kahit na ganoon, nagpapasalamat pa rin ako sa lahat ng
mayroon ako dahil alam kong ang mga ito ay ninanais din ng
iba.
Alam kong ninanais din ng iba na magkaroon ng
kumpletong pamilya, magkaroon ng kapatid, makakain nang
tatlong beses sa isang araw, bahay na tulad ng amin kahit na
ito’y tagpi-tagpi lamang, selpon na magagamit sa pag-aaral
at pera pambili ng mga pagangailangan.
“T*nga-t*nga ka talaga kahit kailan, Maria! Malas ka sa
buhay ko! Ikaw na nga lang ang nag-iisang babae rito, wala
ka pang kwentang anak!”
Ngunit ang tadhana ay tila ba sinusubok ka talaga sa
mga panahong mas kinakailangan mo ng suporta, kalinga at
pagmamahal ng isang nanay, tatay, at kapatid;
pagmamahal ng isang pamilya.
“Wala ka nang nagawang tama! Maghuhugas ka lang,
kailangang may mababasag pa tapos sagot ka pa nang
sagot? Wala ka talagang respeto! … Alam mo, mas maganda
pang makulong ako kaysa makasama ko ang tulad mo! Mas
maganda pang magpamilya ka na at lumayas sa puder ko
kaysa nakikita ko iyang pagmumukha mo! … Isinusumpa kita!
Itaga mo iyan sa bato! Mararanasan mor in ang mga
pinararanas mo sa akin! Kapag ako ay namatay nang dahil sa
93
iyo ay hindi kita bibigyan ng kapayapaan! Tandan mo iyan
dahil kulang pa iyan sa lahat ng problemang ibinigay mo sa
akin!”
…kung kailan pasuko ka na, tiyaka ka bibigyan ng
tadhana ng mga dahilan para lalong sukuan ang sarili mong
buhay.
Tatanungin niyo pa rin ba kung ayos lang ba ako? Okay
lang ba ako? Masaya pa rin ba ako? Sa tingin ko ay alam niyo
na ang sagot.
Ang bigat na pasan ko sa araw-araw ay hindi biro, hindi
okay at hindi kasiya-siya ngunit ito ako, pinipilit na kayanin ang
lahat ng pagsubok na ibinabato sa akin, pinipilit na takpan
ang lahat ng kalungkutang bumabalot sa aking pagkatao.
Masama bang sumuko? Masama bang humingi ng
suporta, agapay at ng pagmamahal sa pamilya? Masama
bang magkamali? Masama bang hindi maging kasing galing
ng mga taong ikinukumpara sa iyo? Masama bang
magpakatotoo? Masama bang maging ako?
“A-ate? N-nay?... nanay?! NANAY, SI ATEEE!”
94
.…tao lang din ako tulad niyo, hindi perpekto,
nagkakamali, nakararamdam ng lungkot, lumbay,
pangungulila at sakit.
“MARIAAA!”
.…nauubos rin ako at nakararamdam ng pagsuko sa
mga bagay na minsan nang naging kasiyahan ko.
Mapanakit ka, tadhana! Parang pilit mo akong
tinaggalan ng karapatan at binaon sa dilim. Sa lugar na
madilim na walang laman, walang tao at walang hagdan.
Parang ako na walang-wala na rin. Ako na tila ba nawawala
at nalugmok na sa dilim.
95
Ikawalong
Alon: Daglit
(Dagli na Saglit)
96
ANG PANGARAP KONG MAGING BASURERO
"Uy Jason! Balita ko basurero ka raw a!" Pangising
pangungutya kay Jason ni Aling Bebe, isang kilalang tsismosa
sa kanila.
"Ah, opo," Maikling sagot ni Jason.
"Naku! Sayang naman pinag-aralan mo tapos naging
basurero ka lang, bakit hindi mo gayahin sina..."
"Tulad po ba ng anak niyo?" wika ni Jason.
Binalot ng katahimikan si Aling Bebe.
"Pinangarap ko po talagang maging basurero. Oo nga
po pala, kumikita po ako ng higit isandaang libo kada buwan
sa pagbabasura sa Canada. At saka, nabalitaan ko po ay
nakulong po ang anak niyo na si Biboy a."
97
DOKTORA
Tulad ng maraming
doktora, si Jane ay umaabot
sa higit 12 oras na
nagtatrabaho bilang doktora.
Araw-araw marami siyang
kliyente ang dumarayo para
sa kaniyang serbisyo. Tulad ng
maraming doktor, pupunta
siya sa kaniyang propesyon
nang malinis na malinis ang
pangangatawan.
Subalit ang kinaibahan
niya sa ibang mga doktor, si
Jane ay nasa isang maliit at
tagong opisina sa kahabaan
ng Recto. Imbes na mga kagamitang pang-opera, ito siya
ngayon, nakaupo at nag-aabang ng mga kliyenteng nais ipa-
doktor ang kanilang mga papeles.
98
BAKUNAWA
Sa isang maliit na isla sa Zambales, pangunahing
ikinabubuhay ang pangingisda. Subalit, ang karagatan
pumapalibot ay puno ng kuwentong bayan - ang
bakunawang lumilibot tuwing kumakagat ang dilim.
Ayon sa mga sabi-sabi, ang halimaw na bakunawa ay
napakalaki, mabilis itong nagpapalangoy-langoy sa malawak
na karagatan. Dagdag pa nila, bago mo makita ang halimaw
na ito, makaririnig ka ng napakalakas na ingay at makikita ang
liwanag sa kaniyang ulo na bubulag sa iyo.
Ngunit, ang karanasan ni Tatang Bentong ay hindi
malilimutan ng kaniyang pamilya.
Naabutan ng dilim sa pangingisda, nasaksihan niya
mismong ang itsura ng halimaw ng karagatan. Dumagdag sa
mga sabi-sabi, ang bakunawa ay mayroong mga singkit na
mga mata, habang may kapirasong pulang telang
iwinawagayway sa tuktok nito, at may limang bituing
nakapinta rito.
Higit pa sa lahat, ang bakunawang kinatatakutan, may
kakayahang bumaril ng kapirasong metal.
99
HIDE AND SEEK
"Tagu-taguan, maliwanag ang buwan..."
"Ayan na ang taya, hinahanap na ako..." nanginig na
winika ng binatilyong nakatago sa ilalim ng kama.
"Nandito na kami!" pangising sabi ng taya na lalaking
may matipunong pangangatawan.
Panandaliang tumahimik ang buong kabahayan,
hanggang sa...
"BANG!"
Nagsipag-uwian na ang mga taya na hudyat na tapos
na ang laro ng tagu-taguan.
100
BALIK-BAYAN BOX
A-bente na naman, tulad ng inaasahan, mayroon na
namang balik-bayan box galing kay Ina mula pa sa Dubai.
Naaalala ko pa noong bata pa ako ay lagi akong
nasasabik sa tuwing darating ito, lagi kasi akong may
pasalubong. May bagong sapatos, damit, gadgets, at
maraming tsokolate na madalas ay ipinamimigay ko pa sa
mga kaibigan ko.
Pero noong hayskul na ako, yong ipinadadala mong
pera na para pang-tuition ko, ginagamit ko sa mga bisyo ko.
Kung kaya, kinailangan kong palihim na ibenta ang mga
napundar mo. Noong nalaman mo, ramdam ko ang lungkot
sa iyo, pero sabi mo ay "hayaan mo na, mababawi rin natin
'yan."
