The words you are searching are inside this book. To get more targeted content, please make full-text search by clicking here.

A Literary Folio made by Hanz Romel Progio

Discover the best professional documents and content resources in AnyFlip Document Base.
Search
Published by Hanz Progio, 2023-08-21 14:11:42

Lubos Maisip

A Literary Folio made by Hanz Romel Progio

ubos Maisip HANZ ROMEL L. PROGIO BFE - II-4 LITERARY FOLIO 2S-FIL09


Paunang Salifa Bunga ang Literary Folio na ito ng isipang nanatiling gising sa mga isyung umiiral sa karagatan ng buhay. Ginamit ko ang Literary Folio na ito upang maging lunsaran ng mga tulang nakadikit sa reyalidad na pumupulupot sa atin simula't sapul ng ating pag-iral. Ang Ilan din sa mga tula rito ay hango sa pansariling danas ng may akda. Sa karamihan ng mga tula, sinikap ko na tanawin ang mga punto-de-vista ng iba't ibang personang humaharap sa hamon ng reyalidad upang makabuo ng mga likhang may saysay at tiyak kakalampag sa damdaming panlipunan. Sa huli, ang akdang ito ay mitsa ng ilang "hindi lubos maisip" na kaganapan. - Hanz Romel L. Progio (May Akda)


Talaan ng Nilalaman 1. Panaghoy ng Alipin sa Arawan 2. Kung Looban man ng Demonyo 3. Kung Ako ang nasa Puwesto 4. Siyang Pokpok sa Kanto 5. Maskarang Huwad 6. Wikang Yaman, Handog ng/sa Lipunan 7. Binihag na Damdamin 8. Pasensya 9. Reklamo 10. Tao 1. Lubhang Mapanganib 2. Inuman 3. Inhustisya 4. Balintuna ng Tula 5. Ang Magmahal ay Maglakbay 6. Sala 7. Digmaang Alanganin 8. Sa Pagyao ng Alab 9. Hindi Ako Antukin 10. Pagsisisi TULANG MAY SUKAT AT TUGMA TULANG MALAYA


Mga Tulang May Sukat at Tugma


1. 1. Iba na ang timpla ng aking kalamnan Tuyo't bitak na rin pati lalamunan Pagkauhaw ko'y tila'y walang hangganan Pagkapagod ko'y husto na at lubusan Tagaktak ang pawis sa aking katawan Paa nama'y binalot na ng putikan Bilad sa bukid na lupang tinubuan, Siyang tuntungan ng alipin sa arawan Iba ang trabaho ng abang tulad ko Malayo sa biro kung iisipin niyo Puhunan ay lakas at tibay ng buto Sa magdamag na pagyuko at araro Matagal ko nang kasalikop ang bukid Magmula pa noong ako'y isang paslit Pangarap ko'y kinailangang isilid Wika ng magulang ko'y "huwag nang ipilit" Ang edukasyon ay isang kayamanan Na hinding hindi mananakaw nino man Ngunit ang pagkamit nito'y sapalaran Sa tulad kong sukdulan ang kahirapan 'Kung anong itanim ay siyang aanihin' Katagang balintuna para sa akin Dahil sipag ma'y ipunla't pairalin Tiyak sa kangkungan pa rin pupulutin Kung ang panalangin ko man ay diringgin Wala na akong iba pang nanaisin Kundi ang buhay ko'y wag nang puluputin Nitong sitwasyong mahirap nang tiisin Alam kong walang panginoong dirinig Sa tangis ng aliping lubog sa putik Lupa mang tinatamnan, sa bunga'y hitik Ang kita'y sa haciendero ibabalik "Panaghoy ng Alipin sa Arawan "


2. Kung ang puso'y looban man ng demonyo Hindi sanhi ang paglagok ko sa baso Kundi pighating pumaroon sa ulo Na handang patulugin ang ulirat ko Sa masiglang araw matibay ang diwa Sa kadiliman ang dibdib ay mahina Isa lang ang inihaharap na mukha May ngiti't walang luha, mistulang dula Manalig pa man ay hindi ito sapat Gayong ang puso'y matagal nang may sugat Nagsumamo pati sa Dakilang lahat Wari'y ipinagkaluno't puri'y salat Kung ang puso'y looban man ng demonyo Tila'y wala nang pasubalian ito Hagkan pa man ng anghel na isinugo Ang diwa ay mahihimlay sa delubyo "Kung Looban man ng Demonyo "


