The words you are searching are inside this book. To get more targeted content, please make full-text search by clicking here.
Discover the best professional documents and content resources in AnyFlip Document Base.
Search
Published by denr1rict, 2020-09-09 03:56:59

Sa mga Mata ni Mikoy

Sa mga Mata ni Mikoy

Karapatang-ari 2020 ng Department of Environment and Natural Resources– Region I

Reserbado ang lahat ng karapatan, kabilang na ang mga karapatan sa
reproduksyon at paggamit sa anumang anyo at paraan, liban lamang kung

may nakasulat na pahintulot galing sa mayhawak ng karapatang-ari.

Inilathala ng:
Department of Environment and Natural Resources
Regional Office I
Regional Public Affairs Office
Government Center, Sevilla, San Fernando City, La Union
Tel: (072) 700-4096
Email Address: [email protected]; [email protected]
Official Website: http://www.r1.denr.gov.ph
Kwento at Guhit ni Denise Marie C. Lorenzo
Rinepaso nina Renelita A. Santos at Generoso C. Garcia

Kwento at Guhit ni Denise Marie C. Lorenzo

MENSAHE
Isang Makakalikasang Araw sa inyong lahat!
Sa gitna ng banta ng hindi inaasahang Corona Virus Disease o ang COVID-19
na nagmula sa Tsina at kumalat sa buong mundo pati sa bansa nating Pilipinas, nais
ihandog ng Department of Environment Natural Resources – Ilocos Region ang
isang maikling kuwento tungkol sa kalikasan at kapaligiran at ang mga kahalagahan
nito sa atin. Hindi nalalayo ito sa araw-araw na nababalitaan natin na nangyayari sa
ating paligid at madalas na natutunghayan ito ng mga kabataan na katulad ninyo.
Ang kuwento ng “Sa mga Mata ni Mikoy” ay ang kadalasan na nangyayari sa
mga buhay-ilang na ating matatagpuan sa kabundukan. Nariyan ang kaya
pamumutol ng puno mula sa mga kabundukan at pagbebenta o pagkain ng mga
mailap na hayop o ‘di naman kaya ay pinapatay ang mga ito sa pag-aakalang ang
mga ito ay maaring pagkakitaan, puwedeng kainin o perwisyo sa kanilang araw-
araw na pamumuhay.
Sa ating mga kabataan at mga magulang, unawain natin ang kuwento upang
malaman natin ang kahalagahan ng mga nilalang sa ating mga kagubatan.
Maraming Salamat!

ATTY. CRIZALDY M. BARCELO, CESO III
Regional Executive Director

DENR-Regional Office I

“Ang ganda!”

Ani ni Mikoy na natatanaw
ang mga puno sa bulubundukin ng
Saldibar mula sa kanyang silid.

Sagana ang kanilang
komunidad ng samu't-saring buhay
sa ilang o ang tinatawag na
biodiversity. Maraming mga puno
kaya naman sariwa ang hangin sa
kapaligiran, may pinagkukuhanan
ang mga tao ng kanilang pangangailangan tulad ng pagkain,
gayundin ang pagkakaroon ng tirahan ng mga hayop. Kaya
naman pinapangalagaan ng mga tao roon ang mga ito.

Si Mikoy at kanyang mga kaibigan ay madalas na nagagawi sa paanan ng bundok upang
maglaro’t maglibang. Bilang mga bata, gustong-gusto nilang umakyat sa mga puno at
magpaduyan-duyan sa mga sanga. Madalas din ay namimitas sila ng mga prutas.

“Hay...buti nalang maraming puno dito sa atin ano? Paano nalang tayo kapag nawala ang mga
ito?” wika ni Mikoy sa kanyang mga kalaro habang sila ay nagpapahinga sa lilim ng isang puno.
Musmos pa lamang pero naikintal na ng kanyang mga magulang ang kahalagahan ng mga puno at
likas na yaman sa kanya.

Pagkatapos nilang magpahinga ay nagpasya
na silang umuwi. Sa kanilang paglalakad, sila ay
biglang natigilan nang...

“Hhhiiiissss” isang sagitsit
ang kanilang narinig.

“Bakit Baldo?” tanong ni
Mikoy sa kanyang kalaro
na inakalang may
sasabihin.

“Hindi ako ‘yon.” sagot
naman niya.

“Ha? Eh sino naman ang
sumagitsit kung hindi ik---”
natigilan na sambit ni
Mikoy nang muling
marinig ang huni.