Ngunit ngayon, nais ko na sana na makauwi ka na. Hindi
ko na kailangan ang mga ipinadadala mo sa balik-bayan box,
nakapundar na rin naman na tayo, at malapit na akong
magtapos sa pag-aaral. Pumayag ka at ang sabi mo ay, "sige,
huling padala ko na lang ng balik-bayan box tapos uuwi na
ako."
Ito na nga ang balik-bayan box na tinutukoy mo, subalit
iba ito sa mga nauna mong padala. Masyadong pahaba ito
101
at mababa, kulay puti at bakit ang malamig mong bangkay
na may mga pasa ang laman.
102
Ikasiyam na
Alon:
Sanaysay na
may Saysay
103
BABANGON NA MULI
“COVID... COVID... COVID...”
Iyan ang isa sa mga naging
problema ng ating bansa na
nagkaroon ng napakalaking
epekto sa ating lahat. May ilan sa
ating kapwa Pinoy ang nakaranas
ng matinding kalungkutan,
nawalan ng pag-asa, nalugmok, at
nakaranas ng depression dahil sa
mga kaisipang maaaring maging
epekto ng virus sa ating buhay tulad na nga lang ng
kahirapan/ kagipitan, pagkagutom na may malaking epekto
sa ating mga mahal sa buhay. Bagamat may kahirapan ang
ating sitwasyon, may ilan pa rin sa atin ang pilit na
bumabangon at kinakaya ang bagong agos ng ating buhay
sa tulong na rin ng mga mahal sa buhay na handang
sumuporta, umagapay at/o tumulong kahit na sa maliit na
bagay. Ngunit kung iisipin, ano nga ba ng pinagdaanan ng
mga Pilipino sa loob ng mahigit isang taong pakikipaglaban
sa pandemyang nagpahirap din sa lahat ng bansa?
Sa napakahabang panahon na ating nilagi sa ating
mga tahanan noong bago pa lamang sa ating bansa ang
bagong virus ay hindi natin inaasahan na marami ang naging
epekto nito sa ating lahat. Ang pamamalagi na ito sa mga
tahanan ay tinuring ng iba na pahinga, bakasyon, panahon
104
ng pagmumuni-muni at/o oras ng kasiyahan dahil walang
trabaho na nagdudulot ng pagod sa bawat isa ngunit iba ito
sa kung ano ang nadama ng nakararami at/o normal na
mamamayan ng ating bansa.
Maraming naghirap, nabaon sa utang, nagutom,
nangayayat, nagkasakit at marami ring namatay (COVID
man o hindi) dahil sa napakaraming kakulangan ng ating
bansa upang matugunan ang mga pangangailangan ng
bawat isa, malinaw na hindi ito naging isang pahinga o
bakasyon.
Gawa ng napakaraming pagsubok na ating kinaharap
ay naapektuhan din ang kalusugang pangkaisipan ng ilan sa
ating mga kababayan tulad na lamang ng pagkaramdam ng
lubos na lungkot, overthinking, labis na pagkaramdam ng
takot, kawalan ng tiwala sa sarili at/o sa mga taong
nakapaligid, pagiging depress at ang ilan pa nga ay mas
pinipiling kitilin na lamang ang kanilang buhay dahil sa bigat
na nararamdaman sa kanilang dibdib. Nakalulungkot talaga
lalo na’t alam mong may mga kapwa Pilipino ka ring nawalan
ng tiwala sa Diyos, sinisisi ang ating Panginoon sa kung ano
man ang kanilang hirap na hinarap at hinaharap, at ang
masakit pa ay tuluyang tinalikuran ang Diyos dahil sa kawalan
ng pag-asa na tayo ay babangon muli; naapektuhan ang
kanilang kamalayang ispiritwal.
105
Sa napakarami ring pagbabagong naganap sa paraan
man ng pakikipagkomunikasyon, transportasyon, at
pangkabuhayan (sa pagiging tagabenta man o mamimili),
ang mga pagbabago sa edukasyon ang isa sa mga
napakahirap na pagsubok para sa mga mag-aaral,
magulang, guro, paaralan, mamamayan at/o sa bansa dahil
ang pagkakaisa ay isa sa mga mahalagang gawain upang
matugunan pa rin ang pangangailangan pangkaisipan ng
mga mag-aaral kahit na tayo’y nasa kalagitnaan ng
pandemya.
Pagkakaisa ang solusyon o susi upang magkaroon ng
pagkakaintindihan at kaayusan sa isang bansa kaya
nararapat lang na may maayos at iisang desisyon ang lahat
ng nasasakupan para sa kapakanan ng bawat isa.
Tunay ngang napakaraming mga naganap sa ating
bansa sa loob ng mahigit isang taon. May ilan sa atin ang
naengganyong maghanap ng trabaho at/ o magsikap
upang may ipangkain sa pamilya, may nawalay sa mga
mahal sa buhay upang maiwasan ang peligrong dulot ng
virus, may nalugmok, nabaon sa utang, nawalan ng tiwala sa
Diyos, natanggal sa trabaho, nadepress, nakapagpatayo ng
negosyo, nawalan ng pag-asa, nawalan ng mahal sa buhay
at iba pa. May mga bagong sistema rin tayong kinakailangan
kasanayan tulad na lamang ng mga makabagong paraan sa
pagsasagawa ng pagpupulong, may tinatawag na ring
106
webinar (isang seminar na nagaganap sa iba’t ibang uri ng
video call application), mayroon na ring makabagong sistema
sa pagbebenta at pamimili, transportasyon at edukasyon na
malaking tulong sa pagpapanatili ng kaligtasan ng bawat isa.
Mahirap ngunit alam kong kakayanin natin ito, alam kong
babangon ulit tayo. Makikitang muli ang sigla at saya ng
maunlad nating bansa, babangon na muli ang Pilipinas.
KALUSUGANG MENTAL SA
BAGONG KADAWYAN
Sa napakaraming problemang dumating, hinarap at
nilutas mo sa nagdaang panahon, hindi ba’t nararapat lang
na bigyang pansin ang kalusugang mental?
Ngayong may kinahaharap tayong pandemya, litaw o
pansin naman ang pagtaas ng mga suicide rate dahilan ng
samot-saring pagsubok na binabato ng makabagong
panahon, epekto ito ng kawalan ng pansin o gabay sa
kalusugang mental.
Maaaring isa ka sa mga nahihirapang sumabay sa
bagong agos/ sistema ng edukasyon epekto ng
napakaraming dahilang nagsisilbing hadlang sa iyong
pagkatuto ngunit maraming naniniwala sa iyo, kaya mo yan.
107
Maaaring isa ka rin sa mga
indibidwal na nawalan ng trabaho at
ngayon ay namomroblema kung
paano itatawid ang pamilya sa
kahirapan at/o kagutuman ngunit
kahit na ganoon, huwag kang
sumuko.
Kung nakararamdam ka man ng matinding
kalungkutan ngayon ay huwag mo rin sanang kalimutang
maraming tao ang handang makinig at tumulong sa iyo,
maraming naniniwala na kaya mo at kakayanin mo.
DISKURSONG PERSONAL, ATING ALAMIN
Ang diskursong personal ay daan upang maipakita ang
ating mga personal na karanasan sa buhay. Kinapapalooban
ito ng mga pasulat na gawain tulad ng talaarawan, dyornal,
repleksyon at awtbayograpiya. Ang mga ilan sa nabanggit ay
madalas din nauuso sa mga bata sa elementarya dahil ito nga
ay tunay na nakakaaliw at nakapagbibigay ng impormasyon
sa isa’t isa na nagiging daan upang maging malapit ang mga
mag-aaral. Ngunit, sa impormasyon ng lahat, napakahalaga
rin ng diskursong personal hindi lamang para sa mga bata,
kung ‘di para na rin sa lahat dahil:
108
Nailalabas natin ang ating saloobin at emosyon. Alam
naman natin na hindi sa lahat ng pagkakataon ay
tamang pairalin lagi ang ating emosyon dahil kung
gagawin natin ito, makasasakit tayo ng ibang tao,
pisikal man o emosyonal. Sa halip na sabihin at
ipadama ang nag-uumapaw na emosyon, maaari
itong isulat.
