likhaan
kab 6| EBALWASYON ng Kurikulum
pakikinig: kinig-tugon
Ang Sampung Utos Bilang
Solusyon sa Isyu ng Libro
Mahalaga ang mga teksbuk o aklat bilang kagamitang pampagtuto sa
paaralan. Isa ito sa mga pinagkakagastusan ng Kagawaran ng Edukasyon upang
matugunan ang mga kahingian pampagkatuto ng mga mag-aaral. Sa mga
nakaraang taon, may ilang isyu ng pagkakamali sa mga nailimbag na aklat sa ilang
espisipikong asignatura at antas ng pag-aaral. Mayroon pang isyu ng sobra-sonbrang
paglilimbag ng mga aklat na nag-uuwi sa pagkakatambak nito sa isang warehouse ng
Kagawaran ng Edukasyon. Dahil dito, nabuo ko ang ilang mga hakbang na tinawag
kong Sampung Utos na maaaring maging solusyon sa isyu ng kapabayaan sa mga
kagamitan pampagtuturo.
1. Suriin ang kasalukuyang kalagayan ng lipunan, paaralan, at mga mag-aaral.
2. Magsagawa ng interbyu o tanungin ang opinyon ng mga guro at mag-aaral
patungkol sa kanilang mga kagamitan.
3. Obserbahan ang nilalaman, paraan ng pagkakasulat, pati na ang paggamit
sa mga aklat at iba pang materyal.
4. Tukuyin ang mga suliranin at kakulangan sa kagamitan sa pagtuturo, lalo na
sa mga aklat.
5. Tukuyin ang mga maaaring solusyon sa mga suliraning naitala.
6. Piliin ang mga hakbang na gagawin (hal. pagpapalit ng mga aklat,
pagrerebisa, pagtatanggal)
7. Sa tulong ng mga eksperto, ikonsidera na rin ang suhestyon ng mga
kaguruan, bumuo ng talaan ng mga bago at matagal nang aklat na napiling
maaari at pinakamagandang gamitin sa paaralan.
8. Kunin ang mga datos sa bawat paaralan, maglimbag lamang ng mga aklat
ayon sa sakto at hindi sobra-sobrang bilang ng mga mag-aaral.
9. I-resiklo ang mga luma at sira-sirang aklat upang hindi masayang.
10. Ipamahagi na sa mga paaralan ang mga kagamitan.
37
LIKHAAN
inobasyon
sa
KURIKULUM
KABANATA
HABI E-Portfolio
7
2021
likhaan
kab 7| inobasyon sa Kurikulum
pagbasa: basa-suri-lahad
IISA: Inobatibong Inklusyon Susing Aksyon
Education for all. Edukasyon para sa lahat. Ang inisyatibang ito ng Pilipinas
noong 2015 ay ang tugon ng pamahalaan sa kampanya ng UNESCO o United
Nations Educational, Scientific and Cultural Organization na ang lahat ng bata sa
buong mundo ay magkaroon ng functional literacy (OBG, 2017). Ang functional
literacy ay ang kapasidad ng isang tao na makisali sa lahat ng mga gawaing
nangangailangan ng literasiya upang epektibong makakilos sa kaniyang grupo o
komunidad (UNESCO, 2021). Ang programang EFA ay nagbukas ng maraming pinto
ng oportunidad sa lahat ng bata sa Pilipinas, hindi lamang para sa libreng
edukasyon, kung hindi pati na sa isang inklusibo at pantay na edukasyon.
Isa sa mga naging pokus ng EFA ang pagsusuri sa sosyo-ekonomik at
heograpikal na salik na nakaaapekto sa pagkamit ng isang bata ng edukasyon.
Kabilang sa salik na ito ay ang wika at kultural na aspeto. Sa dami ng iba’t ibang
pangkat etniko sa bansa, kabilang na rito ang mga kapatid nating Muslim, mahalaga
na maisakonteksto ang kurikulum na ginagamit sa pagtuturo sa lahat ng paaralan sa
buong bansa. Kung bibilangin, ayon sa tala ng Ethnic Groups of the Philippines,
mayroong humigit kumulang 170 na wika ang umiiral sa Pilipinas. Sa bilang na ito,
dapat lamang na binibigyang konsiderasyon ng mga tagapaglikha ng kurikulum ang
datos na ito sa pagpili ng midyum ng panuto sa paaralan.
Sa kasalukuyan, masasabing marami nang naging pagbabago at pag-unlad sa
pagiging bukas ng kurikulum na umiiral sa bansa. Isang halimbawa na nito ay ang
MTB-MLE na programa ng Kagawaran ng Edukasyon kasabay ng pagsulong ng K-12
Program. Ang Mother Tongue- Based Multilingual Education o MTB-MLE ay isang
programa na nagtatakdang ang wikang panturo na gagamitin sa isang partikular na
lugar o komunidad ay ang unang wika nila o mother tongue. Sakop ng programang
ito ang mga mag-aaral na nasa lebel ng Kindergarten, Grade 1 hanggang Grade 3.
“We are taking steps on the issues of MTB-MLE. Kailangan maresolve ito kaya lahat
nirereview natin, at gusto nating baguhin natin ang challenges including the learning
process of our learners,” ayon kay DepEd Secretary Briones sa isang pagpupulong
tungkol sa programa. Malaking hakbang ang pagpapatupad ng MTB-MLE program
sa pagiging inklusibo ng mga paaralan sa Pilipinas.
Malayo pa ang lalakbayin ng Pilipinas para tuluyang maipatupad ang
pagkakaroon ng multicultural na edukasyon ngunit masasabi kong kaya natin. Lalo
na ngayong mas mulat na ang mga kabataan at may bukas ang lahat sa
pagkakaiba-iba at pagiging natatangi ng iba’t ibang kultura sa Pilipinas.
39
likhaan
kab 7| inobasyon sa Kurikulum
pagsulat: tambalang-kaalaman
Multi-kultural
na Kurikulum
•Naglalayong isulong -Makapagbigay ng •-Hangaring
ang kultura sa pagaaral kamalayan sa magkaroon ng
ugnayan at tumugon
at pag-unawa nito kultura’t kasaysayan
•-5 Dimensyon ni Banks -Gumamit ng iba’t sa mga
ibang estratehiya pangangailangan ng
(1994) upang
•>Integrasyong mga katutubo
Pangnilalaman maisakatuparan ang •-Paggamit ng lokal
•>Proseso ng Pagbuo ng layunin.
na wika bilang
Kaalaman daluyan ng
•>Prejudice Reduction pagtuturo
•>Equity Pedagogy
•>Pagpapalabas ng
Kultura sa Paaralan
at Istruktura ng
Lipunan
Mga Katutubong
Kurikulum
40
likhaan
kab 7| inobasyon sa Kurikulum
pakikinig: kinig-awit
Sang-ayon ka ba sa pinaparating na mensahe ng awitin?
Lubos akong sumasang-ayon sa awiting Speak in English Zone ni Prop. Joel C.
Malabanan. Nakalulungkot man ang mga unang bahagi ng awitin, laging binabawi
ng huling dalawang linya ang puso ko at hinihikayat itong huwag mawalan ng pag-
asa sa sistema ng edukasyon sa ating bansa.
Paano makakatulong ang inobasyon sa kurikulum sa pagpapanatili
ng makabayang edukasyon?
Ang pagkakaroon ng inobasyon ay pagkakaroon ng pagbabago, at
pagbabago ang kinakailangan ng sistema ng edukasyon natin sa panahon ngayon.
Ang pagbibigay-diin sa sariling atin, sa kahalagahan at kakayahan ng ating wika na
makipagsabayan sa mga banyagang wika, at patuloy na pagpasok ng kultura sa
lahat ng aralin sa ating mga mag-aaral ang siyang tunay na makatutulong upang
makamit natin ang mabayang edukasyon na matagal na dapat nating tinatamasa.
41
likhaan
LIHAM: TITSER ANNIE
Liham ng Pasasalamat, sa Gurong sa Malasakit ay ‘Di Salat
Marso 2021
Sitio Labo, Bansud
Oriental Mindoro
Mahal kong Madam Annie,
Magandang araw, Madam! Ako po ito, si Babi mula sa Sitio Labo.
Pagpasensyahan na po ninyo kung ngayon lang ako muli nakapagpadala ng sulat
diyan sa patag, marami po kasi akong ginagawang paghahanda dito sa paaralan
dahil malapit na ang pasukan. Maaari pong nagtataka kayo kung bakit abala ako sa
mga gawaing pampaaralan, medyo matagal na rin ho kasi nung huli akong sumulat,
pero sinisiguro ko pang lahat ng nangyari sa mga nakaraang buwan ay iku-kuwento
ko sa inyo sa pamamagitan ng sulat na ito.
Isa na po akong guro, Madam, tulad ninyo! Ilang taon rin po ang inabot bago
ako nakapagtapos ngunit, sa wakas, ito na. Makakapagturo na po ako sa Mababang
Paaralan ng Sitio Labo. Ang paaralan kung saan nagsimula ang lahat. Ang paaralan
na nagbigay sa akin ng pag-asa na pwede pang may magbago sa buhay na
nakasanayan na namin. Lahat ng ito’y dahil sayo, Madam. Dahil sa malasakit mo.
Hindi ko sigurado Madam kung maaalala pa ninyo lahat ng nangyari noong
nagtuturo ka pa dito, ngunit sa aking gunita’y malinaw na malinaw pa rin ang mga
ito. Parang kahapon lamang noong nagsimula kang magturo sa amin doon sa
paaralan. Tandang-tanda kita dahil ikaw ang pinaka-unang babaeng guro namin.