“A-ano ‘yon?” nanginginig na ani naman ng isa pang kalaro ni Mikoy.

Kanilang pinakinggang mabuti ang sagitsit. Nawari nila na ito’y nagmumula sa kakahuyan at
naglakas loob silang lumapit doon. Laking gulat nila na isang napakalaking butiki ang tumambad sa
kanila.

Bago pa sila sumigaw at tumakbo, lumapit sa kanila ang isang kabarangay nila na si Mang Ensio.
“H’wag kayong maingay at baka makatakas pa ang bayawak.” Sambit niya habang isinisenyas sa
mga bata na huwag gumawa ng ingay.

“Mang Ensio, ano po bang gagawin niyo sa bayawak?” pabulong na tanong ni Mikoy.
“Eh ano pa ba? Siyempre ipang-uulam.” Sagot ni Mang Ensio.
“HHHAAAA?!” sabay-sabay na sagot ng magkakaibigan.
“Pero sabi po ng…” isisingit sana ni Mikoy.

“Hay nako, kayo na nga’y magsiuwian na at baka wala pa kong
makain ngayong hapunan!” sambit niya
at nagtakbuhan na pauwi ang mga bata.

Lumipas ang mga araw napansin niya na umiinit ang panahon at may mga pagkakataon na
bumabaha na din sa kanilang lugar. Nababalita din na madalas nang dumayo ang mga bayawak sa
kanilang lugar at kumakain ng mga alagang manok.

Isang hapon, pagkatapos
magdilig ni Mikoy ng kanilang
tanim, inanyayahan siya ni Baldo na
maglaro ulit sa paborito nilang lugar
sa Saldibar. Pumayag naman ito at
nagpaalam sa kanyang ina.

Sa kanilang paglalakad,
kanilang nadaanan sina Mang Ensio
na may bitbit na mga gamit at Aling
Ruth na karga ang kanilang anak na
si Celine na tila ba may sakit.

Dahil natural na mausisa,
nagtanong si Mikoy. “Mang Ensio,
Mang Ensio! Saan po kayo pupunta
at bakit mukhang matamlay si
Celine?”

“Bigla nalang siya nagkasakit apat na araw na ang lumilipas, hanggang ngayon ‘di pa siya
gumagaling kaya dadalhin na namin siya sa ospital” pag-amin ni Mang Ensio.

“Ha? Apat na araw po? Ang tagal na po pala. At maalala ko lang po, apat na araw na rin po mula
noong nagkita-kita tayo sa paanan ng bundok kung saan kayo’y nangaso ng bayawak” wika ni Mikoy.

“’Di ako sigurado kung anong pinagmulan nito. Wala naman kaming ibang kinain nung araw na
iyon kundi ang pinagsalu-saluhan naming bayawak. Imposibleng ang bayawak ang pinagmulan ng
kanyang karamdaman dahil dati na kaming kumakain ng ganoon. Sanay na sanay na kami”
pagpapaliwanag ni Mang Ensio. “Sige mga bata mauuna na kami” dagdag pa niya.

“Mag-ingat po kayo sa biyahe. Magpagaling ka Celine ha” ani ni Mikoy habang sila’y
kinakawayan.

“Nako Mikoy, sigurado ako nagkasakit si Celine dahil sa pagkain niya ng bayawak” sambit ni
Baldo.

Hindi tumagal ay gumaling si Celine at kanilang nalaman na nagkaroon siya ng impeksyon
sanhi ng parasito mula sa kinain nilang bayawak.

Kinaumagahan, tulad ng dati, pagkagising ay muling tinanaw ni Mikoy ang kabundukan.

“Hmmm…Parang may kulang, parang may hindi tama,” pagtataka niya.
Pinagmasdan ni Mikoy ang paligid at kanyang napagtanto na nabawasan ng mga puno ang
tinititigang bundok sa tuwing umaga at sa gilid ng kalsada ay may isang truck na may kargang mga
troso.

“Huh! Kaya pala” gulantang na nasabi ni Mikoy.

Dali-dali siyang lumabas sa kanilang bahay at nakitang may mga taong nagkukumpulan kasama
ang kanyang mga magulang na tila ba may pinag-uusapan. Sa kanyang pakikinig, napag - alaman
niya na may mga ilegal na nagtotroso sa kanilang lugar sa tuwing gabi.

“Kailangan may gawin tayo upang matigil ang kanilang masamang gawain!” ani ng kanilang
punong barangay.