Hindi makasasakit ng ibang tao. Kadalasan lalo na sa
mga bata, sa sobrang galit o inis nila ay nasasaktan nila
ang isang tao, pisikal man o hindi ngunit kung sasanayin
natin ang mga ganitong uri ng diskurso, maiiwasan natin
ang mga ganitong bagay.
Mas makikilala pa ang isang tao. Sa elementarya, uso
ang slambook kung saan isa itong notebook na
kinapapalooban ng mga personal na impormasyon.
Malaki ang tiyansa na lahat naman din tayo ay
naranasan ito kaya alam natin na malaking tulong ito
para mas makilala pa natin ang mga taong nasa
paligid natin.
Upang ma-track ang mga nakalipas na gawaing
nakalimutan. Hindi natin maiiwasan na maging
makakalimutin, parang halos lahat nga rin ay
nakararanas nito. Malaking tulong ang pagsusulat ng
109
mga to do o kailangan gawin upang maiwasang may
makaligtaang mahahalagang gawain.
Tulong upang malaman ang kaalaman o nadagdag na
impormasyon sa kaisipan ng mgamag-aaral. Ang
diskursong personal na repleksyon ay may kakayahan
ding ma-assess o malaman kung natamo ba talaga ng
mga mag-aaral ang kailangang matamo sa
pagtatapos ng aralin na tinalakay. Ito rin ay nagsisilbing
salamin sa kung ano ang totoo dahil ang paggawa ng
repleksyon ay pagiging totoo sa kung ano man ang
pinapaksa nito.
Ilan lamang iyan sa mga tulong ng diskursong personal na
sa ating buhay ngunit litaw naman ang kahalagahan nito.
Sinasabi ng ilan na “sayang sa papel lang iyan” ngunit hindi
nila alam na may malaki at magandang epekto ito sa ating
personal na pag-unlad na malaking tulong sa ating
pakikipagkapwa-tao kaya hindi dapat ipinagpapasawalang
bahala ang mga ganitong uri ng gawain dahil malaki ang
tulong nito sa ating lahat.
110
ANO NGA BA ANG WIKA?
Bilang guro sa hinaharap na nagpapakadalubhasa sa
asignaturang Filipino, napakahalaga ng wika sa ating lahat
dahil batay sa natutuhan ko, ito ang pagkakakilanlan ng isang
bansa at nagsisilbing koneksyon sa mga mamamayan nito. Ito
ang nagsisilbing tulay sa pagkakaintindihan. Tunay na ang
wika nga ay:
Mabisang paraan sa pakikipagkomunikasyon. Pasulat
man o pasalita, miski sa galaw, ito ay maaaring
magbigay ng mensahe sa ating kausap. Alam naman
natin na hindi lamang pasalita ang wika, ito rin ay
maaaring pasulat at maging sa gawi na ating
pinapakita sa ibang tao. Ganyan kalawak ang wika at
sa ganyang paraan nagiging abot-kamay ang
pakikipagkomunikasyon sa tulong ng iba’t ibang
paraan ng pakikipagkomunikasyon at/o paggamit ng
wika. Tulad ko at ninyo, ginagamit ko ang wika sa tulong
ng pagbigkas at paggamit ng mga salita na
umaangkop sa nais kong sabihin. Ginagamit ko naman
ang pasulat na paraan ng pakikipagkomunikasyon sa
tulong ng lapis, bolpen at papel upang makapagsulat
ng mga bagay na nais kong isulat at/o iparating sa
ibang tao. Ginagamit ko/natin naman ang wika sa
pamamagitan ng paggalaw tulad ng pagtapik sa
balikat ng ating mahal sa buhay upang sila ay
111
damayan, hagkan upang ipabatid ang ating
nararamdaman, at iba pa.
Makapagpapabago ang buhay. Ganito
kamakapangyarihan ng ating wika dahil kaya nitong
mabago ang ating pisikal, mental, emosyunal, at
ispiritwal na aspeto ng ating buhay. Sa mga simpleng
pagkukwento, pagbibigay ng suhestyon at/o opinyon
sa isang tao ay maaari natin silang matulungang
magbago. Minsan ko nang makitang gamitin ang wika
bilang sangkap sa pagpapabago ng isang tao sa
aming simbahan. Tunay na napakaraming
makasalanan ngunit bilang isang tao na laking
simbahan, masasabi ko na marami ring mga tao ang
patuloy na humihingi ng kapatawaran sa Panginoon,
bumabawi at nagbabago para sa buhay na walang
hanggan na ninanais nating lahat.
Mas nabibigyan ng tinig ang mamamayang Pilipino.
Tulong ito sa atin upang tumindig, makiisa at magbigay
kaalaman sa mga sarado ang isipan. Tulad na lamang
ng mga usaping pagkakaiba nating mga Pilipino sa isa’t
isa. Talamak ang asaran, kutyaan na nagiging normal
na lang sa iba ngunit na nagiging sanhi pa rin ng
pikunan at away dahil sa mga hindi pinag-isipang gamit
ng wika upang ipabatid ang kanilang saloobin sa isang
usapin. Kung atin din titignan ang iba’t ibang uri ng
112
balita ngayon, makikita na rin natin ang tapang at lakas
ng loob ng mga Pilipino upang tumindig, magbigay ng
kaalaman, ipagtanggol ang sarili, at gamitin ang wika
bilang armas sa pagwaksi ng kakulangan sa kaalaman
at kawalan ng pagkakapantay-pantay ng mga Pilipino.
Daan sa mas epektibong pagtuturo at pagkatuto.
Bagamat, isa lamang ang asignaturang naglalayong
palawakin ang kaalaman ng mga estudyante sa wika
ating ginagamit, malaking tulong pa rin ito sa ibang
mga asignatura dahil base na rin sa obserbasyon at
sariling karanasan bilang mag-aaral at magiging guro
sa hinaharap, mas nagiging malinaw at napapadali
ang proseso ng pagtuturo at pagkatuto kung ang
wikang gamit ay ang wikang alam, inaaral at bihasa ng
mga mag-aaral.
DAYALEKTO TULONG SA WIKANG PAMBANSA
Ang wikang Ibaloy ay ang wika ng ating mga
katutubong pangkat etniko na naninirahan sa kabundukan ng
gitnang bahagi ng Cordillera sa Luzon. Mas kilala natin sila
bilang “Igorot” na may kayumangging balat, hindi
katangkaran at sinasabing ang mga kalalakihan doon ay may
matitipunong pangangatawan.
113
Sa isang banda, mayroon din tayong mga pangkat ng
mamamayan na tinatawag natin mga “Ilokano”. Ito ay ang
ikatlong wika sa Pilipinas na may pinakamaraming
tagapagsalita at sila ay madalas na mga taga-Cagayan. Mas
nakikilala natin sila dahil sa matitigas nilang pagbigkas ng mga
salita na isa sa pangunahing dahilan upang mahusgahan sila
ng iba na galit kung magsalita. Sa kabila nito, ang wikang
Ibaloy at Ilokano ay may malaking pagkakaiba sa isa’t isa
ngunit ang wika nila ay may parehong tunguhin sa paggamit
nito at ito ay ang magkaroon ng pagkakaintindihan at
pagkakaisa ang mga tagapagsalita nito. Ngunit alam naman
natin na ang iba’t ibang wika at dayalekto sa ating bansa ay
may malaking tulong din sa ating wikang pambansa.
