The words you are searching are inside this book. To get more targeted content, please make full-text search by clicking here.
Discover the best professional documents and content resources in AnyFlip Document Base.
Search
Published by Jayvee M Zarate, 2026-02-03 10:50:30

1-Ang-United-Nations

1-Ang-United-Nations

PAKSA 1: Ang Pagkakatatag ng United Nations at ang mga Layunin NitoHindi pa natatapos ang World War II, naisip na ng mga pangulo ng mga bansa sa pangunguna ni Pangulong Franklin Roosevelt ng United States na magtatag muli ng isang samahang pandaigdig na papalit sa Liga ng mga Bansa. Ang United Nations ay ang pangalang ibinigay ni Pangulong Roosevelt sa mga bansang nakipagdigma sa mga Axis Powers.Sa isang komperensiya sa Moscow, Russia noong Oktubre 1943, na dinaluhan ng tinatawag na Big Four - United States, Great Britain, Soviet Union, at Nationalist China, napagkasunduangpairalin at panatilihin ang kapayapaan sa sandaling matalo ang Axis. Naglabas ang Big Four ng dokumentong tinawag na Moscow Declaration na nagtatakda ng agarang pagbuo ng isang pandaigdigang organisasyong nakabatay sa prinsipyo ng pagkapantay-pantay ng lahat ng mapayapang bansa. Bilang pagtugon, 50 bansa ang nagpulong sa California, United States, upang balangkasin ang Karta ng United Nations. Ang karta ay isang opisyal na dokumento na may mahahalagang impormasyon, kasunduan o patakaran. Noong ika-24 ng Oktubre, 1945 ay itinatag ang United Nations (UN). Muling nagpulong ang mga kinatawan ng mga bansa sa London noong 1946 at nahalal ang unang Kalihim-Heneral, si Trygve Lie ng Sweden.Sa ngayon, ang United Nations ay isa nang pandaigdigang samahan ng mga bansa na naglalayongmapanatili ang kapayapaan at seguridad, magkaroon ng pakikipag-ugnayan sa mga bansa tungo sa pag-unlad o pagpapabuti sa aspektong politikal, kabuhayan, edukasyon, lipunan, pangangalaga sa karapatang pantao, kasama ang mga bata at kababaihan. Ang United Nations ang pinakamalaki at pinakamakapangyarihang samahan sa buong mundo.Ang bandila at sagisag (na bahagi ng disenyo ng watawat ng UN) ng United Nations ay naging mga simbolo ng organisasyon habang isinasagawa ang mga gawain nito. Sa pamamagitan ng isang pares ng mga sanga ng puno ng olibo at mapa ng mundo, ang sagisag at ang bandila kung saan ito nakapatong ay mga simbolong kumakatawan sa mga adhikain nito para sa lahat ng tao sa mundo, dahil isinisigaw nito ang kanilang mga pag-asa at pangarap ng kapayapaan at pagkakaisa. Ang sagisag at watawat ng United Nations ay may praktikal na epekto ng pagtukoy sa organisasyon sa mga lugar ng kaguluhan at tunggalian, sa sinoman at lahat ng partidong may kaugnayan dito.Mga Hangarin ng Samahan ng United Nations1. Panatilihin ang pandaigdigang kapayapaan;2. Pagyamanin ang maayos na samahan ng mga bansa batay sa pagkilala ng pantay-pantay na karapatan at kasarinlan ng mga ito; at3. Pakikipagtulungan sa paglutas ng mga pandaigdigang suliraning pangkabuhayan, panlipunan, pangkalinangan, pagtataguyod sa mga karapatang pantao at kalayaan para sa lahat.4. Magsilbing sentro para sa maayos na adhikain ng mga bansa upang makamit ang mga layunin nito.Paksa 2: Mga Punong Sangay ng Samahan ng mga Bansang Nagkakaisa (United Nations)Halaw sa https://www.un.org/en/about-us/unsystemAng watawat ng United Nations


