“Dalawampung Tula”
Buong pusong likha ni Tiger.
Para kay Binibining Kuting.
Panimula.
Ngayon na lamang muli hahawak ng panulat,
At maglalaan ng mga tula,
Habang pinapakinggan ang bawat salita,
Na nais bitawan ng pusong makata,
Paumahin ‘pagkat ang mga tulang iyong mababasa,
Ay mga salitang hindi maiparating nang direkta,
Ngunit pangako ito ay mga katotohanang,
Naipon sa puso ng manunula.
I
Alam mo bang makapangyarihan ang ‘yong mga mata?
Dahil kaya nitong mambihag at manghila,
Nang ‘di ko namamalayang nakakalunod na pala,
Makalimutan ko sanang lumangoy at sarili’y isalba,
‘Pagkat mas gugustuhin ko pang malunod,
Sa mga tingin mong nakakalula,
Kaysa ‘di na ito muling makita pa.
II
Sa bawat tawang aking narinig,
Sa bawat tawang aking ginustong marinig,
Ang tawa mo ang hinahanap-hanap ng aking pandinig,
Ito na yata ang tawang,
Hindi ako magsasawang ulitin-ulitin,
Ang tawang lahat ay aking handang gawin,
Marinig lamang na kahit papaano,
Masaya ka rin sa aking piling.
III
Mahihiya si Narda,
Kapag nakilala ka,
At ang mala-bayani mong asta,
Na walang sawang nagsasakripisyo’t,
Inu-una ang iba,
Ngunit h’wag mag-alala,
Mula ngayo’y may kasangga ka,
Na parating ikaw naman ang pipiliin sa una,
Na ikaw naman ang isasalba kapag pagod ka na.
IV
Nasanay akong maglaro kapag malungkot,
Naglilibang para makalimot,
Ngunit sa pagdating mo,
Para akong isang sundalong ganadong ipanalo,
Ang lahat ng giyera para sa’yo,
Ngunit ‘di namalayang,
Habang tumatagal na ika’y nakakapareho,
Hindi na lamang laro ang aking sineseryoso,
At hindi na lamang mga laban ang gusto kong ipanalo,
Pati na rin pala ang puso mo.
V
Nakakamangha ang mga gawi mong nalilikha,
Ang ‘yong sipag at tyaga,
Isa sa mga napakaraming bagay,
Kung bakit mo ‘ko nakuha,
Labis na saya rin ang nadarama,
Kapag nasasaksihan ka,
Na magtagumpay at manguna,
Maubos man sila,
Sa likod mo’y ‘di ako mawawala,
Pangakong mananatili at palaging sayo’y maniniwala.
:)
VI
Napakaraming bagay ang madalas na basehan,
Upang masabi ng iba,
Na ang isang tao ay maganda,
At kung ako ang tatanungin nila,
Bukod pa sa’yong anghel na mukha,
Isa sa mga lalo sa‘yong nagpapaganda,
Ay ang ‘yong isip at paniniwala,
Kay sarap pala malaman ang mga bagay na nasa ‘yong
isipan,
Kahit buong araw ka pang pakinggan,
Palaging handa ang mga tenga,
Kahit katahimikan na lamang ang iyong malikha.
VII
Kay hirap ang ‘di mahulog sa’yo,
Dahil kahit anong gawin mo,
‘Sing lakas ng bagyo ang epekto,
Kahit anong kapit ko’y tinatangay ako,
Puwede bang talunin ko na ‘to?
Nais ko nang isigurado,
Wala mang sasalo,
At kahit masaktan pa sa dulo,
Ayos lang,
‘Pagkat ikaw ang sakit,
Na uulit-ulitin ko.
VIII
Minsa’y napapaisip,
Ano bang mahika ang mayroon ka?
Para maging balisa ang puso ko,
Kapag wala ka,
Nakakatuwa,
Nakakakaba,
Tila mala sirko ang naisin ka,
At ngayon ko lang ginustong mahilo’t,
Magmukha tanga.
At sa’yo lang sinta.
IX
Hindi ko alam kung bakit,
Kapag nakikinig ng mga kanta,
Ikaw ang naalala,
Hindi ako umaapela,
‘Pagkat dahil sa’yo,
Ang bawat liriko’y mas gumaganda,
Handa na akong iparinig at ipakilala,
Ang bawat paboritong kanta,
At lagyan natin ng mga ala-ala,
Na babaunin ko kahit mga kanta’y maluma na.
X
Sigurado ako.
Sigurado ako na sa bawat tulang gagawin ko,
Ikaw ang laging nanaisin kong pag-alayan,
Hanggang sa maubos ang salitang tutugma sa’yong
pangalan,
Sigurado ako.
Sigurado ako na hindi ako mapapagod magsalita,
Kung ikaw ang paksa,
Kahit aralin pa ang ibang wika,
Ipaparating sa’yo sa iba’t ibang paraan,
Kung gaano ka iniibig nang sobra.
XI
Paglubog ng araw.
‘Sing ganda at ‘sing payapa,
Ng paglubog ng araw ang marinig kang kumanta,
Maniwala ka,
Kapag sinabi kong ang pakinggan ka’y ‘di nakakasawa,
Ikaw ang plakang papakinggan sa umaga,
Hanggang matapos ang araw at balik muli sa simula,
Ikaw ang musikang,
Nais kong mamemorya,
At kahit hindi ako ang kumatha,
Hindi ako papayag na sa’yo ay may ibang kukuha.