Nakatutulong ang iba pang wika sa ating wikang
pambansa sa paglilinang at pagpapaunlad nito. Sa
tulong ng mga salita mula sa iba’t ibang wikang umiiral
sa ating bansa, nadaragdagan din ang bokabularyo ng
ating pambansang wika lalo na kung ito ay patuloy na
ginagamit kasama ang iba pang wikang Filipino upang
makapaglahad ng mas malinaw na deskripsyon o
pagpapaliwanag ng paksang tinatalakay.
Sa patuloy na pagpapaulad ng wikang pambansa
gamit ang iba pang wikang umiiral sa ating bansa, mas
nagiging intelektwalisado ang wikang Filipino. Mas
napatataas natin ang lebel ng paggamit nito dahil sa
114
pagdami ng bokabularyong dumadagdag sa ating
wikang pambansa. Mas tumataas o tataas ang
tiyansang magamit natin ang ating pambansang wika
sa mga mas pormal na usapin o pagpupulong, hindi na
natin kailangan pang manghiram pa ng mga salitang
Ingles para lamang maipahayag natin ang ibig nating
sabihin.
Mas naipakikita at naipadarama natin ang ating
pagmamahal sa ating wika, kutura at bansa sa tulong
ng patuloy na pagpapaulad ng wikang pambansa
gamit ang iba pang wikang umiiral sa ating bansa. Mas
naipakakalat natin sa iba pang mga bansa na ang wika
natin ay hindi lang basta ordinaryong wika para sa atin
dahil ito ay napakahalaga sa ating lahat.
Tunay na napakarami ngang ambag sa ating wikang
Filipino ang iba’t ibang wika sa ating bansa tulad na lamang
ng wikang Ibaloy at Ilokano na siyang kilalang wika sa atin.
Hindi lamang ito naghahatid ng pagkakaintindihan sa
pakikipag-usap, pakikipagkomunikasyon at/o
pakikipagtalastasan dahil malaking tulong din ito sa
paglilinang at pagbibigay ng malaking progreso sa
pagpapaunlad ng ating wikang pambansa. Dahil dito, mas
nakikita natin ang kahalagahan ng iba pang wika sa ating
bansa at nagiging bukas ang isipan sa pagpepreserba at/o
pagpapanatili ng iba pang wika at dayalekto sa Pilipinas.
115
WIKANG FILIPINO SA SIKOTERAPIYA
Wika nila "napakamakapangyarihan ng wika", totoo
nga ba? Paano natin masasabing napakaepektibo ito at
tunay na malaki ang naitutulong sa atin? Dahil sa ito ay
nagagamit natin sa pakikipagkomunikasyon? Sa tulong nito,
maipahahayag natin ang ating opinyon? Nasasabi ang mga
gusting sabihin? Ito lamang ba ang mga lantad na dahilan
upang masabi nating makapangyarihan ang wika?
Sa tingin ko ay hindi lamang dito nagtatapos ang
tungkulin ng wika. Mas magiging epektibo at
makapangyarihan ang wika kung ito ay magagamit sa
larangan ng propesyunal na panggagamot.
Pangkaisipan at emosyunal na kalagayan ang isa sa
mga napakaraming usaping kinahaharap ng bawat isa sa
atin. Sa nagdaang panahon, mas nagiging bukas na ang
isipan at kamalayan ng mga Pilipino sa mga isyung hatid ng
mga problemang ito, hindi tulad noong mga nakalipas na
panahon na minamaliit lamang at hindi pinahahalagahan
ang estadong pangkaisipan at emosyunal ng mga tao.
Kasiya-siyang maghinuha ng mga magagandang
pagbabago sa ating bansa ngunit sa kabilang banda, may
ilang mga Pilipino pa rin na ang paggagamot sa ganitong uri
ng problema ay tinitignan nilang para sa mga "baliw" lamang.
Ito ay ang Sikoterapiya o Psychotherapy, paggamot sa mga
sakit sa isip ng mga tao dulot ng panloob o panlabas na mga
116
salik sa pamamagitan ng malawakang pag-aaral sa
Sikolohiko.
Ang mga doktor na nagpapakadalubhasa rito ay
karaniwang ginagamit ang wikang Ingles sa pag-aaral at
pakikipag usap o pagkukunsulta sa kanilang mga pasyente.
Ngunit, hindi ba't mas madali sigurong maintindihan kung
ating gagamitin sa ganitong uri ng paggagamot ang sarili
nating wika? Tutal ito naman ay pumapatungkol sa ating sarili
– sa mga problema o sitwasyon nahirap nating harapin o
lutasin, bakit hindi natin gamitin ang wikang Filipino upang mas
mapadali ang pagkakaintindihan? Sa tulong ng paggamit ng
ating wika sa Sikoterapiya,:
Mas maipahahatid ang impormasyon nang maayos at
may kalinawan sa mga pasyente dahil ang gamit na
wika ay ang wikang kanila ring ginagamit sa pang-
araw-araw.
Ang wika ay magsisilbing sandata sa oras ng kahirapan.
Malaki ang epekto ng mga positibong salita para sa
mga taong may kinahaharap na problemang kanilang
hirap na harapin. Nakagagaan ito sa kalooban, mas
napalalakas nito ang damdamin ng tao at nagagawa
nitong maging positibo ang kalagayang pangkaisipan
ng tao. Sa pamamagitan ng mga ito, maiisip ng
pasyente na hanggat may bukas ay may pag-asa. Hindi
117
sila nag-iisa dahil may mga tao siyang malalapitan at
pinagagaan ang kanilang kalooban.
Mas maipahahayag ng pasyente ang kaniyang mga
karanasan, saloobin at/o opinyon. Magiging
komportable ang kaniyang pagbabahagi o
pagkukwento.
Mas naiintindihan ng tao/ pasyente ang mga dahilan
kung bakit sila nagkaganoon, kung paano niya
malulutas ang kaniyang problema at kung paano niya
mapauunlad pa ang kaniyang pangkaisipan at/o
emosyunal na kalagayan.
Hindi na maiisip ng mga Pilipino na ang pagkukunsulta
sa mga sikolohista ay para lamang sa mga mayayaman
sa dahilang ang wikang kanilang ginagamit ay kanila
nang madaling maiintindihan dahil ito ay wikang
Filipino. Sa pamamagitan nito, hindi na rin nila maiisip na
ang sakit sa isip ay katumbas ng salitang para sa mga
"baliw" o "abnormal". Mas magiging bukas na sila sa
usaping pagpapagamot sa sakit sa isip nang walang
takot sa pang huhusga ng kapwa.
Mas mapauunlad ang bokabularyo ng ating wika dahil
sa mga makabago at angkop na terminong
magagamit sa larangan ng Sikoterapiya. Magiging
118
intelektwalisado ang ating wika dahil nagagamit na
natin ito sa iba pang mas mataas na antas ng
propesyon.
Ang ating mahirap na kalagayan sa kasalukuyang
panahon ang nagpapatunay na mahalaga ang may maayos
na estadong pangkaisipan at emosyunal kaya nararapat
lamang na magkaroon tayo ng pag-aaral ukol dito sa
Sikoterapiya upang mas maging bukas ang ating isipan sa
iba't ibang uri ng usapin at sa iba't ibang uri ng problemang
kinahaharap ng mga tao sa ating paligid. Sa kabilang banda,
naipakita rin sa impormasyon sa itaas ang kahalagahan ng
paggamit ng wikang Filipino sa larangang ito.
