The words you are searching are inside this book. To get more targeted content, please make full-text search by clicking here.
Discover the best professional documents and content resources in AnyFlip Document Base.
Search
Published by sabornido.ac, 2023-08-18 04:18:28

SABORNIDO, Ashley C._BFE II-4_LITFOLIO

SABORNIDO, Ashley C._BFE II-4_LITFOLIO

Ashley C. Sabornido BFE II-4 Literary Portfolio


TALAAN NG NILALAMAN MAY SUKAT AT TUGMA Engkwentro sa Baryo Nagmamasid din pala ang Langit Bubong Ko ay Ulap Sa Mata ng Isang Gamit Elektroniko Paalam, Mahal Kong Luntian Pagtangis ng Langit Araw ng Pasukan Kumislap ang Basura Mirasol Pag-ibig Mong Wagas 1. 2. 3. 4. 5. 6. 7. 8. 9. 10.


TALAAN NG NILALAMAN MALAYANG TALUDTURAN Dating Baryo Proxemics Hindi Maaraw, Hindi rin Maulan kundi Malilim Bilog Pag-ibig sa Batuhan Pagkalulong sa Selpon Pag-igib at Pag-ibig Tres Humanidades Kung Mawawala man Ako . . . Uno 1. 2. 3. 4. 5. 6. 7. 8. 9. 10.


Para sa ordinaryong buhay, kalikasan, pag-ibig na tunay, pagkarahuyo, pamamaalam, at pagbangong muli.


Sa bukang-liwayway, naulinigan ko, Nagpapahinga ka sa hanging kay presko. May kasama ka raw, na ‘di taga-baryo “Ikaw ay mag-ingat, ” ang kanilang payo. Sa katanghalian, aking nasaksihan, Ang iyong pagtakbo at mga tulisan. Tila hinahabol ng mga may baril, At napatigagal pag’sabing “Shoot to kill!” Mga taong saksi, labis ang tuliro, Sa isip ‘di alam anong naglalaro. May matinding kabog na nararamdaman, Matapos makita ang katotohanan. Batang walang laban, kalsadang duguan. Ang putok ng baril, hudyat ng digmaan. Mga inosente ang nasa pagitan Ang may kasalanan, dalhin sa piitan! ENGKWENTRO SA BARYO


Ako ' y isang langit; may nararamdaman, Dala ko ang lungkot at kapighatian. Sa kabilang banda, araw ay sumikat, Bitbit ang liwanag, na 'di masusukat. Mahal ko ang mundo, mga hayop, tao, Ang mga halaman, punong naririto, Isdang lumalangoy, ibong lumilipad, Nakabibighani, tunay na mapalad. Ang burol at bundok, puno ng luntian, Simpleng pamumuhay, masayang tahanan. Masaganang ani, ang ibabahagi, Nawa ay ingatan, laging itatangi. Pagsapit ng dilim, sisikat ang bit' win, Sisilip ang buwan, sa dagat ng ulap. Magpapahinga na, unan ang kayakap, Galak sa maghapon, h' wag sanang bawiin. NAGMAMASID DIN PALA ANG LANGIT


Ako ' y isang ulap, nagbibigay lilim, Sa mga nahapo, pagkatakipsilim. Sa buntong-hininga, problema ' y malalim, May pag-aalala, h' wag sanang dumilim. Kukulog, kikidlat, uulang malakas, Bituin sa langit, nawalan ng lakas. Hindi nagpakita, hindi nagparamdam, Sa gabing madilim, may pag-agam-agam. Ako ' y isang ulap, nagbibigay tuwa, Sa mga nahapo at nagpapahinga. Awitan na muna, oras nang magsaya! Sulitin ang araw, damhin ang kalinga. Tirik man ang araw, salamat sa ulap. Sa minsang pagsulpot, nagbibigay silong. May ngiti sa labi, hindi na mahirap, Mag-ani ng palay, salamat sa bubong. BUBONG KO AY ULAP


SA MATA NG ISANG GAMIT ELEKTRONIKO Ako ' y isang gamit, na maraming laman. Depende sa gamit, ang aking pagkilos, Minsan ako ' y online, minsa ' y offline naman. Madalas gamitin, kay sipag na lubos. Ang dalang mga files, ay iniingatan, Gagawin ang lahat, h' wag lang mabahiran, Ng virus na ligaw, lahat inaagaw, Kapag tinamaan, mundo ' y magugunaw. Ito ang buhay ko, may pagkamaselan, Kaunting sira lang, ipagagawa na. Isang maling pindot, may magbabago na, Ang ayoko lamang ay ang maiwanan.