Nanatiling nakatayo at matatag ang United Nations pagkatapos itong maitatag noong October 24, 1945. May mga sangay na nabuo upang matiyak na ang mga layunin ng organisasyon ay maisakatuparan.Ang United Nations ay isang kusang-loob na samahan ng malalaya at nagsasariling mga bansa. Itinatag ito sa paniniwalang ang mga nanalo sa digmaan ay makikipagtulungan sa pagtatamo nang lubos na kapayapaan sa mundo.Ang sumusunod ay ang mga pangunahing sangay ng United Nations:Ang General Assembly ay isang pangunahing sangay, tagapagbatas, at kinatawang sangay ng UN. Binubuo ito ng mga kinatawan ng lahat ng mga kasaping bansa at dito isinasagawa ang mga pangkalahatang pagpupulong. Sa kasalukuyan, may 193 Member States ang UN. Taon-taon, tuwing Setyembre, ang lahat ng kasapi ng UN ay nagsasagawa ng pagpupulong sa General Assembly Hall sa New York para sa taunang sesiyon at pangkalahatang debate na dinadaluhan ng mga pinuno ng kasaping estado. Ang mga mahahalagang desisyon, tulad ng usaping pangkapayapaan at seguridad, pagsapi ng mga bagong miyembro at mga usapin sa badyet ay nangangailangan ng dalawang-katlong (2/3) mayorya ng General Assembly. Ang Security Council ay may pangunahing responsibilidad para sa pagpapanatili ng pandaigdigang kapayapaan at seguridad. Mayroon itong 15 miyembro (limang permanente at 10 hindi permanente.) Ang bawat miyembro ay may pagkakataong pumili. Sa ilalim ng UN Charter, ang lahat ng kasaping estado ay obligadong sumunod sa mga desisyon ng konseho.Ang Security Council ang nangunguna sa pagtukoy ng pagkakaroon ng banta sa kapayapaan o akto ng pagsalakay. Tinatawagan nito ang mga partido na may hindi pagkakaunawaan upangayusin ito sa mapayapang paraan at magmumungkahi ng mga paraan ng pagsasaayos. Sa ilang mga kaso, ang Security Council ay maaaring magpataw ng mga parusa at pinahihintulutan ang paggamit ng puwersa upang mapanatili o maibalik ang pandaigdigang kapayapaan at seguridad.Binubuo ang Secretariat ng Kalihim-Heneral at mga libong kasapi ng kawani ng UN na nagsasagawa ng pang-arawaraw na gawain ayon sa ipinaguutos ng General Assembly at ng iba pang pangunahing mga kinatawan ng organisasyon. Ang Kalihim-Heneral ay itinalaga ng General Assembly sa rekomendasyon ng Security Council para magsilbi ng limang taong panunungkulan. Ang Kalihim-Heneral ay simbolo rin ng mga mithiin ng organisasyon, isang tagapagtaguyod para sa ikabubuti ng lahat ng mga tao sa mundo, lalo na ang mga mahihirap at mahihina.Ang International Court of Justice ay ang pangunahing hukom ng United Nations. Ang pamunuan nito ay nasa Peace Palace sa Hague (Netherlands). Ito ay isa lamang sa anim na pangunahing sangay ng United Nations na hindi matatagpuan sa New York, U.S.A. Ang tungkulin ng korte ay lutasin ang mga hindi pagkakaunawaang iniharap ng mga estado at tagapayo sa mga legal na usaping idinulog dito.Ang Economic and Social Council ay isa sa mga pangunahing konseho ng UN. Ito ay responsible para sa direksiyon at koordinasyon ng mga gawaing pang-ekonomiya, panlipunan,makatao at pangkultura na isinasagawa ng UN. Mayroon itong 54 na miyembrong inihalal ng General Assembly para sa magkakasunod na tatlong taong termino.Ang Trusteeship Council ay itinatag noong 1945 sa bisa ng UN Charter, sa ilalim ng Kabanata XIII, upang manguna sa pangangasiwa ng 11 Trust Territories habang sila ay lumilipat mula sa kalagayang kolonya patungo sa pagiging soberanong bansa. Noong 1994, ang lahat ng Trust Territories ay nagkaroon ng sariling pamahalaan at kalayaan. Sinuspinde ng Trusteeship Council ang operasyon nito noong Nobyembre 1, 1994. Sa pamamagitan ng isang resolusyong pinagtibay noong Mayo 25, 1994, binago ng konseho ang mga alituntunin nito upang ihinto ang taunang pagpupulong at napagkaisahang magsasagawa ng pagpupulong kung kinakailangan.Paksa 3: Mga Organisasyon at Programa ng United Nations