Bagamat hindi pa gaanon nagagamit sa larangan ng
medisina o propesyunal na panggagamot ang wikang
Filipino, mahalagang malaman na may mga doctor sa ating
bansa ang nagpaplano at gumagawa ng mga hakbang at/o
pag-aaral upang maging intelektwalisado ang ating wikang
pambansa. Sa ganitong pamamaraan, nasisigurado
ko/naming mga mag-aaral na nagpapakadalubhasa sa
asignaturang Filipino na ang ating wika ay magagamit din sa
mas mataas na antas ng pakikipagkomunikasyon.
119
WIKA AT KULTURA SA HEOGRAPIKONG LOKASYON
Ang wika at kultura ng isang lugar at/o bansa ay
napakahalaga dahil ito ang nagsisilbing pagkakakilanlan ng
isang lugar. Nagkakaroon din ng malaking pagkakaiba sa
wika at kultura ang iba’t ibang lugar at/o bansa batay sa
napakaraming dahilan, isa na rito ang heograpikong lokasyon
ng isang lugar. Magandang halimbawa rito ang ating bansa
– Pilipinas.
Hindi biro ang kalupaan ng ating bansa dahil ito ay
watak-watak at napaliligirang ng katubigan. Nang dahil dito,
nagkakaroon ng malaking epekto sa pagkakaiba-iba ng ating
wika. Ang pagkakaiba-iba sa pangunahing pinagkukuhaan
ng pagkakakitaan aynagbubunga ng pagkakaroon ng
kakaibang mga paniniwala, kinagawian, at/o tradisyon na
may malaki ring ambag sa ating wika at kultura. Halimbawa
na lamang ay ang mga kalupaan sa Luzon at sa Mindanao.
Ang mga pinagkukuhaan ng pagkakakitaan sa Luzon ay iba
sa pinagkukuhaan ng pagkakakitaan sa Mindanao. Bakit?
Dahil hindi lahat ng mayroon sa Luzon ay mayroon din sa
Mindanao at sa ganitong dahilan, nagkakaroon ng
pagkakakilanlan at uniqueness ang bawat lugar.
Nagkakaroon ng iba-ibang pambato ang mga lugar na
malaking tulong sa pagpapaunlad ng kanilang lugar, wika at
kultura. Maaaring ang isang lugar ay pinaliligiran ng katubigan
at mayaman sa iba’t ibang uri ng isda na maaaring kainin at
ibenta, maaari naman na ang isang lugar ay mayaman sa
120
kalupaan na maaari nilang pagtaniman ng iba’t ibang uri ng
pagkain, may mga lugar din naman na mayaman sa
kabundukan kaya naman ang pangangaso ang kanilang
pangunahing pinagkukuhaan ng pagkakakitaan. Hindi lahat
ng mga yamang iyan ay matatagpuan sa iisang lugar lamang
dahil walang perpektong lugar.
Tunay na napakaraming yaman ng ating bansa at ang
mga ito ay isa sa mga dahilan kung bakit mayaman din tayo
sa wika at kultura. Ito ang mga pangunahing dahilan kung
bakit nagkakaroon ng pagkakaiba-iba ang mga lugar at ito
rin ang magsisilbing pagkakakilanlan ng mga lugar. Nang
dahil dito, natatangi ang isa lugar.
IPRESERBA MO ANG WIKA MO
Mahalaga nga ba ang mga wika at dayalekto sa ating
bansa? Malaki nga ba ang naitutulong nito para sa ating
lahat? Nararapat nga bang ipreserba ang ating mga sinusong
wika?
Sabi nila, ang wika raw ang siyang nagreresulta ng
pagkakaisa, kapayapaan at kaunlaran ng isang bansa. Wika
ang dahilan kung bakit tayo nagkakaintindihan,
nakararamdam ng saya o lungkot. Talagang masasabi natin
na napakahalaga ng ating wika lalo na’t kung ito ay ang ating
sinusong wika dahil ito ang ating unang wika ginamit. Ito rin
121
ang kinapapalooban ng samot-saring mga tradisyon,
paniniwala at/o gawi na isinabubuhay ng mga taong
gumagamit nito kaya para sa akin, nararapat lamang ito
ipreserba.
Tulad ng unang wika ko na Filipino, lahat ng wika at
dayalektong umiiral sa ating bansa ay mahalaga. Malaki ang
naitutulong nito sa ating lahat at maging sa ating bansa
upang magkaroon tayo ng pagkakaisa.
Isa na sa mga maaari nating matamo kung ating
bibigyang pagpapahalaga ang ating wika ay mas lalo pang
uunlad ang ating kaalaman patungkol sa ating sinusong wika.
Mas tataas ang lebel ng ating kaalaman at kahusayan sa
paggamit nito. Mas mapalalalim at mapatitibay pa natin ang
koneksyon sa ating kultura at mga paniniwalang nagbibigay
ng natatanging pagkakakilanlan sa ating mga Pilipino. Sa
tulong nito, mas mapauunlad/ mapayayabong at
maipepreserba natin ang ating sinusong wika at maging ang
ating mga kultura.
Matutulungan tayo nitong ipakita ang iba pang
magagandang bagay sa ating bansa tulad na lamang ng
ating mga wika, dayalekto, kultura at mga tradisyon.
Dagdag pa rito, nakatutulong din ang ating mga
sinusong wika sa ating mga negosyo dahil nagbibigay ito ng
122
mas malalim na koneksyon sa ating mga mamimili na
nagreresulta ng kanilang pagiging “suki” sa ating mga
binebenta. Mas nabibigyan natin sila ng kasiguraduhan at
nagkakaroon sila ng tiwala sa kanilang binibilhan kung ito’y
kanilang kakilala o kababayan.
Bagamat marami na sa atin ay may kolonyal na
mentalidad, mas pinipiling tangkilikin at suportahan ang ibang
mga bansa kaysa sa sarili nitong pinagmulan na siya ring
nagreresulta ng pagkabaon sa limot ng ating pagkakakilanlan
ngunit naniniwala pa rin akong marami tayong mga Pilipinong
tunay na nagmamahal at nagbibigay-halaga sa sariling atin.
Sa tulong natin, mas mapagyayabong pa natin ang
ating wika, dayalekto, kultura at tradisyon. Maaari rin nating
maimpluwensyahan ang iba pang mga tao sa tulong ng mga
nag-aalab natin pagmamahal sa sarili nating bayan na
magreresulta ng pagkakaisa, pagtutulungan at
pagkakaintindihan.
123
LAKBAY-ARAL
Napakasarap pumunta sa iba’t ibang lugar na kasama
ang iyong mga kaibigan. Kaibigangtunay mong maaasahan,
mapagkakatiwalaan at mapagsasabihan nang kahit na
anong bagay. Wika nga nila, sila ang ating mga “walking
diary”. Kaibigan na laging handang makinig, tumulong at
minsan pa nga ay walang sawang manermon sa tuwing tayo
ay nakagagawa ng mali. Tunay ngang napakasarap sa
pakiramdam kung ika’y makararanas na magkaroon ng
ganitong klaseng mga kaibigan at makakasama mo sa
paglalakbay sa iyong buhay.
Ako at ang aking mga kaibigan ay pumunta sa Luneta.