Nakatutuwa’t nakakapanabik ang iyong pagpasok dahil bagong karanasan iyon at
hindi mo kami binigo. Madali mo kaming nakagaanan ng loob at mabilis na
nagtiwala sa iyo pati mga magulang namin. Doon pa lamang ay malaki na ang
pagpapasalamat ko sa iyo dahil kung ibang guro po iyon, kung matapobreng guro o
di kaya’y walang malasakit, marahil ay pipigilan kaming mag-aral ng mga magulang
namin.
1
likhaan
LIHAM: TITSER ANNIE
Alam po naming nahirapan ka. Hindi madaling maglakad ng ilang oras,
umakyat ng bundok, at tumawid sa labing-anim na ilog para lamang marating ang
lugar namin. Bukod pa roon, mas malaking pagsubok pang maituturing ang sabay-
sabay na pagtuturo ng iba’t ibang antas sa iisang silid. Naalala ko noon, kami nila
Ate Dina at kapatid kong bunso na si Baraning ay pare-pareho ng lebel kahit na
malalaki ang agwat namin sa edad. Lagi kaming pinapaalalahanan ni Ate Dina na
maging magalang at tumanaw ng utang na loob sa iyo dahil hindi gaya ng iba,
nagtiwala ka sa kakayahan pangakademiko namin. Imbes na ang mga pagkukulang
namin ang makita’t pansinin mo, mas pinili mong tignan ang determinasyon naming
matuto. Hindi ka lamang naming naging guro sa loob ng silid-aralan, Madam.
Tinuruan mo rin po kami ng mas mahahalagang aral sa buhay na aming magagamit
lagpas sa sakop ng mga pangakademikong larangan. Maraming salamat po doon.
Ngayon po’y isa na akong ganap na guro. Mahirap man ang tinahak kong
landas, sa tuwing napanghihinaan po ako ng loob ay inaalala ko lamang ang lahat
ng mga itinuro ninyo sa amin. Kapag ganoon po’y inaalala ko po ang pangarap kong
maging guro na tulad mo. Isang gurong malasakit ang maaalala ng mga mag-aaral,
at hindi panghuhusga’t pangmamata. Oh siya, Madam, hanggang dito na lamang po
muna ang kuwento ko. Susubukan ko pong bumisita diyan sa patag kapag lumuwag
na ang mga gawain upang mas makapagkuwentuhan tayo. Hanggang sa muli,
Madam Annie!
Nangangakong magiging gurong tulad mo,
Babi
2
likhaan
SANAYSAY: ANG MGA GURO NG MALINING
Sa Bawat Paghakbang at Pagluha nina Maestra
Determinasyon. Katatagan. Puso. Ito ang mga katangiang nakita ko sa mga
mata ng mga gurong tampok sa dokumentaryo ng I-Witness na pinamagatang “Ang
Mga Guro ng Malining”. Ang mahigit kalahating oras na dokumentaryo ay isang
pangmulat sa mga manonood ng tunay na kalagayan ng mga gurong nagtuturo sa
mga malalayong paaralan. Ang mga guro ng Malining na sina Ma’am Grace, Sir
Jerico, at Ma’am Claudine ay ilan lamang sa libo-libong guro sa Pilipinas na
dumaranas ng di pangkaraniwang buhay ng isang gurong nagtuturo sa mga liblib at
malalayong paaralan.
Ang Malining Elementary School ay ang pinakamalayong paaralan sa bayan
ng General Nakar sa probinsya ng Quezon. Sa loob ng halos isang buong araw ng
delikadong paglalakad, pagakyat ng bundok, at pagtawid sa mga ilog ng
bulubundukin ng Sierra Madre mula Tanay papuntang Quezon, ibinubuwis ng mga
guro ang kanilang buhay upang marating lamang ang paaralan ng Malining. Hindi
pa natatapos dito ang kalbaryo ng mga guro. Matapos makarating sa paaralan at sa
kanilang tutuluyan doon ng ilang linggo, haharapin naman nila ang matinding
lungkot at hirap ng buhay sa bundok. Walang kuryente’t signal, magkakalayo ang
mga barangay, at higit sa lahat malayo sila sa kani-kanilang pamilya. Ang tanging
pampalubag-loob na lamang nila, ang inosenteng ngiti ng mga batang tinuturuan
nila.
Bilang isang guro sa hinaharap, kasabay akong lumuha nina Ma’am Grace at
Ma’am Claudine habang nanonood ng dokumentaryo. Ramdam ko ang hirap at
pagdadalawang-isip na pinagdadaanan nila mula sa mga karanasang dulot ng
paglilingkod sa propesyong ito. Ako man na hindi pa ganap na guro ay nakararanas
rin ng pagdadalawang-isip sa pagpasok sa propesyong ito, lalo na noong unang taon
ko sa kolehiyo. Maraming nangmamaliit, nanghihinayang, at pumipigil sa akin na
pasukin ang propesyong ito. Sayang daw ang talino ko, lubos daw akong mapapagod,
at hindi ako yayaman dito. Subalit mas nananaig pa rin ang tawag sa akin ng
pagtuturo. Mas malakas ang hatak ng pagsulong sa pangarap kaysa pagpapa-agos
sa pagpapahina ng loob ng nakararami.
“Maraming umaasa sa aming bata.” Tulad ng linyang ito ni Ma’am Grace, ito
rin ang lagi kong ipinapaalala sa aking sarili sa tuwing nagdadalawang-isip ako sa
propesyong ito. Sa bawat gurong nangangarap, nagtapos, at nagtuturo na,
nakasalalay ang pangarap ng libo-libong kabataang Pilipino. Sabay-sabay mang
papatak ang pawis at luha, hindi titigil sa paghakbang ang mga paa tungo sa kapit-
bisig na pag-abot ng mga pangarap. Hindi lamang ng mga bata, kung hindi pati na
rin nina maestro at maestra.
3
likhaan
LATHALAIN: LIWANAG SA DATAL BUKAY
Sa Muling Pagkislap ng mga Mata
Matapos ang limampung taon ng patitiyaga at pakikipaglaban sa dilim,
muling kumislap ang pag-asa sa mga mata ng mga residente ng Datal Bukay.
Nagtiis sila ng matagal na panahon sa mga maliliit na bumbilya ng ilaw na
pinapagana ng baterya at mga de-gaas na gasera, malalamok at maiinit na gabi, at
tahimik na paligid bunsod ng kawalan ng telebisyon o magagarang radyo na
napapagana lamang ng kuryente. Isang araw, kasabay ng pagkislap ng kanilang
mata dala ng pinaghalong luha’t saya, unti-unti ring nagliwanag ang paligid
matapos buksan ang linya ng kuryente sa lugar nila.
Napupunding pag-asa
Isa sa mga pinakamahihirap at nahuhuli sa isang daan at labing-apat na
barangay sa probinsya ng Sarangani ang Barangay Datal Bukay sa bayan ng Glan.
Pagsasaka ang tanging ikinabubuhay ng mga residente ng barangay. Ang ilan man
ay sumusubok magbenta ng mga sariling gawang banig at lambat para makaipon
ng ekstra, hindi pa rin sumasapat sa kani-kanilang mga gastusin ang nakukuha nila
sa pagtatrabaho. Tulad na lamang ni Carmen Pablo, isang anim na pu’t walong
taong gulang na residente ng Sitio Colambog sa Datal Bukay.
“Iidlip ng kaunti, tapos paggising, itutuloy ko ang aking paggawa,”
paglalarawan ni ni Lola Carmen sa proseso ng kaniyang pagtatrabaho mula umaga
hanggang gabi. Aniya ay upang masuportahan ang kaniyang apat na apong
kasama niyang naninirahan sa isang maliit na kubo sa tabi ng isang sapa,
kinakailangan niyang magtrabaho ng ekstra. Mula sa pagbuo ng mga banig at
lambat, masuwerte na kung umabot sa limang daang piso ang maiipon niya kada
buwan.
Sa kabilang banda naman ng Datal bukay nakatira ang batang si Clydden
Dulay. Umaasa sa kakarampot na liwanag na hatid ng gasera ang bata upang
makapagbasa at makapagsagot ng mga takdang aralin niya mula sa paaralan.
Ayon sa guro ni Clyden na si Ma’am Merriam Lee, isa ang bata sa
pinakamasisigasig at matalino sa kanilang klase. Ang problema nga lang ay may
mga pagkakataong mahiyain ito at hindi masyadong nakikihalubilo sa mga kamag-
aral.
“Dala na rin ng kakapusan niya… tapos medyo mahiya siyang humarap sa
kaniyang mga kaklase kasi tingin niya sa kaniyang sarili is napag-iwanan na siya,”
obserbasyon ni Ma’am Merriam.
4
likhaan
LATHALAIN: LIWANAG SA DATAL BUKAY
Sa muling pagkislap
Limampung taon hinintay ng mga residente ng Datal Bukay ang pagkakaroon
ng linya ng kuryente sa kanilang lugar, at sa ganap na ika-walo ng gabi, ika-18 ng
Pebrero 2019, muling nagliwanag ang dating nababalot sa dilim na sitio.
Ang pagkakaroon ng distribusyon ng linya ng kuryente sa Sitio Colambog sa
Datal Bukay ay bahagi ng proyekto ng pamahalaan na Rural Electrification
Program. Naglalayon itong mabahagian ang 2.4 milyong kabahayan sa Pilipinas na
wala pa ring kuryente sa kabila ng lahat ng inobasyong nagagawa ng teknolohiya sa
bansa. Ayon sa National Electrification Administration, halos nasa labing isang
porsyento ng populasyon sa bansa ang nakararanas ng kawalan ng kuryente at
karamihan sa mga iyon ay matatagpuan sa Mindanao, tulad ng Datal Bukay.
