Literary Portfolio Mga Akda ni Zildjian Alfred C. Junio mula sa BFE II-4
Paunang Salita Niyebe sa disyerto kung maging letra ang mga nais pakawalan ng aking kaisipan. Sa pagkakataong ito, nabuo ang kalipunan ng mga tulang nag-ugat sa sariling pagninilay at pagdaramdam. ibinabahagi ng mapaglarong isipan ang mga pinaglaruang mga salitang hindi lamang tugma sa isa't isa gayundin ang salamin sa lente ng manunulat. Higit sa pagiging proyekto ang layunin ng kalipunan ng mga tulang ito. Maituturing ko ito bilang isang paglalakbay sa bawat baybay patungo sa kung sinong makatanggap ng mensahe. Nawa'y makapulot ng hiwaga sa bawat likha. - zild
Akit, Sakit Kay ganda ng lampara Humaling ang dinala Tanglaw tulad ng tala Maaabot ba kaya? Babasagi'y yumakap Salamin, alitaptap Pikit bulag ang mata't 'Di alintana't sayad Himbing damhin mainit Babala saglit lapit Pusok pigiling impit Patuloy lumalapit Kaakit-akit ilaw Napaso pakpak akay Humaling kunsabagay Nag-iisang agapay Porselanang Karapatan Konstruktibong dalisay Binuong manalaytay Posas na limitahan Nais kababaihan Ihanda ang sarili Porselanang mabasag Haplos damhin at huni Hinuhugot sa tadyang Halimuyak bulaklak Sa hangi'y umiindak Patriyarkal 'di sindak Katawang aking hawak Kalawangin na kamay 'Di na muling sasakal Kamay na nagmamahal Babae ka't di lamang
Tsubibo Yaring prusisyon kung magkumpulan Ang mga matang bulag na sunud-sunuran Haplos ng palad ng halang yaong sa ginintuan Marumi ang kamay pero taas-noo ang pagpugay Kunsabagay ang rebulto ni Ponsyo Pilato Sakay ng karwahe't tila makinis na santo Sa taas ng presyo ng bigas at krudo Tahimik sa inaanay na palasyo Naulit nanaman ang t-shirt, pamaypay at boler Trapal na may mukha ng kung sino sa pader Nakasulat ang ngalan, numero at pangako Naiiwan lang naman sa pader na nakapako Paulit-ulit ang mantra "Para sa mahihirap" Umaani ng habag sa kapos sa hapag Dekada lumipas at iisang angkan Nakakapit sa manipis na sinulid ng laylayan At ang ihaharap sa'yo ay bala Tagos sa kaibuturan hanggang kaluluwa Binubutas ang dila ng matang nakakita Pasensya na po "Nanlaban kasi sila"
Tsubibo Hindi ako dapat natutuwa Kasi buhay ang nilustay ng diktadura Pero anong pasensya ba ang dala-dala'y Mula ba sa konsesya o biskwit sa lamay? "There's always a rainbow after the rain." Tama naman kasi matapos bumagyo Samu't saring kulay ang nakalagay sa ayuda niyo Mula kay kaibigan, kapatid, kapuso, kabaro Hanggang dyan lamang siguro ang kaya sa termino At least nakatikim ng malasakit, ginhawa at lakas Lasang 3-in-1 na kape, biskwit, gatas at bigas Galing sa masipag maghugas Ng kamay sa balong aapula sa ningas Ang naalala sa kanila ay mukha, apilyedo at budots Makakalimutan ang pangakong naudlot Aligagang naghahanap ng salbabida sa sapa Tabang ng tubig, tabang sa buwaya Mauulit nanaman paglipas ng halalan Puno nanaman ng karatula ang daan Siklong tsubibo lulan ang mga bibo Sa araw na kailangan lang nila kayo