3. Mayroon akong ibabahagi sa inyo At inaasahan kong pakikinggan niyo 'ko Tungkol ito sa mga pangarap at plano Kung ako man ang nasa puwesto ng pangulo Alam kong tila ito'y isang kahibangan Sa tulad kong wala pang napatutunayan Ngunit kung maluwag mang pahihintulutan Buong ligaya ko na itong sisimulan; Pauuwiin ko na ng Pinas si nanay Babayaran ko naman ang piyansa ni tatay Ipagagamot si ate na lantang gulay At ipapa-opera si kuya sa atay Hindi magpapahuli ang aming tahanan Gusto ko yung bahay na 'di kami siksikan Bibili pa 'ko ng maraming kagamitan Tulad ng mga bentilador at upuan O kahit pa mga mamahaling sasakyan Nais kong baguhin ang takbo ng buhay ko Dahil sawa na ako sa ganitong siklo Tipong hindi na kailangan ng saklolo Sa kahit ano pang ahensya ng gobyerno Mistulang makasarili ang nanaisin Dahil ang pagpapala'y gustong mapasakin Daloy ng reyalidad ay babalikwasin Kapangyarihan ng gobyerno'y aangkinin "Kung Ako ang Nasa Puwesto " Ganoon naman lahat sa bayan hindi ba? Uunahin ang sarili kaysa sa iba Nananalo ang mga taong masisiba Lumulubog ang mga pobreng mahihina Mabuti nang itigil itong kalokohan Wala nang pag-asa ang aming kahirapan Magdelusyon man ay walang paroroonan Sa kandili ng lipunang nilapastangan


4. Karumaldumal sa tanan tulad nito Magdalenang imoral salot sa mundo Pakangkang na babaeng daig pa aso Bantog na siyang dakilang pokpok sa kanto Itong pokpok ay ibinenta ang dangal Ibubuka ang hita nang walang angal Siya ay luluhod hindi para magdasal Ibig ang perang kung ituring ay banal Kahit sinong lalaki tiyak papatusin Basta may pera ay kaniyang gagapangin Makamundong gawain handang pasukin Buhay niya'y isang sugal na titiisin Hindi na nahiya ang kasuklam-suklam! Lapastangan sa Diyos, hindi niya ba alam? Tiis ni Magdalena mga pag-uyam Para mapunan ang tiyan na kumakalam Kaniyang mga anak na puro panganay Sa tahanan ay matiyagang naghihintay Sa delihensyang dugo't pawis ng nanay Katumbas ng pera ang puri at buhay Umiyak man ay wala nang magagawa Lubog si Magdalena sa hiya't luksa Ang minsang busilak ngayon ay masagwa Malupit ang lipunan sa maralita "Siyang Pokpok sa Kanto "


5. Kisap lamang ang panahon kung dumaan Ngunit matagal pala kung tutumbasan Ano-ano nga ba ang napagdaanan? Nakayayamot iyon kung babalikan Kay rami ng taong ginugol sa mundo May napala nga ba kahit papaano? Isang tanong na pumipihit sa ulo Kasagutan marahil ay hindi gusto Pabago-bago ang mukhang pinakita Ito'y kailangan ang buong akala Para katanggap-tanggap sa bawat madla At nang hindi na manatili sa banta Hinuhubog ba ang pagkakakilanlan? O ginagaya sa kung sino't iilan Ang buhay ay dula sa abang isipan Mapapalaya ba ng katotohan? Masarap mabuhay sa sariling agos Lalo't malaya sa mga gumagapos Maskarang huwad ay dapat ihambalos Mamuhay sa sarili't tanggaping lubos "Maskarang Huwad "


6. (Tulang naglalayong ilarawan ang matibay na relasyon ng wika at kultura, maging ang implikasyon nito sa iba't ibang aspekto ng lipunan bilang paggunita sa Buwan ng Wika 2023) Sa patuloy na pag-iral ng ating bayan Sari-saring pagbabago ang nasaksihan Mula pa sa panahong bihag ng dayuhan Hanggang sa ngayong kalayaan ay nakamtan Hiraya nawa na ito'y mapagnilayan, May natatanging kayamanan ang lipunan Ang sariling wika'y yamang maituturing Sa lipunang nalikha, ito'y isang supling Kasalikop ng kultura't kapwa magiting Kambal na isinilang, sa masa'y dumating Wika at kultura'y marapat mapaigting Sa ating identitad, ito'y mahahambing Lupang tinubuan man ay arkipelago Mga isla nito'y magkalayo ang puwesto Mistulang pook sa magkabilaang kanto Iba't iba ang wika sa bawat ibayo Isang pinagmulan, pamilyang Awstronesyo Higit pa man, dugo't laman ay Pilipino Ang kaisipang ito'y marapat tanawin Mayroon tayong makabuluhang gampanin Sa pagpapalawig ng wika at wikain Bilang Pilipino, ito'y ating layunin Pagpopook ng wika bilang simulain Oras nang makisangkot, pangunahan natin Ihandog nawa ang pusong mapagpalaya Magkakaiba man ang ating unang wika Mga wika'y kasangkapang pakikibaka Nang maipahayag ang hinaing ng masa Kasagutan laban sa sanlaksang problema Wikang makabayan, may hatid na pag-asa "Wikang Yaman, Handog ng/sa Lipunan "