'Di nakatutuwa, aking naranasan, Tatlong buong araw, ako ay naghintay. Ayaw raw gumising, kaya 't inialay, Dalubhasang tao, ay may natuklasan. Pinduta ' y may amag, kaya 'di nagbukas. Siniguro namang ako ' y maayos na, Handa ng sumabak, sa laban ng bukas, Tambak na papeles, ay tatapusin na. Nakatatlong balik na sa pagawaan, Kada anim na b' wan, ay nagsisiraan. Kaya sa may-ari, ang akin lang hiling, Pakaiingatan, nang ako ' y gumaling.


PAALAM, MAHAL KONG LUNTIAN Sa maraming taong tayo ' y nagkasama, Lagi kang katuwang sa mali at tama. Bulong ng damdamin na sa ' yo inamin, Hanggang kailan mo ba ito balak damhin? Ikaw ang pag-asa 't naging pahingahan, Nagsilbing tahanan na masisilungan. Ang ating huntahan laging babalikan, At sasariwain, kahapong nagdaan. Ating paglalakbay, tila naging hamon, Mula sa Cagayan patungo sa Quezon. Tinahak kong lupa magiging abo na, Luntiang paligid, mamamaalam na.


Hindi pinakinggan aking pakiusap. Taong inilaban, hindi ko nahagap Dahilan kung bakit mas mahal nila s ' ya— Handang ipagbili para lang sa kan ' ya. Salamat sa gabay at sa pag-alalay. Sagana mong ngiti, pula ng ' yong pisngi. Paalam na irog sa taglay mong rikit, Sierra Madreng mahal, tunay na kay sakit.


Sa lupa mo ' y araw, sa langit ko ' y luha, Sa patag sa lupa, nagdulot ng baha. Walang katapusan ang aking hinagpis, Dulot na sakuna tila nanlilitis. May nasisiyahan sa aking pagtangis, May pribilehiyo silang labis-labis. Sa ginhawang dala, may nahahalina, Lamig na tangan ko, ang pahinga nila. Subalit 'di lahat ay mayroong galak, Sa aking panaghoy na iba ang tulak. Marami rin namang mga nagdurusa, Dagok sa kanila, mawala ' ng pag-asa. Ang dalang ginhawa, dalangin ay tuwa, Sa dala kong sigwa, dalangin ay awa. Mga mayayaman, sana ay gumawa, Mga mahihirap, iligtas Niya nawa. PAGTANGIS NG LANGIT


'Di sobrang maaraw, hindi rin maulan, Sakto lang ang lilim, ayokong umulan. Umalis sa bahay, naghintay, nag-abang, Minuto ' y lumipas, oras ay nasayang. Sa klase ' y 'di huli, "Salamat" bulong ko. Ganito ang buhay ng isang gaya ko. Sapalaran dito, sapalaran doon , Hindi sigurado, kahit pa man noon. Pagdating sa silid, agad kong narinig, Tawanang kay lakas, hindi padadaig. Mainit na k' warto, reklamo ' y nanaig, Sa apat na sulok, na puno ng tinig. Umusad ang araw, nang 'di umuulan, Magandang senyales, lalo pa 't tag-ulan. Umalis na naman, tungo sa pilahan, Uuwi na ako sa abang tirahan. ARAW NG PASUKAN


Panibagong araw, ako’y nasikatan, Kuminang ang balat nang maliwanagan. At simoy ng hangin agad nasaksihan, Kay gandang pagmasdan, O! Dalampasigan. Itong gandang taglay, may ikinukubli. Peklat ng kahapo’y tinatagong muli, Pagpahid ng langis, produktong dayuhan, Maging marilag lang kan’yang kaanyuan. Maraming bisita na ang nagpahinga, Marami ring puno, ba’t ‘di makahinga? Puno ka na pala ng mga basura, Ito ba ay gawa ng nakasusura? Kung pakatitignan ang kailaliman, Itim na ang putik, wala pang hangganan. Asul na tubigan, hanggang tingin na lang, Kislap ng balat mo, tila biro lamang. KUMISLAP ANG BASURA