Kulayaan Pula ang kulay ng nag-aalab na pakikibaka Puntirya ang makinaryang bunga ng diktadura Lason na tumatapal sa bibig ng demokrasya Pilit na binabago ang kahulugan ng pag-aalsa Peke ang simpatyang mala-bolo Tagos sa papel na nailimbag ng kahapon Inaagos ang totoo Inaalon ng misimpormasyon Asul, ang hangad na katarungan Ang mga tumuklas na hindi natuklasan Kontrolado ng pisi ang kamay ng halang Bigyang-tamis man ang alinsangan ng lansangan Hindi mananalo ang rebisa sa hinagpis ng bayan Dahil ang puti, ang humahatak sa atin Pababa sa lupang buhay ang itinatanim Ang ugat ng pinagkukunan ng kinakain Mula sa mga matang hindi bulag Mga paa na hindi tamad Binabawi't binabaon sa putikan Buhay ang siyang pinupuhunan
Kulayaan Ang dilaw na mitsa ng pang-aangkin Lahat ng bagay sa kalupaan ay siyang atin Sulo na tanda ng liwanag ng bukas Sinag na hindi kumukupas Pag-aaklas ng puso sa kinakalawang na tanikala Pluma ang sandata't bala ang tinta Matutuklasan ang kulay na nagkukubli Huli ang kayumanggi Kayo mang ginambala Kayo mang ginipit Kayo mang ginitil Kayo mang giginhawa Yumayabong mala-maya Manunumpa sa watawat ng bansa Ilalaban ang kapangyarihan ng mamamayan Kalayaan sa sumusubok na sulasok ng kasaysayan
Paglaom Pinintahan yaring bayan Kahabaan ng 'sang daan Iba-ibang mga mukha Iba-ibang nagmumula Ilang taong inipon ang Lakas ng pagmamahalan Kapit-bisig, yakap, himig Kumpol ng rosas at tinik Damang salitang paglaom Aasang sugat mahilom Ng halimuyak ng rosas Tumitindig hanggang wakas Dinastiya'y nanumbalik Kasaysayan, nanganganib Kaisa ng milyon - milyon Tindig, laban natin ngayon Sa Kape Mauuwi Maulan, kauuwi lang Baha nanaman sa daan Walang bago sa dyip siksik 'Kamahal ng Grab sa gipit Isang kalinga sa lamig Mag-iinit ka ng tubig Kukuha ng gunting tsaka Buk'san ang kape sa tetra Umuusok, yumayakap Panandaliang kay sarap Matapos tatlong oras na Sa kalye'y pakikidigma Ginhawa, tuhod na ngalay Pahinga, kumapit kamay Diretso, likod baluktot Sikmura, kape, nanuot
Tagpo ng Buhangin at Alon Inip at bagot na naghihintay ng oras Baliktad sa along kalmadong pagaspas Umiindak ang isip, sabay sa hangin Sa gitna ng kawalan malayong tingin Naglalarong kahel at lila sa langit Tanda ng pagtatapos ng paghihintay Nagbabadya nanamang umula't impit Umaasang dadaong barkong siyang sakay Patunay iniwang kabibeng pulseras Saksi ang buntalang malimit pa sa ulan Hangga't may kinang sa ilalim ng buwan Ningas ng oras tuloy ang pag-aalab Basta may alon ang dagat may paglaum Aasang sagipin sa sariling isla Kaisang diyamanteng naiwan sa baul Madilim pero makinang pa rin siya
Distansya Samu't sari ang porma ng pagmamahal Minsana'y kilig, minsana'y nauutal 'Di magkandamayaw ang nararamdaman Sa D'yos, pamilya, kaibigan man o bayan Malimit din ang hindi pangkaraniwan Tipong nakatitig lamang sa kawalan Nananalangin na sana maayos ka Ganito ang pagmamahal sa distansya Malimit pa sa nag-aalab na buntala Kung magtapat ang mga kristal na mata Tahimik ngunit nangingiusap ito Nakakabingi kahit bibig sarado Kasapatan na ang humiling sa langit "Sana maayos ka lang" ang aking sambit Kung pahintulutan ng mga bathala Simulan ang una nating kabanata Sa ngayon narito na lamang sa tabi Walang pangangamba sa ating pag-ibig Hindi babalutin ng takot ang puso Wala mang simula, wala rin mang dulo
