal na siklo ng aking pang-araw-araw,
naghanda ng almusal, hinainan si Inay at maging si Tatay,
nagligpit ng pinagkainan, at hinanda ang tanghali naman ni
Inay. Naligo, nagbihis at ibinilin kay Ate Neresa si Inay. Dali-
daling umalis patungong trabaho habang may sigarilyo sa
kamay.

“Teh! Usap us mamayang break sa parking.” text ni
Hannah sa akin.

Sumapit na ang breaktime at nagtungo na ako sa
parking lot ng aming opisina. Agad ko rin naman silang
nakitang tatlo na parang hindi mapakali.

82

“Woy mga teh! Anong chika ngayon? bakit parang
seryosong-seryoso kayo?” pabiro kong sabi sabay tawa.
Ipinakita nila ang picture namin kahapon.

“Bakit n’yo naman inedit para lang tanggalin si Inay sa
group photo natin. Parehas na rin ba kayo ni Zedrick? Pero
infairness, ang galing n’yong mag-edit a” pabiro kong sabi
ngunit halata ang basag kong tinig.

“No, we have to tell you something, Liz.” mariing sabi ni
Eli. Kinabahan ako sa sinabi niya, hindi ko alam ang sasabihin
at gagawin, kaya dali-daling nagsindi ng sigarilyo ngunit pinigil
ni Eli.

“Liz, makinig kang mabuti,” saad ni Eli.

“Noong pinabati mo kami sa nanay mo, naguluhan
kami.” sabi ni Hannah.

“Ayaw naming mabuhay ka pa ng ganito kaya pinili
naming sabihin na sa’yo.” dagdag ni Yen.

“Liz, your mom already died few months after your father
died. We are here to help you.” sabi ni Eli.

“No!” mariin kong sabi habang may tumutulo ng luha sa
aking mata. Kailan ba ang huling beses na umiyak ako? Dali-

83

dali akong tumakbo palayo habang umiiyak. Pilit nila akong
hinabol at tinatawag.

Dumiretso ako kila Ate Neresa para patunayang tunay
pa si Inay. “Ate Neresa! Ate Neresa! Tao po!” nagmamadali
na tawag ko habang umiiyak.

“O bakit ka umiiyak, Liz?” nagmamadaling sagot ni Ate
Neresa habang palabas siya sa kanilang tahanan.

“Sabihin n’yo po sa akin. Nakikita n’yo po si Inay, ‘di
ba?” madiin kong sabi kay Ate Neresa. Hindi siya kumikibo at
tila ba kinokolekta ang kaniyang mga sasabihin.

“Kahit oo o hindi lang po. Parang awa n’yo na po,
sabihin n’yong buhay pa si Inay!” hagulgol kong banggit.

“Lizelle, matagal n’yo na akong kilala, naging matalik
akong kaibigan ng nanay mo, kaya noong nawala siya ay
nalungkot din ako nang sobra. Hiniling ko na sana ay
natulugan ko siyang tanggapin na wala ang tatay mo. Sana
ay binisita ko pa nang mas madalas para
makapagkuwentuhan pa kami at maibsan ang lungkot niya.
Nasaksihan ko kung paano siya nagluksa sa pagkawala ng
tatay mo. Nakita ko kung paano siya nanghina, at kung
paano siya binawian ng buhay, at kung gaano ito kasakit sa
iyo. Sa tuwing ibinibilin mo ang iyong Inay at bahay ay gusto

84

ko laging aminin sa’yo na wala na ang iyong Inay, pero
natatakot ako. Patawarin mo ako kung ngayon ko lang
naamin sa’yo.”

Nagimbal ako, muli na namang nanghina ang aking
mga tuhod at napa-upo sa paghagulgol nang malakas. Agad
akong tumakbo sa loob ng aming bahay, dali-daling isinara
ang pinto. Hinanap ko si Inay habang nagsisigaw at umiiyak.

“Inay! Saan ka na po?” Nakita ko siya sa paborito nilang
silya ni Tatay. Maaliwalas ang kaniyang mukha, iba ang ngiti
niya habang hawak niya ang kamay ni Tatay. Lalong
bumagsak ang aking luha.

“Anak, masaya na kami rito ni Tatay mo, oras na para
isipin mo naman ang sarilli mo, lagi na lang kasi kami ang
inuuna mo. Ang dami mong tinalikuran para lang alagaan
kami. Iniwan man kami ng mga kapatid mo, pinili mo pa ring
manatili sa amin. Natutuwa kami na ikaw ang naging anak
namin. Paalam na, lagi mong tatandaan, mahal na mahal ka
namin,” huling banggit ni Inay sa akin bago tuluyang maglaho
ang kaniyang imahe sa aking isipan.

Nanghina muli kaya napa-upo sa sahig habang
humagulgol nang malakas. Subalit, ang lahat ng sakit ay
napawi nang pansamantalang makaramdam ng malamig na
hangin na tila yumakap sa akin.

85

Hindi namalayang nakatulog na sa sahig, namumugto
ang mga mata at paos na ang boses kaka-iyak. Naging
malinaw na ang lahat para sa akin. Naalala ko noong
namayapa si Tatay, labis na ikinaluksa ni Inay ito hanggang sa
dumating sa punto na bumagsak ang kaniyang katawan,
nanghina at sumunod na kay Tatay tatlong buwan lang ang
lumipas. Hindi ko matanggap ito kaya nabuo sa aking isipan
ang imahe ni Inay. Sa labis na pangungulila, pinili kong
mabuhay sa sarili kong ilusyon. Masakit ngunit kailangan kong
tanggapin.