“Ang Rural Electrification is about… social economic development. It’s about
rural development,” wika ni Edgardo Masongsong, ang tagapangasiwa ng NEA o
National Electrification Administration. Ayon sa kaniya, ang kahalagahan ng
pagkakaroon ng elektripikasyon sa mga kanayunan ay pagbibigay ng oportunidad
sa pag-unlad. Kung walang kuryente ang isang lugar, maaaring may pag-unlad nga
ngunit mabagal ang pag-usad nito.
Napuno ng sigawan at palakpakan ang Datal Bukay matapos sabay-sabay na
pindutin ng mga residente ang switch ng kani-kanilang mga ilaw sa bahay. May iilan
pang naluha sa tuwa matapos makitang ang dating kakarampot na liwanag mula sa
kanilang mga gasera ay napalitan na ng masigla at malinaw na tanglaw mula sa
mga de-kuryenteng bumbilya.
Pagpapanatili ng liwanag
“Kailangan may convergence yung services ng gobyerno. Hindi lang
electrification, dapat siguro social services, economic services, …” pagbibigay-opinyon
ni Masongsong.
Hindi sapat ang pagkakaroon ng kuryente upang masiguro ang pag-unlad ng
isang naghihirap na lugar, tulad ng Datal Bukay. Nangangailangan rin ng mas
malaking suporta mula sa pamahalaan ang usaping pangkabuhayan ng mga
residente sa lugar. Gayunpaman, malaking hakbang nang maituturing ang
pagkakaroon ng liwanag sa Datal Bukay. Ang tanging mahihiling na lamang siguro
ng mga tulad ni Clydden at Lola Carmen, patuloy na atensyon at suporta mula sa
pamahalaan upang ang paunang kislap ng pag-asa, mula sa mga naikabit na linya
ng kuryente sa kanilang lugar, ay hindi na muling mapundi pa.
5
likhaan
BALITA: SILAKI
Mataas na pagpapatong ng presyo, dahilan ng lalong paghihirap
ng Silaki
Labing dalawang taon na ang lumipas mula nang unang bisitahin ni Kara David
ang isla ng Silaki sa dulong bahagi ng Bolinao, Pangasinan. Mula sa yamang likas na
mayroon ang isla, kataka-takang nananatili pa ring lugmok sa kahirapan ang mga
residente dito. Sa muli niyang pagbisita matapos ang higit isang dekada, inalam ni
David ang mga posibleng dahilan ng suliraning ito.
Mula pa noong 2007 hanggang ngayon, ang isla ng Silaki ay nananatiling walang
paaralan. Ang mga bata sa isla ay bumibiyahe pa ng tatlong oras papuntang kabilang
isla para lamang makapasok sa pinakamalapit na paaralan. Kinakailangan pa nilang
rumenta ng bangka sa halagang isang daan at limampung piso para lamang
makarating doon.
Sa kabilang banda naman, karamihan sa mga bata sa Silaki ay mulat na sa
paghahanapbuhay. Nakilala ni David sa isla ang dalawang magkapatid na sina Paula at
Renz. Mula alas-siyete ng umaga, kanin at kape lamang ang lamang tiyan, ay sisisid ang
mga bata kasama ang kanilang ama upang mangolekta ng arorosep o lamang dagat.
“Hindi po. Para makatulong sa pamilya namin,” sagot ng batang si Renz nang
tanungin ni David kung natatakot ba siya sa pagsisid. Dagdag pa niya, mahirap ang
trabahong ito dahil sa mga alon. Natatangay sila nito. Ayon naman sa ate nitong si
Paula, hindi rin siya natatakot dahil lahat ng bata sa isla, tulad nila na nagtatrabaho.
Masakit at ayaw man ng ama ng magkapatid na isama sila sa paninisid, nasanay
na lang rin siya dahil pangarap niyang mapagtapos ang mga anak. Nang dumating ang
umaga matapos ang buong araw na pagsisid at paglilinis sa mga arorosep, oras na para
ibenta ang nakolekta nila. Trenta pesos kada kilo ang bentahan ng arorosep sa isla.
Susubukang pagkasyahin ni Reynold ang dalawang daang piso upang pambili ng
tubig, gasera, uling, at pagkain ng pamilya nila. Uuwi siyang nag-iisip kung saan pa
kukuha ng para sa pag-aaral ng mga anak niya.
Nang pumunta si David sa pinagdadalahang pamilihan ng mga arorosep na
ibinenta nila Reynold, laking gulat niya na dalawang daang piso ang presyo ng kada kilo
nito. Anim na beses na mas mahal kumpara sa trenta pesos na benta ng mga taga-Silaki.
Ang pangyayaring ito ay ang pangunahing dahilan kung bakit nananatiling
naghihirap ng isla ng Silaki. Mayaman man ang isla sa lamang-dagat, masipag man ang
mga tao, ngunit kung tuloy-tuloy ang pang-aabuso at panglalamang sa kanila ng mga
may kakayahan, talagang mananatili sa kasalukuyang estado nito ang isla. Walang pag-
unlad.
6
likhaan
LIHAM: ISKUL KO NO. 1
Liham Pangungumusta sa Paborito Kong Kaibigan
Marso 2021
Sindangan, Machoron
Southern Leyte
Paborito kong kaibigang Abigail,
Kumusta ka? Pasensya na’t ngayon lang ako nakasagot sa huli mong sulat.
Medyo marami lang ginagawa dahil puro programa sa paaralan. Ikaw ba? Sana’y
nasa maayos kang kalagayan at may oras ka pa para sa sarili mo. Ikumusta mo rin
pala ako sa mama mo, hinahanap-hanap ko palagi ang mga payo niya sa pagtuturo.
Bakit ba kasi pinili nating maging guro? Hahaha biro lang. Wala na tuloy
akong oras upang bumisita sa inyo o kaya’y magliwaliw man lang para sa sarili ko.
Naglunsad kasi ang paaralan namin ng programang libre rebyu para sa darating na
National Achievement Test. Alam mo ba, naaalala ko palagi ang Sindangan sa mga
panahon na ganito. Sa panahon kung saan sinusubok ang mga mag-aaral at
mismong paaralan sa NAT. Mahigit isang dekada na rin pala ano? Magmula noong
nag-number one ang eskwelahan natin sa buong bansa. Hindi ko makakalimutan
iyon.
Ngayong nabanggit ko ang Sindangan, eh naalala ko tuloy ang mga
pinaggagagawa natin noong nasa elementarya pa tayo. Kung paano sabay tayong
nangarap na maging guro, tulad ng mama mo. Hinahanap-hanap na ng katawan ko
ang pahinga sa tabi ng lawing lagi nating tinatambayan. Napakalinis ng hangin at
talagang nakakapawi ng pagod mula sa paglalakad galling paaralan.
Kumusta na kaya sila Titser Lea? Nangungulila na rin ako sa mga palaro niya
sa klase at sa madamdaming mga usapan natin tungkol sa pag-abot ng mga
pangarap. Sobrang laking inspirasyon ni Titser sa akin dahil sa kuwento niya kung
paano siya naging isang guro. Mabuti na lamang at mabait ang mundo sa atin at
hindi natin dinanas ang mga napagdaan ni Titser para maabot ang pangarap natin.
Tanda ko pa yung nagmamalaki niyang ngiti noong ibinalita ko sa kaniyang
gradweyt na tayo sa kolehiyo at magiging guro na tayo.
7
likhaan
LIHAM: ISKUL KO NO. 1
Sa dami ng natutuhan ko kay Titser, nakuha ko rin yata ang ilang estratehiya
niya sa pagtuturo. Tanda mo pa yung pagbibigkas natin ng multiplication table
habang nageehersisyo sa umaga? Ginagawa na rin namin iyon ngayon dito sa
paaralang pinagtuturuan ko. Alam ko na kasing malaki ang naitutulong niyon sa
pagmememorya ng mga bata. Isa pa ay yung pagpapabasa ng mga libro sa mga
mag-aaral na nasa mataas na lebel para sa mga mas bata sa kanila. Napapaunlad
kasi ang kasanayan sa pakikinig ng mga mag-aaral at pagintindi na rin lalo na’t
kasabay ng pagbabasa ay ang pagsasalin ko ng mga salita sa lokal nating wika.
Tulad ng mga reaksyon natin noon, tuwa at pagkamangha ang nakikita ko sa mga
mukha ng mga binabasahan naming mag-aaral.
Nakatutuwang magbalik-tanaw sa nakaraan, Gail. Bumisita kaya tayo sa
Sindangan sa mga susunod na linggo? Matapos ko lang itong gawaing nakaatas sa
akin. Hihintayin ko ang tugon mo sa ipapadala mong sulat. Galingan pa natin, para
pagbisita natin sa Sindangan ay mas maipagmalaki nila tayo!
Nangungulilang kaibigan mo,
Mildred
8
likhaan
SANAYSAY: ANG UNANG MAESTRA
Kapuwa Dumagat, Katuwang sa Pag-angat
Madalas na hinahanap ng mga tao ang paglaya mula sa kanilang mga
limitasyon. Karamihan sa atin matapos lumaya, wala nang balak lumingon muli o
bumalik pa sa ating pinanggalingan. Ngunit iba ang kuwento ni Titser Diday, isang
guro sa isang paaralang pangkomunidad sa Barangay Sta. Ines, Tanay, Rizal.
Si Lodema “Diday” Doroteo ay ang pinakaunang nagtapos ng kolehiyo sa
komunidad nilang mga Dumagat. Taong 2016 noong nakatapos siya ng kursong Early
Childhood Education sa pamamagitan ng tulong ng isang organisasyon. Kahit na
maaaring magturo at sumahod ng tama sa mga paaralan sa bandang kapatagan ng
bayan nila, mas piniling bumalik ni Diday sa kanilang komunidad at doon magturo ng
libre.