Bata Bata Maling Akala Sumapit ang panahong lahat tayo nakaapak sa iisang lupa Pinatigil ang oras ng kalabang 'di makita Hindi alintana ang anumang banta Nakababahala sa kalagayang masa ng bansa Isang batang inosenteng nasa paaralan Natuwa sa suspensyon ng ilang linggo lamang Nakatungtong pa rin sa pisi ng tyansang hindi maging biktima ng kapalpakan Walang bakas ng pag-aalinlangan Ang solusyon pala rito ay magpagawa ng hindi totoong likas na yaman Mula sa sinasamantala nilang perang siyang naglalayo ng kanilang paa Gusto lang naman ng bata ang mag-aral pa Mabagal lang ang internet at ang gadget ay mahal Nakakabagot humarap sa blokeng nagpapabaga ng kaniyang mata Nakikinig sa guro habang nakikisali ang mga manok, ang kapitbahay na nag-aaway Hindi man nakikipagsapalan sa kalyeng maingay Walang pagbabago ang kalagayan niya
Bata Bata Maling Akala Hindi pa rin nagbabagong bihis ang kalye Siksikan pa rin sa biyahe Ang taas-taas ng presyo ng pamasahe Wala 'e komyuter ka kasi Ultimo sardinas sa lata kung magdikitan Sa'yo pa ang sisi kapag nagkasakitan Sa sugal ng oras at pagod sa kalbaryong komyuter Kaiba sa pagharap sa kompyuter Mas lalo 'pag kaharap ang pigura sa telebisyon Hatinggabi kung magmura't animo'y lulong Hindi na naman na 'to bago Anim na taong kabastusan ni berdugo Lahat ito'y normal pa man noon pa Walang pagkakaiba pero mas lalong lumalala Buntong hininga ka muna Tapos sambit "May pag-asa pa ba?"
Bata Bata Maling Akala Ang tunay na sakit ng bansa Ang pisi ng disimpormasyon Nagtutulak sa taong hindi maniwala sa pandemya Pandemya ng COVID-19 at historical distortion Pero mali pala ang bata Maling mga paniniwala Hindi tayong lahat nakaapak sa iisang lupa May ibang nakaaangat at nakalilipad pa Kinukunsinte at pinapaboran Apektado ng krisis ang lahat Pero hindi lahat nag-aagaw buhay Hindi lahat isang hakbang na lang sa hukay
Gusto Ko Magsulat ng Tula Gusto ko magsulat ng tula Hindi ako mapakali kaiisip ng paksa Tugma ba ang letra, malalim ba ang salita? Binibigkas ng masisinan ang A Ba Ka Da Lumabas ako ng bahay Aba'y ang bayan puno ng kulay Sinulat ang tugma ng rosas at posas Dahil ang bulaklak nangangamoy sa likod ng mga rehas Nakadidismaya! Gusto ko talaga magsulat ng tula Inspirasyon hindi pa rin nagpapakita Naglalaro na ang kahel at lila Naglalaro pa rin ang mga bata Dinig ang mga yabag at lata Tumbang preso'y laro lamang sa kanila Ayon may naghahabulan ang mag-asawa Tsk! Tsk! Gabi-gabing animo'y telenovela Pikit-bulag ang mga matatanda Anong lilipad mamayang kinaumagahan? Mga salitang ani kagabi ang almusal nanaman? Buti pa sila araw-araw may paksa Ako? Gusto ko lang naman magsulat ng tula!