Isang porselana siyang maituturing. Sa puti at ganda at sa kan’yang dating. Minamahal ko siya ng walang kapalit, Kahit pa hindi siya sa’kin lumalapit. Akin s’yang Mirasol, pag-asa kong lagi. Kakaibang sikat, pagkatangi-tangi. Liwanag niyang taglay, saki’y bumubuhay, Nagbibigay lakas, nag-aalis lumbay. Ngunit isang gabi, mata n’ya’y mapungay, Marahan ang lakad, parang naghihintay. May isang lalaki tumabi sa kan’ya, Humawak sa baywang saka siya inaya. MIRASOL


Oras ang lumipas nang siya’y lumabas, Nagbigay halik, dayuhang kasama. Sabay umalis na, hindi siya sumama, Doon ko napansin, s’ya’y aliping malas. Ebidensyang pasa at lamlam ng mata, Sumulyap sa akin, nangungusap siya. Mapait na ngiti, kapalit ng pera, Lusaw na’ng kandila ng kan’yang lampara.


Siya’y musmos pa lang nang unang makita, Ekspresyon sa mukha, dala ng dalita. Hinagpis na hatid sa buong pamilya, Ang propesyong ito, nag-aalis saya. ‘Yan ang naalala, pagtugpa sa g’yera. Pagsabog ng kanyon, sigwa ng kahapon. Nagkalat na pula, tila nagpintura, Ngunit ‘di natinag, naghanada sa hamon. Lumakad palapit, sa armas kumapit, Dahan-dahan lamang hanggang sa mahigit, Kalabang malapit, sa distansya’y hapit, May tumatagas na, siya’y nanlalagkit. SA PAG-IBIG MONG WAGAS


Paglipas ng buwan, saka lang natigil, Mga teroristang ayaw magpapigil. Kay daming nalagas, talulot na wagas, Hanggang dito na lang, ‘di sila umalpas. Pag-uwi sa bayan, agad ay niyakap, May pag-aalala kapalit ng sikap. ‘Di maitatanggi, labis na pag-ibig, Ang ating bayan ay ‘di na palulupig.


Para sa pangungulila, pagmamahal, pasasalamat, at pag-asa.


Bumabalik ang mga alaala, Habang nakatingin sa mga tala. Kay saya pala ng aming pagkabata, Gustong manatili sa panahong makaluma. Pagdaan sa mga lugar na nagsilbing tambayan, Noong mga musmos pa kaming kabataan. Walang alam sa buhay kundi ang magsaya, Kasama ang makukulit na barkada. Pagkita sa mga taong naging parte ng nakaraan, Nakakalungkot man na sila ay lumisan. At tila isang pahina lang ang naibahagi sa talaarawan, Mababakas pa rin ang saya na nagdaan. Pakibalik ako sa aming baryo. Kahit pa may mga nagbago, Hindi pa rin malilimot ang pagkabigo. Pero minsan na ring nakabangon sa paninibugho. DATING BARYO


Kita kita mula rito sa aking p ' westo. Ikaw ay nasa kabilang dako. Pagitan ay malawak na katubigan. Ayokong lumangoy ng walang karanasan. Mapapahamak ako sa gitna ng biyahe, Hindi mo malalaman anong nangyari. Pagka 't masaya kang naglalakad, Kasama siya at sariwang hangin ay nilalanghap. Kita kita mula rito sa aking pwesto, Nakatingin ka sa kaniya, bakas ang liwanag sa iyong mga mata. Ang ganda ng ngiti, kasiyahang ‘di na naikubli. Ang s’werte pala, kapag araw-araw kang pinipili. Patuloy lang kayo sa inyong pagtawa, Naglalakad papunta sa kung saan kayo iniukol ng tadhana. At ako ' y pinagmamasdan kayo sa ilalim ng patak ng ulan, Habang nakababad sa malamig na tubigan. PROXEMICS


HINDI MAARAW, HINDI RIN MAULAN KUNDI MALILIM Mag-iiba ang ihip ng hangin. Ikaw naman sa akin ay titingin. Katuwaan ng aking kaluluwa ' y iyong mapapansin, Sana ' y manatili ka sa aking piling. Pagtanaw sa iyo, langit ang nadama. Kuminang ang mata nang ikaw ay nakita. Subalit, nawalang bigla ang kaligayahan, Pagpatak din pala ng ulan ang kahihinatnan. Sampung segundo ng pagsulyap, Sana naman ay mayroon kang nasagap. Malaman ang halaga ng kalungkutan, Sa buhay na puno ng unos at karalitaan. Sa pagbabago ng tingin, Sana ay maging malilim. Sisilong ang parehong damdamin, Saya at lungkot ang papalaganapin.