Dating bulwagang pang komunidad ang kinatatayuan ng paaralan, luma na
ang istruktura at kulang-kulang ang mga lamesa’t upuan. Gayunpaman, puno ng
determinasyon at pagnanais umangat ang guro at mga mag-aaral ng maliit na silid-
aralang ito. Masasalamin ang mayaman na kultura ng mga dumagat sa mga
dekorasyon at kagamitang panturo na nasa paligid ng silid. Ang mga hindi pa
naibabahaging kuwento ng mga Dumagat sa buong mundo, doon sa silid na iyon
naitatago. Pangarap raw ni Diday na makabuo ng libro na naglalaman ng mga
kuwentong ito. Isang buong libro na magtatampok ng mga istoryang parte na ng
kaluluwa ng mga Dumagat. Isang libro na sila mismo ang susulat.
Habang pinanonood ko si Diday, hindi man ako isang Dumagat, pakiramdam
ko’y nais ko ring lumaban para sa kanila. Nais ko ring magsalita at manindigan para
sa mga katutubo. Talagang nakakahanga ang dedikasyon na ipinapakita ni Diday
upang matulungang umangat ang kanilang tribo. Hindi ko makakalimutan noong
sinabi niya na susubukan nila lahat ng kanilang makakaya upang makipagsabayan
sa mga nasa kabihasnan ngunit hindi nila isasantabi at kakalimutan ang kultura at
tradisyon na mayroon sila.
Ang paninindigan at pananaw na ibinahagi ni Diday ay tunay na tumatak sa
puso’t isipan ko. Matagal ko nang alam na ang pagtuturo ay nasa puso dapat ng
guro dahil hindi pupwede ang may mahihinang loob sa propesyong ito. Magmula
ngayon, tangan-tangan ang mga salita ni Titser Diday, lagi ko nang maaalala na sa
tuwing may isang gurong matatapos sa kaniyang pag-aaral, may isang komunidad na
matuturuan kung paano manindigan at magpahalaga sa kanilang kinalakhang
kultura.
9
likhaan
EDITORYAL: MGA NUNAL SA DAGAT
Daku at Gamay: Ang Kambal na Nagkawalay
Parte na ng timpla ng teleseryeng Pilipino na kapag may kambal na ipinanganak,
siguradong magkakahiwalay ito. Ang sinuwerte, sa isang mayamang pamilya mapupunta,
magtatamasa at lalaki sa isang magarbong buhay. Samantala, ang isa namang hindi pinalad,
haharap sa mga hamon ng buhay dahil sa isang mahirap na pamilya mapapadpad. Ang
kuwentong ganito, nakasasawa ma’y tila esensyal na sa bawat serye sa telebisyon, nakagugulat
nga lamang dahil nangyayari rin pala ito sa totoong buhay. Hindi nga lang sa mga tao, kung
hindi sa kambal na isla ng Caubian.
Apatnapu’t limang minuto ang layo mula sa siyudad ng Lapu-Lapu, matatagpuan ang isla
ng Caubian. Dalawang malaking isla ito na may dalawang kapalaran. Isang tahimik, mayabong,
at eksklusibong isla na tinatawag na Caubian Daku, sa kabilang banda naman ay ang Caubian
Gamay na nasasadlak sa mga kahirapan.
Tinawag na Caubian Gamay ang isla dahil kumpara sa kakambal nito, higit na maliit ang
sukat nito. Kulang ang ilang hektaryang buhangin para mapagkasya ang lalo pang lumalaking
bilang ng populasyon sa islang ito. Hindi lamang dito natatapos ang mga suliranin ng mga
residente sa Caubian Gamay, tila nanganganak ng bagong problema ang pangunahing suliranin
ng isla. Ang kawalan ng sistema ng patubig sa isla, nagdudulot ng kawalan ng malinis na tubig
pang-inom, dahil mahal at inaangkat pa mula sa ibang isla ang inuming tubig sa Caubian Gamay
marami ang nagkakasakit sa bato, na hindi rin agarang nagagamot dahil bukod sa kawalan ng
maayos na hanapbuhay, walang pagamutan sa islang ito. Marami pang ibang suliranin na
kinahaharap ang mga residente ng Caubian Gamay tulad ng kawalan ng maayos na palikuran,
kawalan ng sistema ng pagbabasura, at ang pinakamalala, pagbabawas at paghahakot ng
buhangin mula sa isla nila patungong mga resort sa Mactan. Lalo tuloy lumiliit ang lugar para
makapagtayo ng bahay ang mga residente ng maliit na isla.
Ayon sa dokumentaryo ni Howie Severino na pinamagatang Mga Nunal sa Dagat, isa sa
maaaring makatulong sa Caubian Gamay ay ang kakambal nitong isla— ang Caubian Daku.
Kumpara sa libo-libong pamilyang nasa Gamay, nasa dalawampu lamang na pamilya ang
nakatira sa malaking isla ng Daku. Pagmamay-ari ang kambal na isla ng pamilya Matbagon,
ngunit ibinahagi na ng libre ng pamilya ang Gamay sa mga residente at ginawang eksklusibo ang
Daku para sa kanila. Mayaman ang lupa, puno ng mga puno at halaman ang buong isla, at higit
sa lahat may sarili itong sistema ng patubig. Walang-wala ang Gamay sa kung anong meron ang
Daku. Sa mga ganitong pagkakataon sa mga teleserye nagtutulungan ang magkambal na
matagal nang nagkawalay sa isa’t isa, ngunit iba nga pala ang teleserye sa totoong buhay.
Walang tulungang nangyayari. Nananatiling nakalugmok ang isa habang patuloy na
yumayabong ang isa.
Nakalulungkot isipin na ang masalimuot na mga pangyayari sa teleserye ay maaaring
maisabuhay ng mga isla. Kung sa teleserye’y maaaring biglaan, sa isang iglap magbago ang
buhay ng isang karakter, sa totoong buhay ay mahabang panahon ang gugugulin upang
maisakatuparan ito. Atensyon ang kailangan ng Gamay upang makabangon sa pagkakasadlak sa
hirap. Hindi man maibahagi ng Daku ang lawak ng nasasakupan nito sa kaniyang kakambal,
nawa’y ang atensyon na nakukuha nito mula sa mga turista at pamahalaan ay maibahagi nila ng
lubos sa Gamay.
10
likhaan
LATHALAIN: BATANG BALAU
Ang Paglukso sa Mga Yugto ng Buhay
Sa mundo kung saan nagmamadali ang lahat na umusad, na tumanda, naiiba
ang magkakapatid na Dizza, James at Jay-r Venancio. Hindi nila piniling pasanin ang
mga responsibilad ng pagiging matanda, sapilitan ito at puwersahang ipinatong sa
mga balikat nila. Imbes na pangaraping mabilis na maging mga binata’t dalaga,
hiling nila’y bumalik sa pagkabata.
Adulting o pagtanda
Ang terminong “adulting” para sa mga milenyal ay isang proseso ng
transisyon ng isang dalaga at binata papuntang isang ganap na matanda. Laging
gamit ang hashtag na ito ng mga nasa kanilang huling taon ng pagiging teenager.
Para sa kanila, isa itong malaking pagbabago sa kanilang buhay na kalayaan at
kasiyahan ang dala. Sa kabilang banda, hindi ganito ang nadarama ng tatlong
magkakapatid mula sa Bundok Guiting-Guiting sa Isla ng Sibuyan, probinsya ng
Romblon. Bata pa lamang ay iniwan na ng ina at ulila naman sa ama sina Dizza,
labing tatlong taong gulang, James, labing isa, at bunsong si Jay-r, sampu.
Bilang panganay, si Dizza ang sumalo ng lahat ng responsibilidad na naiwan
sa kanilang pamilya magmula nang mawala ang kanilang ama. Siya ang pumapasan
ng bigat ng paghahanap ng pagkakakitaan upang magpatuloy ang kanilang buhay.
Pagbabalau ang tawag sa pangunahing trabahong ginagawa ni Dizza at ng
kaniyang mga kapatid upang kumite ng pera. Matapos ang isang buong araw ng
pagiikot sa gubat, bente pesos ang kinita ng panganay kapalit ng pagsuong sa liblib
na gubat at pagsagap sa usok mula sa apoy na gamit nila sa pagkolekta ng dagta
ng puno ng Balau.
Teenage o malabata
Matapos ang isang buong araw ng trabaho, nababawasan nang kaunti ang
mga pasanin ni Dizza. May pambili silang magkakapatid ng pangkain sa gabi. Hindi
sila matutulog nang kumakalam ang sikmura.
11
likhaan
LATHALAIN: BATANG BALAU
“Lahat…” ani ng bunsong si Jay-r nang tanungin kung anong paborito niyang
pag-kain. Hindi espisipiko ang sagot, ngunit sumasalamin ang kaniyang kasagutan sa
kanilang pinagdadaanan. Lahat nga naman ng pagkaing maaaring maihain sa
kanilang hapag, dapat niyang gustuhin. Wala kasi silang pamimilian.
Kinabukasa’y babalik si Dizza sa kagubatan, muling magbabalau at muling
babalik sa pagiging magulang para sa dalawang nakababatang kapatid.
Youth o kabataan
Unang araw ng klase, taong 2015. Nasa ikaapat na baiting si Dizza, ang
bunsong si Jay-r naman ay naunahan ang kaniyang kuyang si James sa ikatlong
baitang. Maliwanag ang ngiti ng mga bata, maaliwas ang awra, at tila nasasabik. Ito
na kasi ang araw na maaari silang bumalik sa pagkabata. Saglit na laya mula sa
mga responsibilidad, saglit na pagkakataon upang gumaan naman ang kanilang
mga balikat mula sa kanilang mga problemang pasan.