7. Malimit bihag ang sariling damdamin Tunay na kulay ay madaling lupigin Kung ano ang tibok ay marapat sundin Huwag dustahin! Ito ang samo't dalangin Hindi na bago ang pagbabalatkayo Sa mga may pusong taliwas ang takbo Ang pananatili bilang isang preso Sandaling ginhawa sa pang-aabuso Kay lupit kung ang damdamin ay nabihag Pusong may busal ay tiyak nakahahabag Inaasam-asam lamang yaong pagtibag Sa mga matang sa pang-unawa'y bulag "Binihag na Damdamin "


Oras ay 'di maikli Pasensya'y manatili Huwag lalabas ang sungay Huminga at maghintay "Pasensya " (Tanaga) 8.


9. Suklam itong kakatwang karanasan Ng mga taong nagbabanal-banalan Pasasaan pa ang dalang kabutihan Pugad nila ang mapanghusgang lipunan Sa inyong mga nagdarasal parati Sinong dalisay sa inyong pakiwari? Yaong sa gutom ay nagbenta ng puri? O sinasamba niyong naghaharing-uri Silang nuknukan sa pagiging sugapa Ang ibinoboto niyo sa ating bansa Sanhi kung bakit kahirapa'y lumala At wala rin naman kayong napapala Idagdag pa pati itong kasabihan "Walang respeto ang mga kabataan" Kabataan ay boses ng mamamayan Tinuturing niyo pang rebelde sa bayan? Idagdag din ang paggamit sa bibliya Upang bigyang-katwiran ang panghuhusga Hala't sige sa magdamag na pagbasa Sa labis na pag-usig pa rin napunta! Kasumpa-sumpang pasong paniniwala! Sa bayan ay hindi maikakaila Pagtalima ng tao dito'y malubha Epekto nito sa lipuna'y malala! "Reklamo "


Huwag na munang sumunod Katawan mo'y napagod Bagama't usad pagong Maging bukas sa tulong "Tao " (Tanaga) 10.


Mga Tulang Malaya


1. Ang isip ay sadyang nagluluwal ng kadiliman Na sa budhi ay kalimita'y hindi tugma Kung paparoon man yaong dilim sa isip Ito'y masasabing lubhang mapanganib Katwiran ay matatapakang lubos Puso'y magiging abo— Ito'y alimpuyo sa anyo ng dahas Nagngingitngit, karimarimarim ang patutunguhan "Lubhang Mapanganib"


2. Sa simula ay binabalot lamang ako ng katahimikan, Kahit pa hindi mo subukang hulihin ang senswal kong pagtingin, Kung magkataon mang ang malay ko'y gapusin ng iyong serbesa, Walang alinlangang sa'yo ay aanib. Isang hiwaga sa akin kung ang tulad mo'y nagmamay-ari? Tikas at haplos na tiyak naglalagablab, Dahil ang kalooban ko'y tahasan nang nagpapahiwatig, Sa kagustuhang namnamin ang init at haplos Sa panahong mapagbigyan ang aking kalamnan, Sa paglagok ng serbesang higit na inaasam, Binibigyan kita ng pahintulot o aking irog, Ako'y iyong hagkan at halikan, Habang ang mga dila nati'y sumasabay sa lagablab ng init. Ako'y nagbababala sa iyo gayunpaman, Sa panahong iyong susuyuin ang matamis kong pagtanggap, Ang tulad ko'y aangkinin nang buo ang lahat sa iyo, Lumapit at yakapin mo na ako o aking irog. "Inuman "


3. Anong sarap kung malayang pumagaspas Malaya sa hawla, malaya sa tanikala Sumpain ang nangangamkam Ganid, berdugo, at matakaw Tangan ang dahas Gamit ang lakas Utak ay marahas Kasumpa-sumpa! "Inhustisya "


4. Mahirap palang sumulat ng tula Kung ang paksa ay mga luha at tuwa Kung hindi pa handang maglabas Ng damdamin at danas Selyadong libro kung ituring Mga letra ay mananatiling nakahawla Mga diwa ay hindi rin mababasa Hangga't tumatanggi ang may akda Ang tula ma'y salamin ng pagkatao At ang mga likha'y sinulat ng puso Ngunit papaano ang mga pusong may rehas? Hinahayaang manahimik ang sarili Kung dakila ang panulat, Kumpara sa digma Ang tulad ko'y magagapi Mahihirapan magwagi "Balintuna ng Tula "