Hindi iyan ang unang beses na makararanas ako ng pikinik at
124
pamamasyal ngunit ito ang isa sa mga tumatak at hindi ko
malilimutang karanasan sa aking buhay. Hindi ko malilimutan
kung gaano kami kasaya sa mga oras na iyan. Kung inyong
mapapansin, kami ay may mga dalang bag pa. Ito ay dahil
sa kami’y galing sa aming paaralan. Katatapos lamang ng
aming klase at napagplanuhang magpiknik at pumunta sa
Luneta at Intramuros.
Tawanan, hagikgikan, at lubos na pagkaramdam ng
pagod sa paglalakad matapos ang araw ng aming
paglalakbay upang makapunta rin sa Intramuros ngunit ni-isa
sa amin ay tila ba walang nakaramdam nito habang kami ay
magkakasama. Ang mga alaalang naganap diyan ay tila ba
mga alalaang hindi ko kailan man malilimutan, napakasaya
ko dahil ito’y aking naranasan.
Isa rin sa nagbigay ng kasiyahan sa akin ang lugar ng
Intramuros. Puno ng sikreto at kaalaman na nagkaroon ng
malaking ambag tungkol sa ating kasaysayan. Bawat sulok at
lugar ay may kuwento, pinaniniwalaan ko ring lahat ng ito ay
may sikreto. Makakikita ka rin ng mga bahay at imprastraktura
na makaluma, maging ang sahig at mga fastfood chain ay
nakadisenyong parang ika’y nasa sinaunang panahon. Ang
mga guwardiya rin doon ay tila ba mga guwardiya sibil noong
mga panahong tayo ay sinakop ng ibang bansa.
125
Nakatutuwang isipin na hindi lamang ako ang may
natutuhan sa aming pagpunta roon dahil maging ang aking
mga kaibigan ay marami ring natutuhan, lahat kami ay may
nakuhang aral na nararapat lamang malaman, ipreserba at
ipagmalaki ng mga Pilipino. Masayang alaala kasama ang
mga kaibigan na naging impormatibo dahil sa mga
kaalamang aming nakuha sa pagbisita sa mga lugar na
aming pinuntahan.
Tunay na isang alaalang hindi malilimutan ang litrato at
kuwentong aking ibinahagi. Kinagagalak ko na aking
nalaman ang mga mahahalagang impormasyon mayroon
ang Luneta at Intramuros kasama ang aking mga kaibigan.
Naging isang napakasayang karansan ito sa aming lahat. Isa
pa, wika nga ng Apo Hiking Society sa isa nilang kanta “Sa
lungkot at ligaya, hirap at ginhawa, kami’y kasama mo”.
Kinagagalak kong magkaroon ng mga kaibigang aking
makakasama sa hirap at ginhawa, nakatutuwang malaman
na kahit na minsa’y napakagulo ng ating buhay, may mga
kaibigan tayong handang umagapay, tumulong at sumama
sa ating paglalakbay.
126
BIYAYA SA PANINIWALA
Pilipinas, isang bansang binubuo ng napakaraming
wika, dayalekto, pamahiin, kultura’t tradisyon kaya ganito na
lamang karami ang ating mga pinaniniwalaang mga sabi-
sabi lamang din ng ating mga ninuno. Bawal maligo sa bahay
ng patay, bawal maggupit ng kuko at magwalis sa gabi,
pusang kumakaway sa mga tindahan, palakang malaki ang
bibig na nilalagyan ng mga barya o palakang may kagat-
kagat na barya, duwendeng tila ba tumatae ng pera at
napakarami pang iba…
Maipapanatali pa nga ba ng kasalukuyang henerasyon
ang mga ganitong paniniwala?
Bilang isang kabataan sa kasalukuyang panahon, mga
pamahiin at/o mga hindi maipaliwanag na mga paniniwala
ang siyang napakahirap paniwalaan o sundin para sa akin.
Ang aking ina ay lumaki sa probinsya ng Bicol kaya ganito na
127
lamang din karami ang aking kaalaman patungkol sa mga
paniniwala ngunit hindi ko rin maiwasang kuwestyunin ang
mga iyon…
Totoo nga ba ang mga iyon?
Napakahirap lang paniwalaan na sa tulong ng isang
polkadots na damit, ika’y bibiyayaan na ng Diyos ng pera.
Simula bata ako ay pinagsusuot ako ng aking ina ng polkadots
na damit. Malalaki at maliliit na bilog, kahit anong kulay basta
bilog-bilog ngunit paano ako magkakaroon ng pera? Hindi ba
ang pera ay pinaghihirapan? Nilalaanan ng pawis? Paano
tayo mabibigyan ng pera ng isang damit na polkadots?
Paano magkakaroon ng maraming pera ang isang mahirap
na bata? Nakatatawa ring isipin ang pagiging uto-uto ko
noong bata pa ako. Sige, talon nang talong tuwing bagong
taon ngunit kung inyong titignan ang aking katangkaran,
tunay na inyong masasabi na pawang kasinungalingan
lamang ang ganitong paniniwala.
Nakilala ko naman ang chain letter noong ako’y hayskul
na, ito ay dahil sa mga kaibigan kong nag-GM (group
message) ng mga ganitong nakakatakot na mga mensahe.
Wika nga roon ay kung hindi mo ipapasa sa iba, ika’y
mamalasin ng isa, dalawa, o higit pang mga taon. Kung
pinasa mo naman ito at hindi ka nakatanggap ng tugon sa
iyong pinasahan, sinasabing baka ika’y walang kwenta,
128
masamang kaibigan o wala talagang tunay na kaibigan na
talaga namang magpapabagabag ng iyong kalooban
ngunit bilang isang batang nadala na sa mga sabi-sabi, hindi
ko ito pinaniwalaan. Hindi ko hinayaang ibase sa mga sulatin
o mensaheng gawa ng kapwa ko tao ang mga biyayang
maaaring ibigay sa akin ng Diyos. Napakaimposibleng dahil sa
isang mensahe ay mamalasin ang aking buhay o may
mamamatay na aking mga mahal sa buhay.
Wika nga ni Fr. Dave “Ang biyaya ay hindi nakasalalay
sa mga sabi-sabi, pamahiin o chain letters” Huwag natin ibaba
ang ating sarili sa mga walang katotohanang mga mensahe,
huwag magpadala sa mga trip lamang ng kapwa natin tao.
Dagdag pa nga ni Fr. Dave na tunay na nagpapakita ng
reyalidad “Blessing comes to us base what is in our hearts.”
129
PASKOMUNIDAD
Bituwing sinusundan ng tatlong paring naglalakbay.
Tatlong pari na tila maghahanap ng kasagutan sa kanilang
mga katanungan. Ito na pala ang simula sa
pagpapalaganap ng pagmamahal na siyang daan sa
pagkakaisa ng taumbayan. Isang sanggol ang isinilang na
maghahasik ng kapayapaan, hindi lamang sa kaniyang
nasasakupan kung ‘di maging sa buong sulok ng mundo.
Ganiyan ang kaniyang naging epekto.
Ilaw na nagkikislapan na kay sarap pagmasdan, mga
tugtuging iniindakan na naghahatid ng kasiyahan, puto
bumbong at bibingka na panlaman sa tiyan – ilan lamang
iyan sa masasarap balikan. Ngunit sa isang iglap, may isang
virus na kumalat sa buong bansa, ni isa ay walang nakaiwas
walang nagawa. Naging limitado na ang lahat. Kahit na
ganoon, pagkakaisa at pagmamahalan ay hindi
mahahadlangan ng kahit na sino o ano. Ugali iyan ng mga
Pilipino
Nakakita ka na ba ng taong binagyo, binaha, at/o
nasunugan na nakangiti pa rin? Baka Pinoy iyan! Ganyan ang
mga Pilipino. Ngingiti hanggang kaya pa at tatawanan ang
mga problema. Basta sama-sama ang pamilya, walang
maiiwan kahit isa. Lahat ay problemado ngunit
magtutulungan, isang tawag lamang at pipiliting solusyunan.