Ang panahon ng pagkabata ay panahon ng pagpapalago ng kanilang mga
potensyal. Isa sa pinakamatalino sa klase si Dizza. Hindi rin pahuhuli si Jay-r at ayos
lang rin ang estado ni James sa paaralan. Sa kabila ng hirap na pinagdadaanan ng
magkakapatid, heto sila’t sinusubukang palitawin at pagningningin ang kanilang
mga potensyal.
“Sana maging masaya kami,” panalangin ng inosenteng si Jay-r sa Diyos.
Imbes na materyal na bagay, pera, o di kaya’y mga mabababaw na tipikal na hiling
ng mga bata, ang simpleng estado ng pagiging masaya ang tanging nais ng bunso
para sa kanilang magkakapatid. Isang hiling na sana’y maabot nila bago tuluyang
nakawin sa kanila ng panahon ang pagiging bata.
12
likhaan
BALITA: WALANG MAIIWAN
Dropout rate sa isang paaralan sa Isabela, tinutukan
Isang paaralan sa San Guillermo sa probinsya ng Isabela ang mayroong mataas
na dropout rate sa kanilang lugar. Ang Paaralang Elementarya ng Burgos Eastay
nababahala dahil unti-unting nababawasan ang kanilang mga mag-aaral kada buwan.
Ayon pa sa mga tala, kadalasan ay hanggang ikatlong baitang lamang ang tinatapos
ng mga mag-aaral.
Kapansin-pansin ang bakateng upuan sa mga silid-aralan sa Paaralang
Elementarya ng Burgos East sa Burgos, San Guillermo, Isabela. Ang mga bata ay
tumatawid pa sa isang ilog at naglalakad ng mahigit isang oras pataas ng bundok
upang marating ang paaralang ito.
“Kailangan po ma’am eh. Wala naman pong mag-aasikaso yata sa kanila kaya
‘pag pumupunta sila sa school…” pagkukwento ni Mike Sulio, guro ng kinder sa paaralan,
ng dahilan kung bakit ginugupitan niya ng kuko ang mga bata. Parte na ito ng kanilang
gawain sa klase. Kahit na hindi gurong pangkalusugan, ginagamot niya rin ang mga
sugat ng mga mag-aaral mula sa pagtatrabaho sa bukid at paglalakad ng nakapaa.
Ilan lamang ang mga ito sa dahilan ng unti-unting pagkabawas ng mga mag-
aaral sa paaralang ito. Ayon sa ilang mga magulang sa lugar, desisyon ng mga bata
ang magtrabaho at tumulong sa kanilang pamilya.
“Mag-aral sana ma’am,” sagot naman ng batang si Ricky Malicdem, labing apat
na taong gulang at nasa ika-anim na baitang, nang papiliin kung anong mas gusto niya:
magtrabaho o mag-aral. Dalawang linggo nang liban sa klase si Ricky at kinailangan
pang dayuhin siya ng kaniyang guro upang malaman kung bakit hindi na siya
pumapasok.
“Mahirap naman ang buhay,” inamin ng bata na hidni niya pinili na huwag nang
pumasok, sadyang wala lang siyang pamimilian dahil pinagagalitan siya ng kaniyang
magulang kapag pumapasok imbes na nagtatrabaho siya.
Ang mga ganitong sitwasyon ang nais baguhin ng Head Teacher ng paaralan na
si Jun Marquez. Aniya, gusto niyang ipamulat sa mga magulang nil ana seryoso ang
DepEd sa pagpapatupad nito ng bisyon at misyon. Dapat walang bata na maiiwan.
“Pananagutan ng lahat yung edukasyon [ng mga bata],” ika ng maestro.
Naniniwala siyang sa pagpupursiging suyuin at hikayatin ang mga mag-aaral na
pumasok muli sa paaralan, mababawasan ang lumalalang kaso ng dropouts sa paaralan
nila.
“Gusto kong maging maestro,” pagtatapat ng batang si Ricky ng kaniyang
pangarap. Hiling niya na sana’y kayanin ng batang katawan niya ang sabay na
pagtatrabaho at pag-aaral upang matupad ang kaniyang pangarap.
13
likhaan
LIHAM: KABIHUG
Liham ng Pagbabahagi sa Tribong sa Puso ko Namamalagi
Marso 2021
Jose Panganiban
Camarines Norte
Aking mga ka-tribo,
Marhay na adlaw tabi sa indo gabos! Kumusta kayo diyan mga Manay? Araw-araw
pa rin ba kayong umiikot sa katunggan para manghuli ng mga alimango? Eh sila Manoy
tabi? Marami pa rin bang huling mga isda? Mukhang matagal pa kasi bago ako makauwi
muli diyan sa atin. Kasalukuyan kasi akong nagte-training para makakuha ng specialty ko
bilang isang nurse dito sa Maynila. Hmm, kung hindi kayo pamilyar sa mga Ingles na
salitang ginamit ko, isipin niyo na lamang na araw-araw akong nagsasanay dito para
maging mas magaling sa isang gawain. Sa pamamagitan niyon, mas marami akong
matutulungang tao para gumaling sila.
Kalakip ng sulat na ito ang maliit na halaga upang may maipambaon ang mga bata
diyan sa atin. Ilang taon na rin akong nagtatrabaho dito sa Maynila, sana ay sapat pa rin
ang naipapadala kong pera diyan pangsuporta sa pag-aaral ng mga bata. Hiling ko sana ay
kumustahin ninyo ang mga bata kung anong lagay nila sa kanilang paaralan. Kung
nahihirapan ba sila sa kanilang mga aralin. Sa pagbibilang o pagbabasa. Kung ganoon ang
kaso ay pakitulungan sila sa kanilang pag-aaral. Pasensya na at wala ako diyan para sana
maturuan sila ng personal.
Minamaliit pa rin ba sila ng mga unat? Dito kasi sa Maynila ay iba ang karanasan
ko. Higit na tanggap ng mga taga-Maynila ang mga katutubo. Hindi nila ako itinuturing na
iba. May pagkakaton pa ring may mga pasyente ako noong tila iwas sa akin ngunit
kalauna’y nakakangitian at nakakakuwentuhan ko na rin. Hindi kasi ako tumigil sa pagsubok
na paggaanin ang loob nila. Ipinakita ko rin na kung sa kakayahan lamang, hindi ako
nahuhuli at wala akong pagkukulang sa ibang mga nurse na gaya ko.
Paki-paalalahanan na lang rin ho ang mga bat ana huwag matakot sa mga unat.
Kapag inaaway sila ay huwag gaganti ngunit huwag ring papayag na patuloy silang awayin.
Humingi ng tulong sa maestra hangga’t maaari. Kapag kasi nilamon sila ng takot ay mas
lalong hindi sila makapagiisip ng maayos sa klase, sayang ang mga potensyal nila. Alam
kong kaya nating makipagsabayan sa mga unat.
Kasama rin po ng liham na ito ang ilang pagkain tulad ng kape, tinapay, mga biskwit,
at pagkain galing dito sa Maynila. Paghati-hatian niyo na lamang po dahil iyan lang ang
nakayanan ko. Dadagdagan ko pa ho sa susunod.
Nagmamahal,
Lynlyn
14
likhaan
SANAYSAY: BATANG LANGOY
Dalawang Mukha ng Dagat
Ang karagatan ang bumubuo sa pitumpung porsyento ng ating mundo. Ang
natitirang tatlumpu, mga islang pinamumuhayan ng mga tao. Sa Pilipinas,
kasalukuyang mahigit 7,600 na isla ang kinikilala ng mga eksperto. Dalawang libo sa
mga iyon, pinamumuhayan ng mga tao, habang ang natitirang limang libo wala pang
opisyal na pangalan. Isa ang Isla Mangalumbi sa dalawang libong isla ng Pilipinas na
may naninirahan. Matatagpuan ito sa munisipalidad ng Binon an, sa Iloilo. Hindi tulad
ng mga popular na isla sa Pilipinas, mahirap ang buhay dito.
Inihihiwalay ng karagatan mula sa sentro ng bayan ang Isla Mangalumbi. Isa
ang isla sa pinakamahirap na lugar sa buong munisipalidad nila. Ang pangunahing
kinabubuhay ng mga residente ng isla, pangingisda. Ang dagat ang bumubuhay sa
kanila. Dito sila kumukuha ng kanilang mga pagkain o ulam sa araw-araw. Dito rin
nila kinukuha ang mga isdang ibinebenta nila para kumita ng pera pambili ng mga
pangunahing pangangailangan. Kung wala ang dagat, wala silang ipampupuno sa
kumakalam na sikmura.
Marami mang benepisyo ang pagtira sa tabing dagat, may isa pang nadudulot
ito sa mga residente. Hindi na benepisyo, kung hindi isang suliranin, balakid.
Walang sariling paaralan ang Isla Mangalumbi. Ang mga bata ay kinakailangan
pang tumawid sa dagat papuntang kabilang isla upang marating ang pinakamalapit
na paaralan sa kanila. Suwerte kung maihahatid-sundo sila ng kanilang mga
magulang gamit ang bangkang para sa pangingisda. Ngunit isang malaking hamon
sa mga bata kung walang susundo. Kakailanganin nilang languyin pabalik sa Isla
Mangalumbi upang makauwi.
Dito ko napagtanto na ang dagat ay may dalawang mukha. Ang bumubuhay
at ang humahadlang. Tila ba kapalit ng pagbibigay at paglikha nito ng mga lamang-
dagat ay ang pagkuha nito sa mga oportunidad ng mga bata na makapag-aral ng
maginhawa. Hirap ang kapalit sa bawat sarap, iyon ay kung tunay ngang
nakakatamasa ng sarap ang mga taga-isla.