Hindi malaman kung bakit ganito, Nalulungkot na naman ako. Puro lamang away ang nangyari, Pero paulit-ulit pa ring ikaw ang pinipili. Nais mabatid kung ayos ka lang ba? Kumusta ang buhay, ikaw ba ay masaya? Nakatulong ba sa sarili ang pag-iisa? At kahit minsan ba ' y ginusto akong makausap pa? Ang daming mga salitang hindi ko mawari, Pakiramdam na lungkot tanging naghahari. Pangungulila sa iyo p’wede bang iwaglit? Palitan naman sana ng saya kahit saglit. Sa sandaling panahong tayo’y nagkasama, Parang bilog, walang dulo, paulit-ulit ang pag-ikot. Habulan ng saya at dalamhati, Sa dulo ang puso’y naghahanap ng luwalhati. BILOG


Nahiga sa may batuhan, Ikaw agad ang pumasok sa isipan. Mga taong nagpapakasaya, Sana tayo rin ay gaya nila. Naglakad paakyat ng bundok, Mga halaman tila ' y nagbubulungan sa sulok. Pagdampi ng hangin sa aking buhok, Malagpasan sana natin ang bawat pagsubok. Bumangon at umupo na sa batuhan, Ikaw pa rin ang laman ng aking isipan. Binaliwala ang agos ng tubig ilog, At ang isa 't isa ' y kasaluyang nahuhulog. Tumayo na sa batuhan, Hindi ka pa rin maalis sa isipan. Isinayaw ako ng agos, Habang patuloy na itinitipa ang kwento ng pag-ibig nating lubos. PAG-IBIG SA BATUHAN


PAGKALULONG SA PAGGAMIT NG SELPON Kasalukuyan kang nagpipipindot sa cellphone mo. Kakagising mo pa lang, hindi ba p ' wedeng mamaya na ' yan? Kumain ka muna, At magligpit ng pinaghigaan. Pagkakain ay nag-cellphone na naman. Naligo ka na ba? Syempre. Syempre hindi pa. Ano ba naman? Maligo ka muna! "Sige, maya-maya " , nakasanayan na naman. Ilang oras na ang lumipas, hindi ka pa rin nakaliligo. Kumukulo na rin ang iyong tiyan. Kailan ka ba titigil diyan?


Hapunan na saka ka pa maliligo. Nakalagpas na rin ang oras ng tanghalian, Pinababayaan mo ba ang buhay mo? O masyado ka lang nabuburyong sa mundo? Kumain ka muna ng hapunan, Alam kong gutom ka na naman. Pero mukhang hindi mo yata maramdaman, Nabubusog ka ba sa paggamit mo ng cellphone na iyan? Lowbatt na i-charge mo muna. Utang na loob! Ginagamit mo pa rin habang nakacharge? Kawawa naman ' yan, pagpahingahin mo naman sana. O, oras na pala para matulog ka na.


Nakatayong pinagmasdan ang mga tao sa ibaba, Mula sa pangatlong palapag ng bagong gusali. Mainit man ay tuloy pa rin sa paggawa, At kahit pagod na ' y nanatili pa ring naka-ngiti. Bumaba sa bagong gusali para mag-igib, Ng tubig dahil uhaw na sa iyong pag-ibig. Tuyot na ang lalamunan at marami na ang nakabara, Mga inapakang alikabok ang nagsilbing pambara. Pumila at naghintay. Walang kasiguraduhan kung hanggang kailan maghihintay. Ang tanging sigurado lang ay May pag-asang ako naman ang sunod na aagapay. PAG-IGIB AT PAG-IBIG


'Di alintana ang tagaktak ng pawis sa noo, Patuloy lang sa pagtulala sa dulo. Hindi namalayan, ang tubig pala ay umapaw na, Katulad ng pag-ibig kong labis-labis na. Agad namang inilagay ang isang timba, Upang maiwasan ang posibilidad ng pag-apaw pa. Sa puntong ito, babantayan ko na, Upang hindi na masayang ang mga masasayang alaala.