5. Nakakasawa pala ang mga halik at yakap Ang pag-abot ng mga tsokolate't bulaklak Pati pamamasyal sa mga nakabibighaning pook At palitan ng "mahal kita" sa magdamag Kay sarap kung ang pag-ibig ay masigasig Handang sumuong sa putik at bato-batong yungib Humaharap sa bagyo't nanggagalaiting hangin Kasabay ng paghawi sa mga alikabok sa dilim Anong ligaya maglakbay kasama ng irog Sa puntong kinasusuklaman ng lahat Ngunit iisa pa rin ang tiyempo ng paghakbang Mga gawi at diwa ma'y magkaiba ngunit iisa "Ang Magmahal ay Maglakbay"


6. Kung kasalanan ang paghihiganti Hahayaan ang damdaming tumaliwas sa asal Pagbibigyan ang poot sa dibdib At mag-aaklas ang suklam na tinimpi Handa ang diwang bumalikwas sa katarungan Upang patikimin ng dusa ang kung sinong lapastangan Kung kasalanan nga ang paghihiganti Ililibing sa hukay ang puring malinis Mukha'y haharap sa hukom nang may dungis "Sala "


7. Hindi natin gapos ang baluti ng buhay Taliwas ito sa matandang ideya Pinaniwala ang taong panday siya ng tadhana Na sa bawat talsik ng dagitab Ay siyang senyales ng pagluwal at pagbuo 'Di tunay na ang panday ang may kontrol Sa espadang nais nitong ilikha Kundi mga hari't panginoong— Napupuno ng ginto't metal ang kaharian Na sa huli ay utang na loob ng panday Ang espada, panulag, at baluti man O tagumpay sa digmaan ng buhay Ay hindi kailanma'y hawak ng panday Nasa palasyo ito ng mga ganid Mga haring berdugo at damuho "Digmaang Alanganin "


8. Kay sarap sa pakiramdam ang mangarap Kasing tayog ng bituing nagliliwanag Kasabay ang planong pagpanhik Nang maabot ang kumikinang na nais Tila pa't nasa kalangitan kung ipagkaloob Ang pangarap ng mababang-loob Daig pa ang ano't anong hiwaga Mahika ng kalooban kung ituring Tunay ngang nakagagalak habang umiiral Huwag lamang umabot sa puntong masaid Itong tinatanging liwanag at alab Na tiyak masalimuot sa kalooban ninuman Kahinaan kung makita ang sarili Habang lumilisan ang apoy at alab Sa paglaho nitong pangarap Na mabalasik kung pumanaog Sa pagyao ng alab Ano ang siyang hakbang? Kapalit pala ng tayog ang kailaliman Na lumalamon kahit diwa ma'y makinang Kung yumao ang pangarap Mananatili kang sadlak Magtatapos ang hangarin sa hangad Maghihikahos ang kaluluwang minsa'y nangarap "Sa Pagyao ng Alab"


9. O anong pakiramdam kung mahiga Sa aluyang payapa Sa higaang malamig Habang humahaplos ang wagayway ng hangin Sa puntong bumulagta Hahayaang maisara ang mata Bibigyang pahintulot ang diwa Maglalakbay sa dilim at kawalan 'Pag lumisan na yaring diwa sa tunay na mundo At umanib ang isip sa naiibang dimensyon Hahagkan ng panaginip ang katawang lupa Isang susi sa pahingang 'di gugustuhing magwakas Magliliwanag ka bilang panginoon ng isip Kapighatian ay walang puwang at paroroonan Ilusyon marahil ngunit ito'y tanging daan Sa pag-alpas sa mga tunay na kadiliman "Hindi Ako Antukin "


10. Nawa'y mahabag ang buwitre At huwag lamunin ang namayapang sarili Hindi kailanma'y ninais itong katapusan Ito'y bunga lamang ng pangangailangan Nakapanghihinayang ang nangyari Dating sarili'y kinailangang kitilin Upang sa mata ng lahat ay maging kaayaaya At nang matanggap sa paraiso ng iba Hindi na nakita pa ang mga babala Gayunpaman ay ito'y huli na Ang mga kuko ng buwitre'y akmang dadamba Upang lasapin ang pagkakamaling nagawa Kung pagsisisi ay laging sa huli Gayundin ang mga buwitreng sa kamataya'y nagbubunyi "Pagsisisi"


Maraming Salamat!


Click to View FlipBook Version