130
Bayanihan kung tawagin ang
paraan ng pagtulong nila sa
bawat isa sa atin.
Sa paglipas ng
panahon, kailangan din
nating bumangon. Kahit na
pinatumba ng napakalakas
na alon, kailangan umahon.
Huwag mangamba dahil
tutulungan ka ng mga taong
tunay na nagmamalasakit at
nagmamahal sa iyo. Ating
gunitain ang
pagkapanganak ni Jesus
nang sama-sama, masaya at
nagkakaisa. Kahit anong
problema pa ang dumating, huwag mag-alala dahil iyan ay
malalampasan natin.
131
VLOG PARA SA MADLA, NAKATUTULONG NGA BA?
Sa panahong napakamodernisado na ng ating mundo,
napakalaking gampanin ng technology at/o internet sa ating
buhay. Kung may gusto kang matutuhang mga araling pang-
akademiko, panteknolohiya, pangkalusugan, at kahit mga
patungkol sa kakayahan nating mga tao ay maaari mo na
iyan matagpuan sa internet, nakasulat man at/o sinsalita
ngunit lingid naman sa ating kaalaman na ang pagbibidyo ng
sarili o tinawag nilang “vlogging” ay talaga namang patok at
tinatangkilik ng nakararami.
Sa kabila nito,
napapaisip rin ba kayo kung
talaga nga bang
nakatutulong at tunay na
napakaimpormatibo nitong
tinatawag nilang “vlogging”
sa ating buhay?
“Hi, guys! Welcome back to my Youtube channel!”
Napakapamilyar niyan, hindi ba? Sino ba namang
taong nabubuhay sa panahong ito ang hindi pa nakaririnig ng
ganiyan? Tulad ng Google, halos lahat na rin ng mga
kaalaman ay ating makukuha na rin sa Youtube.
132
Noong una pa lamang ito sa ating lahat, ang mga
bidyong maaaring mapanood rito ay ang mga bidyong
nakapaghahatid sa atin ng kasiyahan. Patok na patok sa
panahong ito ang mga “lowkey pranks”, ito ang mga trip ng
mga vloggers na walang halong disgrasya, ang pagbibigay
ng kasiyahan ang pangunahing layunin nito na siyang
namuno sa mga unang taon ng Youtube sa ating panahon.
Tunay na kasiya-siya at nakakaaliw ang Youtube noon.
Sa kabila nito, kapansin-pansin din naman na mas
naging masining at kawili-wili ang mga vloggers sa
kasalukuyan. Marami na riyan ang mga nagtuturo kung
paano mag makeup o tinatawag nilang mga beauty vlogger,
isa na rito sina Michelle Dy, Leti Sha at Anne Clutz, mga
personalidad na nakilala talaga sa industriya ng vlogging.
Narito naman si Toni Gonzaga na isang aktres na
ngayo’y kinakarir na ang vlogging upang mamulat ang mga
kapwa natin Pilipino sa iba’t ibang mga usapin at/o karanasan
ng mga iba’t ibang tao sa ating bansa.
Marami na rin diyang mga tunay na mga paring
nagpapakalat ng salita ng Diyos tulad na lang ni Fr. Dave
Concepcion, mga tunay na Chef na nagtuturo ng mga
tamang pamamaraan sa pagluluto, at mga gurong
tinutulungan ang mga mag-aaral sa kanilang pag-aaral lalo
na sa sitwasyon natin ngayon.
133
Maraming mga personalidad ang nakapundar na at
yumaman nang dahil sa vlogging kaya naman ito ang siyang
naging dahilan kung bakit napakaraming tao sa ating bansa
ang pinipilit at sinisikap pasukin ang industriyang ito. Mabuti
man o masama ang iyong ipinapakalat na mga bidyo, kung
marami kang subscriber at tagapanood ay kikita ka.
Oo, kahit na masama pa iyan. Kumain ka man ng mga
bagay na hindi dapat kainin, ibuwis mo man ang iyong buhay
o buhay ng iba sa isang sitwasyon, ipakita mo man sa publiko
ang mga bagay na dapat ay hindi ipinapakita sa publiko o
ikaw pa man ang maging dahilan ng pagkakaroon ng sugat,
pilay, trauma, depression o pagkamatay ng isang tao.
Sa nagdaang mga panahon, ating masasabi na
napakarami rin namang mga magandang epekto ng
YouTube sa ating buhay. Marami tayong makukuhang mga
aral sa buhay mula sa mga karanasan ng iba’t ibang mga tao,
kaalaman mula sa bibliya at maging sa mga librong pang-
akademiko. Sa kabila nito, kita rin naman na may masamang
dulot din itong YouTube sa ating buhay.
Walang perpektong social media platforms na laging
handang alayan o impluwensiyahan tayo ng mga
magaganda at mabubuting bagay sa ating buhay,
kinakailangan lang natin maging mapanuri at maging
134
matalino sa pagpili ng mga bagay na ating pipindutin. Wika
nga nila “think before you click.”
DIYARYO VS. NEWS WEBSITES
Kitang-kita ang mga pagbabago sa ating buhay dulot
ng mga samot-saring paraan ng pag-unlad sa ating paligid
tulad na lamang sa mga pag-unlad o pagbabagong
nagaganap sa pakikipagkalakalan, edukasyon,
komunikasyon, ekonomiya at maging sa teknolohiya. Ang
mga pagbabagong ito na nagreresulta ng ating pag-unlad sa
iba’t ibang larangan ay kitang-kita naman kaya ang mga
pagbabagong ito ay hindi natin maiiwasan. Isa sa rin sa mga
pagbabagong dulot ng pag-unlad ay ang paraan ng
pagbabalita na ating pag-uusapan sa papel na ito.
Alam kong ramdam na ramdam ng mga millennials ang
pagbabago sa paraan ng pagbabalita, dating mga dyaryo
ang hawak sa umaga upang magbasa ng mga bagong
balita, ngayon ay sa selpon na lamang dahil sa mga new
websites na nagkakalat sa mundo ng internet. Oo, may mga
ilang tindera pa rin sa daan ang nakikita nating nagbebenta
ng mga dyaryo ngunit hindi na ito ganoon kapatok o uso sa
ngayon. Napaisip rin ba kayo kung bakit? Siguro dahil sa
resulta o obserbasyon kung ang dyaryo at news websites ay
ipagkukumpara.
135
Kung ating pag-uusapan ang
kadaliang sa pag-access ng balita, sa
tingin ko’y mas mangingibabaw rito
ang dyaryo dahil nga ito’y nagkakalat
lamang sa kalsada, maaari kang
bumili kung kailan mo gusto basta
kailangan mo lamang ng ilang barya
upang mabili ito ngunit sa mga news
websites, kinakailangan mo pang magpa-load ng halagang
20piso hanggang 50piso bago ka magkaroon ng sapat na
kakayahan upang makapagbasa ng balita sa limitadong oras
o araw ngunit suwerte mo kung kayo’y may WiFi plan.
Patungkol naman sa pagiging impormatibo, ang news
websites na ang panalo rito dahil alam naman nating siksik
ang mga ibinababang impormasyon rito kumpara sa dyaryo
na limitado lamang din ang mga impormasyong nakasulat
dahil nga ito’y iniimprinta pa.