Gusto Ko Magsulat ng Tula Linga sa kanan, linga sa kaliwa Hala! Dinig ko ang sabi-sabi Pumatol daw 'tol 'E 'di putok ang hatol Putok? Hindi ba't maasim iyon? Pero bakit malansa Amoy isda ang swabeng nakapostura Nilisan ang nililinis na tinugis Ewan narinig ko lang ang putaragis Saan? Kanino? 'E 'di sa telebisyon Sabi ni mama, State of the Nation? Ano 'yon? Basta matanda, nakabarong Bakal! Bote! Sirang appliances oy! Halos na paos na sigaw ni Renren palaboy Tulak ang mabigat na kariton Paano ba naman si Mang Elmer 'di magtagal sa trabaho maski taon. Umiling ako't nawalan ng gana Pero hindi inaasahan Mga puso naglipana Nariyan ang ex kong si Ana Puso? Hindi 'a sabi ko'y Tuso Sayang ang pag-ibig na paksa Kung hindi ka lang tinuhog ng madla Binasa ko muli ang sinulat na mga letra Binigkas ang tugma Pag-ibig na sawi't nasira Makalalaya Gusto ko magsulat ng tula.
Anino Lamang Halos hindi makakita't mabingi sa dilim at huni ng mga kulisap Hindi masilayan ang mga alitaptap na bitbit ang ating mga pinapangarap Inaantabayanan ang isa't isa sa maliit na espasyo Kinakain ng katahimikan ang tuliro Kinukulong ang mga salita sa ating sarili Hindi maipadala ang ating mensahe Bilang ang bawat kabog ng mga puso Sinisigaw ang pangalan mo Saksi ang dilim sa ritmong binabagtas ng damdamin Putol ang mga dila natin Kakarampot na lang ang natira sa pisi Mapuputol na ang pasensya ko kasi Bakit ganito ako pagdating sa iyo? Isang anino mo lamang na may pakiramdam Binabalot ng mga agam-agam Sa ganito lang naman kuntento
Anino Lamang Ang salbabidang nagpapalutang ng aking nais Sa dagat mula sa sariling paghihinagpis Kahit na nalulunod na ako Sa alak ng pag-ibig ko sa'yo Umaasang pagtulog magkikita sa panaginip Kahit man lang doon masilip Pag-ibig nating walang hanggan Doon lang nagkakaroon ng tapang Sa kape na lang umaahon Ginigising ang duwag na puso Bumabangon para sa'yo Na iba ang rason para bumangon
Banta Naghihiwalay sa iba Patunay ng pagkilala Wika nating Filipino Nagbubuklod sa sanlibo Sanga-sangang nagmumula Sa 'sang pamilyang pangwika Yumayakap sa kultura 'Sang kayamanan ng bansa Kababaan man ang turing Liwanag natin sa dilim Ang nagtutulay ng batas Isang karaniwang tatas Nawa ay hindi alisin Midyum ng Instruksyon natin Sa paaralan anihin Karunungang hatid sa'tin At intelektwalisasyon Nararapat ay isulong Ihatid ang akademya Na edukasyong pang-masa Wikang Filipino'y ginto Ang halaga ay buhay Gamitin, paunlarin mo Filipino, Pilipino
Saksing Mga Letra Dati sa libro lamang ay nasaksihan Karumal-dumal na pagkitil sa tangka Nabasa mga salita na pruweba Pagyurok sa demokrasya, karapatan Tunay na karumal-dumal ang nangyari Dalawampu't isang taong nanatili Ng pamilyang madugo ang kasaysayan Lumipas na ang dekadang pagpapanggap Umaagos sa'tin ang disimpormasyon Maraming nalunod at nagpati-anod Hindi makapaniwala sa desisyon Niluklok, nakabalik pa sa posisyon Iba man sa noon pero isang dugo Hinuhulma ng kaluluwang berdugo Pilit binabaon at itinatago Kasaysayang dapat manatiling libro Naka-upo muling apilyedo'y Marcos Tandang hindi pa magtatapos ang unos Sunugin, busalan ang mga aklatan Inukit ng panahon ang kasaysayan Binuklod ng mga lumaban ang boses Na kailanma'y hindi na mananahimik Hangga't hustisya ay ating makakamit Kalapastanganan at sagarang ganid