Maraming dapat ipagpasalamat tayong mga Pilipino dahil maunlad ang
bansa natin sa mga likas na yaman. Hindi tayo magugutom dahil kahit saan ka pa
mapunta, mapa-gubat man o mapa-isla, siguradong may mapag-kukuhaan ka ng
pagkain. Dagdag pa na likas na matulungin ang mga Pilipino. Tanging problema nga
lamang, ay paano kung tayong Pilipino na ang walang maibigay sa ating kapuwa?
Paano kapag dumating tayo sa punto na wala na tayong maibigay dahil tayo mismo,
kumakalam na ang tiyan?
15
likhaan
EDITORYAL: TAWID-ESKUWELA
Para Saan pa ang Paaralan, Kung Kulang ang Kaguruan?
Dalawang sakay ng eroplano mula Maynila, tatlong oras mula sa sentro ng
probinsya, at tatlompung minutong pagtawid sa dagat ang gugugulin upang marating
ang Sitio Sicolan sa Barangay Tandu-Owak ng Sibutu, Tawi-tawi. Tinitirhan ang maliit na
isla nga mga katutubong Tausug. Ang isla, tahimik sa mga araw na may pasok sa
eskwela dahil ang mga batang Tausug, hindi dito nananatili. Tuwing katapusan ng linggo
lamang sila nakakauwi.
Walang sariling pinagkukuhaan ng malinis na tubig ang mga residente ng Sitio
Sicolan. Nabubuhay lang rin sila sa mga liwanag hatid ng gasera dahil walang linya ng
kuryente sa lugar. Ang tanging ikinabubuhay nila, pangingisda at pagtitinda ng agar-
agar. Hindi rin naman sumasapat ang kanilang kinikita sa kanilang paghahanapbuhay.
Ganito kasalat sa mga pangunahing pangangailangan ang Sitio Sicolan.
Isa pang malaking kawalan sa nasabing sitio ay ang sarili nitong paaralan.
Karaniwan na sa mga residente ng lugar, lalo na sa mga matatanda, ang mga istoryang
hindi nakatapos sa pag-aaral o di kaya’y hindi talaga nakatungtong sa paaralan. Para sa
kanila’y isang pribilehiyo ang pag-aaral na tanging may mga kakayahan lamang ang
maaaring makakuha. Sa kagustuhang hindi matulad sa kanila ang mga kapalaran ng
mga anak, sinisikap ng mga magulang sa Sitio Sicolan na pag-aralin ang mga anak,
kahit man lamang sa elementarya.
Isang grupo ng mga batang Tausug ang bumabyahe ng tatlompung minuto
patungong sa Tandu-Owak Elementary School para lamang makapag-aral. Ang bangkang
ginagamit nila sa pagtawid, pagmamay-ari ng isa sa mga kamag-aral nila. Kinakailangan
nilang manatili sa Barangay Tandu-Owak mula Lunes hanggang Biyernes, mga araw na may
pasok, upang hindi na sila magpabalik-balik pa sa pagtawid sa isla. Ginagamit kasi ang
bangkang naghahatid sa kanila para sa hanap-buhay. Walang kasa-kasamang matanda ang
mga bata sa hiram na bahay na tinutuluyan nila. Tanging mga panganay lamang na kapatid
ang inaasahan ng grupo para hindi sila magutom at manatili silang ligtas.
Ayon kay Eduardin Ibono, kapitan ng Barangay Tandu-Owak, naisin man nilang
matayuan ng sariling paaralan ang mga Tausug sa Sitio Sicolan, hindi sapat ang bialng
ng mga kaguruan upang maitaguyod ito. Sang-ayon ang mga guro ng Tandu-Owak
Elementary School na ang pangunahing problema nila, kakulangan sa mga guro. Sayang
ang mga itatayong silid-aralan at lalong sayang ang pagpupursigi ng mga mag-aaral na
pumasok kung wala namang sasalubong na guro sa kanila sa paaralan.
Gustuhin man ng mga mag-aaral na magpatuloy sa pag-aaral, pinipigilan sila ng
mga suliraning hindi nila kayang masolusyunan nang sila lamang. Naisin man nilang
maging propesyunal tulad ng isang guro, hindi nila ito madaling naaabot dahil sa
kakulangan sa oportunidad at suporta.
16
likhaan
LATHALAIN: UNANG ARAW
Munting Yapak, Mabigat ang Yabag
Gasgas na ang linyang “Kabataan ang pag-asa ng bayan,” ni Gat. Jose Rizal
ngunit ang diwa nito, buhay na buhay pa rin sa bansa. Sa Tribong Matigsalug
makikita ang tunay na repleksiyon ng kasabihang iyan dahil ang responsibilidad
upang mai-angat sa kahirapan ang kanilang komunidad, sa mga batang Matigsalug
nila iniaatang.
Bakas ng paa
Pang-anim na henerasyon na ng mga Katutubong Matigsalug ang
naninirahan sa isang bundok sa davao. “Galing sa ilog” ang literal na pakahulugan
ng pangalan ng tribo ngunit ang dating tirahan nila sa tabing ilong, kinailangan
nilang lisanin paunti-unti.
“Marami kasi ang nadidisgrasya o nalulunod kaya hindi na sila nakatira sa
ilog,” pagkukuwento ng pinuno ng tribo na si Datu Marlon Ely, ng dahilan kung bakit
kinailangan nilang umalis sa orihinal nilang tahanan. Peligroso raw ang tabing ilog
at kapag may bagyo o masama ang panahon, walang kakahuyan na poprotekta sa
kanila. Mula sa paghahanapbuhay galing sa ilog, pinilit matuto ng mga Matigsalug
na magsaka upang makibagay sa bago nilang tinitirahan.
Maliliit na hakbang
Para sa datu, hangad niya na makapag-tapos ng pag-aaral ang mga batang
Matigsalug upang madala nito ang buong tribo sa isang maginhawang kinabukasan.
Para makapasok sa paaralan, naglalakad ng mula sa tatlo hanggang limang oras
ang grupo ng mga batang katutubo. Ganoon kalayo ang nilalakad ng mga batang
nasa elementarya pa lamang.
Ang mga maliliit nilang paa ay tumatawid sa apat na bundok at sumusuong
sa isang ilog. Kinakailangan pang alalayan sila ng mga magulang nila sa pagakyat
ng bundok at tulungan silang tumawid sa rumaragasang ilog para masiguro ang
kaligtasan ng mga bata.
17
likhaan
LATHALAIN: UNANG ARAW
Maiingay na yabag
“Edukasyon lang talaga yung pwedeng baguhin yung buhay nila,” komento ng
gurong si Ruel Janamjam sa paaralang pinapasukan ng mga batang katutubo. Sa
mga ganitong pagkakataon, tila mas bumibigat at lumalakas ang tunog ng yabag
ng maliliit na paa ng mga batang Matigsalug na umaakyat sa bundok. Bumibigat
kasi ang pasan-pasan nilang responsibilidad.
Ayon pa sa guro, kapag nakapag-aral ang mga bata, maaari nilang mabago
ang lahat ng aspeto ng kanilang buhay at sarili gamit ang edukasyon. Sumasang-
ayon naman ang mga paniniwala ng inang si Gemma Baybayan sa sinabi ng guro.
“Ayokong igaya yung mga bata sa amin, ano… magsasaka lang,” ayon kay
Gemma, matapos piliting makisali ang anak na si JV sa klase nila. Pagod ang bata
mula sa ilang oras na lakaran at naging tila hindi maganda ang timpla nito. Ngunit
sinisikap ni Gemma na huwag masayang ang ibiniyahe nilang mag-iina papuntang
paaralan. Nais niya kasing marating ng anak ang pangarap na makapagtrabaho sa
siyudad.
Saglit na pahinga sa paglakad
“Aantayin po namin sila,” ika ng punongguro ng Paaralang Elementarya ng
Sumilop. Sinisiguro niyang hindi magsasara ang pintuan ng paaralan pati ang mga
guro sa pagtanggap sa mga batang Matigsalug kahit huminto pa sila sa pagpasok o
kaya’y mahuli sa klase. Hiling niya na sana’y magpatuloy at mag-enroll ang mga
bata.
18
likhaan
BALITA: PARAISONG UHAW
Probinsya ng Masbate tinamaan ng El Niño; mga balon, wala nang
tubig!
Kinahaharap ng dalawang munisipalidad sa probinsya ng Masbate ang kasalatan sa
tubig, bunsod ng malalang El Niño sa bansa. Ikinababahala ng mga residente ang kawalan ng
malinis na tubig na maiinom at ang paunti-unting pagbaba ng lebel ng tubig sa mga balong
hinuhukay nila.
Sa Barangay Sampad, sa munisipalidad ng Balud, Masbate naninirahan ang mahigit
walumpung pamilya. Nagtitiis ang mga itong magpiko at maghukay ng mga balon sa
kabundukan upang magkaroon ng tubig na maaaring magamit panghugas at pangligo, pati na
rin pang-inom.
Walang poso o di kaya’y gripo sa barangay na ito. Kung mamalasin pa’y wala rin silang
tubig na makukuha sa mga balong hinukay, kung mas titindi pa ang init ng panahon, tulad
ngayong panahon ng El Niño.
“Inabot na kasi ng El Niño ma’am, kaya mahirap ang tubig talaga dito,” pagkukuwento ni
Linda Aceron, residente ng Barangay Sampad. Aniya, kahit tubig panghugas ng bigas ay
nahihirapan silang maghanap. Talaga raw mahirap ang tubig sa kanilang probinsya.