Maliban sa mga pangunahing sangay ng UN, mayroon din itong mga organisasyon at programa upang tulungan ang mga bansang maiangat ang pamumuhay ng mga mahihirap, puksain ang pagkagutom, sakit at kamangmangan at hikayatin ang paggalang sa mga karapatan at kalayaan ng bawat isa at upang maging sentro ng pagkakaisa ng mga bansa nang makamit ang mga layunin nito.Ilan sa mga ito ay ang sumusunod:Kumikilos ang United Nations Development Programme (UNDP) sa halos 170 bansa at teritoryo, na tumutulong upang puksain ang kahirapan, maituwid ang kawalan ng pagkakapantaypantay at bumuo ng mga hakbang upang mapanatili ng mga kasaping bansa ang pag-unlad. Ginagampanan ng UNDP ang mahalagang papel sa pagtulong sa mga bansang makamit ang Sustainable Development Goals.Ang United Nations Environment Programme (UNEP) ay ang nangungunang awtoridad sa pangangasiwa ng sistemang pangkapaligiran ng UN. Ang misyon ng UNEP ay magpamalas ng epektibong pangangasiwa at hikayatin ang pakikipagtulungan sa pangangalaga ng kapaligiran sa pamamagitan ng pagbibigay ng inspirasyon, sapat na kaalaman at pakilusin ang mga bansa upangmapabuti ang kalidad ng kanilang buhay nang hindi nakokompromiso ang susunod na henerasyon.Ang United Nations Children's Fund (UNICEF) naman ay binuo at aktibo sa 190 bansa at teritoryo upang makatulong sa pagligtas ng buhay ng mga bata, ipagtanggol ang kanilang mga karapatan at matulungang paunlarin ang kanilang potensiyal, mula pagkabata hanggang sa pagdadalaga at pagbibinata.Samantala, nabuo rin ang World Food Program (WFP) upang puksain ang gutom at solusyunan ang malnutrisyon. Bilang pinakamalaking makataong ahensiya sa mundo, ang WFP ay tumutulong sa halos 100 milyong tao na mula sa humigit-kumulang 88 bansa na tumatanggap ng tulong bawat taon sa pamamagitan ng pamamahagi ng pagkain, pinansiyal na tulong at iba pa. Ang programang ito ay ginawaran ng Nobel Peace Prize noong 2020.Mga Espesyal na Ahensiya ng United NationsItinataguyod ng International Labor Organization (ILO) ang mga karapatang panginternasyonal sa paggawa sa pamamagitan ng pagbabalangkas ng mga pandaigdigang pamantayan sa kalayaan ng pakikipag-ugnayan, sama-samang pakikipagkasundo, pag-aalis ng sapilitang paggawa at pagkakapantay-pantay ng pagkakataon at pagtrato.Ang World Health Organization (WHO) ay awtorisadong magdirekta at mag-ugnay sa mga internasyonal na usaping pangkalusugan sa loob ng sistema ng United Nations. Ang layunin ng WHO ay ang makamit ang pinakamataas na posibleng antas ng kalusugan ng mga tao. Ang kalusugan, gaya ng nailahad sa konstitusyon ng WHO, ay isang estado ng kumpletong pisikal, mental at panlipunang kagalingan at hindi lamang ang kawalan ng sakit o kapansanan.Itinataguyod naman ng UN ang International Monetary Fund (IMF) ang paglago ng ekonomiya at trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng pansamantalang tulong pinansiyal sa mga bansa. Ito rin ay nakatutulong sa pagpapanatili ng pampananalaping kaayusan ng mundo at pagpapadali ng pandaigdigang kalakalan. Ang IMF ay kasalukuyang mayroong $28 bilyon sa mga natitirang pautang sa 74 na bansa.Ang World Bank (WB) ay nakatuon naman sa pagbabawas ng kahirapan at pagpapabuti ng mga pamantayan ng pamumuhay sa buong mundo sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga pautang na mababa ang interes at paggawad tulong sa mga umuunlad na bansa para sa edukasyon, kalusugan, impraestruktura at komunikasyon, bukod sa iba pang mga bagay. Gumagana ang World Bank sa mahigit 100 na bansa.Sakop naman ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization(UNESCO) ang pagsasanay ng mga guro mula sa pagbibigay ng tulong upang mapabuti ang edukasyon sa buong mundo hanggang sa pagprotekta ng mga mahahalaga at makasaysayang pook.Ang Joint United Nations Programme on HIV/AIDS (UNAIDS) ay nagbibigay naman ng inspirasyon sa mundo upang makamit ang pananaw na zero new (Human Immunodeficiency Virus) HIV infections, zero discrimination at zero (Acquired Immunodeficiency Syndrome) AIDS-related deaths. Pinag-isa ng UNAIDS ang mga pagsisikap ng 11 na organisasyon ng UN—UNHCR, UNICEF, WFP,