Sawsawan ng Kwek-Kwek Lagi't lagi akong dumaraan sa kalyeng sagrado Sagrado kung ituring ng ibang pinana ni kupido Saksi ang mga mata ko sa nabubuong pag-iibigan Hindi rin nakatatakas sa mga expired na ang landian Sabi nila baka raw kako ako ay mainggit Maiinggit pa ba ako kung pabagsak na sa kurso Hulas na ang mukha ko't mga mata'y naniningkit Matapos ang araw ng eskwela mainit na kwek-kwek na lang ang gusto ko Bawat gabing nasisilayan ang mga ibong magkapares Hindi nakatutulong ang kinakain kong pares Nagiging matabang ang lasa nito tulad ng nararamdaman ko Tuwing nakikita ang mga lampungan sa kanto Hindi ako takot sadyang ayaw ko lang talaga Sapat na sa'kin ang eskuwala sa halip na pana Kuntento na ako sa pagiging mag-isa Pagod na ako sa eskuwela may idadagdag pa ba? Nagbago ang lahat ng ito dahil sa buwan Habang kumakain ako ng fishball bumangga ang katawan Natapunan ang uniporme kong maputi pa sa buhok ng propesor Mula n'on nagkikita na tayo sa koridor
Sawsawan ng Kwek-Kwek Siguro aaminin ko na takot na talaga ako Hindi ko kayang magbitiw ng salitang alam kong tatalunin lang rin ako Naging paborito ko ang eksam dahil sa pagpapasa ng papel Nagtatagpo ang ating kamay at sapat na ito sa'kin Naalala ko pa noon sa study session may dala kang dunkin na choco wacko Humingi ako kasi nagugutom na rin ako Inilayo mo ito sa kamay ko sabay sambit "Hindi para sa iyo 'to." Akala ko akin kasi iyon din kasi ang aking paborito Mula noon nakatili na ang iyong pisi sa iba Bihira na rin tayo magkita Kung minsana'y siya ang iyong bukambibig Lintek na pag-ibig Inisip ko na baka sa kwek-kwekan Ang uniporme ko'y matatapunan Magsisimula nanaman kumislap ang dibdib Hihinto muli ang mundo sa pagtitig Kung kailan may lakas ako ng loob Siya ring pagpalaot Nanumbalik nanaman ang dating pakiramdam Sapat na ang dumistansya't ipanalangin na lang
Pasmado Komyuter ako Sa mrt gumigitgit Sa bus ipit na ipit Sa jeep sumasabit Kumakapit Hindi kailanman dumulas ang kamay ko Komyuter din ba ako sa'yo? Gumigitgit sa espasyo Hinahabol ang oras mo Baka kasi siksikan na mamaya Pero pasmado ka Kumapit man ako Kumakapit ako sa wala Load Wala akong load Para i-text ka Magdata para makita ang iyong mukha Tumawag para marinig kita Wala ka ring load Para magtext ka Para magdata Para tumawag sana Wala tayong load Para isa't isa Kasi May nakababasa na ng text mo May nakakadinig na ng boses mo May kasama ka ng ibang mukha sa litrato Kaya para saan pa Ang load kung paso na
Maselan Maraming ipinagbabawal sa'kin Tipong mag-iinit ang balat Babakat ang mga nagmamarkang lapat Kapag hindi puwede ang pagkain Maselan Ultimo mainit na gatas sa umaga Mag-aalburoto ang bulkan Hindi mapipigilan ang pagragasa Maselan Naalala ko pa ang mga salita Nagpapadugo ng aking tainga Kapag pilit mong isinasawalang-bahala Mapapalitan ng tinta ng pluma Ayoko kasing sinasabihan akong sensitibo Maliliit na bagay pinalolobo Kibit-balikat na lang daw para 'di lumaki Lumalala lang ang pamamaga ng bibig Maselan Kapag may kaunting aberya ang tren Pasensya na lang tipirin Ginagawa naman nila ang lahat Kaya bilang komyuter magtiis ka't 'wag atat