Nakaupo sa sahig, Nitong isang silid sa bagong gusali. Pinagmasdan sila: Kaklase, kapamilya. Hindi matukoy kung bakit ang lungkot nila, Bakas sa mga tinginan na may nais sabihin. Ngunit kinakapos sa hininga. Ano ba ang nangyayari sa atin? Hindi inalala kung ano ang ganap, Basta lamang dahilan ng kulungkutan nila ay mahanap. Mga matang tatakasan na ng luha ang iyong matatanggap, Bulungang “panibagong grupo ng mga tao raw” ang iyong masasagap. TRES DE HUMANIDADES


Bakit ganito? Bakit tayo nandito? Takhang tanong sa isipang natutuliro. "Hindi na sila ang ating makakasama, " Sabi niyo at agad na nanghina. Panibagong mga tao, Panibagong pakikibaka. Panibagong yugto, Nang hindi na magkakasama. Hindi ba p ' wedeng kami na lang? Kahit hanggang sa huling araw lang ng ika-sampung buwan? Hindi ba pwedeng kami na lang? Hanggang sa bago man lang lumisan sa aming mahal na paaralan?


Kung sakali man na hindi na ako maabot ng mga kamay mo, Dahil sobrang layo na ng agwat ng distansya nating dalawa, At kung sakaling hindi na ako mahagip ng mga mata mo, Pakiusap, hanapin mo ako. Puntahan mo ang mga lugar, Na magpapaalala sa ' yong maaaring naroon ako. Bumisita ka sa mga pasyalan at kainan, Sa pagbabakasakaling inaaliw ko na naman ang sarili ko. Matagal akong magtatago. Hindi ko alam kung magkikita pa tayo. Pero gusto ko ring makita kang muli, Kaya pakiusap, h' wag ka ring magkukubli. KUNG MAWAWALA MAN AKO...


Kapag napadpad ka sa mga museo, Hanapin mo ako. Ipagtanong mo ang maliliit na detalyeng tungkol sa akin na kabisado mo. Kahit gaano pa katagal, aasa akong mahahanap mo. Pero kung mabigo ka pa ring hanapin ako, Sa lahat ng mga p ' wede mong gawin na itinala ko, Pakiusap, kumawala ka sa preso ng kalungkutan. Kumawala ka sa k' wartong sa bawat sulok ay naaalala mo ang memorya nating dalawa. Hindi mo ako makikita kung patuloy kang magpapakulong sa kanila, Magpatuloy ka sa paglalakbay, At h' wag ka sanang umasa lamang na isang araw ay mapapadpad ako sa tahanan ng mga masasayang alaala na binuo nating dalawa, Dahil hindi ko na babalikan ang tahanang sira na minsan ko na ring nilisan.


"Uy, uno na!" Mabilis akong tumingin sa orasan, Gulat, dahil hindi ko pala namalayan, Ang pagpapalit anyo ng buwan. "Salamat!" Mabilis kong tugon. Huminga pa nang malalim para huminahon, Sabay tipa ng "Paumanhin, may ginawa lang sa maghapon." Nang matapos ang batian, Bumalik muli sa hinintuan. "Hating-gabi na pala " Tugon kong may bakas ng pagkadismaya. Isang pindot na lang bago ipasa, At sa wakas! Natapos na at napuno muli ng pag-asa. May dahilan na para maging masaya. "Sana nga ' y maging maligaya." UNO


Eksaktong ala-una ng madaling araw, Nang nakatanggap ako ng panibagong mensahe. "Uno na naman. Sana maging masaya ang buhay mo, Ame." Mensaheng dahilan kung bakit damdamin ko ngayo ' y nag-uumapaw. "Maraming salamat. Sa iyo rin naman " Parang mahikang napindot nang kusa. Puso ko tuloy ay tumalong parang pusa. Bitin na mensahe, nakakahiyang walang laman! "Hangad ko ang masagana at masaya mong bagong taon " , Sunod na ipinadala para mabawi ang pagkakataon. "Ingat ka at kayo ng pamilya mo. Maraming salamat!" Tugong nakuha ko sabay sukli ng "Ingat ka lagi. Walang anoman."


Tuwing sasapit ang ika-uno ng Agosto, Nakagawian na namin ito. Mga batian at kaunting huntahan, Pagbigkas ng hiling at sana nang salitan. Gusto ko pa sana siyang kausapin, pero ang gabi ay masyado nang malalim. Wala na rin akong nagawa kundi ngumiti na lang. Isinara ko muna ang parihabang gadyet saka napaisip sa mga nangyari sa nakalipas na panahon. Siguro, mag-uusap ulit kami sa susunod na pagsapit ng bagong taon.


para sa mga taong buháy at para sa mga susunod pang yugto ng búhay. —Abo


Click to View FlipBook Version