“Liz, are you there?” may isang pamilyar na boses ang
kumatok sa pintuan. Agad kong binuksan at nakita sina Eli, Yen
at Hannah na nag-aalala. Nang makita sila, hindi ko napigilan
ang pagbuhos muli ng aking luha. Niyakap kong mahigpit si Eli
habang umiiyak nang malakas. Ibinuhos ko sa kanila ang lahat
ng aking nararamdaman, pinakinggan nila ako at ipinakita na
lagi silang nandiyan para damayan.

Kinabukasan, sinamahan nila ako sa puntod ng aking
mga magulang. Doon, binigyan nila ako ng oras para
kausapin ang puntod at mag-iwan ng huling mensahe para
sa aking mga magulang. Inaya rin ako ni Eli na pumunta sa
isang worship activity para maibalik ang pananampalataya
ko sa Kaniya, at upang makatulong din daw sa
pagpapagaling ng aking puso.

86

Ilang buwan na rin ang nakalipas, naging kami ni Eli at
nagpaplano nang magpakasal. Suportado sila Hannah at Yen
sa aming pag-iibigan. Humanga ako sa pagtanggap at
pagtulong sa akin ni Eli na gumaling at tanggapin ang lahat
ng ito.

87

BAHAGHARING NAGLALAHO

Bahagharing kay ganda
Kung pagmasda’y nakahahalina

Anong hahanapin pa
Sa buhay na masaya

Ngunit laking pinsala
Nang problema’y dumagsa

Bahaghari’y nawala
Nawa saya’y makita pa

REYALIDAD

Binabaliw ka
Ng magulong buhay mo

‘Wag kang susuko

88

Ikapitong
Alon:

Dismayado
o Bigo

89

SUPERMARIA

Isa rin ba kayo sa napasasaya ng bukang liwayway,
dagat, hampas ng alon, puno, bulaklak, hangin, ulan,
bahaghari, takipsilim, bituin at buwan? Kung gayon ay
parehas tayo! Hindi ko alam kung bakit ngunit sayang-saya
ako sa mga iyan, siguro dahil iyan lang din ang mga bagay na
nagpapakalma sa akin.

Ang saya mamuhay sa mundo. Oo, maraming
problema ngunit mas marami pa rin ang mga dahilang
ibinibigay ng Diyos upang kasiyahan natin ang mundong
kaniyang ginawa.

“Ano ba namang mukha iyan?! Ang aga-aga nasisira
na agad araw ko sa iyo!” sigaw na gumising sa akin.

“Jusko! Alas-otso pa lang ng umaga ay lasing ka na
agad? Mahina ka talaga! Oy! Maria, kulot-salot! Tumayo ka na
riyan at timplahan mo ng kape iyang nanay mong mahina!
Hahahah”

Pikit, dilat, pikit, dilat at hingang malalim. Iyan ang aking
ginagawa bago ako tumayo sa aking pagkakahiga upang
makaramdam naman ako ng kagaanan sa kalooban. Ang
saya talaga mamuhay. Oo, masaya pa rin kahit na iyan ang
gumigising sa akin. Panlalait at pananakit… ang sakit pero
masaya pa rin.

90

Kulot salot, pandak, tababoy, Negra, Aeta… ano pa
ba? Alam ko marami pa ngunit sanay na ako riyan! Ganyan
ako kalakas.

“Mari---a… ma---a…” nagloloko na naman yata data
ko.

“Maria Le---pi…” teka, ako ba ang tinatawag ni binibini?
“Maria! Pakiabot nga ang sandok. Dalian mooo” sigaw
ni nanay.

*ting “Maria, pakibasa raw ang sagot mo sa ikatlong
tanong sabi ni binibini” chat sa akin ni Lisa. Ako nga talaga ang
tinatawag.

“Kulot! Pakihalo nga ang niluluto ko, nandiyan na yata
sa Kulas, sasalubungin ko lang” utos ni nanay.

*ting “putol-putol boses mo, Maria” mulang chat sa akin
ni Lisa.

“p*ta ka Kulas! Hapon ka na nga nakauwi, wala ka
pang dalang pera!”

*ting “delay ka yata, be. Off mic ka na, may nag-aaway
yata sa inyo” Ang saya talagang mabuhay! Kahit mahirap ka,
ang saya pa rin talaga.

91

Puno, hangin, halaman, at mga bulaklak, kay sarap
talaga sa pakiramdam kapag nandito ako sa parke. San ay
kasinluwag, kasing-aliwalas at kasimpayapa ng parke ang
aming bahay. Kahit na mabilis lang din ang itinagal ko roon at
mag-isa lang ako ay masaya na ulit ang Maria niyo.

“Saan ka na naman galing, Maria? Kanina pa kita
pinahahanap kay Junior a! G*go ka talaga! Lumalandi ka na
rin yata!” bungad sa akin ni nanay.

“Nasa parke lang po ako, nay.” paliwanag ko.

“Galing ako doon, nay. Wala naman si ate” singit na
sagot ni Junior

“Aba! Nagsisinungaling ka pa! Mana ka talaga sa tatay
mo! Malandi! Baka mamaya ay buntis ka na rin tulad ng ate
mo. Mga puny*ta kayo! Pabigat sa buhay!” sambit ni inay
kasabay ng sunod-sunod na paglapat ng tsinelas, hanger,
walis tambo, paa at kamay niya sa aking katawan.

Masaya pa rin naman ako kahit na ganito.
Ipinagpapasalamat ko pa rin sa Diyos ang bawat araw na
kaniyang ibinibigay para sa akin, para sa amin. Oo, hindi natin
mababago ang isip o pananaw ng isang tao dahil sarili
lamang nito ang may kakayahang magpabago rito ngunit

92


Click to View FlipBook Version