Maselan Maselan Mataas ang presyo ng bilihin sa merkado Kulang ang kayod kalabaw na serbisyo Hindi sumasapat ang pagod Mababa pa rin ang sahod Maselan Huwag pakikielamanan Ang sabi ng iilan sa tumutugis sa pamahalaan Humihingi ng maka-masang ulan Didilig sa butil ng pagyabong nating lahat Kaya tawagin na nilang maselan Ito ang dahilan ng paglaban Kaselanan ng kritisismo Dahil ang maliit na bagay minsanang magpapabago
Gulong ng Palad Kung nanaisin ng palad Hindi na magiging hubad Isusuot ang korona Pagkakaako ang tanda Kung nanaisin ng palad Hindi na magiging huwad Aaminin sa sarili Ang mga kaya at hindi Kung nanaisin ng palad Hindi na magiging habag Tatanggapin ang sarili Malakas ka man o hindi Kung nanaisin ng palad Hindi aasa ang hapag Uukit ng kapalaran Nang naaayon sa kamay
Bulalakaw Isang bulalakaw / siyang 'di umaayaw Bituing alpas ka't / lumalaya't igpaw Tumitingkad ningas / liwanag na pantas Tuloy ang pangarap / puso'y nag-aalab Matarik ang daan / paglaom s'yang lulan Susubok-subukan / langit ma'y lumamlam Malakas mang ihip / indakang lawiswis Susulat ng titik / gamit plumang hitik Harapin mang dagok / danasi'y malugmok Tatag lang ng loob / puksain ang poot Hanapin ang kulay / lumikha nang husay Hindi malulumbay / tuloy rin ang buhay Hintay ilang taon / tumuon sa ngayon Masuot ang barong / hawakan ang kahoy Kakanta't panata / damhin ang salita Ginto man ay wala / sambit ko ay nawa Itaas ang noo / pagpugay sa sulo Palatandaan n'yo / ugat ng serbisyo Hihiling sa taas / ang nais ng palad Sumulat, magmulat / magkuwento't hikayat
nagmamahal, Hinehele ng pagaspas ng hangin Tinatanaw ang hangganang mararating Masugid na kinikilatis ang damdamin Inaalam kung may magdurugtong pa sa'tin Makabuluhang nalalabing oras Narating ang huling bantas Mahinahon ang dibdib Kalmadong mga titig Mahalagang hindi malimot Nakaukit sa batong nilulumot Patunay na siyang pag-iral Bakas ang naiwang pagmamahal Para sa kaniyang nagdala Tumingin sa buwan nang maalala Mga titik na kinimkiim sa piyesa Higit pa sa sanlibong salita Hindi man masambit ng bibig Nangingiusap ang mga titig Kalingang hindi matumbasan Lubusang pinasasalamatan
nagmamahal, Para sa kaniyang munting araw Hatid ang saya na nag-uumapaw Liwanag sa lente ng buhay Palagiang umaagapay Bawat malakas halakhak Bawat luhang pumapatak Matibay na kabalikat Walang hanggang pasasalamat Para sa kanilang kasama Unos man o ginahawa Dalangin ko'y sana Manatili sa alaala Alaalang nararapat na alalahanin Kung mabuti ba o dapat kalimutan Tangi kong hangarin Pagsasamang mabunga ay natupad
nagmamahal, Para sa'yong matibay 'Di inakalang binaybay Sabay nating natuklasan Ang pinto ng kinabukasan Mala-buwan na mata Porselanang mga balat Higit na karapatdapat Mamuhay kang masaya Iyong ngiti'y naka-imprenta Hindi maalis sa mga mukha Humihiling sa mga tala Magtagal ang pagsasama Para sa taong piniling manatili Isa lang ang tanging minimithi Magpatuloy ka't maniwala Isa kang likhang obra
nagmamahal, Oras na para humingi ng patawad Hindi man makalimot, magpapatawad Patawari'y hindi inaasam Hinanakit ang iiwan bago ang paglisan Paglaruan ka man ng panahon Lamunin ng agos at 'di makaahon Palagi't patuloy na magmahal Nagmamahal, Zild "Kinaya, kinakaya, kakayanin..."