“Oo nga kapitan, ito na marahil ang dahilan ng unti-unting pag-init at pagbaha sa ating lugar”
sabi naman ng isang taga roon.

“Kaya din pala nagsisibabaan ang mga bayawak mula sa bundok dahil sila ay nabubulabog at
siguro apektado na rin ang kanilang pagkain gawa ng pagkasira ng kabundukan at pagputol ng mga
puno na siyang tahanan ng ibang hayop na maaring kanilang kinakain. Atin namang kinukonsumo
pero nagdadala pala ito ng malubhang sakit, tulad nalang ng nangyari sa anak ni Ensio,” pagsisiwalat
ng isa pa.

“Ngunit kanino tayo dapat dumulog?” tanong ng isang matandang babae.

Sa kalagitnaan ng kanilang pag-uusap, isang boses ng batang lalaki ang kanilang narinig na
nagsabing “Kap! Kap! Baka pwede po sa tangappan po ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na
Yaman o Department of..basta DENR po mas kilala. Minsan na po kasi silang nagpunta sa aming
eskwelahan at pinangaralan kami tungkol sa environment.”

Lumingon lahat sa direksiyon ng boses, aba! Ito pala ay si Mikoy. Ang batang bibo na may
malasakit sa kalikasan.

“Bata, bakit naman sa DENR?” tanong ng matandang babae.
“Tama si Mikoy, sa DENR o Department of Environment and Natural Resources tayo humingi
ng tulong dahil tungkulin nito na pangalagaan at pag-ingatan ang mga likas na yaman ng bansa. Ito
ang ahensyang nagbibigay ng permit sa pagputol ng kahoy dahil hindi ito basta-basta ginagawa”
pagkumpirma ng Punong Barangay.

“Sila din po ang naghuhuli ng mga taong lumalabag sa batas patungkol
sa pagsira at pag-abuso sa kalikasan tulad na lamang po ng paghuli, pagbenta
o pagkain ng wildlife lalo na po ang mga endangered species o mga
pinag-iingatan na hayop upang hindi ito maubos. Isa na dito ang bayawak,”
dagdag pa ng bata na ipinapamalas ang kaalaman sa kagawaran.

“Pasensya na po Kap, sadyang madaldal lang
po ang anak ko,” wika ng ina ni Mikoy na
dali-daling lumapit sa kanya upang siya sana ay
pauwiin.

“Hindi naman, ayos lang. Lahat naman ng
kanyang nasambit ay tama at may katuturan.
Napakatalino nga ng anak mo Maria eh,” papuri
naman ng punong barangay. “Oh siya! mga
kabarangay, kami ay magtutungo sa DENR upang
ilapit ang ating problema,” pagdadagdag niya.

Nagsiuwian ang mga tao na may ngiti sa kanilang mga mukha na tila ba wari nila na mabibigyan
ng solusyon ang kanilang hinaing.

Kinarga si Mikoy ng kanyang ama at masaya silang pamilya na nagtungo sa kanilang tahanan.
“Ang galing naman ng anak ko mana talaga sa akin,” ani ng kanyang ama habang naglalakad.

Kalauna’y ang punong barangay at kasamahan nito ay nagpunta sa nasabing kagawaran at
nalutas nga ang kanilang inilapit na problema.

Dumalaw din ang ilang tauhan ng DENR at inanyayahan ang buong barangay, bata man o
matanda, na makinig sa ipapamahagi nilang kaalaman tungkol sa iba’t-ibang serbisyo ng
departamento at kung paano alagaan ang kapaligiran at mga natatangi nitong yaman gayundin ang
mga hayop. Kanilang ipinaalam na may karampatang parusa din ang pagsira o pagabuso sa mga ito.

Napalawig ang kaalaman at patuloy na pinangalagaan ang kalikasan sa kanilang nasasakupan at likas
nitong yaman. Masayang-masaya sila lalo na si Mikoy dahil unti-unti nang nanumbalik ang dating
kasaganaan ng kapaligiran at nabawasan ang mga sakuna sa kanilang lugar.

“Tunay nga!” wika ni Mikoy sa kanyang mga kalaro. “Tunay nga na kapag inalagaan natin ang
kalikasan ay tayo din aalagaan niya at lahat pala ng bagay sa mundo ay magkakaugnay dahil-”
pagtatanto ng bata.

“IKAW, AKO, TAYO ANG KALIKASAN” sabay-sabay na sambit ng mga bata na masayang
naglilibang sa paanan ng bundok- ang kanilang paboritong lugar sa Saldibar.


Click to View FlipBook Version