Isa pang rito, mas madaling
magbasa sa mga dyaryo para sa
malilinaw ang mata kaysa sa mga news
websites dahil sa mga advertisement na
nagiging isa sa mga hadlang sa tuloy-
tuloy na pagbabasa ng mga balita
online ngunit mas maganda namang
gamitin ang mga news websites kung
136
ikaw ay may ispisipikong balitang hinahanap dahil kaunting
type at click lamang ay makikita mo na ito, hindi tulad sa mga
dyaryo na kinakailangan mo pang masusing basahin ang
bawat pahina upang matagpuan ang iyong ninanais
basahin.
Alam naman din natin na hindi lamang balita ang hatid
ng mga dyaryo at news websites dahil ito’y naghahatid din ng
aliw para sa mga mambabasa nito. Para sa aking pananaw
at/o karanasan, ang dyaryo at news websites ay parehas na
napakapagbibigay ng aliw sa kanilang mga mambabasa sa
tulong ng mga komiks, sodoku game, palaisipan, hanap-salita,
bugtong atbp na makikita sa mga dyaryo.
Sa kabilang banda, ang news websites naman ay
nakapagbibigay aliw sa kanilang mga mambabasa sa
pamamagitan ng pagkakaroon ng kakayahang maglabas ng
opinyon o saloobin ang mga mambabasa nito sa naturang
mga balita na maaari ring mabasa o mabigyang tugon ng
ibang mga tao.
Tunay ngang ang mga pagbabago ay may kakayahan
baguhin ang ating pamumuhay, maging ang ating mga
dating kinagawian ngunit hindi ibig sabihin nito ay maaari na
rin nating kalimutan ang mga bagay na napalitan o
napaglumaan na ng panahon dahil ang mga ito’y nagkaroon
din ng ambag sa ating mga buhay at maging sa ating bansa.
137
Ang dyaryo at mga news websites ay tunay ngang malaking
tulong sa atin kaya parehas ito kinakailangan pahalagahan
ng mga mambabasa nito dahil kung wala ang mga ito, hindi
magiging ganito kadali para sa atin ang pagbabasa ng mga
balita.
HAMONG DULOT NG TEENAGE PREGNANCY: ALAMIN
AT TUTUKAN
Sa kabila ng hamon na dulot ng pandemya,
kasalukuyan ding kinahaharap ng bansang Pilipinas ang
mabilis na paglaki ng populasyon sa mga nakalipas na
dekada.
Ayon sa tala ng Commission on Population and
Development (POPCOM), inaasahan na sa taong 2021,
maaaring sumampa sa 110.8 milyon ang bilang ng
populasyon mula sa 109.4 milyong katao noong taong 2020.
Ang datos sa taong 2020 ay hindi pa gaanoong naanalisa ng
nasabing ahensya bunsod ng pandemya, subalit, naging
isang salik ‘di umano ang unplanned pregnancies habang
ang bansa ay nakasa-ilalim pa rin sa lockdown.
Batay sa pinakahuling tala ng POPCOM noong 2019
tungkol sa teenage pregnancy, mula sa 62,341 na menor de
edad noong taong 2018, sumampa ito sa 62,510 sa taong
2019. Ang pagtaas ng bilang ng teenage pregnancy ay hindi
138
na bago para sa Pilipinas, ‘pagkat siyam na taon nang
patuloy na tumataas ang bilang nito sa ating bansa. Sa kabila
nito, ang sektor ng medikal ay higit na tumututol sa early
pregnancy ‘pagkat ito ay maaaring magdulot ng
kapahamakan sa kalusugan para sa mga babae.
Ayon rin sa isang pag-aaral sa Canada, nararanasan
ang postpartum disorder ng mga babaeng nanganak nang
nasa edad 15 hanggang 19 taong gulang kaysa sa mga
babaeng 25 taong gulang na. Dagdag pa rito, mas
nakakaramdam ng pagkalungkot, stress, at depression ang
mga babaeng kapapanganak pa lamang nang maaga
kaysa sa mga kasing edad nila na wala pang supling. May
ilang problemang kalusugan din ang maaaring kaharapin ng
mga babaeng maagang nagkaanak
tulad ng:
Preeclampsia
Anemia
Sexually transmitted disease
Premature delivery
Delivering at low birth weight.
Dagdag pa rito, ayon sa isang pananaliksik na
isinagawa sa Ghana, mula sa 55 kalahok ng nasabing
pananaliksik, natukoy ang ilang mga pangunahing salik na
nagtutulak sa pagkakaroon ng maagang anak ang mga
kabataan ito ay ang:
139
mali at magulong pagpapalaki ng magulang at
pamilyang kinalakhan;
kahirapan na nagbubunsod ng kakulangan sa
kaalamang sekswal; at
hikayat at udyok ng mga kaibigan
Ngayong panahon ng pandemya, bagamat mahigpit
na ipinagbabawal ang paglabas
ng tahanan upang maiwasan ang
pagkakahawa sa COVID-19,
marapat na bigyang pansin pa rin
ng pamahalaan ang dahan-
dahang paglobo ng bilang ng
teenage pregnancies nang sa
gayon ay hindi matulad sa
naganap sa Eastern Visayas sa
buong bansa na halos
nakapagtala ng 23.5% ang mga
menor de edad na babae na
nabuntis matapos sumailalim ang
bansa sa isang sakuna.
Bilang kolektibong aksyon
ng pamahalaan, upang mapigilan
nang kaunti ang mabilis na
pagdami ng bilang ng kaso nito,
nakapaloob sa Republic Act No.
140
10354 o The Responsible Parenthood and Reproductive Health
Act of 2012 ang mga aksyong at programang isinasagawa at
patuloy na inihahain para sa patuloy na pagpigil sa teenage
pregnancy. Ilan sa mga aksyong nakapaloob dito ay ang
pagkilala sa karapatan ay kakayahan ng isang indibidwal o
magkapareha na makabuo at mataguyod ang isang
pamilya. Gayon din ang pagpapalawak ng kaalamanan ng
mga Pilipino sa Reproductive Health at ang programang
makapagbigay nang mas konkretong family planning,
pamamahagi ng contraceptives, condoms, birth control pills,
at IUDs.
Bagamat ang pakikipagtalik ay nakapagbibigay ng
panandaliang romansa o ligaya sa pisikal na katawan kung ito
ay boluntaryong isasagawa ng magkasintahan o mag-asawa.
Subalit, ang mga mapusok na hangarin ay maaaring
magdulot ng panganib kung sakaling ito ay isasagawa nang
walang sapat na kaalamanan sa gagawin at kahihinatnan
nito, at kung sakaling ang bawat panig ay walang sapat na
kahandaan sa mga maaaring maging resulta nito,
madadamay lamang ang musmos na isisilang sa kakulangang
isinagawa ng magulang.
141
EKONOMIYA NG PILIPINAS: PILIPINO, HANDA NA BA
KAYO?
Sa aking mga minamahal na tagapakinig, mga mag-
aaral, guro at mga magulang, magandang araw po sa
inyong lahat! Sa panahong napakamodernisado na ng mga
bagay-bagay sa ating paligid, ramdam niyo na ba ang
kaginhawaan sa ating buhay? Nakatutulong nga ba ang
teknolohiya sa pagpapaunlad at pagpapalaganap ng
kapayapaan sa ating kapaligiran? Nakasasabay na nga ba
sa kasalukuyang panahon ang ating bansa sa mga bansang
maunlad na?
142