Ang asawa’t mga anak ni Linda ang siyang madalas na naghuhukay ng mga balon para
maitawid nila ang araw-araw na kakapusan sa tubig. Mayroon mang sementadong balon na
ipinagawa ang pamahalaan, malayo ito sa mga kabahayan at dalawampu lamang mula sa higit
walumpung pamilya ang nakikinabang.
Samantala, sa kabilang munisipalidad naman ng Esperanza, mayroong barangay na may
pitong sementadong balon na pinaghahatian ng siyam na pung pamilya. Mukha mang mas
mapalad sila kumpara sa Sampad, hindi rin napakikinabangan ng Barangay Rizal ang lahat ng
balong ito.
Dahil malapit sa dagat, maalat ang tubig sa ilang mga balon kaya hindi ito maaaring
inumin ng mga residente. Gayunpaman, hindi rin nila naiiwasang ito ang konsumuhin dahil wala
nang ibang pamimilian. Malaking porsyento tuloy ng kanilang budget sa lokal na gobyerno ang
inilalaan sa pagbili ng mga gamot para sa pananakit ng sikmura at diarrhea.
Ayon sa mga eksperto, ang mga bato na humahawak sa mga balon na hinuhukay ng
pamilya Aceron ng Balud ay hindi nakakatagal sa pagiimbak ng tubig. Volcanic rocks ang mga
ito o kung tawagin nila ay anapog.
“Hindi naghohold ng water,” ani ni Engr. Cernac Conag, municipal engineer ng Esperanza,
Masbate. Imbes na mapuno ng tubig ang balon kapag minsa’y umulan, hindi ito nangyayari dahil
ang mga bato sa buong probinsya ay mabilis madurog at dinadaluyan lamang ng tubig.
Hiling ng mga taga probinsya ng Masbate, mapaglaanan nawa sila ng lokal na
pamahalaan ng budget upang makapagpatayo ng linya ng tubig sa lugar. Sa kasalukuyan,
nagbaba na ng budget na walong milyong piso para sa patubig sa munisipalidad ng Balud,
ngunit wala pa ring pag-usad ang proyekto makalipas ang isang taon.
19
likhaan
LIHAM: ALKANSIYA
Liham ng Anak sa Magulang: Pasasalamat, Pagpapatawad, at
Pangangako
Marso 2021
Sulangan, Guiuan
Eastern Samar
Mahal kong Nanay at Tatay,
Nay, Tay, hindi ko po sigurado kung kakayanin pa ninyong mabasa itong sulat ko.
Alam kong dala ng katandaan ay medyo malabo na ang mga mata ninyo. Kahit ganoon,
nais ko pa ring ituloy ang pagsulat, babasahin ko na lang siguro ang lalamanin nito sa inyo
kapag nagkaroon na ako ng pagkakataong maihatid ang liham sa inyo. Sinabihan kasi kami
ng aming propesor na sumulat sa aming mga magulang, bilang parte ng isang proyekto sa
kurso niya. Gayunpaman, matagal ko nang nais na sumulat para sa inyo, wala lang akong
sapat na dahilan at lakas ng loob na gawin, kaya heto na.
Una sa lahat ay nais kong magpasalamat. Nay, Tay, matiyaga ninyo kaming
itinaguyod ng aking mga kapatid. Mahirap ang buhay natin diyan sa isla, hindi madaling
magpalaki ng mga anak kung hindi gaano kaganda ang hanapbuhay. Lalo na po nung
nawalan ng isda sa dagat, alam ko po kung gaano kayo naghirap ni Tatay. Salamat po dahil
hindi ninyo kami iniwan, ipinamigay, o ipina-ampon. Salamat po dahil nanatili tayong sama-
sama sa lahat ng oras, kahit na mahirap.
Bilang bata, naiisip ko po dati na kung hindi siguro kayo ang naging mga magulang
ko, mas maganda sana ang naging buhay ko. Patawarin po ninyo ako sa pag-iisip ng
ganoon. Hindi ko po naisip na kung gaano ko kagustong lumaya mula sa hirap ng buhay
diyan sa isla, mas malaki po siguro ang kagustuhan ninyo dahil bukod sa sarili ninyo, pasan
niyo rin kaming mga anak ninyo bilang responsibilidad.
Patawad rin po dahil napaka-ambisyoso ko. Hindi tulad nila kuya na nanatili sa isla
para mangisda at tumulong sa inyo, mas pinili kong ipagpatuloy ang pag-aaral sa bayan.
Alam ko po ang mga daing ninyo sa tuwing humihingi ako ng pangmatrikula kaya’t hangga’t
maaari, nagtatrabaho po ako dito para maipantustos sa sarili ko.
Patawad, Nay, Tay, ngunit huwag po ninyo sanang kalilimutan ang naging pangako
ko bago umalis sa Sulangan. Kaunting sakripisyo lamang ang hinihiling ko, at ipinapangako
kong ia-ahon ko po kayo sa kahirapan. Malapit na nating maabot iyon Nay, Tay.
Magtatapos na ang semestre at ga-graduate na ako. Hindi ako magpapahinga,
magtatrabaho agad ako upang matamasa na ninyo ang buhay na matagal niyo na dapat
nararanasan. Giginhawa na ang buhay natin. At hindi dahil sa akin iyon, dahil po iyon sa
mga sakripisiyo at pagpupursigi ninyo. Mahal ko kayo at antayin niyo ang pagbabalik ko.
Nagmamahal,
Anthony
20
likhaan
SANAYSAY: BUNDOK NA KRISTAL
Basag na Pangarap
“Anong gusto mong maging paglaki?”
Ito ang nakasanayan nang itanong ng mga matatanda sa mga anak, pamangkin,
o sa kahit sinong batang nakakasalamuha nila. Masaya kasi sa pakiramdam ang
makarinig ng inosente at dalisay na mga munting pangarap. Alam mong kapag sagot
ng bata, hindi bai to nababahiran ng dungis ng mundo.
Noong bata pa ako, naaalala kong mangilang beses akong nagpalit-palit ng
kasagutan sa tanong na iyan. Doktor. Nars. Chef. Flight attendant. Pulis. Halos lahat
na ng propesyong narinig ko mula sa mga nakatatanda kong pinsan o di kaya’y sa
telebisyon, nasabi ko na bilang pangarap ko. Nang lumaon at nagkaroon ako ng
personal na karanasang tunay na nakahahanga sa isang guro, napagdesisyunan kong
pagiging guro na ang nais ko tunguhin sa buhay.
Tulad ko, mayroon ring sariling pangarap si Brian Nozal. Dahil nakahiligan ang
pagguhit ng mga karakter ng tao at mga bahay, ninanais niyang maging isang
arkitekto sa hinaharap. Ngunit mahirap ang buhay, kinailangang magtrabaho ni
Brian upang may maipantustos sa sarili. Sa murang edad, nakahanap naman siya ng
trabahong tumatanggap ng mga batang trabahador, iyon nga lang, ang trabahong
akala niya’y magdadala sa kaniya sa pangarap niya ay siya palang babasag dito.
Nabulag ang kaliwang mata ni Brian matapos magtrabaho ng haloos isang
taon sa isang bubugan. Isang araw habang nagtatrabaho, napalakas ang pagtiktik
niya sa bote kaya tumalsik ang maliit na piraso ng bubog sa kaniyang mata. Noong
una tila raw napuwing lamang siya, kinusot niya, at nakalimutan niya ito.
Kinagabihan, nilagnat ang bata kaya dinala na siya ng magulang sa ospital. Ang
maliit na bubog, dahilan ng hindi na muling pagpasok ni Brian sa eskwelahan.
One eyed. Ang palayaw na ginagamit ng mga kaklase niya noon upang asarin
siya. Imbes na tulungan at bigyang simpatiya ang bata, mga kaklase pa nito ang
lalong nagtulak sa kaniya na huminto. Naiiyak na lamang si Brian sa tuwing naaalala
niya ang pagkakamaling nagawa niya habang nagtatrabaho. Gayunpaman, walang
sinisisi ang bata.
Madali para sa mga bata ang mangarap. Libre nga raw ito sabi sa isang
kanta. Ngunit kapag nahaharap na sa reyalidad ng buhay, sa hirap at pait na hatid
ng marahas na mundo, unti-unting nababasag ang kainosentehan ng mga bata.
Nawawasak ang daang nakikita nila patungo sa pagkamit ng kanilang mga
pangarap. Isa ito sa mga dahilan kung bakit ninanais kong maging guro. Nais kong
maging instrumento at maging tulay sa mga bata upang maabot nila ang mga hiling
nila. Ayokong mayroon muling mabasagan ng pangarap. Mapigilan sa pag-abot mga
gusto nilang maging.
21
likhaan
EDITORYAL: GINTONG PUTIK
Lulusong Para Umahon
Pangarap para sa ilan ang magkaroon ng mga alahas gawa sa ginto. Simbolo
kasi ito ng antas o lebel mo sa lipunan, mas maraming ginto, mas nakaaangat sa
karamihan. Sa bayan ng Paracale sa probinsya ng Camarines Norte, normal lamang ang
makakita ng ginto. Pinaghihirapan nila itong sinisisid sa masisikip at mapuputik na parte
ng ilog hindi para suotin, kung hindi para ibenta’t ipangkain.
Labing tatlong taon nang nakalilipas nang bisitahin ng mamamahayag na si Kara
David ang isang lugar ng pagkakabud sa bayan ng Paracale sa Camarines Norte. Kilala
ang bayang ito sa lawak ng mga lugar para sa pagkakabud o ang pagmimina ng ginto.
Parten a ng pamumuhay ng mga tao sa Paracale ang pagkakabud at naging isa na
itong hanap-buhay na ipinapasa henerasyon sa henerasyon.