UNDP, UNFPA, UNODC, UN Women, ILO, UNESCO, WHO at WB. Nakikipagtulungan din ito sa mga pambansa at pandaigdigang mga kasosyo upang wakasan ang epidemya ng AIDS sa 2030 bilang bahagi ng Sustainable Development Goals.Pinoprotektahan ng United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) ang mga refugee sa buong mundo at pinapadali ang kanilang pag-uwi sa kanilang lugar o resettlement.Ang International Criminal Court (ICC) ay nag-iimbestiga at nag-aasikaso sa mga indibiduwal na kinasuhan ng mga pinakamatinding krimen na may kaugnayan sa pandaigdigangkomunidad: genocide (ito’y isang internasyonal na kinikilalang krimen na naglalayong sirain ang kabuoan o bahagi ng isang pambansa, etniko, lahi o relihiyosong pangkat) mga krimen sa digmaan, mga krimen laban sa sangkatauhan at ang krimen ng agresyon. Ang International Organization for Migration (IOM) ay kumikilos upang matiyak ang kaayusan at makataong pamamahala ng migrasyon. Itinataguyod din nito ang internasyonal na kooperasyon sa mga isyu sa migrasyon, at upang magbigay ng makataong tulong sa mga dayuhang nangangailangan, kabilang na rito ang mga refugee.Ang United Nations Framework Convention on Climate Change Secretariat o UNFCCC (UN Climate Change) ay itinatag noong 1992. Pagkatapos ng Kyoto Protocol noong 1997 at ng Paris Agreement noong 2015, ang mga kinatawan ng mga bansa ay unti-unting pinagtibay ang papel ng Secretariat ng United Nations na may tungkuling suportahan ang pandaigdigang pagtugon sa banta ng pagbabago ng klima.Ang World Trade Organization (WTO) ay ang tanging pandaigdigang organisasyong tumatalakay sa mga tuntunin ng kalakalan sa pagitan ng mga bansa. Ang layunin nito ay upang matiyak na ang kalakalan ay dumadaloy nang maayos, malaya hangga’t maaari at napaghahandaan ang maaaring mangyari sa hinaharap.Mga Rehiyonal na Organisasyon Ang European Union (EU) ay isang organisasyong rehiyonal na binubuo ng 27 na bansa ng Europe na pinagbubuklod ng mga alintutuning pang-ekonomiya, panlipunan at pangkaligtasan. Ito ay binubuo ng mga bansang Austria, Belgium, Bulgaria, Croatia, Cyprus, the Czech Republic, Denmark, Estonia, Finland, France, Germany, Greece, Hungary, Ireland, Italy, Latvia, Lithuania, Luxembourg, Malta, Netherlands, Poland, Portugal, Romania, Slovakia, Slovenia, Spain at Sweden. Ang United Kingdom na dating kasapi nito ay tumiwalag sa organisasyon noong Enero 31, 2020.Ang Organization of American States (OAS) ang pinakamatandang organisasyong rehiyonal sa daigdig. Ang unang pagpupulong ng organisasyon ay naganap noong Oktubre 1889 hanggang Abril 1890 sa Washington, D.C. Sa kasalukuyan, ang samahan ay binubuo ng 35 na malalayang bansa ng America na nangunguna sa mga pangunahing politikal, hudikal at panlipunang kaayusan sa hating-globo ng daigdig. Ito ay binubuo ng mga bansang Antigua at Barbuda, Argentina, Barbados, Belize, Bolivia, Brazil, Canada, Chile, Colombia, Costa Rica, Cuba, Dominica Commonwealth, Dominican Republic, Ecuador, El Salvador, Grenada, Guatemala, Guyana, Haiti, Honduras, Jamaica, Mexico, Nicaragua, Panama, Paraguay, Peru, St. Kitts & Nevis, Saint Lucia, Saint Vincent and the Grenadines, Suriname, The Bahamas Commonwealth, Trinidad at Tobago, United States of America, Uruguay at Venezuela. Ginagamit ang samahang ito bilang haligi sa kaganapan ng paninindigan sa pagpapatupad ng demokrasya, karapatang pantao, seguridad at pagpapaunlad.Ang Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) ay itinatag ng mga bansang Indonesia, Malaysia, Pilipinas, Singapore at Thailand noong 1967. Samantala, umanib naman ang Brunei Darussalam noong 1984, ang Vietnam noong 1995, ang Laos at Myanmar noong 1997 at ang Cambodia noong 1999. Ang ASEAN ay itinatag upang mapanatili ang kapayapaan at pagkakaisa sa rehiyon. Higit sa lahat, ito ay itinatag upang mapigilan ang paglaganap ng komunismo sa rehiyon. Gayunpaman, sa paghina ng komunismo sa rehiyon, tinanggap ng samahan ang Vietnam at Laos bilang kasapi nito. Ito ay sentro ng iba pang kaayusang rehiyonal na nakabatay sa mga prinsipyong konsultasyon at pagkakaisa na nagbibigay-diin sa gawaing ASEAN.


Click to View FlipBook Version