XII
Parehong kaliwa ang aking mga paa,
Bawat indak ay hindi kaagad nakukuha,
Ngunit sana makasama kita kapag ika’y inaya,
Na makasayaw sa ilalim ng mga tala,
Paboritong mga plaka’y ihahanda,
Upang mas matagal ka pang makasama,
Matatapos ang bawat kanta,
Ngunit hindi ang aking pagsinta,
Bawat araw o gabi,
Susulitin na para bang iyon na ang huli,
Hahayaan ang musika’t mga mata ang magsabi,
Na ako’y mananatili.
XIII
Kapag binubuo na raw niya,
Ang ‘yong gabi at umaga,
May nararamdaman ka na,
Ngunit paano kung sabihin kong,
Ang dating kong mga hating gabi,
Na puno ng dilim at nakakabinging katahimikan,
Ngayo’y pinupuno mo ng kagandahan,
At ingay na akala ko hindi ko na muling
mapapakinggan,
Sinasagip mo ‘kong mahulog sa kalungkutan,
Nang kahit wala kang gawin,
Basta nandiyan ka lang.
Kasama rin kaya?
Ano na ba ang nararamdaman…
XIV
Ika-dalawampu’t anim na araw ng Pebrero,
Noon ay ‘di naman espesyal para sa akin ito,
Ngunit ngayon isa na sa mga araw na
pinagpapasalamat ko,
Dahil biyaya ang pagdating mo,
At ang makilala ka’y isang napakagandang regalo,
Lalo siguro ang maging parte ng buhay mo,
Mula sa kaibuturan ng aking puso,
Kinagagalak kong makilala ang ‘sang tulad mo,
Masaya akong nagkrus,
Ang daang nilalakaran mo sa nilalakaran ko,
Sana sa kalagitnaa’y sabay na tayo.
XV
Ngayon lang nakuntento,
Hindi na humahangad pa ng sobra mula sa’yo,
Dahil kung anong lamang ang kayang maibigay mo,
Sapat na at tatanggapin ng puso,
Maari naman kitang gustuhin mula sa malayo,
Mas ayos pa ‘yun kaysa tuluyan kang lumayo,
Mas nanaisin ko pang makita ang mga ngiti mo,
Kahit hindi man ako ang dahilan nito,
Basta dito lang ako,
Kahit hindi man magkaroon ng lugar sa puso mo,
Masaya na ako.
XVI
Hindi gaanong mahilig sa sinema,
Kaya’t paumanhin kung wala masiyadong palabas na
maipakilala,
Ang mapapangako ko lamang ay handa akong samahan
ka,
Kahit ubusin pa natin lahat ng pelikula sa takilya,
Hindi mo naman ako masisisi,
Kung mas magandang panoorin at pakinggan ka,
Kapag nagkukwento ng mga bagay na sayo’y
nagpapasaya,
Huwag ka sanang magsawa ‘pagkat kay sarap ang
panoorin ka.
XVII
Sana balang araw ay magkita,
Sana balang araw magtagpo ang mga mata,
Hindi ko alam ang gagawin ko kapag nangyari nga,
Pero sana’y mahagkan ka,
Kahit saglit lang,
Gusto ko lamang maramdamang nakauwi na,
Gusto ko lang malaman,
Ang pakiramdam ng matagpuan ang tahanan,
Sa tagal ng pagiging ligaw sa kagubatan,
XVIII
Pang labing-walo.
Marami-rami na rin pala ang tulang nabahagi sa’yo,
Pero sa totoo lang,
Napakarami pang tulang tungkol sa’yo,
At ang tulang ito’y pasasalamat,
‘Pagkat nong nakilala ka,
Muli akong nakapagsulat,
Ang bagay na akala ko’y hindi ko na muling magagawa,
Ang puso ko ang panulat,
At ikaw ‘tong nagsilbing tinta,
Na nagawang posible ang walang katapusang mga tula,
Nilagyan mo pa ng hiwaga’t saysay ang bawat kataga.
XIX
Malapit nang magtapos ang dalawampung tula,
Munting espesyal na regalo,
Para sa nag-iisang espesyal na tao,
Sana’y nagustuhan niya ito,
O kahit nakapagpangiti sa mga labi niyang perpekto,
Dahil para sa akin,
Ang kanyang magandang ngiti,
Ay sapat na kahit wala na siyang sambitin.
XX
Hindi ko alam saan patungo,
Hindi sigurado kung anong mangyayari sa dulo,
Pero gusto ko at gugustuhin ko.
Hindi ko na mapipigilan ang tibok ng puso ko,
Ngunit h’wag mag-alala ‘pagkat walang sapilitan ito,
Ibababa ko na ang mga barahang nasa palad ko,
Dahil aking napagtanto,
Hindi ba’t mas tinataya natin ang lahat,
Kapag hindi tayo susugal sa dulo?
Pangwakas.
Isang maligayang kaarawan kuting!
Sana’y masaya ang araw mo. Lalo na ang puso mo ;>
Ang hiling ko lamang para sa’yo’y, sana ‘di ka
magbago. Sana ‘di magsawa ang puso mo na kabutihan
ang ipakita sa mga tao. Sana rin matupad ang mga
ninanais at pangarap mo dahil deserve mo ‘yun! Hiling
ko rin ang malusog at maayos na kalusugan sa’yo at
sa’yong pamilya’t minamahal. More birthdays and cod
mvps to come :P
Ang ‘yong lubos na taga-hanga,
Juls.