Nang balikan ni David sa Paracale ang batang nakilala niya noon, isang pamilya
ng mga nagkakabud ang nakilala niya. Si Jimmy Dasco, dalawampu’t limang taong
gulang na panganay na anak ng mangkakabud na si Agapito. Musmos pa lamang noong
unang nakilala ni David si Jimmy kaya laking gulat niya na hanggang ngayon,
pagkakabud pa rin ang tinatrabaho ng lalaki imbes na pag-aaral.
Labing isa ang anak ni Agapito, karamihan sa mga ito, kasa-kasama niya sa
pagmimina ng ginto sa ilog malapit sa kanila. Sanay at batak na batak na ang mga katawan
ng mga bata mula sa pagpapala at pagsisid sa balon ng putik na hinukay ng pamilya nila.
Iniaasa nila ang buhay sa isang compressor na siyang nagsu-supply ng hangin habang
lumulusong sila.
Compressor mining ang tawag sa peligrosong trabahong ito. Mula sa compressor,
isang manipis ngunit mahabang hose ang naghahatid ng hangin sa sumisisid upang
makahinga ito at makatagal sa ilalim ng tubig. Hindi lamang basta basta ang pagsisid
na ginagawa ng mga nagkakabud, oras ang itinatagal nila sa ilalim ng tubig.
Isa pa sa mga anak ni Agapito ay si Jonel, labing anim na taong gulang at
bagong graduate lamang ng ika-anim na baitang. Sumasama siya sa pagkakabud upang
makaipon ng perang ipapambili niya ng mga gamit para makatuloy ng pag-aaral sa
kayskul. Nang tanungin kung bakit hindi siya sa mga magulang humingi, amng perang
kinikita raw kasi ng tatay niya, para lamang sa pangkonsumo nilang buong pamilya.
Gaano man kadelikado ang trabahong ginagawa ng pamilya Dasco sa loob ng
ilang dekada, tila hindi pa nila nakikita ang daan para huminto dito. Tulad ni Jimmy na
nagsimulang magkabud sa edad na siyam, tinanggap na niyang doon na lamang sa
putikan iikot ang buhay niya. Ngunit si Jonel, iba ang hiling. Nais na niyang umahon
mula sa lusak ng putikan at makatapos ng pag-aaral.
22
likhaan
LATHALAIN: HINDI BULAG ANG PUSO
Orchid: Bulalak ng Kabutihan, Kalakasan, at Bagong Simula
Para sa mga taong mahihilig sa bulaklak, mahalaga ang sinisimbolo o ibig
sabihin ng bawat kulay ng kanilang paborito. Si Nexiemar, isang bata mula sa
bulubundukin ng Mountain Province, paborito ang orchid mula sa lahat ng mga
bulaklak na nalalaman niya. Ang tanging problema lamang, hindi masusulyapan ng
bata ang gandang mayroon ang bulaklak dahil ninakaw ng isang aksidente ang
kakayahan niyang makakita.
Nalaglag sa hagdanan ang batang si Nexiemar, hindi siya agarang naihatid
noon sa ospital dahil malayo ito mula sa Tadian, na tinitirahan nila. Kalaunan, ang
pagkawala ng paningin ng bata ang naging resulta ng aksidente
Kahel na orchid
Simbolo ng katatagan at katapangan ang orchid na may kahel na kulay.
Bagay na bagay ang bulaklak na ito sa karakter ni Nexiemar na hindi sumusuko sa
hamon ng buhay. Dahil sa kawalan ng paningin, napilitan ang mga magulang ng
bata na patigilin ito sa pag-aaral. Kahit ganoon, sumasama pa rin si Nexie, palayaw
ng bata, sa kaniyang kapatid sa paaralan upang makisali at makinig sa klase upang
kahit papaano ay matuto pa rin siya.
“I suggest na sa SPED pa rin siya,” ika ng isang guro sa paaralan ng kapatid
ni Nexie. Madaling matuto ang bata at matatas magsalita, iyon nga lang pagdating
sa mga gawaing kailangan manood o di kaya’y magbasa at magsulat, hindi kayang
tugunan ng paaralan ang espesyal na pangangailangan ng kondisyon ni Nexie.
Dilaw na orchid
Isang araw, nagulat si Nexie ng tanungin siya ng mga magulang kung nais
niya bang pumunta ng Baguio upang mag-aral. Tuwang-tuwang ang bata at agad
na nagbihis para sa mahabang biyahe. Nakilala pala si Nexie ng mga taga NLAB, o
Nothern Luzon Association for the Blind, at inanyayahang pumasok sa kanilang
libreng paaralan para sa mga batang may kapansanan sa paningin.
23
likhaan
LATHALAIN: HINDI BULAG ANG PUSO
Tila isang dilaw na orchid, hatid ng NLAB ang bagong simula sa mga
inosenteng batang ninakawan ng pagkakataong makita ang ganda ng mundo natin.
Bukod sa libreng pag-aaral, libre rin ang pagkain at tutuluyan o dormitoryo sa
paaralan ng NLAB. May sari-sariling kama, aparador, at espasyo ang bawat bata.
Binibigyan sila ng NLAB ng bagong pagkakataon upang mamuhay na tila isang
normal na bata.
Puting orchid
“Naiinggit ako, gusto ko ring mag-aral pero wala akong magawa,”
pagkukuwento ng bulag na guro nila Nexie. Si Teacher Marta Bitaga, isa sa mga
pinakaunang graduate ng NLAB, ang siyang tumatayong guro sa mga mag-aaral sa
espesyal na paaralan. Katuwang ang kaniyang asawa na si Rolando, sila ang
umaakay sa mga bata tungo sa normal na buhay na ninanais nila.
Dahil sa NLAB hindi nawalan ng pag-asa si Teacher Marta noon, tulad ng
pag-asang simbolo ng puting orchid. At ngayon, oras naman nilang mag-asawa
upang magbigay ng pag-asa sa mga batang tulad ni Nexie.
“Do not pity us, instead, give us the opportunities and the chance to do what
we can,” ayon kay Teacher Marta. Naniniwala siya sa kakayahan ng mga bata.
Naniniwala siyang ang pag-asang ibinahagi ng NLAB sa kanila, at ngayon kila
Nexie, ay mas marami pang taong may kapansanan sa paningin ang maaabot.
Ang NLAB ang nagsisilbing kahel, dilaw at puting orchid ng mga bata.
Binibigyan sila nito ng kalakasan upang harapin ang mga bagong simula nang may
nag-uumapaw na pag-asa.
24
likhaan
BALITA: BATANG KALABAW
Mga bata sa Agusan Del Sur, biktima ng child labor
Binubuo ng mga edad anim hanggang labing apat, grupo ng mga bata sa
Agusan Del Sur, sinusuong ang putikan at malakas na ulan para lamang kumita. Mula sa
kapatagan, inaakyat ng labing tatlong bata ang madulas at delikadong bundok upang
hakutin ang mga kahoy na produkto ng isang small scale logger sa kanilang barangay.
Hindi pa tirik ang araw pa lamang, kahit walang pasok ay maagang
bumabangon ang mga bata sa isang liblib na barangay sa Agusan Del Sur. Hindi ito
para maglaro o di kaya’y mag-review ng mga natutunan sa paaralan, bumangon sila ng
maaga para magtrabaho.
Si Cherilyn Villaseran, labing apat, ang pinakamatanda sa grupo nila.
Inaalalayan niya ang labing dalawa pang batang determinadong umakyat ng bundok
para magkapera.
Matapos ang tatlong oras ng pakikipaglaban sa dulas ng bundok at tangan-
tangan ang dahon ng gabi na ginamit nila panangga sa malakas na ulan, nanginginig
na narating ng mga bata ang bansuhan. Dito manggagaling ang mga kahoy na
hahakutin nila pababa ng bundok.
“Minsan madulas,” pagbabahagi ng pinakamatandang si Cherilyn. Aniya hindi sila
natatakot sa pag-akyat at pagbaba ng bundok at kahit pa mayroong malakas na ulan,
patuloy pa rin sila sa paghahakot.
Isang taon na sa trabahong ito si Cherilyn. Bakas sa kaniyang mga salita ang laki
ng pangangailangan niya. Siya na lang kasi ang bumubuhay sa limang kapatid matapos
makulong ang ama at mawala sa katinuan ang ina. Siya ang nagsisilbing nanay at tatay
sa kaniyang mga kapatid.
“Mabigat kasi eh,” reklamo ng isa sa mga kasamahan ni Cherilyn habang
pababa ng bundok. Kontrolado ang mga galaw ng mga bata, makikita ang pag-iingat
dahil kapag nagalusan o kaya’y naputikan ang mga kahoy na bitbit nila, masasayang
ang buhat dahil reject ang kalalabasan nito.
Ayon sa may-ari ng bansuhan na si Eching May-as, mga bata ang kinukuha nila
dahil ito lamang ang napagkakakitaan ng mga ito. Mas Malaki rin ang natitipid nila sa
mga bata dahil hindi ganoon kalaki ang ibinabayad nila dito. Pumapatak lamang ng
otso hanggang sampung piso ang bayad sa kada hakot ng mga bata.
Matapos ang ilang araw na paghihintay, dumating na ang suweldo ng mga bata.
Dose pesos ang pinakamalaki, at para naman sa bunso ng grupo na anim na taon, reject
ang buhat niya. Sa isang maliit na listahan nakatala ang perang kapalit ng mga pasa sa
balikat at sugat sa paa ng mga bata. Kung titignan ang kakarampot na barya, tila hindi
sapat itong kapalit, bakas ang pagod at pagkadismaya sa mga mukha ng mga bata.
25